Tuesday, August 30, 2011

Ang Kapangyarihan Ni Jesus (Martes sa Ika-21 Linggo Sa karaniwang Panahon, Taon I)

Mula roon, si Jesus ay nagpunta sa Capernaum sa Galilea at nagturo sa mga tao nang Araw ng Pamamahinga. Namangha sila sa kanyang pagtuturo sapagkat may kapangyarihan ang kanyang pananalita. May isang lalaki noon sa sinagoga na sinasapian ng masamang espiritu. Sumigaw ito nang malakas, "Ano ang pakialam mo sa amin, Jesus na taga-Nazaret? Naparito ka ba upang puksain kami? Kilala kita. Ikaw ang Banal na mula sa Diyos." Subalit inutusan siya ni Jesus, "Tumahimik ka, lumayas ka sa taong iyan!" At nang mailugmok ang lalaki sa kanilang kalagitnaan, umalis ang demonyo ng hindi siya sinasaktan. Namangha ang lahat ng nakasaksi kaya't nasabi nila sa isa't isa, "Ano ito? Lubhang makapangyarihan ang kanyang salita! Nauutusan niyang lumayas ang masasamang espiritu, at sumusunod naman sila!" At kumalat ang balita tungkol kay Jesus sa buong lupaing iyon. - Lucas 4:31-37 (ABMBB)

Ang pagtataglay ng isang kapangyarihan ay isang magandang atraksyon sa paningin ng mga nakakakita nito. Dahil ang angking pambihirang galing na ito ay hindi tinataglay ng bawat tao. Sa twing tayo'y nakakakita ng mga ito katulad ng Mahilka, mga nagpapalayas ng demonyo, pagpapagalaw ng isang bagay na hindi ginagamitan ng pisikal na lakas at ang ilang kauri nito, ay nabibighani, humahanga tayo at hindi rin maitatanggi na may naghahangad na magtaglay rin ng ganitong kapangyarihan. Subalit, nakalulungkot sa atin na marami ang nagtaglay ng ganitong galing, ay sa halip na gamitin ito sa kabutihan, ay ginagamit nila ito upang gumanti sa kapwa, maging sikat sa iba, at gamitin ito upang makapanloko ng ibang tao. Mas nakakatakot na kahit na galing ito sa pwersa ng kadiliman, ay kanila pa rin tong tinanggap at ginagamit, makuha lang ang kanilang personbal na interes.

Ang ganitong kapangyarihan ay taliwas sa ipinakita ng ating Panginoon sa Mabuting Balita ngayon. Sa kanyang pagtuturo sa mga Judio, ay nakita at namangha sila sa kapangyarihan ng kanyang mga salita na kanyang ibinabahagi. Sapagkat si Jesus ay anak ng karpinterong si San Jose. Mas lalo pa silang namangha nang palayasin ni Jesus ang demonyong sumasapi sa isang lalaki. Dahil sa kilala ng demonyo kung sino ang nasa harap nya, ay buong sigaw niyang ipinahayag kung sino siya. Sa halip na magmalaki, ay pinatahimik ni Jesus ang dimonyo at pinalayas. Isang katangiang ipinakita sa lahat ang kanyang kapangyarihan ay galing sa Ama, at tanging ang Diyos lamang ang dapat papurihan sa ganitong himala, hindi ang gumawa o kasangkapan nito.Bagay na ipinapakita nya ang pagiging Anak ng Diyos na masunurin at ang tanging nais ay mabigyang kaluwalhatian ang Diyos na nagsugo sa kanya. 

Nawa sa bawat kakayahang mayroon tayo, ay palagi nating tularan si Jesus, na ang tanging nilalayon ay mabigyang luwalhati ang Diyos at magimg mapagpakumbaba at masunuring anak tulad nya. Upang sa gayon ay makita sa atin ang kapangyarihan ng Diyos na kumikilos sa atin. 

Monday, July 11, 2011

Hamong May Gantimpala (Lunes, Sa Ika-15 Linggo Sa Karaniwang Panahon, Taon I)

"Huwag ninyong isiping naparito ako upang magdala ng kapayapaan sa lupa; naparito ako upang magdala ng tabak, hindi kapayapaan. Naparito ako upang paglabanin ang anak na lalaki at ang kanyang ama, ang anak na babae at ang kanyang ina, at ang manugang na babae at ang kanyang biyenang babae. At ang magiging kaaway ng isang tao ay kanya na rin mismong mga kasambahay. "Ang umiibig sa kanyang ama o ina nang higit sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. Ang umiibig sa kanyang anak nang higit sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. Ang hindi pumapasan ng kanyang krus at hindi sumusunod sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. Ang nagsisikap na mapanatili ang kanyang buhay ang siyang mawawalan nito; ngunit ang mawalan ng kanyang buhay alang-alang sa akin ay magkakamit nito." "Ang tumatanggap sa inyo ay tumatanggap sa akin, at ang tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa nagsugo sa akin. Ang tumatanggap sa isang propeta dahil sa ito'y propeta ay tatanggap ng gantimpalang nauukol sa propeta; at ang tumatanggap sa isang taong matuwid dahil sa ito'y matuwid ay tatanggap ng gantimpalang nauukol sa taong matuwid. Tandaan ninyo: sinumang magbigay ng kahit isang basong malamig na tubig sa isa sa mga maliliit na ito dahil sa siya'y alagad ko, siya'y tiyak na tatanggap ng gantimpala." Pagkatapos ng mga tagubiling ito sa kanyang labindalawang alagad, umalis si Jesus upang magturo at mangaral naman sa mga bayang malapit doon.  - Mateo 10:34:11:1 (ABMBB)

