Saturday, June 18, 2011

Iisang Hangarin Para Sa Iisang Layunin (Dakilang Kapistahan ng Tatlong Persona Sa Iisang Diyos, Taon A)

"Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan, kaya't ibinigay niya ang kanyang kaisa-isang Anak, upang ang sinumang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan. 17 Isinugo ng Diyos ang kanyang Anak, hindi upang hatulang maparusahan ang mga tao, kundi upang iligtas ang mga ito sa pamamagitan niya. Hindi hinahatulang maparusahan ang sumasampalataya sa Anak. Ngunit hinatulan na ang hindi sumasampalataya, sapagkat hindi siya sumampalataya sa kaisa-isang Anak ng Diyos" - Juan 3:16-18 (ABMBB)

Sa isang grupo o organisasyon, ay mapapansin nating laging may layunin ang bawat grupo o organisasyong itinayo. Ito ay nagpapakilala kung anong klaseng damdamin, naisin ng bawat grupo. Upang maisakatuparan ang kanilang mithiin, ay kinakailangang magkakasing-diwa ang bawat miyembro o kaanib nito. Kapag ang isa o dalawang miyembro ay hindi nakiisa o iba ang layunin na taliwas sa layunin ng grupo, ang gawain o ang isang adikhain ay hindi maisasakatuparan. Manapa'y magdudulot ito ng pagkakasira, pagkakawatak-watak ng grupo, hanggang sa mawala at maghiwa-hiwalay na ang kasapi nito. Naalala ko tuloy ang palaging pangaral sa amin ng aming formator sa seminaryo noon. Kami ay naihahalintulad sa mga ting-ting sa walis, kapag nag-iisa, di nakakalinis. Ngunit kapag pinagsama-sama, kahit gaano man katindi ang kalat, kayang-kayang linisin. Dahil nagkakaisa ng layunin at hangarin. Kung tataglayin namin ang ganyang kaisipan, kahit anong pagsubok at hamon sa bawat isa sa amin, ay aming malalagpasan. Dahil sa nag-iisang layuning maglingkod sa kanya. Kung may isa sa amin na iba ang layunin ng pagpasok sa seminaryo, ay mag-sip-isip, dahil, ito ang maaring makasira ng bokasyon ng aming kasama, at nawawala ang diwang kusang loob na paglilingkod sa Diyos at sa kapwa.

Ang pagtataglay ng ganitong kaisipan ay ipinapakita sa atin ng Diyos sa atin ngayong ipinagdiriwang natin ang Dakilang Kapistahan ng Tatlong Persona sa Iisang Diyos ngayong Linggong ito. Bagaman maraming paliwanag ang ibinibigay ng mga teologo ukol dito, ay narito pa rin ang pagtanggap natin sa pananampalatayang ito. Dahil nalalaman natin ang kanilang persona, ay parehong mahalaga ang kanilang papel na ginampanan para sa ating kaligtasan. Ang Diyos Ama ang lumikha sa atin, at ng lahat ng bagay rito sa mundo. Siya ang mapagmahal at makatarungang Diyos na handang maggawad ng hatol sa bawat isa, mabuti man ito o masama. Dahil sa pagkakasala ng tao, ay ipinadala niya ang kanyang bugtong na anak, hindi lang upang iligtas ang sangkatauhan, kundi ipakita ang larawan ng pagmamahal ng Diyos na nakikita sa kanyang mga pananalita at kilos. At sa kanyang pagbabalik, sa Ama, ay ipinadala nya ang Banal na Espiritu, upang magpaalala sa kanila na ng lahat ng itinuro ni Jesus sa kanila, bilang mang-aaliw na kanilang masasandigan sa panahon ng kagipitan at kalakasan sa panahon ng pag-uusig.

Nagkakaisa ang Banal na Isangtatlo sa iisang hangarin nila at layunin: Ang Maligtas ang Lahat ng Tao at Makaalam ng Katotohanan (1 Timoteo 2:3 MBB). Katotohanang ang bawat isa sa atin ay nilalang ng Diyos, at ito ay dahil sa kanyang masidhing pagmamahal sa ating lahat. Lahat tayo ay minamahal ng Diyos. Anuman ang ating pinagdaanan, kultura at lahing kinabibilangan. Kahit ano pa man ang tingin sa atin ng iba, ay pantay-pantay ang pagtingin ng Diyos sa atin Pantay-pantay sa kanyang pagmamahal. Ito ang ipinapakita sa atin ng mga pagbasa ngayon. Sa Ating Unang Pagbasa, ay makikita natin si Moises na umakyat sa bundok ng Sinai upang makipagkita sa Diyos. Dito ipinahayag ng Diyos ang kanyang sarili na siya ay mapagmahal at maunawain. Bagaman siya ay nagagalit, nangingibabaw pa rin  ang kanyang pagmamahal sa lahat. Kung kaya ay isinamo ni Moises na samahan niya ang bayang Israel kahit na sila ay makasalanan. Dahil nalalaman ni Moises na dahil sa habag at kalinga ng Diyos, ay nakakaligtas sila sa mga panganib, at nararamdaman nila ang pagdamay ng Diyos sa kanila, kahit sila ay makasalanan. Ang ganitong kagandahang loob ng Diyos ay ating makikita sa ating Ebanghelyo na ang pag-ibig ng Diyos ay nahayag sa lahat nang pagkaloob sa atin ang bugtong niyang anak upang maligtas ang lahat sa pamamagitan ng  pagsampalataya sa kanya. Ang sinumang hindi tumanggap sa kanya, ay hindi tumatanggap sa buhay, at napapahamak. Sa pamamagitan ng pagtanggap sa kanya, ay tinatanggap na rin natin ang alok ng pag-ibig ng Diyos na siyang pinakananais nya. Kung kaya sa ating ikalawang pagbasa, ay pinapayuhang ni San Pablo na magkaisa ng damdamin ang lahat ng Kristiyano sa Corinto bilang tandas ng pananahan ng Diyos sa kanilang piling. Sapagkat ang pagtataglay ng pag-ibig sa bawat isa, ay kahayagan na ang Diyos ang naghahari sa kanila at nakikita sa bawat isa, sa pamamagitan ng pag-ibig. Sa Ating Salmong Tugunan, ay masaya niyang niluluwalhati at pinupuri ang Diyos na lumalang sa ating lahat. Ang pag-ibig na ito ang siyang larawan na ipinapakita ng Banal na Isangtatlo, na siyang kumikilos sa bawat isa at patuloy na nahahayag sa atin sa pamamagitan ng ating pagsasabuhay ng pananampalatayang tinanggap natin sa Diyos.

