Wednesday, August 31, 2011

Ipahayag Ang Kahanga-hangang Gawa Ng Diyos! (Miyerkules sa Ika-22 Linggo Karaniwang Panahon, Taon I)

Si Jesus ay umalis sa sinagoga at nagpunta sa bahay ni Simon. Nagkataong ang biyenan ni Simon ay may mataas na lagnat kaya't nakiusap sila kay Jesus na ito'y pagalingin. Tumayo si Jesus sa tabi ng higaan ng babae at iniutos na mawala ang lagnat, at ito'y nawala nga. Kaagad namang tumayo ang babae at naglingkod sa kanila. Pagkalubog ng araw, dinala ng mga tao kay Jesus ang lahat ng maysakit, anuman ang karamdaman ng mga ito. Ipinatong niya ang kanyang kamay sa bawat isa, at silang lahat ay gumaling. Pinalayas din niya ang mga demonyo sa mga taong sinasapian ng mga ito. Lumabas silang sumisigaw, "Ikaw ang Anak ng Diyos!" Ngunit sinaway sila ni Jesus at hindi pinahintulutang magsalita sapagkat alam nila na siya ang Cristo.  Nang mag-uumaga na, umalis si Jesus at nagpunta sa isang ilang na pook. Hinanap siya ng mga tao, at nang matagpuan ay pinakiusapang huwag muna siyang umalis. Subalit sinabi niya, "Dapat ko ring ipangaral sa ibang mga bayan ang Magandang Balita tungkol sa paghahari ng Diyos, sapagkat iyon ang dahilan kaya ako isinugo." At nagpatuloy siya ng pangangaral sa mga sinagoga- Lucas 4: 38-44 (ABMBB)

"Ang Sarap Makinig ng Kwento!" Ito ang kadalsang nasasabi ko sa sarili ko kapag nakakapakinig ako ng maraming magagandang kwento sa paligid ko. Lalo na kung ito ay nagbibigay inspirasyon sa akin upang lalo pang magpursige sa buhay, maging matatag sa harap ng pagsubok, at magsilbing halimbawa kung paano ako magiging mabuting tao sa paningin ng Diyos at kapwa. Masarap makinig ng kwento, masarap makipagpalitan ng mga kaalaman na maaring mapalago sa atin bilang tao at maari rin makatulong upang maging magaan ang ating dalahin sa buhay, dahil na rin sa mga kaalamang nababatid natin. Kung matutunan natin na panatilihing maganda ang mga salita o paksa na namumutaw sa ating mga bibig at nasa sa ating puso, ito ay magbubunga ng magandang samahan ng bawat isa at tutulong na lumago tayo bilang isang tao. Sa halip na gulo, pagkakabaha-bahagi at di pagkakaunawaan, bunga ito ng mga usapang di na nakalulugod sa paningin at pandinig ng ibang tao.

Sa ating Ebanghelyo sa araw na ito, ay matutunghayan natin ang pagpapatuloy ng minsteryo ng ating Panginoon sa mga tao, matapos siyang magpalayas ng demonyo na natunghayan sa ating Mabuting Balita kahapon, ay nagpapatuloy pa rin ang pagpapagaling ng ating Panginoon sa mga maysakit. Mababasa natin ang pagpapagaling niya sa biyenan ni Pedro at ang mga aong patuloy na lumalapit sa kanya upang magpagaling. Bunga ito ng pagiging bantog sa kanyang mga gawa na nasaksihan ng ibang tao. At dahil sa pagkamanghang ito, ay mabilis na lumaganap ang kanyang mga gawa sa lahat, at umaasang mapapagaling sila sa kanilang karamdaman. Hindi sila nabigo sa ating Panginoon, dahil sa kanyang kaamuan at pagnanais na maipahayag niya na naghahari na ang Diyos sa kanilang bayan, paghaharing hindi katulad ng mga kaharian sa ibang banda, kundi ang tanda ng presensya ng Diyos, ang Diyos na sumasaatin sa pamamagitan ng kanyang himala at turo na nagpapakita na kumikilos ang Diyos sa kanilang harapan at hindi siya malayo sa kanila, kundi ay kasama nila ang Diyos. Bagaman pinigilan siya ng mga tao, ay ninais ni Jesus na ipangaral ang Ebanghelyo sa ibang lugar, upang sila man, ay mabiyayan ng habag ng Diyos na dadatnan nito. Itinuturo sa atin ng Mabuting Balita na bilang mga saksi sa paghahari ng Diyos, ay magsikap tayo na ipakilala at ilapit ang bawat tao kay Cristo na siyang magdudulot ng lakas at pag-asa sa mga taong aba at patuloy na naghahanap ng kalinga ng Diyos.