Ang isa sa mga kilalang pangalang ikinapit kay Jesus ay ang "Emmanuel" na hango sa hula ni Propeta Isaias na ang isang birhen ay maglilihi at manganganak ng isang lalaki, na tatawaging Emmanuel, na ang ibig sabihin, ay sumasaatin ang Diyos. Ang isa sa inaasahan ng bansang Israel ay ang pagpapalaya at pagliligtas ng Diyos sa kanila mula sa kanilang mga kaaway at magkakaloob sa kanila ng kapayapaan na kanilang pinakaaasam-asam, sa pamamagitan ng ipinangakong tagapagligtas na kanyang isusugo. At sa kanyang kapanahunan, ang bawat isa ay magiging malaya, mapayapa, at tahimik sa kanyang pamamahala. Wala nang kaaway na maaring gumambala sa kanila.

Ngunit, taliwas ito sa diwa na ipinakita ng ating Panginoon sa Mabuting Balita Ngayon. Sa halip na kapayapaan, ay pagkakabaha-bahagi ang magaganap. Magkakaroon ng mga alitan sa pagitan ng pamilya, kapag mas pinili ang pamilya, o ang mga tinatangkilik, ay hindi karapat-dapat sa kanya. Tila baga isang nakakatakot na pangungusap ito, at maaaring masabing hindi siya ang mesiyas. Subalit, ang tinutukoy ng ating Panginoon dito, ay ang pagsunod sa kanya. Hindi literal na gulo ang kanyang dulot. Tinutukoy nya rito ay ang mga bunga at kundisyon ng pagsunod sa kanya, katulad ng di-pagkakaunawaan ng isang pamilya at pamayanan, dahil sa pagsunod ng isang miyembro nito. Bunga ito ng isang salungat na prinsipyo ng isang mananampalataya laban sa prinsipyong nakagisnan na hindi magkatugma. Sa kundisyon, ay ang talikdan ang mga bagay na maglalayo sa ating paglilingkod sa kanya. Hindi masama ang yumaman, magtamo ng kapangyarihan, ang masama ay ang mabulag tayo nito, na magbubulid sa atin sa kasakiman at kasalanan, na siyang sisira sa relasyon natin sa ating pamilya, kaibigan, pamayanan, at higit sa lahat ay ang sa Diyos. Subalit, sa kabila ng mga pagsubok na ito, ay may nakalaang gantimpala sa mananatiling matatag at tapat sa kanya, kahit sa maliit na paraan ng pagsasabuhay ng mabuting balita, kagaya ng pagkakaloob ng isang basong tubig sa nangangaialangan, alang-alang sa pagsunod dito, ay di mawawalan ng gantimpala. Sa bawat hamong dumarating, kapag nanatiling tapat sa pananampalataya, ay may ilalaang pangakong kagantihan sa lahat ng ating ginawa.

Saturday, July 9, 2011

Lumago at Magbunga Ang Binhi (Linggo sa Ika-15 Na Linggo Sa Karaniwang Panahon, Taon A)

Noon ding araw na iyon, si Jesus ay lumabas ng bahay at naupo sa tabi ng lawa. Dahil sa dami ng taong lumalapit sa kanya, sumakay siya sa isang bangka at doon naupo. Tumayo naman sa dalampasigan ang mga tao at sila'y tinuruan niya ng maraming bagay sa pamamagitan ng mga talinhaga. Ganito ang sinabi niya: "May isang magsasakang lumabas upang maghasik. Sa kanyang paghahasik ay may mga binhing nalaglag sa tabi ng daan. Dumating ang mga ibon at tinuka ang mga iyon. May mga binhi namang nalaglag sa mabatong lupa. Dahil manipis lang ang lupa roon, sumibol agad ang mga binhi, ngunit natuyo agad ang mga ito nang mabilad sa matinding init ng araw, palibhasa'y mababaw ang ugat. May mga binhi namang nalaglag sa may matitinik na halaman. Lumago ang mga halamang ito at sinakal ang mga binhing tumubo doon. Ngunit ang mga binhing nahasik sa matabang lupa ay namunga; may tigsasandaan, may tig-aanimnapu, at may tigtatatlumpu. Makinig ang may pandinig!"  Lumapit ang mga alagad at tinanong si Jesus, "Bakit po ninyo dinadaan sa talinhaga ang inyong pagtuturo sa kanila?" Sumagot siya, "Ipinagkaloob sa inyo ang karapatang maunawaan ang hiwaga tungkol sa kaharian ng langit, ngunit hindi ito ipinagkaloob sa kanila. Sapagkat ang mayroon ay bibigyan pa, at mananagana; ngunit ang wala, kahit ang kakaunting nasa kanya ay kukunin pa. Nagsasalita ako sa kanila sa pamamagitan ng talinhaga sapagkat tumitingin sila ngunit hindi nakakakita, at nakikinig ngunit hindi naman nakakarinig ni nakakaunawa man. Natutupad nga sa kanila ang propesiya ni Isaias na nagsasabi, 'Makinig man kayo nang makinig subalit hindi ninyo mauunawaan kailanman, at tumingin man kayo nang tumingin subalit hindi rin kayo makakakita kailanman. Sapagkat naging mapurol na ang isip ng mga taong ito; mahirap makarinig ang kanilang mga tainga, at ipinikit nila ang kanilang mga mata,  kung hindi gayon, sana'y nakakita ang kanilang mga mata, nakarinig ang kanilang mga tainga, nakaunawa ang kanilang mga isip, at nagbalik-loob sila sa akin, at pinagaling ko sila.' "Subalit mapalad kayo sapagkat nakakakita ang inyong mga mata at nakakarinig ang inyong mga tainga! Tandaan ninyo: maraming propeta at matutuwid na tao ang naghangad na makita ang inyong nasasaksihan at marinig ang inyong napapakinggan subalit hindi nila ito nakita ni narinig." "Pakinggan ninyo ang kahulugan ng talinhaga tungkol sa manghahasik. Kapag ang isang tao ay dumirinig ng mensahe tungkol sa paghahari ng Diyos ngunit hindi naman niya iyon inuunawa, siya ay katulad ng binhing nalaglag sa daan. Dumarating ang Masama at agad inaalis sa kanyang isip ang mensaheng kanyang napakinggan. "Ang katulad naman ng binhing nalaglag sa mabatong lupa ay ang taong dumirinig ng mensahe. Kaagad at masaya niya itong tinanggap ngunit hindi tumimo ang mensahe sa kanyang puso. Sandali lamang itong nanatili, at pagdating ng mga kapighatian at pagsubok dahil sa mensahe, agad siyang tumatalikod sa kanyang pananampalataya. "Ang binhi namang nahulog sa may damuhang matinik na halaman ay naglalarawan ng mga taong dumirinig ng mensahe ngunit dahil sa pagkabalisa sa maraming mga bagay at pagkahumaling sa kayamanan, ang mensahe ay nawalan ng puwang sa kanilang puso at ito ay hindi nagkaroon ng bunga sa taong iyon. "At ang katulad naman ng binhing napahasik sa matabang lupa ay ang mga taong dumirinig at umuunawang mabuti sa mensahe, kaya't ito ay namumunga nang sagana, may tigsasandaan, may tig-aanimnapu, at may tigtatatlumpu." - Mateo 13:1-23 (ABMBB)

