Saturday, 10 December 2011

Kagalakang Dulot ng Presensya ng Diyos! (Linggo Sa Ika-3 Linggo ng Adbiyento,Taon B)

"At naparito si Juan na isinugo ng Diyos upang magpatotoo sa mga tao patungkol sa ilaw at upang ang lahat ay sumampalataya dito. Hindi siya ang ilaw subalit naparito siya upang magpatotoo patungkol sa ilaw. Ang mga pinuno ng mga Judio sa Jerusalem ay nagsugo ng ilang paring Judio at Levita upang itanong kay Juan kung sino nga ba siya. Hindi nagkaila si Juan; sa halip ay maliwanag niyang sinabi, Hindi ako ang Cristo. Sino ka kung gayon? tanong nila. Ikaw ba si Elias? Hindi ako si Elias, tugon niya. Ikaw ba ang Propeta? Sumagot siya, Hindi rin. Sino ka kung gayon? Sabihin mo kung sino ka upang may masabi naman kami sa mga nagsugo sa amin. Ano ang masasabi mo tungkol sa iyong sarili? tanong nilang muli. Sumagot si Juan sa pamamagitan ng pangungusap mula sa aklat ni Propeta Isaias, "Ako ang tinig ng isang taong sumisigaw sa ilang, Tuwirin ninyo ang daraanan ng Panginoon." Ang mga nagtanong ay sugo ng mga Pariseo. Muli nilang tinanong si Juan, Bakit ka nagbabautismo, gayong hindi naman pala ikaw ang Cristo, o si Elias, o ang Propeta? Sumagot si Juan, Ako'y nagbabautismo sa tubig, ngunit nasa inyong kalagitnaan ang isang hindi ninyo nakikilala. Darating siyang kasunod ko subalit hindi man lamang ako karapat-dapat na magkalag ng sintas ng kanyang sandalyas. Ang mga ito'y nangyari sa Bethania, sa silangan ng Ilog Jordan na pinagbabautismuhan ni Juan. - Juan 1:6-8; 19-28 (ABMBB)
"Alam mo, may magandang nangyari sa akin, gusto mo ikuwento ko?" Ang pangungusap na ito ay ginamit namin sa aming seminar ng mga Lectors sa pangunguna ng aming Kura Paroko noon. Sapagkat nais niyang ipakita sa amin kung paano namin dapat ipahayag ang aming binabasang pangungusap sa bawat pagbasang aming binabasa sa misa. Ika nga'y ang expression o paraan ng aming pagbasa. May ilan na sinubukan itong basahin, may iba na may kulang sa energy, di raw kumain, may iba na parang malamya na di maramdaman ang pagbasa nito. Ipinaliwanag sa amin sa seminar na iyon, na bilang isang Lector o tagabasa ng Salita ng Diyos, marapat na basahin ito ng may dangal at paggalang. Sapagkat ang ipinapahayag namin ay ang Salita ng Diyos na nadudulot ng pag-asa at galak sa bawat makikinig nito. Sa aking pagninilay ko sa katagang ito at sa ibinahagi sa amin ng aming butihing kura, ay napagtanto ko sa aking sarili, "Anong dulot sa akin ng Salitang binabasa ko?" "Ang bawat salitang ibinabahagi ko ba ay nagdudulot ng galak at lakas sa bawat makikinig nito?" "Naibabahagi ko ba ang salita sa bawat tao, kahit na ito at tila hindi nila batid ang sayang dulot nito, bunga ng pagiging masyadong abala kung paano ba tayo magiging matagumpay at magtamo ng mariwasang buhay sa mundong ito sa gitna ng kahirapan?" Ito'y isang naging hamon sa akin upang mas lalo pang lumalim dito at tanggapin ng may galak, sapagkat ang kanyang salita ay nagdudulot ng kasiyahan at kapayapaan sa ating buhay, kung susundin ito at gayon na rin sa iba na mababahaginan nito.

