Saturday, April 30, 2011

Isa Pang Pagkakataon! (Ikalawang Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay, Taon A)

Kinagabihan ng araw ng Linggo, ang mga alagad ay nagkakatipon. Nakasara ang mga pinto ng bahay na kanilang pinagtitipunan dahil sa takot nila sa mga Judio. Dumating si Jesus at tumayo sa kalagitnaan nila. "Sumainyo ang kapayapaan!" sabi niya. Pagkasabi nito, ipinakita niya ang kanyang mga kamay at ang kanyang tagiliran. Nang makita nila ang Panginoon, tuwang-tuwa ang mga alagad. Sinabi na naman ni Jesus, "Sumainyo ang kapayapaan! "Kung paanong isinugo ako ng Ama, isinusugo ko rin kayo. Pagkatapos, sila'y hiningahan niya at sinabi, Tanggapin ninyo ang Espiritu Santo. Ang patatawarin ninyo sa kanilang mga kasalanan ay pinatawad na nga, subalit ang hindi ninyo patatawarin ay hindi nga pinatawad. Ngunit si Tomas, na tinatawag na Kambal at kabilang sa Labindalawa, ay wala roon nang dumating si Jesus. Kaya't sinabi sa kanya ng ibang mga alagad, Nakita namin ang Panginoon! Sumagot si Tomas, Hindi ako maniniwala hangga't hindi ko nakikita at nahahawakan ang butas ng mga pako sa kanyang mga kamay, at hangga't hindi ko naisusuot ang aking daliri sa mga sugat na iyon at sa kanyang tagiliran. Makalipas ang isang linggo, muling nagkatipon sa loob ng bahay ang mga alagad at kasama nila si Tomas. Nakasara ang mga pinto, ngunit nakapasok si Jesus at tumayo sa kalagitnaan nila. Sinabi niya, Sumainyo ang kapayapaan! At sinabi niya kay Tomas, Tingnan mo ang aking mga kamay. Ilagay mo ang iyong kamay sa aking tagiliran at huwag ka nang mag-alinlangan pa, sa halip ay maniwala ka. Sumagot si Tomas, Panginoon ko at Diyos ko.Sinabi sa kanya ni Jesus, Naniniwala ka na ba dahil nakita mo ako? Mapalad ang mga naniniwala kahit hindi nila ako nakita. Marami pang himala ang ginawa ni Jesus na nasaksihan ng mga alagad, ngunit hindi nakasulat sa aklat na ito. Ang mga nakatala rito ay isinulat upang kayo'y sumampalataya a na si Jesus ang Cristo, ang Anak ng Diyos, at upang magkaroon kayo ng buhay sa pamamagitan niya. - Juan 20:19-31 (ABMBB)

Isa sa mga sikat na linya na napapanood natin sa isang pelikula, sa TV, radyo, maging sa mga babasahin at lalo na sa ating pang-araw-araw na buhay ang linyang, "Kung ang Diyos ay nakakapagpatawad, tayo pa kayang mga tao lamang?" Sa tototo lang, ay marami nang beses na naririnig ang ganyang linya, hindi lamang sa mga taong malalapit sa akin, kundi maging sa mga taong nakakasakit sa akin, at mga malalapit sa akin na naghihimok na bigyan ko po ng isa pang pagkakataon ang aking kapwa, sa kabila ng kanyang maling nagawa na nakasakit sa akin. Sa twing napapakinggan ko ito, ay napapatigil akong sandali at napagtatanto ko na, "Oo nga, sa dami-dami ng kasalanang nagawa ko sa Diyos, ay narito pa ring nagbibigay siya ng pagkakataon sa akin upang maiayos ko ang aking buhay, at sikaping wag ko nang ulitin iyon." At ito ang nagiging daan upang maging mahinahon ako at wag nang masyading magalit nang husto.