Nawa'y palaging makita sa atin ang larawan ng Banal Na Isangtatlong gumagabay at nagpapalakas sa atin. Ang larawan ng pagmamahal at pagkakaisa. Upang sa gayon, ay makita sa atin ang iisang hangarin ng Diyos na maligtas ang bawat isa at malaman ang walang hanggang pagmamahal nila sa sangkatauhan, ano pa man ang ating kaibahan at pinagdaanan sa buhay. Nawa taglayin natin sa ating mga puso ang pagpapala at pagmamahal ng Diyos Ama, Anak at Espiritu Santo, Amen.


Saturday, June 11, 2011

Lakas ng Diyos! (Linggo ng Pentekostes, Taon A)

"Kinagabihan ng Linggo ding iyon, ang mga alagad ay nagkakatipon. Nakapinid ang mga pinto ng bahay na kanilang pinagtitipunan dahil sa takot nila sa mga Judio. Dumating si Jesus at tumayo sa gitna nila. "Sumainyo ang kapayapaan!" sabi niya. Pagkasabi nito, ipinakita niya ang kanyang kamay at ang kanyang tagiliran. Tuwang-tuwa ang mga alagad nang makita nang makita ang Panginoon. Sinabi naman ni Jesus, "Sumainyo ang kapayapaan!Kung paanong sinugo ako ng Ama, gayon din naman, sinusugo ko kayo." Pagkatapos, sila'y hiningahanniya at sinabi, "Tanggapin ninyo ang Espiritu Santo. Ang patawarin ninyo sa kanilang mga kasalalan ay pinatawad na nga; ang hindi ninyo patawarin, ay hindi nga pinatawad." - Juan 20:19-23 (MBB) 

Sa takbo ng panahon natin ngayon na laganap ang kumpetisyon at mga masasamang balitang natatanggap natin ngayon, maging ang ang mga problemang dumarating sa ating buhay, ay hindi natin maiwasang mag-alala, mangamba, mag-panic, at matakot. Kadalasan pa nga, ang mga balitang ito ay nakakaapekto sa ating gawain, pag-iisip, pagsasalita at pagkilos, bunga ng mga pangyayari sa ating paligid. Ngunit, sa kabila ng mga pangyayaring ito na nagdudulot ng pangamba sa ating buhay, ay mayroon pa ring mga taong dumadamay sa ating kabiguan at pangamba, mga taong ang tanging nais, ay makita tayong nasa maayos na kalagayan. Sila ay ang ating kapamilya, kaibigan, mkamag-anak, at mga taong may mabubuting kalooban. Sa kanila tayo kumukuha ng lakas at katatagan ng loob. Sa pamamagitan kanilang pagdamay, ay lumalakas tayo at nagiging matatag sa pagharap ng mga pagsubok, at nagiging matapang tayo sa pagharap nito, hanggang sa malampasan natin ito. Sa ating pagiging matagumpay sa pagsubok at mga pangamba sa buhay, ay nagiging kasangkapan din tayo upang tulungan ang ating kapwa na sila rin ay, makayanan ang kanilang pinagdadaanan sa buhay. 

Ito ang katangian ng Ikatlong Persona ng ating Banal na Isangtatlo, ang Espiritu Santo, ngayong Linggo ng Pentekostes. Ang Pentekostes ay mula sa salitang Pene na ang ibig sabihin ay limampu (50). Ito ay pagdiriwang ng pista ng pag-aani ng mga Judio matapos ng 50 araw  mula ng pagdiriwang ng Paskwa o Passover. Isa ito sa masayang pagdiriwang ng mga Judio sa kanilang pananampalataya.