Ngayong Ikatlong Linggong ito ng Adbiyento, ay tinatawag na Gaudete Sunday o Linggo ng Pagsasaya. Sa lingong ito, ay buong galak na ipinagdiriwang ng simbahan ang kagalakan ng nalalapit na kapaskuhan, di lamang dahil sa galak na dulot ng panahong ito, kundi, ay ang kagalakan ng bayan ng Diyos, dahil ang kaligtasang inaasam nila ay nalalapit na at natupad ito sa kanyang anak, ang ating Panginoong Jesu-Cristo, na siyang tutubos at magliligtas sa kanila. Sa ating Ebanghelyo ngayon, ay matutunghayan natin sa Ebanghelyo ni San Juan ang pangangaral ni San Juan Bautista sa bayang Israel, upang magpatotoo sa liwanag na inaasam ng bayan ng Diyos. Dahil noong panahong iyon, dahil sa labis na pagkakasala ng bayang Israel, ay nabighag sila ng mga ibang bansa na umalipin sa kanila. At sa wari nila'y pinabayaan sila ng Diyos at sila'y itinakwil niya. Kung kaya, sa pamamagitan ng mga propeta, ay inaliw sila ng Diyos sa pamamagitan ng pangakong tagapagligtas na tutubos sa kanila at muling maghahari ang kapayapaan sa bayang Israel. Ito ang papel na ginapanan ni San Juan Bautista na ihanda ang Bayang Israel sa pagdating kanyang manunubos sa pamamagitan ng pagsisi at pagbabalik loob. Tinanong siya ng mga Saserdote at mga Levita kung siya ba ang pangakong tagapagligtas o mesiyas. Mariing sinagot ni San Juan na siya lamang ay tagapagpatotoo ng inaantay na mesiyas ng bayang Israel. Malinaw na ipinapakita niya sa kanyang pangangaral na sa pagdating ng manunubos, ay nararapat laang na ihanda nila ang kanlang sarili sa kanyang pagdating,upang sa gayon ay madali nilang matanggap ang galak at pag-asa ng dulot ng manunubos sa kanilang lahat. Ang pangangaral na ito ni San Juan tungkol sa manunubos na kanyang pinatotohanan ay masasalamin natin sa Unang Pagbasa kay Propeta Isaias na nagpapakita ng gampanin ng ipinangakong tagapagligtas sa pamamagitan ng kanyang pangangaral na siyang magpapalaya sa mga bilanggo at maging tagahilom ng sugatang puso dulot  ng kasalanan, magbigay kagalakan sa mga aba. Ang hulang ito ng propeta ay natupad sa ating Panginoong Jesu-Cristo sa pamamagitan ng kanyang mga gawa at pangangaral. Sa kanyang pangangaral at paglilingkod, ay mahahayag sa bayang ito ang kahanga-hangang gawa ng Diyos sa pamamagitan niya, at magpupuri at luluwalhatiin ang Diyos na nagligtas sa kanila. Ang kaligtasang ito ay masasalamin sa awit ng Mahal na Birheng Maria sa ating Salmong Tugunan, na nagagalak siya sa pagliligtas ng Diyos sa kanila, sa pamamagitan ng pagkakatawang-tao ni Jesus, ay magkakaroon ng katarungan sa bayang Israel at nagpapakitang di sila nilimot ng Diyos sa kanilang kadustaan,at ang sa kanila'y umapi ay magagapi,dahilsapagdating ng manunubos. Sa Ikalawang Pagbasa, ipinapayo ni San Pablo sa mga kristiyanong nasa Filipos na magalak sila sa kanilang buhay, palaging manalangin, gawin ang mabuti, at umiwas sa masama. Sapagkat ang ganitong gawain ay pagpapakita ng ating paghahanda sa kanyang pagliligtas sa atin, ang pagtatamo ng buhay na walang hanggan. Kung kaya ipinapayo sa huli ni San Pablo na panatilihin natin ang pagiging malinis sa lahat ng pagkakataon, upang maratnan niya tayong karapat-dapat. 

Nawa'y maging hamon ang Linggong ito ng Adbiyento sa ating lahat na lubos na nananabik sa pagdating ng ating tagapagligtas. Ang kagalakang ito na ating ipinagdiriwang sa panahong ito ay maging daan upang ang bawat isa sa atin ay maging tulad ni San Juan Bautista na handang magbahagi ng galak at pag-asa sa bawat taong makakasalamuha natin, na magdudulot ng galaka at pag-asa sa mga pusong namimighati, namamanglaw dahil sa mga pagsubok at mga pangyayari sa ating kapaligiran. Nawa kapatid, ay buong galak nating sambitin ang tanong na iniwan sa amin ng aming butihing kura sa lahat ng tao, "Alam mo, may magandang nangyari sa akin, gusto mo ikuwento ko?"

Monday, 5 September 2011

Panalangin Ang Tanging Sandigan At Lakas! (Martes Sa Ika-23 Linggo Sa Karaniwang Panahon, Taon I)

Nang panahong iyon, umakyat si Jesus sa isang bundok at magdamag siyang nanalangin sa Diyos. Kinaumagahan, tinawag niya ang kanyang mga alagad, pumili siya sa kanila ng labindalawa, at sila'y tinawag niyang mga apostol. Sila ay sina Simon, na pinangalanan niyang Pedro, si Andres na kapatid nito, sina Santiago, Juan, Felipe, Bartolome, Mateo, Tomas, Santiagong anak ni Alfeo, si Simon na Makabayan, si Judas na anak ni Santiago, at si Judas Iscariote na naging taksil. Pagbaba ni Jesus kasama ang mga apostol, nadatnan nila sa isang patag na lugar ang marami sa kanyang mga alagad, kasama ang napakaraming taong buhat sa Judea, Jerusalem, at mga bayan sa baybaying-dagat ng Tiro at Sidon. Pumaroon sila upang makinig, at mapagaling sa kanilang mga karamdaman. Pinagaling nga sila ni Jesus, pati na rin ang mga pinapahirapan ng masasamang espiritu. Sinisikap ng lahat ng maysakit na makahawak man lamang sa kanya, sapagkat may kapangyarihan siyang nagpapagaling ng lahat ng karamdaman. - Lucas 6:12-19 (ABMBB) 