Noong nakaraang Miyerkules, ay natanggap ko ang premyo na aking napanalunan sa isang trivia contest sa facebook,  na isinagawa ng Apostles Filipino  Catholic Community (AFCC), ay isang commemorative rosary para sa karangalan ng  pagpaparangal at pagkilala ng simbahan  sa ating yumaong Santo Papa Juan Pablo Ikalawa, bilang isang pinagpala o blessed. Isang hakbang ito upang siya ay maitanghal bilang Santo ng ating Simbahan. Habang tinitingnan ko ang center medal ng aking Rosaryo na makikita ang nakaukit na imahen ng papa na nananalangin, ay sumagi sa aking isip ang isa sa mga bagay na hinahangaan ko sa kanya. Ito ay ang kanyang pagpapatawad sa isang muslim na bumaril sa kanya noong May 13, 1981, kapistahan ng Mahal na Birhen ng Fatima. Sa halip na gumanti, ay nagpakita ang Santo Papa ng pagpapatawad at pagnanais na ipakita ito, hindi lamang sa salita, kundi binisita pa ito at kinausap nang masinsinan. Sa halip na makita sa kanya ang galit sa mukha,  ay nagpakita siya ng kahinahunan at totohanang pagpapatawad sa nagawa ng bumaril sa kanya. Dahil dito, ay lubos na hinangaan ng buong mundo, dahil sa kanyang lubos na pagiging maawain at mapagpatawad. Kahit sa kanyang pagiging bantog at kilala, ay nanatili pa rin ang kanyang pagpapakumbaba sa lahat, lalo na noong siya ay humingi ng tawad sa publiko, dahil sa mga nagawang mga kamalian ng simbahan noong pang una. Tulad na lang ng mga pagkakaalit ng Simbahang Katoliko sa mga Judio, protestante at mga taong naging biktima ng pagkakamaling ito ng simbahan. Kung kaya, sa kanyang kamatayan, ay marami ang nagluksa, dahil sa kabutihang nagawa niya sa buong mundo, at pagpapamalas ng kagandahang loob na ito sa lahat ng tao, ano pa man ang kanilang kalagayan sa buhay. 

Ang katangiang ito na ipinakita ng ating yumaong Santo Papa ay siya ring ipinakita ni Jesus sa ating Mabuting Balita ngayon. Dahil sa pagkamatay si Jesus at natatakot sa mga Judio na baka sila rin ay patayin, ay nagtatago sila sa isang silid. Sa kanilang pagtatago, ay biglang nagpakita si Jesus sa kanila, at sinabing, "sumainyo ang kapayapaan." ang pagkakasabi niyang ito ay isang pagpapahiwatig ng pagkakaroon ng hinahon at walang pangamba. Matatandaan natin na noong naghihirap ang ating Panginoon, ay tumakas sila at nagtago, maliban kay San Juan na kanyang minamahal na alagad. Sa halip na panunumbat, ay pinayapa sila ni Jesus at ipinahihiwatig nilang, huwag silang mag-alalala, sapagkat sa kabila ng nagyari sa kanya, ay nagpakita siya ng habag at awa sa kanila, dahil sa lubos niyang pagmamahal sa kanila at pagtanggap sa kanilang kahinaan. Kahit si Tomas, na nag-alinlangan sa kanya, sa halip na sumbat, pag-unawa at pagpapatawad ang ipinagkaloob sa kanya. Ang ganitong pagpapatawad sa kapwa, ay siya ring isinabuhay ng mga alagad sa ating Unang Pagbasa, na matapos nilang ipangaral ang kagandahang loob ng Diyos sa kanila, dahil sa katubusan at muling pagkabuhay ni Cristo, ay nakitaan sa mga sumampalataya ang kagalakan at kasiyahan, dahil sa biyayang ito na ipnagkaloob sa kanila ng Diyos. Ito rin ang ipinapakita ni Apostol San Pedro sa unang sulat niya sa ating Ikalawang Pagbasa ang pagiging mapalad ng mga sumasampalatayang Kristiyano. Dahil sa pagkabuhay ni Cristo, ay nagkaroon ng kabuluhan ang buhay ang bawat sumasampalataya. Isang panibagong buhay na ipinagkaloob sa kanila ng Diyos na kalakip ang mga pagpapalang espiritwal sa bawat isa. Ipinapayo niya na ingatang mabuti ang pananampalatayang kanilang tinataglay, sapagkat sa bandang huli, ay matatamo nila ang bunga ng kanilang pagtitiyaga-ang kaligtasan. At sa ating Salmong Tugunan, ay ipinagbubunyi ng ating salmista ang walang hanggang pag-ibig ng Diyos sa kanya, dahil sa kaligtasang idinulot ng Diyos sa kanya.