Ang Pentekostes sa panahong Kristiyano ay maihahalintulad din natin ito sa pista ng pag-aani ng mga Judio. Sapagkat sa pamamagitan ng pagbaba ng Espiritu Santo sa mga Apostol, ay nagkaroon sila ng tapang at lakas ng loob, upang ipangaral ang Mabuting Balita sa lahat ng tao sa Jerusalem sa ating Unang Pagbasa. Ang dating takot, ay naging matapang, dahil sa pangako ni Cristo sa kanila, na sa kanilang pangangaral, ay  sasamahan sila, gagabayan sila at paaalalahanan sila ng banal na espiritu sa kanilang gagawin at ipangangaral. Kahit wala na si Cristo sa kanilang iling, ay nariyan pa rin siya sa pamamagitan ng Espiritu Santo na magsisislbing lakas nila at Kadluan. Kung kaya, marami ang tumanggap, sumampalataya at nagpabinyag (Gawa 2:41). Ang dulot ng Espiritu Santo sa bawat sumasampalataya ay pagbabagong loob, panibagong sigla, at lakas, na siyang inilalarawan sa ating Salmong Tugunan. Nagbubunyi ang Salmista sa Diyos na lumalang sa lahat, dahil sa pamamagitan ng kanyang Espiritu, ay nagkakaroon ng buhay ang lahat ng nilkha. Kung kaya, masaya niyang ipinagbubunyi ang kapangyarihang dulot ng kanyang Espirtu sa atin. Sa ating Ikalawang Pagbasa, ay tinatalakay ni Pablo ang mga kaloob ng Banal na Espiritu. Inihalintulad niya ito sa ating katawan, bagaman iba-iba ang katangian, kakayahan, ay iisang Espiritu ang nagkakaloob at pumapatnubay. Sa pamamagitan ng kaloob na ito, ay nagiging mabunga, maayos ang takbo ng simbahan. Ang Espiritu Santo rin ang nagbubuklod sa atin upang magkaisa sa kabila ng ating kaibahan. Ang pagtataglay ng iisang pananampalatayang tinanggap natin ang nagbubuklod sa atin na maging isa. At sa ating mabuting Balita ngayon, ay makikita natin na si Jesus ay napakita sa kanyang mga alagad. Dahil sa takot sa mga Judio, ay nagtago sila nang namatay ang Panginoon sa Krus. Nang napakita siya sa kanila, imbis na panumumbat, ay kapayapaan ang bati sa kanila. nang ipakita niya ang kanyang sugat sa kamay at tagiliran, ay natuwa ang mga alagad, dahil napatunayang siya'y buhay. Matapo ito, ay hiningahan sila, at isinugo, taglay ang Banal na Espiritu, at kapangyarihang magpatawad ng kasalanan at di magpahintulot sa pagkakaloob ng kapatawaran. Ipinapakita sa atin ni Jesus ang kapangyarihan ng Banal na Espiritu bilang lakas ng Diyos na siyang nagkakaloob ng ibayong lakas, katatagan, pag-asa, at buhay, sa gitna ng ating mga takot at pangamba sa ating buhay. Kung kaya, tinatawag din na mang-aaliw ang Banal na Espiritu dahil sa biyayang dulot nito sa tatanggap sa kanya.

Ngayo din ay ipinagdiriwang ngayon ang kaarawan ng simbahan. Dahil sa Pentekostes, ay dito nagsimula ang simbahan, sa pamamagitan ng pagtanggap ng mga apostol, ay unti-unting lumago ang simbahan, at lumaganap ito, hindi lamang sa Jerusalem, kundi maging sa kaatig bansa nito at sa buong mundo. Hanggang ngayon ay patuloy na lumalaganap ang Simbahang pangkalahatan o Katoliko. Kahit magkakaiba man ng lahing pinagmulan, kulturang kinamulatan, at iba't-ibang kakayahan, at nagkakaisa, dahil sa pananampalatayang tinanggap nito sa mula sa mga Apostol, hanggang sa kanilang kahalili, ang Santo Papa, mga Obispo, Pari, Layko. Ipanalangin natin ang ating Inang Simbahan, sa tulong ng Espiritu Santo, na maging matatag ito, sa kabila ng mga maling aral na patuloy na lumalason sa ating lipunan, at maging matapang na ipagtanggol ang mga turo ni Cristo na ipinangaral ng kanyang mga alagad.

Nawa'y lagi tayong mapuspos ng Espiritu Santo, na siyang Lakas ng Diyos na ating kinakailangan sa pagharap natin sa bawat araw ng ating buhay. Upang sa gayo'y makita at maranasan ng lahat ang Makapangyarihang pagkilos ng Diyos sa ating buhay. 

Saturday, June 4, 2011

Magpatotoo sa Paghahari ng Diyos! (Dakilang Kapistahan ng Pag-akyat ng Panginoong Jesus, Taon A)

Pumunta ang labing-isang alagad sa Galilea, sa bundok na sinabi sa kanila ni Jesus. Nang makita nila si Jesus, siya'y sinamba nila, subalit may ilan sa kanilang nag-alinlangan. Lumapit si Jesus at sinabi sa kanila, "Ibinigay na sa akin ang lahat ng kapangyarihan sa langit at sa lupa. Kaya't habang kayo'y humahayo, gawin ninyong alagad ko ang mga tao sa lahat ng bansa. Bautismuhan ninyo sila sa pangalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo. Turuan ninyo silang sumunod sa lahat ng iniutos ko sa inyo. Tandaan ninyo, ako'y laging kasama ninyo hanggang sa katapusan ng panahon." - Mateo 28:16-20 (ABMBB)