"Ang isang tao na hindi na marunong manalangin ay katulad siya ng isang cellphone na madaling malowbat, manghina hangang sa maubos ang lakas nito at di na magagamit pa." Ito ang isang halimbawang napakinggan ko sa isang pari sa kanyang misang dinaluhan ko sa isang parokya sa Maynila tungkol sa panalangin. Habang pinagninilay-nilayan ko ito, naisip ko na madalas ay abala tayo sa ating mga gawain sa buhay. Minsan pa nga ay masyado nating sinasagad ang ating mga katawan at oras, para lamang matapos ang ating mga gawain sa bawat araw. Sa sobrang pagiging abala natin sa buhay, madalas ay nakakaligtaan na natin ang manalangin. Dahil na rin sa madalas naiisip natin kung paano natin matatapos ang ating mga gawain sa araw-araw. Subalit, dahil na rin sa pagigigng abala natin sa buhay, ay dumarating ang pagkakataong tayo ay nauubusan ng lakas o ang madalas na tinatawag dito sa ingles ay "Burn-Out". Dahil na rin ito sa sobrang pagod, walang pahinga sa ating mga gawain. Madalas, kapag burn-out na tayo, ay nagiging mainitin ang ulo natin, hindi makapag-isip ng maayos dahil sa tensyon ng ating mga ginagawa at kapag nabibigo tayo sa ating mga gawain, ay madali tayong mawalan ng pag-asa. Kapag tayo ay nasadlak na sa kabiguan, ay doon lamang tayo nagiging madasalin, doon lang tayo nakakapagdasal. Dahil sa habag ng Diyos, ay nagiging maayos ang lahat, lahat ng problema ay nabibigyang kasagutan, at unti-unting gumagaan ang ating mga pasan. Doon lamang sa pagkakataong iyon napagtatanto natin na mahalaga ang manalangin upang mas lalo pang maging maayos ang bawat hakbang na isasagawa natin na hindi mapipinsala ang ating pakikitungo sa kapwa at sa sarili. 

Makikita natin sa ating Mabuting Balita sa araw na ito si Jesus na umahon sa bundok upang manalangin. Naging kaugalian na ng ating Panginoon na manalangin sa isang ilang na pook, siya lamang mag-isa upang makipag-usap sa Diyos. Bagaman si Jesus ay anak ng Diyos, Diyos na nagkatawang tao, ay bakit pa niya kailangang manalangin? Bagama siya ay nagkatawang tao, ay ipinakita niya sa atin ang dalawang bagay: Una ay ang pagkakaroon ng ugnayan sa Diyos na ating ama, na siyang magbibigay lakas sa atin at gagabay sa atin upang maging maayos ang lahat ng ating gagawin sa bawat araw. Ito rin ay tanda ng ating pagtitiwala sa kanya na ang lahat ng ating gagawin ay magiging matagumpay at maayos, kahit anong pagsubok na kaharapin natin. Pangalawa, nais ipakita sa atin ni Jesus na ang panalangin ay isang paraan upang tumigil sumandali, makapagpahinga sa presensya ng Diyos. Sa pamamagitan ng panalangin, ay nailalabas natin sa kanya ang ating sama ng loob, alalahanin at hinaing sa kanya. Sa pagkakataon ring iyon, ay binibigyan tayo ng pagkakataong makapag-isip kung ang ating mga ginagawa ay may mabuting maidudulot sa atin at sa ating kapwa. Dahil sa panalanging ito, ay nakita natin na naging lakas ito ni Jesus upang maipagpatuloy nya ang kanyang misyon na ipinagkatiwala sa kanya ng Ama. Katulad ng kanyang pagpili sa kanyang 12 apostol na magpapatuloy ng kanyang misyon. Bagaman may mga kahinaan, ay pinili sila ni Jesus, dahil sa nalalaman niyang buhos ang kanilang pagmamahal sa kanya at sa Ama, sa kabila ng kanilang kahinaan. Matapos nito, ay nakapagpatuloy siya na gawin ang misyon sa kanyang ipangaral ang Mabuting Balita sa lahat, magpagaling ng mga maysakit at magpalayas ng mga demonyo. 

Nawa'y sikapin nating palaging manalangin araw-araw sa ating Panginoon. Sapagkat sa pamamagitan ng panalangin, ay nakakakuha tayo ng lakas na harapin ang bawat hamon ng buhay at nakakatulong upang maitutumpak natin ang bawat gawain na nakaatang sa ating mga balikat. 

Sunday, 4 September 2011

Tingnan Ng May Malasakit (Lunes Sa Ika-23 Linggo Sa Karaniwang Panahon, Taon I)

Isang Araw ng Pamamahinga rin noon nang pumasok si Jesus sa sinagoga at nagturo. Doon ay may isang lalaking paralisado ang kanang kamay. Sa hangad ng mga tagapagturo ng Kautusan at Pariseo na magkaroon ng maipaparatang kay Jesus, binantayan nila si Jesus upang tingnan kung siya'y magpapagaling ng maysakit sa Araw ng Pamamahinga. Subalit alam ni Jesus ang kanilang iniisip kaya't sinabi niya sa lalaking paralisado ang kamay, "Halika rito sa unahan." Lumapit ang lalaki at tumayo nga roon. Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa mga tagapagturo ng Kautusan at Pariseo, "Tatanungin ko kayo. Alin ba ang naaayon sa Kautusan, ang gumawa ng mabuti o ang gumawa ng masama sa Araw ng Pamamahinga? Ang magligtas ng buhay o ang pumatay?" Tiningnan niyang isa-isa ang mga taong nakapaligid at pagkatapos ay sinabi sa lalaki, "Iunat mo ang iyong kamay!" Iniunat nga ng lalaki ang kanyang kamay at ito'y gumaling. Nagngitngit naman sa galit ang mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, at pinag-usapan nila kung ano ang dapat nilang gawin kay Jesus. - Lucas 6:6-11 (ABMBB)