Ang isa sa kaligayahan ng magsasaka ay ang makita ang kanyang binhing ipinunla ay hindi lamang magbunga ito, kundi ay magbunga ng marami, magbunga ng maganda at walang kahit anong bahid ng pinsala dulot ng mga peste at sakit na maaring dumapo sa pananim. Sapagkat hindi ganun kadali ang magtanim ng binhi sa isang lupa. Kadalasan, ay tinitingnang maigi ng magsasaka kung anong klaseng lupa ang kanyang tatamnan, klima ng kinaroroonan ng bukiring tatamnan at ang uri ng binhi na kanyang itatanim. Matapos maitanim ng magsasaka ang buto sa bukirin, ay naroon na kanyang didiligan, babantayan, iingatan sa mga peste at mga sakit na maaring puminsala rito, at lalagyan palagi ng pataba upang masigurado na lalaking malusog ang punla at magbubunga ito ng masagana at magandang uri ng bunga. Ang pagkakaroon ng masagana at magangdang uri ng bunga ay isang kaaliwan ng magsasaka, sapagkat naging matagumpay at nagbunga rin ang pagpapagal at pagtitiyaga sa kanyang pag-aalaga sa pananim na kanyang itinanim.

Ganito rin ang isa sa mga inaasahan ng Diyos sa atin na siyang matutunghayan sa Mabuting Balita ngayong araw na ito. Ipinahayag ni Jesus sa atin ang  talinghaga ng Manghahasik. Isang kilalang talinghaga tungkol sa isang manghahasik ng binhi na naghahagis ng buto sa lupa. Ang binhi na kumakatawan sa Salita ng Diyos ay napunta sa apat na uri ng lupa. Ang isa ay sa daanan, na kung saan ay inihahalintulad nito sa taong matapos makapakinig ng Salita ng Diyos, ngunit, madaling matukso, kung kaya, hindi nabubuhay ang binhing ipinunla. Ang isa ay sa batuhan, na kumakatawan naman sa taong nakapakinig ng salita at masayang tinanggap, ngunit, dahil sa mga pagsubok, pag-uusig, dahil sa mababaw ang lupa at walang kakapitan ang ugat, ay namatay ang binhi. Ang isa naman ay sa dawagan, na kumakatawan naman sa nakapakinig ng salita, masayang tinangap ito, ngunit, dahil sa mga alalahanin sa mundong ito, katulad ng kayamanan, kapangyarihan, at katanyagan, ay kapag ito ang naghari sa taong nakapakinig noon, ay unti-unting papatayin ng tinik ang binhing natanim. Samantalang ang binhi na natanim sa mabuting lupa, na matapos matanim, ay nagbunga ng marami. Iti naman ay kumakatawan sa nakapakinig ng salita, masayang tinanggap ito, isinabuhay ang salitang napakinggan, at nagbunga. Nagbunga ng pagpapala at kapayapaan dahil sa pagsunod nito ng lubos sa salitang napakinggan.