Lahat tayo ay nagnanais na makarinig ng good news sa bawat taong makakusap natin. Madalas, kapag pinapipili tayo kung ano ang pipiliin natin sa dalawa ang gusto at una nating marinig, mas inuuna natin ang good news kaysa bad news. Mas gusto natin ang mapakinggan ang mga bagay na magdudulot sa atin ng tuwa at galak, kaysa bad news na hindi natin alam kung paano tatanggapin ito, dahil na rin sa ayaw nating masaktan o masira ang araw natin. Kapag nakakarinig ng magandang balita ang ating mga kapamilya, kamag-anak, kaibigan, kakilala tungkol sa atin, sila rin ay napupuspos ng galak, dahil sa magandang pagpapalang natamo natin. Ang bawat pananalita natin, bilang isa sa paraan ng ating pakikipag-ugnayan sa kapwa, ay nagdudulot sa makakabatid nito ang mensaheng nais nating iparating sa kanila. Kahit ito ay mabuti at masama. Lalo na sa panahong ito na makabago na ang pamamaraan ng ating paghahatid ng balita o impormasyon sa kapwa, sa pamamgitan ng internet, telepono, cell phone, at iba pa, ay mabilis na natin itong napararating sa iba ang mensahe sa kanila. Kumbaga sa salitang Ingles, "Small World" na tayo dahil parang kaharap natin o katabi ang ating kausap. Dahil sa bilis ng pagdadala ng mensahe sa atin sa pamamagitan ng makabagong teknolohiya. Wala nang malayo, o kahit pulo at dagat ang pagitan ng magkausap, ay parang magkatabi o magkaharap sila sa kanilang pakikipag-ugnayan sa bawat isa.

Ngayong Linggong ito ay ipinagdiriwang natin ngayon ang Dakilang Kapistahan ng Pag-akyat ni Jesus sa langit. Sa tagpo ng ating Ebanghelyo ngayon at sa Unang Pagbasa, ay makikita natin na si Jesus na namamaalam na siya sa kanyang mga alagad. Sa kanyang pagbabalik sa Ama, ay hindi rito natatapos ang misyon ni Jesus na ipalaganap ang Mabuting Balita sa lahat. Sa kanyang pasg-alis, ay inihabilin niya sa kanyang mga alagad na ipaganap ang Mabuting Balita sa lahat, binyagan at turuang sumunod sa utos at halimbawang inwan niya sa lahat. Bagaman may kaakibat na panganib ito, ay pinangakuan sila ni Jesus na hindi niya sila iiwan. Ang Banal na Espiritu na kanyang isusugo ang siyang magpapalakas, magiging gabay nila at magpapaalala sa kanila tungkol sa kanya. Bagaman wala na siya sa kanilang piling, ay nanatili pa rin siya sa pamamagitan ng halimbawang isinabuhay ng mga alagad, na siyang ipinagpapatuloy hanggang sa ngayon ng mga taong tumanggap sa kanya ng may buong pananampalataya, pag-asa at pag-ibig sa kanyang presenya. Kung kaya sa ikalawang pagbasa, ay matutunghayan natin ang pagpapahayag ni San Pablo sa kanyang sulat sa mga Taga Efeso ay idinadalangin niya na makita nila ang kapangyarihan ni Cristo sa kanilang buhay pananampalataya mula nang matanggap nila ang aral na itinuro sa kanila ni Apostol San Pablo. Sapagkat sa muling pagkabuhay ni Cristo at sa kanyang pag-akyat, ay ipinakita ng apostol ang tagumpay ni Cristo, mula sa kamatayan at ang kanyang paghahari sa sanlibutan. Sa kanyang tagumpay, ay nakikibahagi rito ang mga Kristiyanong nanatiling tapat sa kanyang pananampalataya, kung kaya dalangin ni San Pablo na mabatid nila kung gaano sila kapalad kung makasama sila sa tagumpay na ito ni Cristo sa bawat sumampalataya sa kanya. At sa ating Salmong Tugunan, ay masayang niluluwalhati ng Salmista ang tagumpay ng Diyos mula sa kanilang mga kaaway, at ang kaluwalhatiang tinamo nila, ay kanilang ipinagdiriwang, kung kaya inaanyayahan tayo na magbunyi sa tagumpay na ibinibigay ng Diyos sa bawat isa sa atin.

Ngayon ay ipinagdiriwang rin natin ngayon ang Araw ng pandaigdigang Komunikasyon. Nanawagan ang simbahan sa lahat na nawa ang media, bilang isang mahalagang instrumento ng pagpapahayag ng mensahe sa bawat tao, ay maging daan upang maipahayag ang bawat balita at impormasyon sa lahat ng tao nang may katotohanan, at hindi pansariling interes ang pairalin. Nawa ang media rin ay maging isang daan upang maipahayag sa lahat ng tao ang Mabuting Balita sa lahat ng tao, at hindi maging daan sa kasiraang puri at pagsasamantala na nagiging sanhi ng kaguluhan, pagkakabaha-bahagi, at di pagkakasundo ng bawat isa, dahil sa maling impormasyong ibinabalita sa lahat. 

Nawa'y palaging ang Mabuting Balita ni Cristo ang siyang makita at maranasan ng lahat ng makakakilala sa atin, hindi lang sa pananalita at kilos, kundi maging sa mga makabagong teknolohiya na ginagamit natin sa pakikipag-ugnayan sa iba. Nang sa gayon, ay madama ng bawat isa sa atin ang presensya ni Cristo na nakikita sa atin.   