"Makuha ka sa Tingin!" Ito ang isa sa malimit na expression nating mga Pilipino kapag may mga pagkakataong sa halip na sabihin ang ating mga nais sabihin sa ating kapwa, lalo na kung ito ay nakakasama, ay idinadaan na lang natin ito sa ating expression kung paano tayo tumingin sa kapwa. Sa halip na masaktan o magsimula ng anumang sigalot, ay idinadaan na lang ito sa kung papaano natin tingnan sila sa pamamagitan ng ating mga mata. Ang Halimbawa nito ay ang pag-irap, kapag galit, ang di pagsulyap ng tingin sa isang tao ay pagpapakita ng pagiging ilang o may itinatago sa isang tao. Kapag nakatingin ka sa taong nagsasalita, ibig sabihin, interesado ka sa sinasabi sa iyo ng nagsasalita, at kapg di interesado, ay kung saan saan na tumingin, at naghihintay na lang na matapos ang sinasabi ng nagsasalita. Ilan lamang ito sa mga expression ng ating mata sa twing tayo ay nakikisalamuha sa ating kapwa. Naalala ko tuloy ang biro sa akin ng kaibigan ng tatay ko na na kahit di ako magsalita, ay halata na raw kung ano reaction ko sa mga nangyayari sa paligid ko at sa kanilang ikinukuwento. Dahil dito, napatunayan ko na kahit sa tingin, ay kaya nating ipakita sa kanila ang ating saloobin at ang bawat reaksyon natin ukol dito.

Makikita rin natin sa ating Ebanghelyo ngayong araw na ito ang isang tagpo ng pagpapagaling ng Ating Panginoong Jesus sa isang lalaking paralisado ang kamay. Nang makita ito ng mga Pariseo, ay kanilang binatayan siya. Dahil na nahalata ito ng Panginoon, ay kanyang tinanong sila kung ano ang mas mahalaga, ang gumawa ng mabuti o masama sa araw ng pamamahinga? Pagkatapos, tiningnan nya ang lahat ng nasa loob ng Sinagoga at pinagaling ang lalaki. Nagngitngit ang Pariseo dahil sa pangyayaring ito. Ipinapakita nya sa atin na sa halip na tinging masama, ay nararapat lang na may pagkahabag at pagmamalasakit ang siyang ipakita natin sa ating kapwa. Sapagkat tayo ay inaasahan ng Diyos na magpakita ng habag at kalinga sa bawat isa, tanda ng ating pagmamahal sa Diyos sa pamamagitan ng ating pagpapakita ng pagkalinga sa lahat ng tao.

Nawa'y makita natin at ating ipakita ang ating pagmamalasakit sa iba kagaya ng ipinakita sa atin ng ating Panginoon sa Ebanghelyong ito. Sa pamamagitan ng ganitong ugali, ay naipapakita natin sa lahat ang pagmamalasakit ng Diyos sa pamamagitan natin na nagsasabuhay ng kanyang Mabuting Balita. 

Saturday, 3 September 2011

Kapwa Ko, Pananagutan Ko! (Linggo sa Ika-23 Linggo Sa Karaniwang Panahon, Taon A)

"Kung magkasala sa iyo ang kapatid mo, puntahan mo siya at kausapin nang sarilinan tungkol sa kanyang kamalian. Kapag nakinig siya sa iyo, naibalik mo sa dati ang pagsasamahan ninyong magkapatid. Ngunit kung ayaw niyang makinig sa iyo, magsama ka pa ng isa o dalawang tao upang ang lahat ng pinag-usapan ninyo ay mapatunayan ng dalawa o tatlong saksi. Kung ayaw niyang makinig sa kanila, sabihin mo sa iglesya ang nangyari. At kung ayaw pa rin niyang makinig sa iglesya, ituring mo siyang parang Hentil o isang maniningil ng buwis." "Tandaan ninyo: anumang ipagbawal ninyo dito sa lupa ay ipagbabawal sa langit, at ang pahintulutan ninyo dito sa lupa ay pahihintulutan sa langit. "Tandaan din ninyo: kung ang dalawa sa inyo ay nagkaisa dito sa lupa sa paghingi ng anuman sa pananalangin, ito'y ipagkakaloob sa inyo ng aking Ama na nasa langit. Sapagkat saanman may dalawa o tatlong nagkakatipon sa pangalan ko, naroon akong kasama nila." - Mateo 18:15-20 (ABMBB)

Isang kilalang awitin na ating kinakanta kadalasan twing recessional o katapusang awitin sa misa twing kwaresma ay ang "Pananagutan". Ang awiting ito ay nagpapakilala sa atin lahat tayo ay di nabubuhay para sa sarili lamang, kundi, sa bawat sandali, kailangan natin ang ating kapwa, upang mas lalo pa nating makilala ang ating sarili, maging magaan ang bawat gawain natin sa bawat araw. Hindi maitatanggi ng bawat tao na kailangan nila ang kalinga ng kapwa upang mas lalo pang maging magaan nilang harapin ang bawat hamon na hinaharap nila sa buhay. Pinatotohanan ito ng Mangangaral o ni Qoheleth, ang sumulat ng aklat ng Ecclesiastes o Mangangaral, "Ang dalawa ay mabuti kaysa isa; mas marami ang bunga ng gagawin nila. Kapag nabuwal ang isa, maitatayo siya ng kanyang kasama. Kawawa ang nag-iisa pagkat walang tutulong sa kanya kapag siya ay nabuwal." (Mangangaral o Ecclesiastes 4:9-10 (MBB)).
Maging si Apostol San Pablo ay sumasang-ayon din na walang sinuman ang nabubuhay at namamatay sa sarili, kundi mabuhay man o mamatay, ay sa Panginoon tayo, kung kaya, nararapat lamang na iwaksi ang pagkakaalit sa bawat kapatid, dahil ang lahat ng ito ay ipagsusulit natin sa Diyos pagdating ng araw (Roma 14:12). Kung kaya ang bawat isa, anuman ang kinalalagyan ng bawat isa, ay ating kapatid o kapwa, nararapat pakitunguhan ng maayos, matuwid, upang  sa gayo'y maging mabunga ang pagsasama ng bawat isa.