Ang Ebanghelyo natin ngayon ay sumasalamin sa bawat isa sa atin kung paano ba natin tanggapin ang Salita ng Diyos. Bagaman ang Salita ng Diyos ay matatagpuan natin sa Biblia o Banal na Kasulatan, ay  hindi doon tinatapos ng Diyos ang kanyang pangungusap sa atin. Siya ay nangungusap sa atin sa pamamaitan ng aral ng Simbahan na siyang isa sa mga gabay natin at nagpapaunawa sa Salita ng Diyos na kanilang ipinapaliwanag, katulad ng misa, Bible Studies, at Katesismo. Siya rin ay nangungusap sa ating kapwa na nagpapaalala sa atin, nagtutuwid sa atin, nagpapayo sa atin, upang makita natin ang tama at matuwid ang ating pamumuhay. Siya rin ay nangungusap sa ating mga puso, sa pamamagitan ng ating konsensya, na nagpapaalala sa atin tungkol sa bawat hakbang, kilos at pananalita na ating isasagawa. Ninanais ng Diyos na buong puso nating tanggapin ito, lumago at magbunga sa ating buhay pananampalaaya bilang Kristiyano. Ito ang kanyang layunin sa Unang Pagbasa sa aklat ni Propeta Isaias na ang kanyang salita ay inhalintulad sa isang binhi, na nadidiligan at lumago, ay nagbubunga at nagiging pagkain sa lahat. Ang bunga ng Salita ng Diyos ay siyang nagdudulot ng pagkain sa lahat, sa pamamagitan ng paglago at pamumunga nito na siyang pinakananais ng Diyos. Ang diwang ito ay tinataglay ng ating Salmong Tugunan na ang binhing ito na itinanim, lumago at namunga nang masagana ay nagdudulot ng sigla at lakas sa lahat ng nilikhang kakain nito. At sa ating Ikalawang Pagbasa ay ipinapakita sa atin sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga Cristiyanong nasa Roma, na magtiis sa mga pagsubok at kahirapan, sapagkat darating ang panahon na ang bawat isa na naging tapat at lumago sa Salitang natanim sa puso ng bawat tao, ay hindi mabibigo sa pag-asang kanilang tinataglay, kundi matatamo ang buhay na walang hanggan na siyang pinakananais ng bawat nananampalataya sa Diyos.

Nawa'y buong puso at at galak nating tanggapin at matanim ang Salita ng Diyos na nagbibigay buhay sa ating lahat. Upang sa gayon, ang binhing natanim sa atin, ay matanim rin sa iba, magbunga ng marami, at magdulot ng pagkaing nagbibigay buhay at lakas sa sinumang naghahangad na mapuno ng biyaya at pagkalinga ng Diyos sa bawat isa sa atin. 

Friday, July 8, 2011

Magtiwala Sa Nagsugo Sa Atin (Sabado Sa Ika-14 Na Linngo Sa Karaniwang Panahon, Taon I)

"Walang alagad na nakakahigit sa kanyang guro at walang aliping nakakahigit sa kanyang panginoon. Sapat nang matulad ang alagad sa kanyang guro, at ang alipin sa kanyang panginoon. Kung ang ama ng sambahayan ay tinawag nilang Beelzebul, lalo nang lalaitin nila ang kanyang mga kasambahay. "Kaya huwag kayong matakot sa kanila. Walang natatago na di malalantad at walang nalilihim na di mabubunyag. Ang sinasabi ko sa inyo sa dilim ay ulitin ninyo sa liwanag; at ang ibinubulong sa inyo ay inyong ipagsigawan sa lansangan.  Huwag ninyong katakutan ang pumapatay ng katawan ngunit hindi naman nakakapatay ng kaluluwa. Sa halip, ang katakutan ninyo ay ang Diyos na may kakayahang pumuksa ng katawan at kaluluwa sa impiyerno. Hindi ba't ipinagbibili sa halaga ng isang salaping tanso ang dalawang maya? Gayunman, kahit isa sa kanila'y hindi nahuhulog sa lupa kung hindi kalooban ng inyong Ama. At kayo, maging ang buhok ninyo'y bilang niyang lahat. Kaya, huwag kayong matakot; higit kayong mahalaga kaysa maraming maya. "Ang sinumang kumilala sa akin sa harapan ng mga tao ay kikilalanin ko rin naman sa harapan ng aking Amang nasa langit.  Ngunit ang sinumang ikahiya ako sa harap ng mga tao ay ipapahiya ko rin sa harap ng aking Ama na nasa langit." - Mateo 10:24-33 (ABMBB)

Likas na sa isang tao ang pagiging nerbyoso. Lalo na kung mayroon tayong karanasan na mararanasan pa lang natin sa unang pagkakataon. Ang dahilan nito ay marami siyang mga bagay na pumapasok sa isipan nya, tulad ng baka hindi siya magustuhan, baka pumalpak, o baka mabigo siya sa bagay na kanyang gagawin. Naalala ko pa nung ako ay magtrabaho sa isang call center industry sa Laguna. Marami sa amin ang nag-apply. Bakas sa bawat isa sa amin ang kaba, dahil hindi namin alam kung ano ang itatanong sa amin, baka, may masabi kaming hindi magustuhan ng aming magiging employer, o baka pumalya kami sa aming examinations. Bagaman naroon pa rin ang kaba sa twing tinatawag kami, ay naging kalmado ang iba sa amin. Naalala ko nang mga sandaling iyon ang sinabi sa amin ng aming moderator sa kolehiyo na, "Ang sikreto para makapasa ka sa trabahong papasukan mo, dapat naroon ang tiwala sa sariling kakayahan, naniniwalang kayang gawin ang trabahong papasukan mo, at manalig sa Diyos na nagkakaloob sa atin ng lahat ng ating pangangailangan. Sa awa ng Diyos, ay nakapasa ako sa mga interviews at exam. Mula sa 37 na aplikante, ay pito kaming nakapasa. Dahil ito sa kakayahang nagawa ko sa dati kong pinasukan at pananalig sa kanyang magagawa kaya nakapasa ako.

