"At naparito si Juan na isinugo ng Diyos upang magpatotoo sa mga tao patungkol sa ilaw at upang ang lahat ay sumampalataya dito. Hindi siya ang ilaw subalit naparito siya upang magpatotoo patungkol sa ilaw. Ang mga pinuno ng mga Judio sa Jerusalem ay nagsugo ng ilang paring Judio at Levita upang itanong kay Juan kung sino nga ba siya. Hindi nagkaila si Juan; sa halip ay maliwanag niyang sinabi, Hindi ako ang Cristo. Sino ka kung gayon? tanong nila. Ikaw ba si Elias? Hindi ako si Elias, tugon niya. Ikaw ba ang Propeta? Sumagot siya, Hindi rin. Sino ka kung gayon? Sabihin mo kung sino ka upang may masabi naman kami sa mga nagsugo sa amin. Ano ang masasabi mo tungkol sa iyong sarili? tanong nilang muli. Sumagot si Juan sa pamamagitan ng pangungusap mula sa aklat ni Propeta Isaias, "Ako ang tinig ng isang taong sumisigaw sa ilang, Tuwirin ninyo ang daraanan ng Panginoon." Ang mga nagtanong ay sugo ng mga Pariseo. Muli nilang tinanong si Juan, Bakit ka nagbabautismo, gayong hindi naman pala ikaw ang Cristo, o si Elias, o ang Propeta? Sumagot si Juan, Ako'y nagbabautismo sa tubig, ngunit nasa inyong kalagitnaan ang isang hindi ninyo nakikilala. Darating siyang kasunod ko subalit hindi man lamang ako karapat-dapat na magkalag ng sintas ng kanyang sandalyas. Ang mga ito'y nangyari sa Bethania, sa silangan ng Ilog Jordan na pinagbabautismuhan ni Juan. - Juan 1:6-8; 19-28 (ABMBB)
"Alam mo, may magandang nangyari sa akin, gusto mo ikuwento ko?" Ang pangungusap na ito ay ginamit namin sa aming seminar ng mga Lectors sa pangunguna ng aming Kura Paroko noon. Sapagkat nais niyang ipakita sa amin kung paano namin dapat ipahayag ang aming binabasang pangungusap sa bawat pagbasang aming binabasa sa misa. Ika nga'y ang expression o paraan ng aming pagbasa. May ilan na sinubukan itong basahin, may iba na may kulang sa energy, di raw kumain, may iba na parang malamya na di maramdaman ang pagbasa nito. Ipinaliwanag sa amin sa seminar na iyon, na bilang isang Lector o tagabasa ng Salita ng Diyos, marapat na basahin ito ng may dangal at paggalang. Sapagkat ang ipinapahayag namin ay ang Salita ng Diyos na nadudulot ng pag-asa at galak sa bawat makikinig nito. Sa aking pagninilay ko sa katagang ito at sa ibinahagi sa amin ng aming butihing kura, ay napagtanto ko sa aking sarili, "Anong dulot sa akin ng Salitang binabasa ko?" "Ang bawat salitang ibinabahagi ko ba ay nagdudulot ng galak at lakas sa bawat makikinig nito?" "Naibabahagi ko ba ang salita sa bawat tao, kahit na ito at tila hindi nila batid ang sayang dulot nito, bunga ng pagiging masyadong abala kung paano ba tayo magiging matagumpay at magtamo ng mariwasang buhay sa mundong ito sa gitna ng kahirapan?" Ito'y isang naging hamon sa akin upang mas lalo pang lumalim dito at tanggapin ng may galak, sapagkat ang kanyang salita ay nagdudulot ng kasiyahan at kapayapaan sa ating buhay, kung susundin ito at gayon na rin sa iba na mababahaginan nito.
