Malapit na sila sa Jerusalem, at pagdating nila sa Betfage, sa Bundok ng mga Olibo, inutusan ni Jesus ang dalawang alagad: “Pumunta kayo sa kabilang ibayo at may makikita kayo roong isang inahing asno na nakataling kasama ang isang bisiro. Kalagan sila at dalhin sa akin. Kung may magtatanong sa inyo, sabihin ninyong: Kailangan sila ng Panginoon pero ibabalik din sila kaagad.” Kaya natupad ang sinabi ng Propeta: “Sabihin sa Dalagang Sion: Parating na sa iyo ang iyong hari, simple, nakasakay sa asno, sa isang hayop na pantrabaho.” Umalis ang mga alagad at ginawa ang iniutos ni Jesus. Dinala nila ang asno at ang bisiro, at isinapin dito ang kanilang mga balabal para upuan ni Jesus. Marami naman ang naglatag ng kanilang mga balabal sa daan; pumutol naman ng mga sanga mula sa mga puno ang iba at inilagay rin ang mga ito sa daan. 9 Sumisigaw ang mga taong nangunguna at sumusunod sa kanya. Sinabi nila: “Hosanna sa Anak ni David! Mapalad ang dumarating sa Ngalan ng Panginoon! Hosanna, luwalhati sa Kaitaasan!” Pagpasok ni Jesus sa Jerusalem, nagulo ang buong lunsod, at nagtanungan sila: “Sino ito?” At sumagot naman ang mga tao: “Ito ang propetang si Jesus na taga-Nazaret ng Galilea.” - Mateo 21:1-11 (BSP)
Linggo ng Palaspas. Isa sa pinakamaringal na pagdiriwang na ginugunita nating mga Katoliko minsan sa isang taon. Sari-saring estilo, haba at disenyo ang mga palaspas na makikita natin sa mga lansangan. Kadalasan, ay bumbili tayo ng palaspas, upang ipakita natin ang pagbubunyi natin sa naging matagumpay na pagpasok ni Jesus sa Jerusalem, na ginawa ng mga Judio noong siya ay dumating. Nakakatuwa na marami ang nakikibahagi sa ganitong pagdiriwang, ngunit, may ilan din ang nagkakaroon din ng maling pagtingin sa mismong gamit ng palaspas. Naalala ko noon noong ako'y elementary, sinasabi ng ilang matatanda na pagkatapos mabasbasan ang mga palspas, ito ay dapat isabit sa bintana o pinto, upang pantaboy sa masasamang espiritu at hindi makapasok sa bahay. May nagsasabi rin na kapag isinabit rin ito sa bintana, upang hindi tamaan ng kidlat ang baya at maligtas sa panganib. Nakakalungkot na kaya sila nakikilahahok dito ay upang makamtan nila ang proteksyon na kanilang ninanais at hindi makita ang tunay na kahulugan nito na may kinalaman sa ating buhay.
Makikita natin ngayon sa ating Ebanghelyo ngayon ang matagumpay na pagpasok ni Jesus sa Jerusalem. Ito ang simula ng kanyang dadanasing hipap pagkaraan lamang ng ilang araw. Dahil sa siya ay kilala at bantog sa kanyang mga pangangaral at mga himala, ay pinagpugayan siya ng tao. Isang masayang pagsalubong sa kanya, dahil sa nababatin nila na ang Diyos ay nasa kanilang piling sa pamamagitan ni Jesus. Sa halip na kabayo, na sinasakyan ng mga mandirigma at mga mayayamang tao, ay asno ang kanyang sinakyan. Ito ay pagpapakita ng kanyang pagpapakumbaba at pagpapakita ng isang kakaibang hari. Isang hari na pwedeng abutin ng kahit sinong tao, anuman ang kanilang kalagayan at katayuan sa lipunan. Bagaman siya ay pinagpupugayan ng tao, ay nanatili a rin ang pagpapakumbaba ni Jesus sa lahat. Dahil ang ninanais niya ay mabigyang luwalhati ang Diyos at iligtas ang lahat ng tao.
Kung paanong ang palaspas na ating iwinawasiwas sa oras na mabasbasan ng pari, ay maging isang magandang paalala sa atin ang mga palaspas na ito. Kung paanong ito ay sariwa nang mabasbasan ito, di magtatagal, ay matutuyo, malalana, hanggang sa ito ay sunugin at gamitin sa pagpapahid ng abo sa Miyerkules ang Abo. Isang napakagandang paalala na ang buhay natin sa mundo ay pansamantala lamang, kung kaya tinuturuan tayong maging mapagpakumbaba sa harap ng Diyos. Sapagkat ang lahat ng tinataglay natin, bagaman ito ay nagpapatingkad sa ating katayuan dito sa mundo, ay darating ang panahong iiwan natin ang lahat ng ito, lilipas ang lahat ng mga bagay, at babalik tayo sa Diyos na nagkaloob sa atin ng ating buhay at sa kanya rin natin ipagsusulit ang lahat ng ito. Katulad ni Jesus, tayo nawa'y maging mapagpakumbaba sa harap ng Diyos, lalo na sa panahong tayo ay nakakriwasa o nagiging maganda ang estado natin sa buhay. Sapagkat ang lahat ng mayroon tayo, ay hindi para sa sarili nating kapakinabangan, kundi para sa ikaluluwalhati ng Diyos na nagkaloob sa atin ng lahat ng ito, at ipagsusulit sa panahong tayo ay babalik na sa kanyang tahanan sa langit.
No comments:
Post a Comment