Ang isang halimbawa ng pakikitungo sa kapwa ay ang pagtutuwid sa kamalian ng kapwa at ang pagtataglay ng isang diwa harap ng Diyos. Gaya ng ating mababasa sa Ebanghelyo ngayong linggong ito. Subalit, upang maging mabisa ang unang pamamaraang itinuturo sa atin ni Jesus, ay kapag nasumpungan mo ang kapatid mo na nagkakasala, hindi lang kapatid sa pamilya, kundi sa bawat mananampalataya at katulad rin nating nilalang ng Diyos ay kausapin ng sarilinan, hindi ang ihayag o ikuwento sa iba ang nagawang pagkakasala. Subalit, dapat nangingibabaw dapat ang tunay na layunin na ituwid ang pagkakamali, hindi ang pairalin ang pansariling kapakanan o ang magmapuri sa sarili. Kung hindi makinig, ay magsama ng mga saksi, hindi basta saksi, kundi mga saksing nakakaalam ng ng pagkakasala ng nagkasala at nagtataglay rin ng parehong layunin at diwa na maituwid ang nagkasala, upang hikayating magbago. Kung hindi, ay ipahayag nya sa Simbahan ang sitwasyong kinalalagyan nila, upang sa gayon, ay mapayuhan sila kung ano ang nararapat at maging patas ang bawat pagtutuwid ayon sa turo at kalooban ng Diyos. Kung hindi makinig, ay ituring na siyang hentil o publikano, ibig sabihin, ay dito na natatapos ang pananagutan ng isang tao kapag matapos ginawa ang lahat, ay di pa rin nakinig. Ito'y pagpapakita na natatapos lamang ang pananagutan ng isang tao sa kapwa nya kung matapos gawin ang lahat, mapabuti siya ay hindi pa rin nakinig, ang mismong pinagsasabihan ay bahala na siyang magpasya sa sarili nyang kagustuhan, kung magbabago ba siya o hindi. Ang pagpapahintulot at pagbabawal sa lupa ay nagpapakita ng kung anuman ang ginawa natin sa lupa, ay siya ring igagawad natin sa langit. Mabuti man o masama. Sapagkat ang ating pananagutan sa ating kapwa ay ipagsusulit natin ito sa Diyos, dahil sila ay kapatid natin na nilalang ng Diyos, at nararapat ding pakitunguhan ng maayos katulad ng inaasahan natin sa ating kapwa. Sa wakas, ay ipinahayag ng ating Panginoon na sa twing tayo'y nagkakaisa, nagtataglay ng parehong diwa sa paningin ng Panginoon, anuman ang hingin, ay ipagkakaloob ng Diyos. Sapagkat ang presensya ng Diyos ay nananahan sa kanila at nakikita ang Diyos sa kanilang buhay. At dahil sa ganitong pagtataglay ng kapaerhong diwa, ay nagugustuhan ng Diyos ito, dahil ang tanging hangad nila ay ang makapagbigay lugod ang bawat isa at maparangalan ang Diyos na kanilang kinkilala. Kung kaya may pangako siya sa kanila na sa tuwing may nagkakatipon kahit dalawa o tatlo na nagkakasundo sa  harapan niya, ay laging kasama nila siya. Isang pangako na inilalaan nya sa mga taong nagtataglay ng pagkakaisa, nagpapahalaga sa bawat isa at patuloy na ang nilalayon ay parangalan ang Diyos at kapwa.