Ito rin ang itinuturo sa atin ng ating Mabuting Balita ngayong araw na ito. Matapos nating mapakinggan ang ibinabala ni Jesus sa kanyang hinirang na 12 alagad na sila ay uusigin, dahil sa kanilang pangangaral tungkol kay Cristo. At dahil dito, ay pinalakas ng Panginoon ang loob nila, na sa kabila ng mga pag-uusig at kahirapang daranasin nila, ay naroon pa rin ang pangakong hindi sila pababayaan. Dahil sa kanilang pagmamahal sa Diyos, ay ipinapamalas ng Diyos sa kanila ang kanyang pag-aaruga, sa pamamagitan ng pagkakaloob sa kanila ng kanilang pangangailangan. Bukod dito, ay mas higit na pangako niya sa kanila, ito ay ang buhay na walang hanggan, isang tahanan na inilaan nya sa mga minamahal nya at tunay at buhos na nagmamahal nya.

Nawa'y maging matatag tayo at manalig sa kanya, sa kabila ng mga kahirapan at pag-uusig na ating hinaharap sa bawat araw. Sapagkat ang lahat ng ating ginagawa, mabuti man ito o masama, ay may kagantihang kakamtin natin, pagdating ng araw.

Saturday, June 18, 2011

Iisang Hangarin Para Sa Iisang Layunin (Dakilang Kapistahan ng Tatlong Persona Sa Iisang Diyos, Taon A)

"Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan, kaya't ibinigay niya ang kanyang kaisa-isang Anak, upang ang sinumang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan. 17 Isinugo ng Diyos ang kanyang Anak, hindi upang hatulang maparusahan ang mga tao, kundi upang iligtas ang mga ito sa pamamagitan niya. Hindi hinahatulang maparusahan ang sumasampalataya sa Anak. Ngunit hinatulan na ang hindi sumasampalataya, sapagkat hindi siya sumampalataya sa kaisa-isang Anak ng Diyos" - Juan 3:16-18 (ABMBB)

Sa isang grupo o organisasyon, ay mapapansin nating laging may layunin ang bawat grupo o organisasyong itinayo. Ito ay nagpapakilala kung anong klaseng damdamin, naisin ng bawat grupo. Upang maisakatuparan ang kanilang mithiin, ay kinakailangang magkakasing-diwa ang bawat miyembro o kaanib nito. Kapag ang isa o dalawang miyembro ay hindi nakiisa o iba ang layunin na taliwas sa layunin ng grupo, ang gawain o ang isang adikhain ay hindi maisasakatuparan. Manapa'y magdudulot ito ng pagkakasira, pagkakawatak-watak ng grupo, hanggang sa mawala at maghiwa-hiwalay na ang kasapi nito. Naalala ko tuloy ang palaging pangaral sa amin ng aming formator sa seminaryo noon. Kami ay naihahalintulad sa mga ting-ting sa walis, kapag nag-iisa, di nakakalinis. Ngunit kapag pinagsama-sama, kahit gaano man katindi ang kalat, kayang-kayang linisin. Dahil nagkakaisa ng layunin at hangarin. Kung tataglayin namin ang ganyang kaisipan, kahit anong pagsubok at hamon sa bawat isa sa amin, ay aming malalagpasan. Dahil sa nag-iisang layuning maglingkod sa kanya. Kung may isa sa amin na iba ang layunin ng pagpasok sa seminaryo, ay mag-sip-isip, dahil, ito ang maaring makasira ng bokasyon ng aming kasama, at nawawala ang diwang kusang loob na paglilingkod sa Diyos at sa kapwa.

Ang pagtataglay ng ganitong kaisipan ay ipinapakita sa atin ng Diyos sa atin ngayong ipinagdiriwang natin ang Dakilang Kapistahan ng Tatlong Persona sa Iisang Diyos ngayong Linggong ito. Bagaman maraming paliwanag ang ibinibigay ng mga teologo ukol dito, ay narito pa rin ang pagtanggap natin sa pananampalatayang ito. Dahil nalalaman natin ang kanilang persona, ay parehong mahalaga ang kanilang papel na ginampanan para sa ating kaligtasan. Ang Diyos Ama ang lumikha sa atin, at ng lahat ng bagay rito sa mundo. Siya ang mapagmahal at makatarungang Diyos na handang maggawad ng hatol sa bawat isa, mabuti man ito o masama. Dahil sa pagkakasala ng tao, ay ipinadala niya ang kanyang bugtong na anak, hindi lang upang iligtas ang sangkatauhan, kundi ipakita ang larawan ng pagmamahal ng Diyos na nakikita sa kanyang mga pananalita at kilos. At sa kanyang pagbabalik, sa Ama, ay ipinadala nya ang Banal na Espiritu, upang magpaalala sa kanila na ng lahat ng itinuro ni Jesus sa kanila, bilang mang-aaliw na kanilang masasandigan sa panahon ng kagipitan at kalakasan sa panahon ng pag-uusig.

