Saturday, May 14, 2011

Pakikinig: Pagpapakita ng Pagsunod At Pagkakakilanlan (Linggo sa Ika-4 Na Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay, Taon A)

Noong panahong iyon: Sinabi ni Jesus, "Tandaan ninyo ito: ang pumapasok sa kulungan ng mga tupa nang hindi sa pinto nagdaraan, kundi umaakyat sa di dapat pagdaanan, ay magnanakaw at tulisan. Ngunit, ang nagdaraan sa pintuan ay ang siyang pastol ng mga tupa. Pinapapasok siya ng bantay-pinto, at pinakikinggan ng mga tupa ang kanyang tinig. Tinatawag niya ang kanyang mga tupasa kani-kanilang pangalan, at inilalabas sa kulungan. Kapag nailabas na, siya'y nangunguna sa kanila at sumusunod naman ang mga tupa, sapagkat nakikilala nila ang kanyang tinig. Hindi sila sumusunod sa iba, bagkus pa nga, ay patakbong lumalayo, sapagkat hindi nila nakikilala ang kanyang tinig." Sinabi ni Jesus ang talinghagang ito, ngunit hindi nila nauunawaan ang ibig niyang sabihin. Kaya't muling sinabi ni Jesus, "Tandaan ninyo: ako ang pintuang dinaraanan ng mga tupa. Ang mga nauna sa akin ay mga magnanakaw at mga tulisan, ngunit hindi sila pinakinggan ng mga tupa. Ako ang pintuan. Ang sinumang pumapasok sa pamamagitan ko'y maliligtas. papasok siya't lalabas, at makakatagpo ng pastulan. Kaya lamang pupunta rito ang magnanakaw ay upang magnakaw, pumatay at magwasak. Naparito ako upang ang mga tupa'y magkaroon ng buhay - isang buhay na ganap at kasiya-siya." - Juan 10:1-10 (MBB)  

 Naniniwala ako sa kasabihang ingles na, "Tell me who your friends are and I'll tell you who you are." at "Birds have the same feathers, will flock together." Isa ito sa mga kilalang kasabihan na nagpapakilala ng ating pagkakakilanlan at uri ng estado sa buhay, batay sa mga taong ating nakakasama. Sapagkat, ang ating paniniwala, hilig, nais at ang ating pag-uugali ay nababago, batay sa mga taong nakapaligid sa atin, at sa mga taong nais nating samahan. Madals, ay madali tayong magkaroon ng impression sa kanila kung ano bang pagkatao nila. Minsan pa nga, ay makikilala mo na kung anong ugali meron sila. Kadalasan din, kapag napasama tayo sa isang rupo, o ang ating kaibigan, ang ating ugali o ang ugali ng ating kaibigan ay nababago, dahil na rin sa mga taong nakapaligid sa kanila, maging ito man ay mabuti o masama. Nakakalungkot minsan na may mga kaibigan tayo o kasama na biglang nagbago ang kanilang ugali na dating mabuti ay masama, o kahit nagiging sunud-sunuran na lang sila sa layaw ng kanilang mga kaibigan. Na tila baga hindi nila naiisip kung makakabuti ito o masama sa kanilang kapwa o kanilang pagkatao. Kahit minsan, kahit anong pilit nating pakiusapan, ay di nila ito pinapansin. Mapapansin na lang nila ito kapag nasadlak na sila sa isang kumplikadong sitwasyon o nagkaroon na ng tabangan sa samahan. Napagtatanto nila na mali ang kanilang nagawa at hindi ito ang tunay namakapagbibigay sa kanila ng tunay na kaligayan sa buhay.

Ngayong Linggong ito sa ika-apat a Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay, ay ipnagdiriwang natin an linggong ito na Linggo ng Mabuting Pastol. Na kung saan, ay matutunghayan natin si Jesus, bilang mabuting pastol na walang hangad, kundi ang bigyang buhay ang kawang ibinigay sa kanya ng Diyos. Ipinapakita sa atin ni Jesus sa atin na bilang isang pastol sa kanyang kawan, ay tungkulin niyang pangalagaan ito at bigyang buhay ang kawang ito, na walang iba kundi ang simbahan. Binigyang diin din niya na ang sinumang nakikinig sa kanyang tinig, ay tunay na kanyang alagad. Ang ibang pastol na tinutukoy rito ay ang mga taong nagtatangkang manira sa kawan. Mga taong walang ginawa kundi ang sirain ang pananampalataya ng simbahan, at wasakin ito. Sa kabila nito, ay pinaaalalahanan tayo ni Cristo na patuloy na makinig at sumunod sa kanya. Sa pamamgitan nito, ay magiging ligtas tayo sa kapahamakang idinudulot ng mga taong nagnanais sumira ng ating pananampalataya at pagkatao.