Saturday, May 14, 2011

Pakikinig: Pagpapakita ng Pagsunod At Pagkakakilanlan (Linggo sa Ika-4 Na Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay, Taon A)

Noong panahong iyon: Sinabi ni Jesus, "Tandaan ninyo ito: ang pumapasok sa kulungan ng mga tupa nang hindi sa pinto nagdaraan, kundi umaakyat sa di dapat pagdaanan, ay magnanakaw at tulisan. Ngunit, ang nagdaraan sa pintuan ay ang siyang pastol ng mga tupa. Pinapapasok siya ng bantay-pinto, at pinakikinggan ng mga tupa ang kanyang tinig. Tinatawag niya ang kanyang mga tupasa kani-kanilang pangalan, at inilalabas sa kulungan. Kapag nailabas na, siya'y nangunguna sa kanila at sumusunod naman ang mga tupa, sapagkat nakikilala nila ang kanyang tinig. Hindi sila sumusunod sa iba, bagkus pa nga, ay patakbong lumalayo, sapagkat hindi nila nakikilala ang kanyang tinig." Sinabi ni Jesus ang talinghagang ito, ngunit hindi nila nauunawaan ang ibig niyang sabihin. Kaya't muling sinabi ni Jesus, "Tandaan ninyo: ako ang pintuang dinaraanan ng mga tupa. Ang mga nauna sa akin ay mga magnanakaw at mga tulisan, ngunit hindi sila pinakinggan ng mga tupa. Ako ang pintuan. Ang sinumang pumapasok sa pamamagitan ko'y maliligtas. papasok siya't lalabas, at makakatagpo ng pastulan. Kaya lamang pupunta rito ang magnanakaw ay upang magnakaw, pumatay at magwasak. Naparito ako upang ang mga tupa'y magkaroon ng buhay - isang buhay na ganap at kasiya-siya." - Juan 10:1-10 (MBB)  

 Naniniwala ako sa kasabihang ingles na, "Tell me who your friends are and I'll tell you who you are." at "Birds have the same feathers, will flock together." Isa ito sa mga kilalang kasabihan na nagpapakilala ng ating pagkakakilanlan at uri ng estado sa buhay, batay sa mga taong ating nakakasama. Sapagkat, ang ating paniniwala, hilig, nais at ang ating pag-uugali ay nababago, batay sa mga taong nakapaligid sa atin, at sa mga taong nais nating samahan. Madals, ay madali tayong magkaroon ng impression sa kanila kung ano bang pagkatao nila. Minsan pa nga, ay makikilala mo na kung anong ugali meron sila. Kadalasan din, kapag napasama tayo sa isang rupo, o ang ating kaibigan, ang ating ugali o ang ugali ng ating kaibigan ay nababago, dahil na rin sa mga taong nakapaligid sa kanila, maging ito man ay mabuti o masama. Nakakalungkot minsan na may mga kaibigan tayo o kasama na biglang nagbago ang kanilang ugali na dating mabuti ay masama, o kahit nagiging sunud-sunuran na lang sila sa layaw ng kanilang mga kaibigan. Na tila baga hindi nila naiisip kung makakabuti ito o masama sa kanilang kapwa o kanilang pagkatao. Kahit minsan, kahit anong pilit nating pakiusapan, ay di nila ito pinapansin. Mapapansin na lang nila ito kapag nasadlak na sila sa isang kumplikadong sitwasyon o nagkaroon na ng tabangan sa samahan. Napagtatanto nila na mali ang kanilang nagawa at hindi ito ang tunay namakapagbibigay sa kanila ng tunay na kaligayan sa buhay.

Ngayong Linggong ito sa ika-apat a Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay, ay ipnagdiriwang natin an linggong ito na Linggo ng Mabuting Pastol. Na kung saan, ay matutunghayan natin si Jesus, bilang mabuting pastol na walang hangad, kundi ang bigyang buhay ang kawang ibinigay sa kanya ng Diyos. Ipinapakita sa atin ni Jesus sa atin na bilang isang pastol sa kanyang kawan, ay tungkulin niyang pangalagaan ito at bigyang buhay ang kawang ito, na walang iba kundi ang simbahan. Binigyang diin din niya na ang sinumang nakikinig sa kanyang tinig, ay tunay na kanyang alagad. Ang ibang pastol na tinutukoy rito ay ang mga taong nagtatangkang manira sa kawan. Mga taong walang ginawa kundi ang sirain ang pananampalataya ng simbahan, at wasakin ito. Sa kabila nito, ay pinaaalalahanan tayo ni Cristo na patuloy na makinig at sumunod sa kanya. Sa pamamgitan nito, ay magiging ligtas tayo sa kapahamakang idinudulot ng mga taong nagnanais sumira ng ating pananampalataya at pagkatao.

