"Pag-ingatan ninyong hindi pakitang-tao lamang ang paggawa ninyo ng mabuti. Kapag ganyan ang ginawa ninyo, wala kayong matatamong gantimpala buhat sa inyong Ama na nasa langit. "Kaya nga, kapag naglilimos ka, huwag mo nang ipag-ingay pa gaya ng ginagawa ng mga mapagkunwari. Naglilimos sila sa mga sinagoga at sa mga lansangan upang sila'y mapuri ng mga tao. Tandaan ninyo: tinanggap na nila ang kanilang gantimpala. Sa halip, kapag naglilimos ka, huwag mo nang ipaalam ito sa pinakamatalik mong kaibigan. Gawin mong lihim ang iyong paglilimos at ang iyong Ama na nakakakita ng kabutihang ginagawa mo nang lihim ang siyang magbibigay ng gantimpala sa iyo." "Kapag nananalangin kayo, huwag kayong tumulad sa mga mapagkunwari. Mahilig silang manalanging nakatayo sa mga sinagoga at sa mga kanto upang makita ng mga tao. Tandaan ninyo: tinanggap na nila ang kanilang gantimpala. Ngunit kapag mananalangin ka, pumasok ka sa iyong silid at isara mo ang pinto. Saka ka manalangin sa iyong Ama na hindi mo nakikita, at ang iyong Ama na nakakakita ng ginagawa mo sa lihim ang siyang magbibigay sa iyo ng gantimpala. "Kapag kayo'y nag-aayuno, huwag kayong magmukhang malungkot tulad ng mga mapagkunwari. Hindi sila nag-aayos ng sarili upang mapansin ng mga tao na sila'y nag- aayuno. Tandaan ninyo: tinanggap na nila ang kanilang gantimpala. Sa halip, kapag nag-aayuno ka, maghilamos ka, lagyan mo ng langis at ayusin mo ang iyong buhok upang huwag mapansin ng mga tao na ikaw ay nag-aayuno. Ang iyong Ama na hindi mo nakikita ang tanging makakaalam nito. Siya, na nakakakita ng ginagawa mo nang lihim, ang siyang magbibigay ng gantimpala sa iyo." - Mateo 6:1-6;16-18 (ABMBB)
Ngayong araw na ito ay pumapasok na ang ating inang simbahan sa panahon ng Kwaresma. Sa panahong ito ay pinagninilayan natin ang ating sarili kung kamusta na ang ating pakikipagrelasyon natin sa Diyos. Sa panahon ring ito ay pinagninilayan rin natin ang pagmamahal ng Diyos sa atin at kung gaano kalaki ang pagmamahal ng Diyos sa atin, na humantong sa pag-aalay ng buhay ng sariling anak niya upang maibalik sa atin ang pag-asa sa buhay na walang hanggan at mabalik uli ang nasirang realsyon natin sa Diyos na matagal nang nawala mula pa sa pagsuway ng ating unang magulang sa halamanan ng Eden. At dahil sa pag-aalay ni Jesus ng kanyang buhay sa atin, ay binabalikan at ipinapaalala sa atin ng panahong ito ang kanyang pagliligtas sa atin at pakumbabang hingin natin ang kapatawaran sa panahong sinasayang natin ang pagkakataon ng kaligtasang iniaalok niya sa atin dahil sa ating mga pansariling kalooban na naghahatid sa atin sa pagkakasala at pagkasira ng ating mga buhay.
Ngayon ay sinisumulan natin ang kwaresma sa pamamagitan ng pagpapahid ng abo sa noo. Ang abo ay nagpapaalala sa atin na kung paano tayo nilalang ng Diyos sa pamamagitan ng alabok, ay magbabalik tayo sa alabok. Ang buhay natin ay parang isang bula o usok, maya-maya ay nariyan, ngunit, hindi magtatagal, ay kaagad mawawala. Sa abong ipapahid sa atin, ay ipinapaalala sa atin ang ikli ng ating buhay, at kung paano ito naging makabuluhan sa Diyos, sa kapwa at sa ating sarili.
Kung kaya nanawagan sa atin ng mga pagbasa ngayon ang panawagan sa atin ang magsisi at pakumbabang magbalik loob tayo sa kanya. Sa unang pagbasa, ay nanawagan ang Diyos sa pamamagitan ni Propeta Joel na magsisi at manumbalik sa Diyos nang taos at pakumbabang isagawa ito. Sapagkat dahil sa pagkakasala nila, ay ninanais ng Diyos na magsisi ang lahat, dahil ayaw ng Diyos na mapahamak ang bawat isa dahil sa kasalanan, at mamuhay ng maayos sang-ayon sa kanyang kalooban na maging mabuti at payapa ang bawat sa. Kung kaya sa salmong tugunan, ay may kababaang loob na dumadaing ang salmista na patawarin siya sa kanyang kasalanan, dahil sa kanyang pagkakamailng nagawa. Sa ikalawang pagbasa, ay pakumbabang nanawagan si San Pablo na huwag sayangin ang bawat pagkakataon na ibinibihgay ng Diyos para makipagkasundo ang lahat sa kanya. Ipinapakita niya rito ang pagbabalik-loob ay ayusin muli ang asirang relasyon natin sa kanya at manumbalik, habang may panahon pa. Sa ating Mabuting Balita sa araw na ito, ay mariing sinasabi ni Jesus na maging mapagpakumbaba ang bawat isa, at huwag magmataas o magyabang kapag gumagawa ng gawang kabutihan katulad ng paglilimos, pananalangin, at pag-aayuno. Sapagkat ang pagpapakabuti ay pagpapakita ng ating pagmamahal sa Diyos at kapwa, at hindi pagmamataas. Sa ating pagpapakumbaba, ay inaaamin natin at ipinapakita ang ating kababaang loob, at ang ating pagnanais na manumbalik at makipagkasundo sa kanya, at ang tahasang pag-amin natin sa ating mga pagkukulang sa kanya at ninanais nating ibalik muli ang nawalay at narira nating pakikipag-ugnayan sa Diyos at sa kapwa.
Nawa'y samantalahin natin ang bawat pagkakataong manumbalik sa kanya, buong kababaang loob na hingin ang kapatawaran at muling isaayos ang ating buhay bunga ng ating nagawang kasalanan habang may panahon pa. Dahil ang buhay natin ay pansamanala lamang, at hindi natin pagsisihan ang mga bagay na mabuti na sana ay ating naisagawa at ang mga masamang bagay na dapat nating naiwasan bunga ng kasalanan.
No comments:
Post a Comment