Ang simbahan ang isa isa pinakamakapangyarihang institusyong umiral sa ating lipunan. Sa pamamagitan ng mga aral na itinaaguyod nito, ay kaya nitong impluwensyahan ang mga tagasunod nito, dahil sa isang pananampalatayang tinanggap nito. Ang EDSA revolution na pinakilos ng ating namapayapang si Cardinal Sin ang isang halimbawa nito. Dahil sa nararanasan ng mga tao noon ang maling pamamalakad ng gobyerno, ay hinikayat ng ating namayapang Cardinal na magkaisa, manalangin at maging daan ng kapayapaan, sa halip na karahasan ang pairalin upang makamit ang minimithing pagbabago sa lipunan. Naging matagumpay ang kilusang ito, at nagdulot ng kaayusa sa ating bansa. Ang simbahan din ang naging kanlungan ng mga taong nangangailangan, di lamang sa pangangailangang materyal, kundi maging sa espirituwal din. Ang mga sakramento, pagtuturo at ang ilang mga proyekto nito ay nakakatulong sa mga nangangailangan, di lamang sa mga katoliko, maging sa ibang pangkatin ng pananampalataya, tulad ng Pondo ng Pinoy, Caritas Manila, at katulad nito. Ipinapakita nito na ang simbahan ay isang tahanan, na pwede mong silungan, at pwede mo ring tanggulan sa panahon g pangangailangan. At kahit na puno ng batikos at pag-uusig ang simbahan, ay nanantili pa ring matatag ito. Bagaman nasuong pa rin sa mga iskandalo at mga kahihiyan ang ilang miyembro ng ating simbahan, ay nananatili pa ring matatag at nakatayo ito, di tulad ng ibang samahang natayo at umiral sa ating lipunan. Ito ay tanda lamang ng pananatili ng presensya g Diyos sa kanyang simbahan, at ito rin ay katunayan na ang Diyos na walang simula at walang katapusan ang siyang may-ari nito.
Ngayon ay ipinagdiriwang ng buong simbahan ang kapistahan ng luklukan ni san Pedro Apostol. Ito ay isang matagal nang kapistahan na umirala pa noong AD 354. Hindi mismo ang upuang materyal ang ipinagdiriwang ng simbahan kundi ang kapangyarihan ng namumuno sa Simbahan na kung saan ay si san Pedro ang uang papa ng simbahan. Ang upuan ay simbolo ng kapangyarihan ng nakaupo dito. Kung kaya ang trono, ay para lamang ito sa hari, at hindi kung sinu-sino ang umupo dito. sapagkat ito ay simbolo ng kapangyarihan ng pagiging hari ng kanyang nasasakupan. Sa ating simbahan, ang upuan ng pari sa loob ng simbahan ay isang tanda o simbolo ng kanyang pagiging Alter Christus o si Cristo ang kumikilos sa pamamagitan ng pari. Ang Upuan ng Obispo ay isang tanda ng kanyang pagiging pastol sa buong diyosesis na ipinagkatiwala sa kanya ng papa upang pangalagaan ang mga parokyang nasasakupan niya. Kung kaya, iba ang upuan ng pari sa obispo. Kapag naghohomiliya ang mga obispo o papa, sila ay nakaupo sa kanilang luklukan o upuan, na tanda ng kanilang kapangariyang tinataglay nila at kanilang itinuturo sa mga mananampalatayang katoliko.
Matutunghayan natin sa ating Ebanghelyo ngayon ang pagtatanong ng ating Panginoon sa kanyang mga alagad kung sino siya. Nasabi nila na may nagsabing siya'y si Juan Bautista, si Propeta Elias o isa sa mga propetang nabuhay nong unang panahon. Itinanong niya kung sino siya para sa kanila. Nasabi ni San Pedro na siya ang Cristo, ang anak ng Diyos. Isa itong pagpapakita ng kanyang tapang at pagiging tapat sa tanong sa kanya. Ito ay isang katangian ng mabuting pinuno na dapat maging matapang sa pagharap sa hamon nito at kapatan sa miyembro na hinahawakan nito. At dahil dito, ay nasabi ng ating Panginoon na mapalad siya, dahil sa tapang at pagiging totoo niya sa kanya, kung kaya ay tinawag siyang Pedro o Kephas, na ang ibig sabihin ay bato, at sa batong ito, ay itatayo niya ang kanyang Iglesya o simbahan, na kanyang katawan at bagong bayan ng Diyos. Dahil si Pedro at ang mga kasama niyang alagad ang siyang magiging pundasyon ng simbahan, at magpapatibay sa pagkakatayo nito, sa gitna ng mga hamong haharapin nito. At ipinangako niya na ang pintuan ng Hades ay hindi makakapanaig dito. Ipinapakita niya rito ang isang napakagandang pangako, na kahit anumang unos at lindol na dumating sa simbahan, ay hindi kayang gibain ito, dahil ang Diyos na buhay ang siyang may-ari nito. Ang pagbibigay ng susi ng langit sa kanya ay tanda ng pagkakaloob ng mga tagubilin at aral na dapat nilang ibahagi upang mapanatili ang kabanalan at kaayusan ng bagong bayan ng Diyos. At ito rin ang itinataguyod at pinanghahawakan ng mga naging kahalili nla, tulad ng Papa, sa kanyang mga obispo at mga pari. Ang simbahang Katoliko, bagaman maraming unos at lindol na pinagdaanan at patuloy na hinaharap nito, ay patuloy pa ring nakatayo. Ito ay tanda lamang ng pananatili ng pangako ng Diyos sa kanyang bayan na ito ay hindi mawawala at hindi magigiba nang basta-basta, sapagkat siya ang may-ari nito at nanatili ang kanyang presensya dito, hanggang sa katapusan ng panahon.
Pasalamatan natin at purihin ang Diyos sa kanyang pananatili sa atin at niloob niyang makasama tayo sa iisa, banal, katoliko o pangkalahatan at apostolikong simbahang itinatag niya sa pamamagitan ng mga apostol na naging haligi nito at ang mga aral nito'y itinataguyod ng Papa, Obispo, Pari at mga layko. Sapagkat ito'y nagsisilbing kanlungan natin at patnubay sa ating buhay pananampalataya, na kahit pilit gibain, ay hindi magigiba, sapagkat ang Diyos na buhay ang siyang tunay na may-ari nito. Amen.
No comments:
Post a Comment