Nagkakaisa ang Banal na Isangtatlo sa iisang hangarin nila at layunin: Ang Maligtas ang Lahat ng Tao at Makaalam ng Katotohanan (1 Timoteo 2:3 MBB). Katotohanang ang bawat isa sa atin ay nilalang ng Diyos, at ito ay dahil sa kanyang masidhing pagmamahal sa ating lahat. Lahat tayo ay minamahal ng Diyos. Anuman ang ating pinagdaanan, kultura at lahing kinabibilangan. Kahit ano pa man ang tingin sa atin ng iba, ay pantay-pantay ang pagtingin ng Diyos sa atin Pantay-pantay sa kanyang pagmamahal. Ito ang ipinapakita sa atin ng mga pagbasa ngayon. Sa Ating Unang Pagbasa, ay makikita natin si Moises na umakyat sa bundok ng Sinai upang makipagkita sa Diyos. Dito ipinahayag ng Diyos ang kanyang sarili na siya ay mapagmahal at maunawain. Bagaman siya ay nagagalit, nangingibabaw pa rin  ang kanyang pagmamahal sa lahat. Kung kaya ay isinamo ni Moises na samahan niya ang bayang Israel kahit na sila ay makasalanan. Dahil nalalaman ni Moises na dahil sa habag at kalinga ng Diyos, ay nakakaligtas sila sa mga panganib, at nararamdaman nila ang pagdamay ng Diyos sa kanila, kahit sila ay makasalanan. Ang ganitong kagandahang loob ng Diyos ay ating makikita sa ating Ebanghelyo na ang pag-ibig ng Diyos ay nahayag sa lahat nang pagkaloob sa atin ang bugtong niyang anak upang maligtas ang lahat sa pamamagitan ng  pagsampalataya sa kanya. Ang sinumang hindi tumanggap sa kanya, ay hindi tumatanggap sa buhay, at napapahamak. Sa pamamagitan ng pagtanggap sa kanya, ay tinatanggap na rin natin ang alok ng pag-ibig ng Diyos na siyang pinakananais nya. Kung kaya sa ating ikalawang pagbasa, ay pinapayuhang ni San Pablo na magkaisa ng damdamin ang lahat ng Kristiyano sa Corinto bilang tandas ng pananahan ng Diyos sa kanilang piling. Sapagkat ang pagtataglay ng pag-ibig sa bawat isa, ay kahayagan na ang Diyos ang naghahari sa kanila at nakikita sa bawat isa, sa pamamagitan ng pag-ibig. Sa Ating Salmong Tugunan, ay masaya niyang niluluwalhati at pinupuri ang Diyos na lumalang sa ating lahat. Ang pag-ibig na ito ang siyang larawan na ipinapakita ng Banal na Isangtatlo, na siyang kumikilos sa bawat isa at patuloy na nahahayag sa atin sa pamamagitan ng ating pagsasabuhay ng pananampalatayang tinanggap natin sa Diyos.

Nawa'y palaging makita sa atin ang larawan ng Banal Na Isangtatlong gumagabay at nagpapalakas sa atin. Ang larawan ng pagmamahal at pagkakaisa. Upang sa gayon, ay makita sa atin ang iisang hangarin ng Diyos na maligtas ang bawat isa at malaman ang walang hanggang pagmamahal nila sa sangkatauhan, ano pa man ang ating kaibahan at pinagdaanan sa buhay. Nawa taglayin natin sa ating mga puso ang pagpapala at pagmamahal ng Diyos Ama, Anak at Espiritu Santo, Amen.


Saturday, June 11, 2011

Lakas ng Diyos! (Linggo ng Pentekostes, Taon A)

"Kinagabihan ng Linggo ding iyon, ang mga alagad ay nagkakatipon. Nakapinid ang mga pinto ng bahay na kanilang pinagtitipunan dahil sa takot nila sa mga Judio. Dumating si Jesus at tumayo sa gitna nila. "Sumainyo ang kapayapaan!" sabi niya. Pagkasabi nito, ipinakita niya ang kanyang kamay at ang kanyang tagiliran. Tuwang-tuwa ang mga alagad nang makita nang makita ang Panginoon. Sinabi naman ni Jesus, "Sumainyo ang kapayapaan!Kung paanong sinugo ako ng Ama, gayon din naman, sinusugo ko kayo." Pagkatapos, sila'y hiningahanniya at sinabi, "Tanggapin ninyo ang Espiritu Santo. Ang patawarin ninyo sa kanilang mga kasalalan ay pinatawad na nga; ang hindi ninyo patawarin, ay hindi nga pinatawad." - Juan 20:19-23 (MBB) 

Sa takbo ng panahon natin ngayon na laganap ang kumpetisyon at mga masasamang balitang natatanggap natin ngayon, maging ang ang mga problemang dumarating sa ating buhay, ay hindi natin maiwasang mag-alala, mangamba, mag-panic, at matakot. Kadalasan pa nga, ang mga balitang ito ay nakakaapekto sa ating gawain, pag-iisip, pagsasalita at pagkilos, bunga ng mga pangyayari sa ating paligid. Ngunit, sa kabila ng mga pangyayaring ito na nagdudulot ng pangamba sa ating buhay, ay mayroon pa ring mga taong dumadamay sa ating kabiguan at pangamba, mga taong ang tanging nais, ay makita tayong nasa maayos na kalagayan. Sila ay ang ating kapamilya, kaibigan, mkamag-anak, at mga taong may mabubuting kalooban. Sa kanila tayo kumukuha ng lakas at katatagan ng loob. Sa pamamagitan kanilang pagdamay, ay lumalakas tayo at nagiging matatag sa pagharap ng mga pagsubok, at nagiging matapang tayo sa pagharap nito, hanggang sa malampasan natin ito. Sa ating pagiging matagumpay sa pagsubok at mga pangamba sa buhay, ay nagiging kasangkapan din tayo upang tulungan ang ating kapwa na sila rin ay, makayanan ang kanilang pinagdadaanan sa buhay. 

Ito ang katangian ng Ikatlong Persona ng ating Banal na Isangtatlo, ang Espiritu Santo, ngayong Linggo ng Pentekostes. Ang Pentekostes ay mula sa salitang Pene na ang ibig sabihin ay limampu (50). Ito ay pagdiriwang ng pista ng pag-aani ng mga Judio matapos ng 50 araw  mula ng pagdiriwang ng Paskwa o Passover. Isa ito sa masayang pagdiriwang ng mga Judio sa kanilang pananampalataya.