 Ngayon ay ipinagdiriwang rin natin sa araw na ito ang Divine Mercy Sunday o ang Linggo ng Mabathalang pagkaawa. Iniutos ng ating Panginoon sa kanyang lingkod na si Santa Faustina Kowalska, isamg madreng Polako, na ipagdiwang ang kapistahan ng Mabathalang Pagkaawa twing Ikalawang Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay. Ipinapaalala sa atin ng ating Panginoon ang kanyang lubos na awa at pagmamahal sa atin. Sa kabila ng ating mga nagawang kasalanan, ay narito siya at naghihintay na lumapit at bumalik tayo sa kanya. Dahil ninanais niyang tayo ay maligtas at walang mapahamak. Ngunit, upang maging makabuluhan at lubusan nating maranasan ang habag ng Diyos, ay itinuturo sa atin ng Diyos na maging maawain at mapagpatawad din tayo sa iba, upang sa gayon ay maranasan din nila ang pagpapatawad at pagbibigay ng pagkakataon ng Diyos sa bawat isa, sa kabila ng ating mga pagkukulang. 

Pasalamatan natin ang Diyos sa kanyang walang hanggang pagbibigay sa atin ng pagkakataong ituwid ang ating mga pagkukulang, at nawa'y ipakita natin sa bawat isa ang kapatawaran at pagpapakumbaba. Upang sa gayon, ay maghari at makita sa atin ang Diyos na nagpapatawad sa atin at patuloy na nagmamahal, sa kabila ng ating kasalanang nagawa, at handang tumanggap sa ating mga kahinaan, na siyang daan ng pagkakasundo at pagkakaisa.





Sunday, April 17, 2011

Katahimikan Sa Gitna ng Pagdurusa! (Linggo ng Palaspas, (Misa ng Pagpapakasakit), Taon A)

 Tumayo si Jesus sa harap ng gobernador at tinanong siya nito: “Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?” Sumagot si Jesus: “Ikaw ang nagsasabi.” Pinaratangan naman siya ng mga punong-pari at Matatanda pero hindi siya sumagot. Kaya sinabi sa kanya ni Pilato: “Naririnig mo ba ang marami nilang sakdal laban sa iyo?” Ngunit hindi siya umimik ni isa mang salita kaya nagtaka ang gobernador. May kaugalian sa Piyesta na pinalalaya ng gobernador ang sinumang bilanggong gustu­hin ng bayan. At may tanyag na bilanggo roon na nag­nga­ngalang Barabbas.  Sa kanilang pagtiti­pon, nagtanong si Pilato: “Sino ang gusto ninyong paka­walan ko: si Barabbas o si Jesus na tinatawag na Kristo?”  Alam nga niya na ipi­nadala nila sa kanya si Jesus dahil sa inggit. Habang nakaupo sa hukuman si Pilato, nagpasabi ang kanyang asawa: “Huwag kang makialam sa matuwid na taong iyan. Labis akong pinahirapan ng panaginip ko kagabi da­hil sa kanya.