Ang ganitong pagtataglay ng pagpapahalaga sa ating pananagutan sa kapwa ay makikita natin sa Unang Pagbasa. Ipinapahayag sa atin ni Propeta Ezekiel na anuman ang tagubiling tinanggap natin sa Panginoon ay ihayag natin sa bawat tao, lalo na sa mga taong namumuhay sa kasalanan. Kapag ito ay hindi naipahayag ng tumanggap nito, ay makakatangap siya ng kaparusahan, dahil sa hindi natin pagkilos para mailigtas ang kapwa. Dahil tayo ay may pananagutang ipakilala ang Diyos sa lahat, at tungkuling akayin ang kapwa patungo sa Diyos upang maligtas at huwag mapahamak. Kung sakaling di makinig at mamatay, ay wala nang pananagutan ang nagpahayag. Dahil matapos niyang ipahayag ito, at di naman nakinig, at ginawa ang lahat upang maligtas ang makasalanan, ay doon na natatapos ang kanyang pananagutan, walang pagkakasalang naganap. Sa Salmong Tugunan naman ay nag-aanyaya ang Salmista na sumamba at kilalanin ang Diyos na lumalang sa atin, ang Diyos na nagliligtas at kanlungan natin sa panahon ng pagsubok. Gayun din na sa panahong marinig nila ang tinig ng Diyos, ay wag nang pagmatigasin ang kanilang puso, wag magbingi-bingihan. Sapagkat, itinulad nya ang nangyari sa bayang Israel noon na dahil sa pagsuway sa mga utos ng Diyos na dapat nilang sundin. Ito rin ay isang babala na sa twing tayo ay di sumusunod, kapahamakan ang dulot nito. Sa Ikawalang Pagbasa, ay pinapayuhan ni Apostol San Pablo ang mga Kristiyano sa mga Taga Roma na dapat ay walang maging sagutin ang sinuman, walang naidudulot na pagkakasala sa sinuman, kundi tanging pag-ibig lang ang kanilang sagutin sa bawat isa. Sapagkat ang sampung utos na kanilang natutunan at ang ilang batas ni Moises, ay nalalagom sa iisang utos lang: "Ang Ibigin ang Iyong Kapwa, gaya ng iyong pag-ibig sa Sarili" (Roma 13:9b (MBB)). Ang pagsunod sa batas ay pagpapakita ng ating pag-ibig sa Diyos at kapwa. Samakatuwid, sa twing tayo'y sumusunod sa utos ng Diyos, ipinapakita natin ang pagmamahal sa kanya, at ang pagmamahal na ito ay nakikita sa pamamagitan ng pagpapahalaga natin sa kapwa, gaya ng ipinakitang pagpapahalaga ng Diyos sa ating personal na buhay.

Nawa'y palagi nating makita sa ating buhay ang tunay na pagsunod sa Diyos sa pamamagitan ng ating pagpapahalaga sa kapwa. Upang sa gayo'y madama nila ang pagkalinga ng Diyos sa pamamagitan nating nakakalasap ng kabutihan ng ating Diyos.



Unahin ang Kapwa (Sabado Sa Ika-22 Linggo Sa karaniwang Panahon, Taon I)

Isang Araw ng Pamamahinga, ay nagdaraan sina Jesus sa isang triguhan. Ang kanyang mga alagad ay pumitas ng mga uhay ng trigo at kanila itong kinain matapos kuskusin sa kanilang mga kamay. "Bakit kayo gumagawa ng bawal sa Kautusan sa Araw ng Pamamahinga?" tanong ng ilang Pariseo. Sinagot sila ni Jesus, "Hindi ba ninyo nabasa ang ginawa ni David nang minsang magutom sila ng kanyang mga kasama? Di ba't pumasok siya sa bahay ng Diyos at kumain ng tinapay na handog, na tanging mga pari lamang ang may karapatang kumain? Binigyan pa niya ang kanyang mga kasama." At sinabi pa ni Jesus, "Ang Anak ng Tao ay siyang Panginoon ng Araw ng Pamamahinga." Lucas 6: 1-5 (ABMBB)

"Kapag kapakanan na ng isang tao ang nakataya, ang batas ay nababalewala." Ito ang isa sa di malilimutan kong pahayag ng isang pari sa amin minsang nagkakwentuhan kami nung matapos siyang magmisa at magcommentator ako sa isang misa sa aming chapel. Nabanggit nya roon ang isang sitwasyon sa isang parokyang pinanggalingan nya na nung nagkaroon ng girian sa grupo ng mga collectors ang usherrettes, at marami sa kanila ang di na naglingkod, dahil dito, ay pati ang ibang servers tulad ng ibang sakristan, mga lectors at lay ministers ang nangolekta sa mga tao, dahil sa pangyayaring iyon. Bagaman sa batas ng simbahan, ay hindi dapat gumanap ng sabay ng tungkuling tinanggap sa simbahan kung parehong schedule ng misa ito nagaganap. Subalit, dala na rin ng pangangailangan ng simbahan, ay napilitan na tumulong ang ilang kasapi upang mapunuan ang kakulangang ito.

Matutunghayan natin sa ating Ebanghelyo ngayong araw na ito ang isang tagpo na si Jesus at ang kanyang mga alagad ay kumain sa  may triguhan  ng Araw ng Pamamahinga o Sabbath. Dahil sa gumawa sila, ay pinuna sila ng mga Pariseo na mahigpit na tagasunod sa batas ni Moises. Dahil dito, sinagot sila ng Ating Panginoon sa pamamagitan ng isang pangyayari sa panahon ng kanyang ninuno na si Haring David na nung matapos siyang tumakas at magtago kay Haring Saul, kasama ng ilang kalalakihan, ay nakituloy sa isang saserdote at humingi ng tinapay para sa kanila. Bagaman ang tinapay na iyon at para lamang sa mga saserdote, dala ng malasakit, ay ibinigay ng saserdoteng si Abimelech kay David upang kanin (1 Samuel 21:1-6). Ang tagpong ito ay nagtuturo sa ating lahat na bagaman may mga batas na dapat sundin at pairalin upang maisagawa ang kaayusan at pagkakapantay-pantay ng lahat, ay dapat na isaalang-alang rin ng bawat isa ang kapakanan ng bawat tao, dahil kung ang batas ay paiiralin, ay para lamang tayong isang robot na sumusunod, pero di nababatid ang tunay na diwa nito. At ang malala, ito ay magiging daan ng pagmamataas at pagiging mapanghusga sa kapwa.

Nawa'y sa twing paiiralin natin ang mga prinsipyong dapat sundin, ay sabay na isaalang-alang natin ang kapakanan ng bawat isa. Upang sa gayo'y maisakatuparan ang tunay na pagkakapantay-pantay ng dangal ng bawat taong kalarawan rin ng Diyos.