Ang paalalang ito ay makikita natin sa Unang Pagbasa, na ipangangaral ni Apostol San Pedro na ang kaligtasan ay na kay Cristo na nag-alay ng buhay para sa katubusan natin. At upang maligtas, ay kinakailangan ang pagsisisi, pagpapabinyag, at pangangakong mabuhay sa aral ni Cristo. Binabalaan ang mga pinangarala nila na lumayo sila sa masamang lahing ito upang maligtas. Ang masamang lahing ito, ay hindi lang tumutukoy sa mga Judio, kundi sa mga gawang masama tulad ng pandaraya, pagiging mataas, palalo, at iba pa na pinapakita ng Pariseo. Ang babalang ito ng mga alagad ay pagpapakita ng kanilang pagmamalasakit sa mga tao, kagaya ng ipinakita ni Jesus sa kanila. Itong kanilang aral ay patuloy na kanilang isinabuhay, na siyang tanda ng patuloy na pagpapastol sa mga natawag sa Kristiyanismo, sa pamamagitan nila. Gayon din sa ating Ikalawang Pagbasa, na ipnapakita ni San Pedro sa atin ang halimbawang ipinakita ni Cristo sa atin sa kanyang pagtitis, bilang isang pastol sa kanyang kawan. sa halip na gumanti, ay pinili niyang manahimik at manalig sa Diyos. Dahil sa kanyang pag-aalay ng buhay, ay nagkaroon tayo ng panibagong buhay, panibagong pag-asa, dahil sa pag-ako niya ng ating mga kasalanan, na sa halip na tayop ay parusahan. tanda ng kanyang pagmamahal sa kawang kanyang inaalagaan. Kung kaya ipinapayo niya na tularan ng bawat aliping Kristiyano ang halimbawang ito, bilang tanda ng kanilang pakikiisa sa Pastol na naghandog ng buhay para sa kanila. Kung kaya ang katangian ng isang mabuting pastol ay matatagpuan natin sa Salmong Tugunan. Ipinapakitang panatag ang salmista sa paggabay sa kanya ng pastol, at nangangamba para sa kanyang kaligtasan. Dahil nariyan ang pastol na aalalay, gagabay at magtatanggol sa kanya.

 Kaalinsabay din ng pagdiriwang ng Linggo ng Mabuting Pastol, ay ipinagdiriwang natin ang Linggo ng Pandaigdigang Bokasyon. Nananawagan ang simbahan sa lahat ng mga kaanib nito na ipanalangin at himukin ang mga kabataang may tawag sa bokasyon sa pagpapari, pagmamadre, at pagiging pinunong layko. Sapagkat kulang ang mga manggagawa sa simbahan at marami pang lugar na kinakailangang makilala ang di magmamaliw na pag-ibig ng Diyos sa lahat. Kung kaya, hinihingi din ng simbahan na ipanalangin din natin ang mga pastol ng ating simbahan, ang Papa, mga obispo, pari, diyakono, madre, at lahat ng mga naglilingkod dito, na nawa'y makita sa kanila ang larawan ni Cristong pastol na ngangalaga sa kanyang kawan ngayon sa kasalukuyan. Sapagkat sila ay inilagay ng Diyos upang pangalagaan, ingatan, bantayan, at palakasin ang bawat kaanib ng Simbahan, ano pa man ang kalagayan, lahi, at kulturang kinabibilangan. Sapagkat ang bawat binyagan ay tupang nangangailangan ng kalinga at gabay ng Diyos. Kung kaya, ang bawat pari at relihiyoso ay nakikibahagi sa pagiging pastol ni Cristo, na naghahandang mag-alay ng buhay para sa kanyang Simbahan. Dahil sila rin ang tagapagpaalala sa atin kung sino tayo ayon sa paningin ng Diyos at paano dapat tingnan rin natin ang ating kapwa, sang-ayon sa kalooban ng Diyos. 

Nawa'y palagi tayong makinig sa ating butihing pastol at sa kanyang katuwang sa bawat sandali ng ating buhay. Ipanalangin natin ang mga katuwang sa pagpapastol ng ating Panginoon, kagaya ng pari at madre. Upang sa gayo'y maaninag natin ang pagmamahal ni Cristo sa bawat isa sa atin, sa pamamagitan nila na kumikilos at nagtuturo sa atin ng daan patungo sa kanya. 

Tuesday, May 3, 2011

Piliin ang Mabuti! (Miyerkules, sa Ika-2 Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay, Taon I)

Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan, kaya't ibinigay niya ang kanyang kaisa-isang Anak, upang ang sinumang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan. Isinugo ng Diyos ang kanyang Anak, hindi upang hatulang maparusahan ang mga tao, kundi upang iligtas ang mga ito sa pamamagitan niya. Hindi hinahatulang maparusahan ang sumasampalataya sa Anak. Ngunit hinatulan na ang hindi sumasampalataya, sapagkat hindi siya sumampalataya sa kaisa-isang Anak ng Diyos. Ganito ang paghatol ng Diyos: naparito sa sanlibutan ang ilaw, ngunit inibig pa ng mga tao ang dilim kaysa liwanag, sapagkat ang kanilang mga gawain ay masasama. Kinasusuklaman ng mga gumagawa ng masama ang ilaw, ni hindi lumalapit dito upang hindi mahayag ang kanilang mga gawa. Ngunit ang namumuhay ayon sa katotohanan ay lumalapit sa ilaw, upang maihayag na ang mga ginagawa niya ay pagsunod sa Diyos. - Juan 3:16-21 (ABMBB)

"Walang sinumang magulang ang nagnanais na mapahamak ang kanyang anak." Ito ang tumatak sa isip ko noong ako ay umattend sa isang retreat sa isang simbahan noong ako ay nasa High School pa lang. Bagaman ang paksa ng aming retreat ay tungkol sa malalim na pag-ibig ng Diyos sa atin. Ibinigay sa aming halimbawa ay kapag ang anak mo na 6 na taong gulang ay naghihiram sa iyo ng gunting, pahihiramin mo ba? Nasabi sa amin, na kung lalaki, ay sa halip na gunting, ay laruang robot, o kung babae ay lutu-lutuan. Dahil alam ng magulang kung ano ang makakabuti at makakasama sa kanyang anak. Ganoon din ang Diyos, alam niya kung alin ang makakabuti at makakasama sa atin. Kung kaya naglagay siya ng mga kautusan, batas, alituntunin upang walang isa man sa kanyang nilikha ay mapariwara at mapahamak nang tuluyan. 