Ang Pentekostes sa panahong Kristiyano ay maihahalintulad din natin ito sa pista ng pag-aani ng mga Judio. Sapagkat sa pamamagitan ng pagbaba ng Espiritu Santo sa mga Apostol, ay nagkaroon sila ng tapang at lakas ng loob, upang ipangaral ang Mabuting Balita sa lahat ng tao sa Jerusalem sa ating Unang Pagbasa. Ang dating takot, ay naging matapang, dahil sa pangako ni Cristo sa kanila, na sa kanilang pangangaral, ay  sasamahan sila, gagabayan sila at paaalalahanan sila ng banal na espiritu sa kanilang gagawin at ipangangaral. Kahit wala na si Cristo sa kanilang iling, ay nariyan pa rin siya sa pamamagitan ng Espiritu Santo na magsisislbing lakas nila at Kadluan. Kung kaya, marami ang tumanggap, sumampalataya at nagpabinyag (Gawa 2:41). Ang dulot ng Espiritu Santo sa bawat sumasampalataya ay pagbabagong loob, panibagong sigla, at lakas, na siyang inilalarawan sa ating Salmong Tugunan. Nagbubunyi ang Salmista sa Diyos na lumalang sa lahat, dahil sa pamamagitan ng kanyang Espiritu, ay nagkakaroon ng buhay ang lahat ng nilkha. Kung kaya, masaya niyang ipinagbubunyi ang kapangyarihang dulot ng kanyang Espirtu sa atin. Sa ating Ikalawang Pagbasa, ay tinatalakay ni Pablo ang mga kaloob ng Banal na Espiritu. Inihalintulad niya ito sa ating katawan, bagaman iba-iba ang katangian, kakayahan, ay iisang Espiritu ang nagkakaloob at pumapatnubay. Sa pamamagitan ng kaloob na ito, ay nagiging mabunga, maayos ang takbo ng simbahan. Ang Espiritu Santo rin ang nagbubuklod sa atin upang magkaisa sa kabila ng ating kaibahan. Ang pagtataglay ng iisang pananampalatayang tinanggap natin ang nagbubuklod sa atin na maging isa. At sa ating mabuting Balita ngayon, ay makikita natin na si Jesus ay napakita sa kanyang mga alagad. Dahil sa takot sa mga Judio, ay nagtago sila nang namatay ang Panginoon sa Krus. Nang napakita siya sa kanila, imbis na panumumbat, ay kapayapaan ang bati sa kanila. nang ipakita niya ang kanyang sugat sa kamay at tagiliran, ay natuwa ang mga alagad, dahil napatunayang siya'y buhay. Matapo ito, ay hiningahan sila, at isinugo, taglay ang Banal na Espiritu, at kapangyarihang magpatawad ng kasalanan at di magpahintulot sa pagkakaloob ng kapatawaran. Ipinapakita sa atin ni Jesus ang kapangyarihan ng Banal na Espiritu bilang lakas ng Diyos na siyang nagkakaloob ng ibayong lakas, katatagan, pag-asa, at buhay, sa gitna ng ating mga takot at pangamba sa ating buhay. Kung kaya, tinatawag din na mang-aaliw ang Banal na Espiritu dahil sa biyayang dulot nito sa tatanggap sa kanya.

Ngayo din ay ipinagdiriwang ngayon ang kaarawan ng simbahan. Dahil sa Pentekostes, ay dito nagsimula ang simbahan, sa pamamagitan ng pagtanggap ng mga apostol, ay unti-unting lumago ang simbahan, at lumaganap ito, hindi lamang sa Jerusalem, kundi maging sa kaatig bansa nito at sa buong mundo. Hanggang ngayon ay patuloy na lumalaganap ang Simbahang pangkalahatan o Katoliko. Kahit magkakaiba man ng lahing pinagmulan, kulturang kinamulatan, at iba't-ibang kakayahan, at nagkakaisa, dahil sa pananampalatayang tinanggap nito sa mula sa mga Apostol, hanggang sa kanilang kahalili, ang Santo Papa, mga Obispo, Pari, Layko. Ipanalangin natin ang ating Inang Simbahan, sa tulong ng Espiritu Santo, na maging matatag ito, sa kabila ng mga maling aral na patuloy na lumalason sa ating lipunan, at maging matapang na ipagtanggol ang mga turo ni Cristo na ipinangaral ng kanyang mga alagad.

Nawa'y lagi tayong mapuspos ng Espiritu Santo, na siyang Lakas ng Diyos na ating kinakailangan sa pagharap natin sa bawat araw ng ating buhay. Upang sa gayo'y makita at maranasan ng lahat ang Makapangyarihang pagkilos ng Diyos sa ating buhay. 

Saturday, June 4, 2011

Magpatotoo sa Paghahari ng Diyos! (Dakilang Kapistahan ng Pag-akyat ng Panginoong Jesus, Taon A)

Pumunta ang labing-isang alagad sa Galilea, sa bundok na sinabi sa kanila ni Jesus. Nang makita nila si Jesus, siya'y sinamba nila, subalit may ilan sa kanilang nag-alinlangan. Lumapit si Jesus at sinabi sa kanila, "Ibinigay na sa akin ang lahat ng kapangyarihan sa langit at sa lupa. Kaya't habang kayo'y humahayo, gawin ninyong alagad ko ang mga tao sa lahat ng bansa. Bautismuhan ninyo sila sa pangalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo. Turuan ninyo silang sumunod sa lahat ng iniutos ko sa inyo. Tandaan ninyo, ako'y laging kasama ninyo hanggang sa katapusan ng panahon." - Mateo 28:16-20 (ABMBB)

