Saturday, February 5, 2011

Pakikipag-ugnayan:Tanda ng Pagpapahalaga sa Iba (Sabado, Sa ika-4 na Linggo sa Karaniwang Panahon)

"Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, 'Magtungo tayo sa isang ilang na pook upang malayo sa karamihan at makapagpahinga ng kaunti.' Umalis nga silang lulan ng bangka, at nagpunta nga sila sa isang ilang na dako. Paglunsad ni Jesus, nakita niya ang napakaraming tao; nahabag siya sa kanila, sapagkat para silang mga tupang walang pastol. At sila'y tinuruan niya ng maraming bagay." - Marcos 6:31b; 34 (MBB)


Ang pagkakaroon ng panahon sa ating pamilya, at sa ating kapwa ay isang magandang ugali na nagpapakita ng pagpapahalaga natin sa kanila. Dahil sa pagiging malapit nila sa ating mga puso. Kadalasan, kahit pagod tayo, ay tinitiyak nating maglaan ng oras para sa kanila, kahit isang sandali lamang. Sinisikap nating kahit isang sandali lamang, ay makumusta natin sila, at maipadama natin ang ating pagmamahal sa kanila, kahit masyado na tayong abala sa ating mga gawain. Sa pamamagitan ng ganitong kaugalian, ay naipapadama natin sa kanila kung gaano kalalim ang ating pagmamahal sa kanila, na siyang nagpapalakas ng kanilang loob, at nagdudulot ng galak sa kanilang mga puso, dahil nababatid nila na may nagpapahalaga sa kanila, dahil sa simpleng pakikipag-usap o kumustahan, na siyang tanda ng pagmamahal na natatangap mula sa atin.

Matutunghayan natin sa ating Ebanghelyo ngayong araw na ito ng Sabado, ang kanyang mga alagad, matapos silang mangaral at gumawa ng himala sa mga bayan na kanilang pinuntahan, ay inanyayahan Niya sila na lumayo sumandali, at magpahinga. Ngunit, nang mabatid ito ng mga tao, ay sinundan nila ang ating Panginoon. Nang marating nila ang ilang na dako, ay nakita niya ang mga taong sumusunod sa kanya. Pagkakita Niya sa kanila, siya'y nahabag, dahil para silang mga tupang walang pastol. Waring sila'y walang mapuntahan, walang masandalan, at walang mangalaga sa kanila, kung kaya't kahit ninais na lumayo sumandali at magpahinga, ay tinuruan sila ng maaming bagay, at sa mga sumunod na talata, ay pinakain Niya sila ng tinapay at isda. Ang pagkahabag na ito ng ating Panginoon, ay tanda ng labis Kanyang labis na pagpapahalaga sa kanila, kahit na sa kabila ng kanyang pagnanais na manahimik at mapag-isa kasama ang kanyang mga alagad. Dahil sa nadarama niya ang sitwasyon ng mga taong lumalapit sa kanila. Sila'y nangangailangan ng habag, pagkalinga, at pag-ibig na kanilang hinahanap, at sa ating Panginoon nila ito natagpuan. At ang paglalaaan ng ating Panginoon sa kanila ay tanda ng kanyang masidhing pagnanais na abutin ang lahat ng tao, lalo na ang mga nanghihina at nawawalan ng sigla sa buhay, at dulutan ng pag-asang ipinagkakaloob niya sa atin. dahil sa kanang wagas na pagmamahal sa atin.

 Nawa'y tularan natin ang ating Panginoon na patuloy tayong maglaan ng oras sa ating pamilya, mahal sa buhay, kaibigan, at sa ating kapwa. Dahil sa twing naglalaan tayo ng oras sa kanila, ay naipadarama natin sa kanila ang masidhi nating pagpapahalaga at pagmamahal sa kanila, at nadarama nila ang kanilang kahalagahan at ang pagmamahal, na siyang nagpapalakas at nagdudulot ng sigla sa kanlang buhay.  

2 comments:

  1. Wow may photo na! Kakatuwa naman. Keep it up...Naku number 60 na rank mo sa latest update. Hindi kasi updated yung nasa left side bar. God bless you -flc.

    ReplyDelete
  2. Salamat po Father for your support at hindi ko po ito makakalimutan. Salamat po and God bless...

    ReplyDelete