Nawa ay patuloy tayong magsikap na ilapit ang ating kapwa kay Cristo sa pamamagitan ng ating pamumuhay. Upang sa gayo'y madama rin nila ang ginhawang ninanais nilang matamo na tanging sa Kanya lamang masusumpungan.

Tuesday, August 30, 2011

Ang Kapangyarihan Ni Jesus (Martes sa Ika-21 Linggo Sa karaniwang Panahon, Taon I)

Mula roon, si Jesus ay nagpunta sa Capernaum sa Galilea at nagturo sa mga tao nang Araw ng Pamamahinga. Namangha sila sa kanyang pagtuturo sapagkat may kapangyarihan ang kanyang pananalita. May isang lalaki noon sa sinagoga na sinasapian ng masamang espiritu. Sumigaw ito nang malakas, "Ano ang pakialam mo sa amin, Jesus na taga-Nazaret? Naparito ka ba upang puksain kami? Kilala kita. Ikaw ang Banal na mula sa Diyos." Subalit inutusan siya ni Jesus, "Tumahimik ka, lumayas ka sa taong iyan!" At nang mailugmok ang lalaki sa kanilang kalagitnaan, umalis ang demonyo ng hindi siya sinasaktan. Namangha ang lahat ng nakasaksi kaya't nasabi nila sa isa't isa, "Ano ito? Lubhang makapangyarihan ang kanyang salita! Nauutusan niyang lumayas ang masasamang espiritu, at sumusunod naman sila!" At kumalat ang balita tungkol kay Jesus sa buong lupaing iyon. - Lucas 4:31-37 (ABMBB)

Ang pagtataglay ng isang kapangyarihan ay isang magandang atraksyon sa paningin ng mga nakakakita nito. Dahil ang angking pambihirang galing na ito ay hindi tinataglay ng bawat tao. Sa twing tayo'y nakakakita ng mga ito katulad ng Mahilka, mga nagpapalayas ng demonyo, pagpapagalaw ng isang bagay na hindi ginagamitan ng pisikal na lakas at ang ilang kauri nito, ay nabibighani, humahanga tayo at hindi rin maitatanggi na may naghahangad na magtaglay rin ng ganitong kapangyarihan. Subalit, nakalulungkot sa atin na marami ang nagtaglay ng ganitong galing, ay sa halip na gamitin ito sa kabutihan, ay ginagamit nila ito upang gumanti sa kapwa, maging sikat sa iba, at gamitin ito upang makapanloko ng ibang tao. Mas nakakatakot na kahit na galing ito sa pwersa ng kadiliman, ay kanila pa rin tong tinanggap at ginagamit, makuha lang ang kanilang personbal na interes.

Ang ganitong kapangyarihan ay taliwas sa ipinakita ng ating Panginoon sa Mabuting Balita ngayon. Sa kanyang pagtuturo sa mga Judio, ay nakita at namangha sila sa kapangyarihan ng kanyang mga salita na kanyang ibinabahagi. Sapagkat si Jesus ay anak ng karpinterong si San Jose. Mas lalo pa silang namangha nang palayasin ni Jesus ang demonyong sumasapi sa isang lalaki. Dahil sa kilala ng demonyo kung sino ang nasa harap nya, ay buong sigaw niyang ipinahayag kung sino siya. Sa halip na magmalaki, ay pinatahimik ni Jesus ang dimonyo at pinalayas. Isang katangiang ipinakita sa lahat ang kanyang kapangyarihan ay galing sa Ama, at tanging ang Diyos lamang ang dapat papurihan sa ganitong himala, hindi ang gumawa o kasangkapan nito.Bagay na ipinapakita nya ang pagiging Anak ng Diyos na masunurin at ang tanging nais ay mabigyang kaluwalhatian ang Diyos na nagsugo sa kanya. 

Nawa sa bawat kakayahang mayroon tayo, ay palagi nating tularan si Jesus, na ang tanging nilalayon ay mabigyang luwalhati ang Diyos at magimg mapagpakumbaba at masunuring anak tulad nya. Upang sa gayon ay makita sa atin ang kapangyarihan ng Diyos na kumikilos sa atin.