Thursday, 1 September 2011

Pagtugon Ng May Pananampalataya At Pagtitiwala (Huwebes sa Ika-22 Linggo Sa Karaniwang Panahon, Taon I)

Minsan, habang nakatayo si Jesus sa tabi ng Lawa ng Genesaret, nag-uunahan ang napakaraming tao sa paglapit sa kanya upang makinig ng salita ng Diyos. May nakita siyang dalawang bangka sa tabi ng lawa; wala sa mga bangka ang mga mangingisda kundi nasa lawa at naglilinis ng kanilang mga lambat. Sumakay siya sa isa sa mga bangka at hiniling kay Simon, na may-ari ng bangka, na ilayo ito nang kaunti. Naupo siya sa bangka at nangaral sa mga tao. Pagkatapos niyang mangaral, sinabi niya kay Simon, "Pumalaot kayo at ihulog ang mga lambat upang manghuli." Sumagot si Simon, "Guro, magdamag po kaming nagpagod ngunit wala kaming nahuli! Ngunit dahil sa sinabi ninyo, ihuhulog ko ang mga lambat." Ganoon nga ang ginawa nila, at nakahuli sila ng maraming isda, kaya't halos mapunit ang kanilang mga lambat. Kinawayan nila ang kanilang mga kasamahang nasa kabilang bangka upang magpatulong. Lumapit naman ang mga ito at napuno nila ang dalawang bangka, anupa't halos lumubog ang mga ito. Nang makita iyon ni Simon Pedro, siya'y lumuhod sa harap ni Jesus at sinabi, "Layuan po ninyo ako, Panginoon, sapagkat ako'y isang makasalanan." Nanggilalas siya at ang kanyang mga kasama dahil sa dami ng kanilang huli, gayundin sina Santiago at Juan na mga anak ni Zebedeo at mga kasosyo ni Simon. Sinabi ni Jesus kay Simon, "Huwag ka nang matakot. Mula ngayo'y mga tao na, sa halip na mga isda, ang iyong huhulihin." Nang maitabi na nila ang mga bangka sa pampang, iniwan nila ang lahat at sumunod kay Jesus. - Lucas 5:1-11 (ABMBB)

Ang bawat isa sa atin ay inaanyayahan ng Diyos upang makibahagi sa kanyang dakilang misyon, anuman ang katayuan na kinabibilangan natin sa buhay. Ito ay isang katunayan na ang bawat isa sa atin ay may papel na ginagampanan, di lamang sa ating lipunan, kundi lalo na sa Bayan ng Diyos na ating kinabibilangan. Sapagkat sa twing tumutugon tayo sa paanyayang makibahagi sa gawaing ito, ay di lamang nagagamit natin ang aing kakayahan para mas lalo pang tumibay at lumago ang simbahan, kundi ay nakikita natin ang aking kabuluhan at kahalagahan sa iba. Nagiging inspirasyon rin ang bawat pagsisikap at pakikibahagi sa gawaing ito para sa iba, upang sa gayon ay makita rin nila ang isang magandang misyon na paanyaya sa kanila ng Diyos na sa kanya lamang matatagpuan ang tunay na dahilan ng ating pag-iral sa mundong ito: Ang Dalhin si Cristo sa Bawat Isa. Sa ating Mabuting Balita ngayon, ay makikita natin ang pagtawag ni Jesus sa kanyang unang alagad. Matapos mangaral ni Jesus sa maraming tao sa tabing lawa, ay iniutos niya kay Simon na pumalaot at mangisda. Kasikatan na ng araw na iyon at walang nahuli sila Simon sa buong magdamag nilang pangingisda. Dahil sa bihasang mangingisda si Simon, ay imposibleng makahuli ng isda sa araw, dahil madaling makita ng isda ang bangka na huhuli sa kanila. Bagaman imposible kay Simon ito, ay buong pusong sumampalataya siya sa sinabi ni Jesus, dahil na rin sa naging bantog na ang Panginoon sa lahat, dahil sa mga balitang naririnig nya sa ibang tao. At dahil sa pagsunod nito ni Simon, ay hindi siya nabigo, maraming isda siyang nahuli, anupat hindi na nagkasya sa kanilang banga kung kaya tumawag sila ng ibang kasamahan upang magpatulong. Nang makita ito ni Simon, ay nanggilalas siya at nagpatirapa, sapagkat dakila ang tumawag sa kanya. Kung kaya nagsumamo siya na hindi siya kapat-dapat sa kanya. Ngunit, pinagsabihan siya ni Jesus na wag matakot at ipinahayag nya na hindi na isda ang huhulhin nya, kundi mga ao. Isang paanyaya ito na siya ay magiging alagad nya, maghahatid ng Mabuting Balita sa lahat upang ang lahat ay maipalit sa Diyos, katulad ng ipinakita niya sa kanila. Ang Ebanghelyong ito ay isang paalala sa atin na kahit sa kabila ng ating kapayakan, kakulangan, at ating kahinaan, ay tinatawag tayo ng Diyos na makibahagi sa kanyang gawain, sapagkat ang bawat isa sa atin ay may gawaing ibigay ang Diyos upang mahayag siya sa lahat, anuman ang ating gampanin sa buhay, subalit sa ating pagtugon, ay nararapat lamang na may kalakip na pananampalataya at pagtitiwala na siya ang makapupuno ng ating kakulangan at kahinaan.