Ito ang nilalayon ni Jesus sa ating Ebanghelyo ngayong araw na ito. Ang tunay na layunin ng Diyos para sa tao, at ang pagkakatawang tao ng kanyang bugtong na Anak ay nasa unang talata na kilalang-kilala at sikat na Juan 3:16: " Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan, kaya't ibinigay niya ang kanyang kaisa-isang Anak, upang ang sinumang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan." Hindi mapasubalian ang sukdulang pagmamahal niya sa ating lahat, kahit na humantong ito sa kamatayan ng kanyang Anak sa Krus. Sapagkat ninanais ng Diyos na makilala ng tao ang mabuti, ang malaman ng tao ang kabutihan ng Diyos na nais niyang iparamdam sa atin. Kung kaya ninanais ng Diyos na panigan natin at piliin ang katotohanan, at ang mabuti sa kanyang paningin. Sa twing tayo ay lalayo sa kanya sa pamamagitan ng paggawa ng kasalanan, ay tayo na mismo ang humahatol sa ating sarili, dahil ang paggawa ng kasalanan ay paglayo sa kanyang maka-amang pagmamahal sa atin. Samakatuwid, ay ang pag-ayaw nating iparamdam niya sa atin ang kanyang pagmamahal. Kumbaga, ay naroon ang malayang pagpili ng tao kung nais niyang tanggapin ang pag-ibig ng Diyos o hindi. Subalit, magpahanggang ngayon, ay nananatili ang katotohanang nais ng Diyos na piliin natin ang manatili sa kanyang pag-ibig sa pamamagitan ng pagtataglay ng pananampalataya sa kanyang anak. 

Nawa'y palagi tayong manatili sa pag-ibig ng Diyos sa pamamagitan ng pagsasabuhay ng pananampalatayang tinanggap natin kay Cristo, at habang may panahon pa, ay sikapin nating magbalik-loob sa kanya. Sapagkat ang pananatili sa kanyang piling ay nagdadagdag ng kasiyahan sa kanya at magdudulot sa atin ng kapayapaan hanggang sa matamo natin ang kaligtasang nais niyang makamit natin.  

Maging Daan Upang Makilala ang Diyos! (Martes, Paggunita Kay San Felipe at Santiago, Taon I)

Sumagot si Jesus, Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Walang makakapunta sa Ama kundi sa pamamagitan ko. Kung ako'y kilala ninyo, a kilala na rin ninyo ang aking Ama. Mula ngayon ay kilala na ninyo siya at inyo nang nakita. Sinabi sa kanya ni Felipe, Panginoon, ipakita po ninyo sa amin ang Ama at masisiyahan na kami. Sumagot si Jesus, Felipe, kaytagal na ninyo akong kasama, hanggang ngayo'y hindi mo pa ako kilala? Ang nakakita sa akin ay nakakita na sa Ama. Bakit mo sinasabing Ipakita mo sa amin ang Ama? Hindi ka ba naniniwalang ako'y nasa Ama at ang Ama ay nasa akin? Hindi sa akin galing ang sinasabi ko sa inyo. Ngunit ang Ama na nasa akin ang siyang gumaganap ng kanyang gawain. Maniwala kayo sa akin; ako'y nasa Ama at ang Ama ay nasa akin. Kung ayaw ninyong maniwala sa sinasabi ko, maniwala kayo dahil sa mga ginagawa ko. Pakatandaan ninyo: ang nananalig sa akin ay makakagawa ng mga ginagawa ko, at higit pa kaysa rito, sapagkat babalik na ako sa Ama. At anumang hilingin ninyo sa aking pangalan ay gagawin ko upang maparangalan ang Ama sa pamamagitan ng Anak. Kung hihiling kayo ng anuman sa aking pangalan, ito ay aking gagawin. - Juan 14:6-14 (ABMBB) 

Lahat tayo ay naghahanap sa Diyos.  Isa itong katunayan na lahat tayo ay naniniwala na may lumikha sa atin na patuloy na kumakalinga sa atin. Kahit hindi natin nakikita. Naniniwala tayong hindi lamang siya nakaupo sa langit, at nanonood sa ating mga gawain. Siya ay patuloy na kumikilos, nakikisalamuha sa ating lahat. Dama niya ang ating mga pangangailangan, kasiyahan, kalungkutan, at higit sa lahat, ay alam din niya ang ating iniisip at gagawin. Ipinakita niya ito sa atin sa pamamagitan ng pagkakatawang-tao ng kanyang anak na si Jesu-Cristo. Sa pamamagitan niya, ay naramdaman ng mga tao ang presensya ng Diyos. Lalo na sa mga dukha at aba na inaakala nilang nilimot na sila ng Diyos. Sa panahon natin ngayon, ay marami ang naghahanap kung paano aabutin ang Diyos. kanya-kanyang paraan upang madama nila ang kanyang presensya. Kahit na may pagkapanatiko, para maabot lang ang kaligtasang minimithi. Kung kaya, marami na ang nalilito, sino at ano yung tamang daan ba ang susundan? Maraming daan na nagpapakilala kung saan ang tamang landas patungo sa kanya.