Lahat tayo ay nagnanais na makarinig ng good news sa bawat taong makakusap natin. Madalas, kapag pinapipili tayo kung ano ang pipiliin natin sa dalawa ang gusto at una nating marinig, mas inuuna natin ang good news kaysa bad news. Mas gusto natin ang mapakinggan ang mga bagay na magdudulot sa atin ng tuwa at galak, kaysa bad news na hindi natin alam kung paano tatanggapin ito, dahil na rin sa ayaw nating masaktan o masira ang araw natin. Kapag nakakarinig ng magandang balita ang ating mga kapamilya, kamag-anak, kaibigan, kakilala tungkol sa atin, sila rin ay napupuspos ng galak, dahil sa magandang pagpapalang natamo natin. Ang bawat pananalita natin, bilang isa sa paraan ng ating pakikipag-ugnayan sa kapwa, ay nagdudulot sa makakabatid nito ang mensaheng nais nating iparating sa kanila. Kahit ito ay mabuti at masama. Lalo na sa panahong ito na makabago na ang pamamaraan ng ating paghahatid ng balita o impormasyon sa kapwa, sa pamamgitan ng internet, telepono, cell phone, at iba pa, ay mabilis na natin itong napararating sa iba ang mensahe sa kanila. Kumbaga sa salitang Ingles, "Small World" na tayo dahil parang kaharap natin o katabi ang ating kausap. Dahil sa bilis ng pagdadala ng mensahe sa atin sa pamamagitan ng makabagong teknolohiya. Wala nang malayo, o kahit pulo at dagat ang pagitan ng magkausap, ay parang magkatabi o magkaharap sila sa kanilang pakikipag-ugnayan sa bawat isa.

Ngayong Linggong ito ay ipinagdiriwang natin ngayon ang Dakilang Kapistahan ng Pag-akyat ni Jesus sa langit. Sa tagpo ng ating Ebanghelyo ngayon at sa Unang Pagbasa, ay makikita natin na si Jesus na namamaalam na siya sa kanyang mga alagad. Sa kanyang pagbabalik sa Ama, ay hindi rito natatapos ang misyon ni Jesus na ipalaganap ang Mabuting Balita sa lahat. Sa kanyang pasg-alis, ay inihabilin niya sa kanyang mga alagad na ipaganap ang Mabuting Balita sa lahat, binyagan at turuang sumunod sa utos at halimbawang inwan niya sa lahat. Bagaman may kaakibat na panganib ito, ay pinangakuan sila ni Jesus na hindi niya sila iiwan. Ang Banal na Espiritu na kanyang isusugo ang siyang magpapalakas, magiging gabay nila at magpapaalala sa kanila tungkol sa kanya. Bagaman wala na siya sa kanilang piling, ay nanatili pa rin siya sa pamamagitan ng halimbawang isinabuhay ng mga alagad, na siyang ipinagpapatuloy hanggang sa ngayon ng mga taong tumanggap sa kanya ng may buong pananampalataya, pag-asa at pag-ibig sa kanyang presenya. Kung kaya sa ikalawang pagbasa, ay matutunghayan natin ang pagpapahayag ni San Pablo sa kanyang sulat sa mga Taga Efeso ay idinadalangin niya na makita nila ang kapangyarihan ni Cristo sa kanilang buhay pananampalataya mula nang matanggap nila ang aral na itinuro sa kanila ni Apostol San Pablo. Sapagkat sa muling pagkabuhay ni Cristo at sa kanyang pag-akyat, ay ipinakita ng apostol ang tagumpay ni Cristo, mula sa kamatayan at ang kanyang paghahari sa sanlibutan. Sa kanyang tagumpay, ay nakikibahagi rito ang mga Kristiyanong nanatiling tapat sa kanyang pananampalataya, kung kaya dalangin ni San Pablo na mabatid nila kung gaano sila kapalad kung makasama sila sa tagumpay na ito ni Cristo sa bawat sumampalataya sa kanya. At sa ating Salmong Tugunan, ay masayang niluluwalhati ng Salmista ang tagumpay ng Diyos mula sa kanilang mga kaaway, at ang kaluwalhatiang tinamo nila, ay kanilang ipinagdiriwang, kung kaya inaanyayahan tayo na magbunyi sa tagumpay na ibinibigay ng Diyos sa bawat isa sa atin.

Ngayon ay ipinagdiriwang rin natin ngayon ang Araw ng pandaigdigang Komunikasyon. Nanawagan ang simbahan sa lahat na nawa ang media, bilang isang mahalagang instrumento ng pagpapahayag ng mensahe sa bawat tao, ay maging daan upang maipahayag ang bawat balita at impormasyon sa lahat ng tao nang may katotohanan, at hindi pansariling interes ang pairalin. Nawa ang media rin ay maging isang daan upang maipahayag sa lahat ng tao ang Mabuting Balita sa lahat ng tao, at hindi maging daan sa kasiraang puri at pagsasamantala na nagiging sanhi ng kaguluhan, pagkakabaha-bahagi, at di pagkakasundo ng bawat isa, dahil sa maling impormasyong ibinabalita sa lahat. 

Nawa'y palaging ang Mabuting Balita ni Cristo ang siyang makita at maranasan ng lahat ng makakakilala sa atin, hindi lang sa pananalita at kilos, kundi maging sa mga makabagong teknolohiya na ginagamit natin sa pakikipag-ugnayan sa iba. Nang sa gayon, ay madama ng bawat isa sa atin ang presensya ni Cristo na nakikita sa atin.