Kinagabihan ng araw ng Linggo, ang mga alagad ay nagkakatipon. Nakasara ang mga pinto ng bahay na kanilang pinagtitipunan dahil sa takot nila sa mga Judio. Dumating si Jesus at tumayo sa kalagitnaan nila. "Sumainyo ang kapayapaan!" sabi niya. Pagkasabi nito, ipinakita niya ang kanyang mga kamay at ang kanyang tagiliran. Nang makita nila ang Panginoon, tuwang-tuwa ang mga alagad. Sinabi na naman ni Jesus, "Sumainyo ang kapayapaan! "Kung paanong isinugo ako ng Ama, isinusugo ko rin kayo. Pagkatapos, sila'y hiningahan niya at sinabi, Tanggapin ninyo ang Espiritu Santo. Ang patatawarin ninyo sa kanilang mga kasalanan ay pinatawad na nga, subalit ang hindi ninyo patatawarin ay hindi nga pinatawad. Ngunit si Tomas, na tinatawag na Kambal at kabilang sa Labindalawa, ay wala roon nang dumating si Jesus. Kaya't sinabi sa kanya ng ibang mga alagad, Nakita namin ang Panginoon! Sumagot si Tomas, Hindi ako maniniwala hangga't hindi ko nakikita at nahahawakan ang butas ng mga pako sa kanyang mga kamay, at hangga't hindi ko naisusuot ang aking daliri sa mga sugat na iyon at sa kanyang tagiliran. Makalipas ang isang linggo, muling nagkatipon sa loob ng bahay ang mga alagad at kasama nila si Tomas. Nakasara ang mga pinto, ngunit nakapasok si Jesus at tumayo sa kalagitnaan nila. Sinabi niya, Sumainyo ang kapayapaan! At sinabi niya kay Tomas, Tingnan mo ang aking mga kamay. Ilagay mo ang iyong kamay sa aking tagiliran at huwag ka nang mag-alinlangan pa, sa halip ay maniwala ka. Sumagot si Tomas, Panginoon ko at Diyos ko.Sinabi sa kanya ni Jesus, Naniniwala ka na ba dahil nakita mo ako? Mapalad ang mga naniniwala kahit hindi nila ako nakita. Marami pang himala ang ginawa ni Jesus na nasaksihan ng mga alagad, ngunit hindi nakasulat sa aklat na ito. Ang mga nakatala rito ay isinulat upang kayo'y sumampalataya a na si Jesus ang Cristo, ang Anak ng Diyos, at upang magkaroon kayo ng buhay sa pamamagitan niya. - Juan 20:19-31 (ABMBB)
Isa sa mga sikat na linya na napapanood natin sa isang pelikula, sa TV, radyo, maging sa mga babasahin at lalo na sa ating pang-araw-araw na buhay ang linyang, "Kung ang Diyos ay nakakapagpatawad, tayo pa kayang mga tao lamang?" Sa tototo lang, ay marami nang beses na naririnig ang ganyang linya, hindi lamang sa mga taong malalapit sa akin, kundi maging sa mga taong nakakasakit sa akin, at mga malalapit sa akin na naghihimok na bigyan ko po ng isa pang pagkakataon ang aking kapwa, sa kabila ng kanyang maling nagawa na nakasakit sa akin. Sa twing napapakinggan ko ito, ay napapatigil akong sandali at napagtatanto ko na, "Oo nga, sa dami-dami ng kasalanang nagawa ko sa Diyos, ay narito pa ring nagbibigay siya ng pagkakataon sa akin upang maiayos ko ang aking buhay, at sikaping wag ko nang ulitin iyon." At ito ang nagiging daan upang maging mahinahon ako at wag nang masyading magalit nang husto.
Noong nakaraang Miyerkules, ay natanggap ko ang premyo na aking napanalunan sa isang trivia contest sa facebook, na isinagawa ng Apostles Filipino Catholic Community (AFCC), ay isang commemorative rosary para sa karangalan ng pagpaparangal at pagkilala ng simbahan sa ating yumaong Santo Papa Juan Pablo Ikalawa, bilang isang pinagpala o blessed. Isang hakbang ito upang siya ay maitanghal bilang Santo ng ating Simbahan. Habang tinitingnan ko ang center medal ng aking Rosaryo na makikita ang nakaukit na imahen ng papa na nananalangin, ay sumagi sa aking isip ang isa sa mga bagay na hinahangaan ko sa kanya. Ito ay ang kanyang pagpapatawad sa isang muslim na bumaril sa kanya noong May 13, 1981, kapistahan ng Mahal na Birhen ng Fatima. Sa halip na gumanti, ay nagpakita ang Santo Papa ng pagpapatawad at pagnanais na ipakita ito, hindi lamang sa salita, kundi binisita pa ito at kinausap nang masinsinan. Sa halip na makita sa kanya ang galit sa mukha, ay nagpakita siya ng kahinahunan at totohanang pagpapatawad sa nagawa ng bumaril sa kanya. Dahil dito, ay lubos na hinangaan ng buong mundo, dahil sa kanyang lubos na pagiging maawain at mapagpatawad. Kahit sa kanyang pagiging bantog at kilala, ay nanatili pa rin ang kanyang pagpapakumbaba sa lahat, lalo na noong siya ay humingi ng tawad sa publiko, dahil sa mga nagawang mga kamalian ng simbahan noong pang una. Tulad na lang ng mga pagkakaalit ng Simbahang Katoliko sa mga Judio, protestante at mga taong naging biktima ng pagkakamaling ito ng simbahan. Kung kaya, sa kanyang kamatayan, ay marami ang nagluksa, dahil sa kabutihang nagawa niya sa buong mundo, at pagpapamalas ng kagandahang loob na ito sa lahat ng tao, ano pa man ang kanilang kalagayan sa buhay.