Ipinakikilala sa atin ng ating Ebanghelyo sa araw na ito ni Jesus na siya ang daan, katotohanan at buhay sa kanyyang mga alagad. Siya ang tagapamagitan at lubos na nakakakilala sa Ama na patuloy nating nilalapitan. Nang marinig ito ni Felipe, ay inakala niyang ang literal na sinabi ni Cristo na ang nakakita sa kanya ay nakakita sa Ama kung kaya hiniling niya na makita ang anyo ng Diyos. Niliwanag ni Jesus na hindi literal na anyo ng Diyos ang tinutukoy niya. Kundi ang gawain ni Jesus ay nagpapakilala kung sino ang Diyos at ano ang tunay na katangian niya. Ipinapakita niya sa atin ngayon ang tunay na anyo ng Diyos sa pamamagitan ng kanyang gawa, bilang isang Diyos na mahabagin, maunawain, mapagpatawad, at mapagmahal. Kung mananatili tayong maigi kay Jesus, ay hindi tayo maliligaw sa mga maling pag-unawa sa katangian ng Diyos na ipinakikilala ng mundo. Sapagkat si Jesus ang tunay na nakakaalam kung paano tayo makalalapit at makikilala nang husto ang Diyos na dapat nating parangalan at pasalamatan.

Nawa'y manatili tayo kay Jesus na siyang daan, katotohanan at buhay patungo sa Ama. Upang sa gayo'y maunawaan natin ang tamang landas na pinakananais ng Diyos sa atin, ang lumakad sa kanyang daan.





Monday, May 2, 2011

Isilang Muli (Lunes, Sa Ikalawang Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay, Taon I)

May isang iginagalang na pinuno ng mga Judio. Siya ay si Nicodemo. Kabilang din siya sa grupo ng mga Pariseo. Isang gabi, pumunta siya kay Jesus at sinabi, Guro, nalalaman po naming kayo'y isang tagapagturong mula sa Diyos, sapagkat walang makakagawa ng mga himalang ginagawa ninyo kung wala sa inyo ang Diyos. Sumagot si Jesus, Pakatandaan mo: malibang ipanganak na muli a ang isang tao, hindi niya makikita ang paghahari ng Diyos. Paanong maipapanganak pang muli ang isang taong matanda na? Makakapasok pa ba siya sa sinapupunan ng kanyang ina para muling isilang? tanong ni Nicodemo. Sagot naman ni Jesus, Pakatandaan mo: malibang ang isang tao ay ipanganak sa pamamagitan ng tubig at ng Espiritu, hindi ito makakapasok sa kaharian ng Diyos. Ang taong ipinanganak ayon sa laman ay laman, at ang ipinanganak ayon sa Espiritu ay espiritu. Huwag kang magtaka sa sinabi ko sa iyo, kayong lahat ay kailangang ipanganak na muli. Umiihip ang hangin kung saan nito nais at naririnig mo ang ugong nito, ngunit hindi mo alam kung saan ito nanggagaling at kung saan pupunta. Ganoon din ang bawat ipinanganak ayon sa Espiritu.-  Juan 3:1-8 (ABMBB)

Minsan, nang maanyayahan ako sa isang pagtititpon ng ng isang Charismatic Community ay lagi nilang bukambibig ang salitang "renewal." Lahat tayo ay kinakailangang nasa renewal para maunawaan natin ang tunay na kalooban ng Diyos at laging mabuhay sa diwa ng espiritu. Nakakatuwa ang kanilang kasiyahan at ang kanilang pagkakapatiran sa kanilang pagtitipon. Ngunit, nung minsan akong kausapin ng isa sa mga members nito, ay bigla na lang niyang ibinuhos sa akin ang kanyang sama ng loob sa ilang mga kasapi nito. Nakakalungkot na dahil sa ilang di pagkakaunawaan at siraan, ay bigla na lang silang humihiwalay at nanlalamig na sa paglilingkod sa Diyos dahil dito. Nalungkot ako sa pasya niyang humiwalay sa grupong ito at magsimba na lang siya twing linggo, at sapat njha ito sa kanya. Nakakalungkot na may ilan sa atin na ang pananaw ng pagiging renewed o bagong pagkatao, ay ang pagsali sa ilang grupo at kapag nagkakaroon na ng pagsubok o di pagkakaunawaan, ay madali nang bumigay at hindi nauunawaan ang tunay na pagiging renewed.

Ang ganitong paniniwala ang siyang itinuturo sa atin ni Jesus sa ating Ebanghelyo ngayon ang pagsilang muli o renewal. Nang marinig ito ni Nicodemo, ay nagtaka siya kung paano siyang ipapanganak muli, ito ba ay ipapanganak bang muli sa sinapupunan ng ina? Niliwanag sa atin ni Jesus na ang tunay na pagsilang muli ay ang pagpapanibagong buhay, panibagong buhay sa piling ng Diyos at lumalakad sa kanyang daan. Samakatuwid, isa itong buhay na sumusunod sa kanya, at tanging ang kalooban ng Diyos ang laging isinasagawa. Isa itong pagpapakilala rin kung anong klase ng buhay ang ating tinataglay at dito rin masusubok kung tunay na espiritu ng Diyos ang nananahan sa atin. 

Nawa'y palagi tayong mabuhay sa biyaya ng Diyos sa pamamagitan ng panibagong buhay na tinanggap natin sa kanya noong tayo'y binyagan. Upang sa gayon, ay patuloy na makita at makilala ang Diyos na nananahan sa atin sa pamamagitan ng ating pagsasabuhay ng mabuting balita araw-araw.