Nawa'y buong pananampalatayang may pagtitiwala nating tugunin ang bawat paanyayang ipinapahayag sa atin ng Diyos upang makilala siya sa lahat. Upang sa gayo'y kahit sa kaliitan ng ating gawain, ay madarama at makikilala si Cristo na tanging makapagdudulot ng katiwasayan at kapanatagan sa ating buhay. 

Wednesday, 31 August 2011

Ipahayag Ang Kahanga-hangang Gawa Ng Diyos! (Miyerkules sa Ika-22 Linggo Karaniwang Panahon, Taon I)

Si Jesus ay umalis sa sinagoga at nagpunta sa bahay ni Simon. Nagkataong ang biyenan ni Simon ay may mataas na lagnat kaya't nakiusap sila kay Jesus na ito'y pagalingin. Tumayo si Jesus sa tabi ng higaan ng babae at iniutos na mawala ang lagnat, at ito'y nawala nga. Kaagad namang tumayo ang babae at naglingkod sa kanila. Pagkalubog ng araw, dinala ng mga tao kay Jesus ang lahat ng maysakit, anuman ang karamdaman ng mga ito. Ipinatong niya ang kanyang kamay sa bawat isa, at silang lahat ay gumaling. Pinalayas din niya ang mga demonyo sa mga taong sinasapian ng mga ito. Lumabas silang sumisigaw, "Ikaw ang Anak ng Diyos!" Ngunit sinaway sila ni Jesus at hindi pinahintulutang magsalita sapagkat alam nila na siya ang Cristo.  Nang mag-uumaga na, umalis si Jesus at nagpunta sa isang ilang na pook. Hinanap siya ng mga tao, at nang matagpuan ay pinakiusapang huwag muna siyang umalis. Subalit sinabi niya, "Dapat ko ring ipangaral sa ibang mga bayan ang Magandang Balita tungkol sa paghahari ng Diyos, sapagkat iyon ang dahilan kaya ako isinugo." At nagpatuloy siya ng pangangaral sa mga sinagoga- Lucas 4: 38-44 (ABMBB)

"Ang Sarap Makinig ng Kwento!" Ito ang kadalsang nasasabi ko sa sarili ko kapag nakakapakinig ako ng maraming magagandang kwento sa paligid ko. Lalo na kung ito ay nagbibigay inspirasyon sa akin upang lalo pang magpursige sa buhay, maging matatag sa harap ng pagsubok, at magsilbing halimbawa kung paano ako magiging mabuting tao sa paningin ng Diyos at kapwa. Masarap makinig ng kwento, masarap makipagpalitan ng mga kaalaman na maaring mapalago sa atin bilang tao at maari rin makatulong upang maging magaan ang ating dalahin sa buhay, dahil na rin sa mga kaalamang nababatid natin. Kung matutunan natin na panatilihing maganda ang mga salita o paksa na namumutaw sa ating mga bibig at nasa sa ating puso, ito ay magbubunga ng magandang samahan ng bawat isa at tutulong na lumago tayo bilang isang tao. Sa halip na gulo, pagkakabaha-bahagi at di pagkakaunawaan, bunga ito ng mga usapang di na nakalulugod sa paningin at pandinig ng ibang tao.

Sa ating Ebanghelyo sa araw na ito, ay matutunghayan natin ang pagpapatuloy ng minsteryo ng ating Panginoon sa mga tao, matapos siyang magpalayas ng demonyo na natunghayan sa ating Mabuting Balita kahapon, ay nagpapatuloy pa rin ang pagpapagaling ng ating Panginoon sa mga maysakit. Mababasa natin ang pagpapagaling niya sa biyenan ni Pedro at ang mga aong patuloy na lumalapit sa kanya upang magpagaling. Bunga ito ng pagiging bantog sa kanyang mga gawa na nasaksihan ng ibang tao. At dahil sa pagkamanghang ito, ay mabilis na lumaganap ang kanyang mga gawa sa lahat, at umaasang mapapagaling sila sa kanilang karamdaman. Hindi sila nabigo sa ating Panginoon, dahil sa kanyang kaamuan at pagnanais na maipahayag niya na naghahari na ang Diyos sa kanilang bayan, paghaharing hindi katulad ng mga kaharian sa ibang banda, kundi ang tanda ng presensya ng Diyos, ang Diyos na sumasaatin sa pamamagitan ng kanyang himala at turo na nagpapakita na kumikilos ang Diyos sa kanilang harapan at hindi siya malayo sa kanila, kundi ay kasama nila ang Diyos. Bagaman pinigilan siya ng mga tao, ay ninais ni Jesus na ipangaral ang Ebanghelyo sa ibang lugar, upang sila man, ay mabiyayan ng habag ng Diyos na dadatnan nito. Itinuturo sa atin ng Mabuting Balita na bilang mga saksi sa paghahari ng Diyos, ay magsikap tayo na ipakilala at ilapit ang bawat tao kay Cristo na siyang magdudulot ng lakas at pag-asa sa mga taong aba at patuloy na naghahanap ng kalinga ng Diyos.

Nawa ay patuloy tayong magsikap na ilapit ang ating kapwa kay Cristo sa pamamagitan ng ating pamumuhay. Upang sa gayo'y madama rin nila ang ginhawang ninanais nilang matamo na tanging sa Kanya lamang masusumpungan.