Ngayong Ikatlong Linggong ito ng Adbiyento, ay tinatawag na Gaudete Sunday o Linggo ng Pagsasaya. Sa lingong ito, ay buong galak na ipinagdiriwang ng simbahan ang kagalakan ng nalalapit na kapaskuhan, di lamang dahil sa galak na dulot ng panahong ito, kundi, ay ang kagalakan ng bayan ng Diyos, dahil ang kaligtasang inaasam nila ay nalalapit na at natupad ito sa kanyang anak, ang ating Panginoong Jesu-Cristo, na siyang tutubos at magliligtas sa kanila. Sa ating Ebanghelyo ngayon, ay matutunghayan natin sa Ebanghelyo ni San Juan ang pangangaral ni San Juan Bautista sa bayang Israel, upang magpatotoo sa liwanag na inaasam ng bayan ng Diyos. Dahil noong panahong iyon, dahil sa labis na pagkakasala ng bayang Israel, ay nabighag sila ng mga ibang bansa na umalipin sa kanila. At sa wari nila'y pinabayaan sila ng Diyos at sila'y itinakwil niya. Kung kaya, sa pamamagitan ng mga propeta, ay inaliw sila ng Diyos sa pamamagitan ng pangakong tagapagligtas na tutubos sa kanila at muling maghahari ang kapayapaan sa bayang Israel. Ito ang papel na ginapanan ni San Juan Bautista na ihanda ang Bayang Israel sa pagdating kanyang manunubos sa pamamagitan ng pagsisi at pagbabalik loob. Tinanong siya ng mga Saserdote at mga Levita kung siya ba ang pangakong tagapagligtas o mesiyas. Mariing sinagot ni San Juan na siya lamang ay tagapagpatotoo ng inaantay na mesiyas ng bayang Israel. Malinaw na ipinapakita niya sa kanyang pangangaral na sa pagdating ng manunubos, ay nararapat laang na ihanda nila ang kanlang sarili sa kanyang pagdating,upang sa gayon ay madali nilang matanggap ang galak at pag-asa ng dulot ng manunubos sa kanilang lahat. Ang pangangaral na ito ni San Juan tungkol sa manunubos na kanyang pinatotohanan ay masasalamin natin sa Unang Pagbasa kay Propeta Isaias na nagpapakita ng gampanin ng ipinangakong tagapagligtas sa pamamagitan ng kanyang pangangaral na siyang magpapalaya sa mga bilanggo at maging tagahilom ng sugatang puso dulot ng kasalanan, magbigay kagalakan sa mga aba. Ang hulang ito ng propeta ay natupad sa ating Panginoong Jesu-Cristo sa pamamagitan ng kanyang mga gawa at pangangaral. Sa kanyang pangangaral at paglilingkod, ay mahahayag sa bayang ito ang kahanga-hangang gawa ng Diyos sa pamamagitan niya, at magpupuri at luluwalhatiin ang Diyos na nagligtas sa kanila. Ang kaligtasang ito ay masasalamin sa awit ng Mahal na Birheng Maria sa ating Salmong Tugunan, na nagagalak siya sa pagliligtas ng Diyos sa kanila, sa pamamagitan ng pagkakatawang-tao ni Jesus, ay magkakaroon ng katarungan sa bayang Israel at nagpapakitang di sila nilimot ng Diyos sa kanilang kadustaan,at ang sa kanila'y umapi ay magagapi,dahilsapagdating ng manunubos. Sa Ikalawang Pagbasa, ipinapayo ni San Pablo sa mga kristiyanong nasa Filipos na magalak sila sa kanilang buhay, palaging manalangin, gawin ang mabuti, at umiwas sa masama. Sapagkat ang ganitong gawain ay pagpapakita ng ating paghahanda sa kanyang pagliligtas sa atin, ang pagtatamo ng buhay na walang hanggan. Kung kaya ipinapayo sa huli ni San Pablo na panatilihin natin ang pagiging malinis sa lahat ng pagkakataon, upang maratnan niya tayong karapat-dapat.
Nawa'y maging hamon ang Linggong ito ng Adbiyento sa ating lahat na lubos na nananabik sa pagdating ng ating tagapagligtas. Ang kagalakang ito na ating ipinagdiriwang sa panahong ito ay maging daan upang ang bawat isa sa atin ay maging tulad ni San Juan Bautista na handang magbahagi ng galak at pag-asa sa bawat taong makakasalamuha natin, na magdudulot ng galaka at pag-asa sa mga pusong namimighati, namamanglaw dahil sa mga pagsubok at mga pangyayari sa ating kapaligiran. Nawa kapatid, ay buong galak nating sambitin ang tanong na iniwan sa amin ng aming butihing kura sa lahat ng tao, "Alam mo, may magandang nangyari sa akin, gusto mo ikuwento ko?"