Ang paalalang ito ay makikita natin sa Unang Pagbasa, na ipangangaral ni Apostol San Pedro na ang kaligtasan ay na kay Cristo na nag-alay ng buhay para sa katubusan natin. At upang maligtas, ay kinakailangan ang pagsisisi, pagpapabinyag, at pangangakong mabuhay sa aral ni Cristo. Binabalaan ang mga pinangarala nila na lumayo sila sa masamang lahing ito upang maligtas. Ang masamang lahing ito, ay hindi lang tumutukoy sa mga Judio, kundi sa mga gawang masama tulad ng pandaraya, pagiging mataas, palalo, at iba pa na pinapakita ng Pariseo. Ang babalang ito ng mga alagad ay pagpapakita ng kanilang pagmamalasakit sa mga tao, kagaya ng ipinakita ni Jesus sa kanila. Itong kanilang aral ay patuloy na kanilang isinabuhay, na siyang tanda ng patuloy na pagpapastol sa mga natawag sa Kristiyanismo, sa pamamagitan nila. Gayon din sa ating Ikalawang Pagbasa, na ipnapakita ni San Pedro sa atin ang halimbawang ipinakita ni Cristo sa atin sa kanyang pagtitis, bilang isang pastol sa kanyang kawan. sa halip na gumanti, ay pinili niyang manahimik at manalig sa Diyos. Dahil sa kanyang pag-aalay ng buhay, ay nagkaroon tayo ng panibagong buhay, panibagong pag-asa, dahil sa pag-ako niya ng ating mga kasalanan, na sa halip na tayop ay parusahan. tanda ng kanyang pagmamahal sa kawang kanyang inaalagaan. Kung kaya ipinapayo niya na tularan ng bawat aliping Kristiyano ang halimbawang ito, bilang tanda ng kanilang pakikiisa sa Pastol na naghandog ng buhay para sa kanila. Kung kaya ang katangian ng isang mabuting pastol ay matatagpuan natin sa Salmong Tugunan. Ipinapakitang panatag ang salmista sa paggabay sa kanya ng pastol, at nangangamba para sa kanyang kaligtasan. Dahil nariyan ang pastol na aalalay, gagabay at magtatanggol sa kanya.

 Kaalinsabay din ng pagdiriwang ng Linggo ng Mabuting Pastol, ay ipinagdiriwang natin ang Linggo ng Pandaigdigang Bokasyon. Nananawagan ang simbahan sa lahat ng mga kaanib nito na ipanalangin at himukin ang mga kabataang may tawag sa bokasyon sa pagpapari, pagmamadre, at pagiging pinunong layko. Sapagkat kulang ang mga manggagawa sa simbahan at marami pang lugar na kinakailangang makilala ang di magmamaliw na pag-ibig ng Diyos sa lahat. Kung kaya, hinihingi din ng simbahan na ipanalangin din natin ang mga pastol ng ating simbahan, ang Papa, mga obispo, pari, diyakono, madre, at lahat ng mga naglilingkod dito, na nawa'y makita sa kanila ang larawan ni Cristong pastol na ngangalaga sa kanyang kawan ngayon sa kasalukuyan. Sapagkat sila ay inilagay ng Diyos upang pangalagaan, ingatan, bantayan, at palakasin ang bawat kaanib ng Simbahan, ano pa man ang kalagayan, lahi, at kulturang kinabibilangan. Sapagkat ang bawat binyagan ay tupang nangangailangan ng kalinga at gabay ng Diyos. Kung kaya, ang bawat pari at relihiyoso ay nakikibahagi sa pagiging pastol ni Cristo, na naghahandang mag-alay ng buhay para sa kanyang Simbahan. Dahil sila rin ang tagapagpaalala sa atin kung sino tayo ayon sa paningin ng Diyos at paano dapat tingnan rin natin ang ating kapwa, sang-ayon sa kalooban ng Diyos. 

Nawa'y palagi tayong makinig sa ating butihing pastol at sa kanyang katuwang sa bawat sandali ng ating buhay. Ipanalangin natin ang mga katuwang sa pagpapastol ng ating Panginoon, kagaya ng pari at madre. Upang sa gayo'y maaninag natin ang pagmamahal ni Cristo sa bawat isa sa atin, sa pamamagitan nila na kumikilos at nagtuturo sa atin ng daan patungo sa kanya. 

No comments:

Post a Comment