Ang katangiang ito na ipinakita ng ating yumaong Santo Papa ay siya ring ipinakita ni Jesus sa ating Mabuting Balita ngayon. Dahil sa pagkamatay si Jesus at natatakot sa mga Judio na baka sila rin ay patayin, ay nagtatago sila sa isang silid. Sa kanilang pagtatago, ay biglang nagpakita si Jesus sa kanila, at sinabing, "sumainyo ang kapayapaan." ang pagkakasabi niyang ito ay isang pagpapahiwatig ng pagkakaroon ng hinahon at walang pangamba. Matatandaan natin na noong naghihirap ang ating Panginoon, ay tumakas sila at nagtago, maliban kay San Juan na kanyang minamahal na alagad. Sa halip na panunumbat, ay pinayapa sila ni Jesus at ipinahihiwatig nilang, huwag silang mag-alalala, sapagkat sa kabila ng nagyari sa kanya, ay nagpakita siya ng habag at awa sa kanila, dahil sa lubos niyang pagmamahal sa kanila at pagtanggap sa kanilang kahinaan. Kahit si Tomas, na nag-alinlangan sa kanya, sa halip na sumbat, pag-unawa at pagpapatawad ang ipinagkaloob sa kanya. Ang ganitong pagpapatawad sa kapwa, ay siya ring isinabuhay ng mga alagad sa ating Unang Pagbasa, na matapos nilang ipangaral ang kagandahang loob ng Diyos sa kanila, dahil sa katubusan at muling pagkabuhay ni Cristo, ay nakitaan sa mga sumampalataya ang kagalakan at kasiyahan, dahil sa biyayang ito na ipnagkaloob sa kanila ng Diyos. Ito rin ang ipinapakita ni Apostol San Pedro sa unang sulat niya sa ating Ikalawang Pagbasa ang pagiging mapalad ng mga sumasampalatayang Kristiyano. Dahil sa pagkabuhay ni Cristo, ay nagkaroon ng kabuluhan ang buhay ang bawat sumasampalataya. Isang panibagong buhay na ipinagkaloob sa kanila ng Diyos na kalakip ang mga pagpapalang espiritwal sa bawat isa. Ipinapayo niya na ingatang mabuti ang pananampalatayang kanilang tinataglay, sapagkat sa bandang huli, ay matatamo nila ang bunga ng kanilang pagtitiyaga-ang kaligtasan. At sa ating Salmong Tugunan, ay ipinagbubunyi ng ating salmista ang walang hanggang pag-ibig ng Diyos sa kanya, dahil sa kaligtasang idinulot ng Diyos sa kanya.
Ngayon ay ipinagdiriwang rin natin sa araw na ito ang Divine Mercy Sunday o ang Linggo ng Mabathalang pagkaawa. Iniutos ng ating Panginoon sa kanyang lingkod na si Santa Faustina Kowalska, isamg madreng Polako, na ipagdiwang ang kapistahan ng Mabathalang Pagkaawa twing Ikalawang Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay. Ipinapaalala sa atin ng ating Panginoon ang kanyang lubos na awa at pagmamahal sa atin. Sa kabila ng ating mga nagawang kasalanan, ay narito siya at naghihintay na lumapit at bumalik tayo sa kanya. Dahil ninanais niyang tayo ay maligtas at walang mapahamak. Ngunit, upang maging makabuluhan at lubusan nating maranasan ang habag ng Diyos, ay itinuturo sa atin ng Diyos na maging maawain at mapagpatawad din tayo sa iba, upang sa gayon ay maranasan din nila ang pagpapatawad at pagbibigay ng pagkakataon ng Diyos sa bawat isa, sa kabila ng ating mga pagkukulang.
Pasalamatan natin ang Diyos sa kanyang walang hanggang pagbibigay sa atin ng pagkakataong ituwid ang ating mga pagkukulang, at nawa'y ipakita natin sa bawat isa ang kapatawaran at pagpapakumbaba. Upang sa gayon, ay maghari at makita sa atin ang Diyos na nagpapatawad sa atin at patuloy na nagmamahal, sa kabila ng ating kasalanang nagawa, at handang tumanggap sa ating mga kahinaan, na siyang daan ng pagkakasundo at pagkakaisa.
No comments:
Post a Comment