Ikaw ba ang Hari ng mga Judio? 
Sinulsulan naman ng mga punong-pari at Matatanda ang mga tao para hingin si Barabbas at ipaligpit si Jesus. Kaya nang tanungin uli sila ng gobernador: “Sino sa kanila ang gusto ninyong palayain ko?”, sumagot sila: “Si Barab­bas.” Tinanong sila ni Pilato: “At ano ang gagawin ko kay Jesus na tinatawag na Kristo?” At nag­sisagot ang lahat: “Ipako siya sa krus!”  Ipinilit ni Pilato: “Ano ang kan­yang kasa­la­nan?” Ngunit lalo nilang nila­kasan ang sigaw: “Ipako iyan sa krus!” Nakita ni Pilato na wala siyang magagawa at baka magkagulo pa ang mga tao. Kaya humingi siya ng tubig at naghugas ng kanyang kamay sa harap ng mga tao habang sinasabi: “Wala akong pananagutan sa kanyang dugo. Kayo ang mananagot.” At sumagot ang lahat: “Mabuhos nawa sa amin at sa aming mga anak ang kanyang dugo.” Kaya pina­laya ni Pilato si Barabbas ngunit ipinahagupit naman si Jesus at ibinigay para ipako sa krus.

At pumilipit sila ng koronang tinik, ipinutong sa kanyang ulo
At ipinasok si Jesus ng mga sun­dalo ng gobernador sa Pretorio o bulwagan, at tinawag ang buong hukbo sa paligid niya. Hinubaran nila siya at dinamitan ng kulay-pulang balabal.  At pumilipit sila ng isang koronang tinik, ipi­nutong ito sa kanyang ulo at inilagay ang isang patpat sa kanyang kanang kamay. At saka sila lumuhod sa harap ni Jesus at nilibak siya sa pagsasabing: “Mabuhay ang Hari ng mga Judio!” Dinuraan nila siya, kinuha ang patpat sa kan­yang kamay at inihampas ito sa kanyang ulo. Matapos nila siyang libakin, inalis nila ang pulang balabal, isinuot sa kanya ang sariling damit at inilabas para ipako sa krus. Paglabas nila, may nasalubong sila na isang lalaking taga-Cirene na nag­nga­­ngalang Simon, at pinilit nila siyang pasanin ang krus ni Jesus. Pagka­rating nila sa lugar na tinatawag na Gol­gota (o Kalbaryo) pina­inom nila siya ng alak na hinaluan ng apdo. Tinikman ito ni Jesus ngunit hindi niya ito ininom. Doon nila siya ipinako sa krus at pinaghati-hatian sa sugal ang kanyang mga damit.  At saka sila naupo para bantayan siya. Ipinaskel naman nila sa ulunan niya ang nakasulat na sakdal laban sa kanya: “Ito si Jesus, ang Hari ng mga Judio.” Ipinako rin nilang kasama niya ang dalawang kriminal, isa sa kanyang kanan at isa sa kanyang kaliwa.

Doon nila siya ipinako sa Krus 
Umiiling ang mga nagdaraan at iniinsulto siya: “Aha! gigibain mo pala ang Templo at itatayong muli sa loob ng tatlong araw. Kaya iligtas mo ngayon ang iyong sarili at bumaba ka sa krus kung ikaw nga ang Anak ng Diyos!” Pinagtawanan din siya ng mga punong-pari, mga Matatanda at mga guro ng Batas. Sinabi nila: “Nailigtas niya ang iba, at sarili niya’y di mai­ligtas! Bumaba ngayon ang Hari ng Israel mula sa krus at maniniwala kami sa kan­ya. Nagtiwala siya sa Diyos kaya iligtas siya nito kung mahal siya ng Diyos. Sinabi nga ni­yang: Ako ang Anak ng Diyos.”At ininsulto rin siya ng mga kriminal na kasama niyang ipinako. Mula tanghaling-tapat hanggang hapon, nagdilim ang buong lupain. Nang ikatlo ng hapon, sumigaw si Jesus nang malakas: “Eloi, Eloi, lamma sabactani?” na ang kahuluga’y “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pina­ba­ya­an?” Nang marinig ito ng ilan sa mga naroon, sinabi nila: “Tina­tawag niya si Elias.” Tumak­bo ang isa sa kanila, kumuha ng espong­ha, isinawsaw ito sa suka, inilagay sa patpat at pina­inom siya. Sinabi naman ng iba: “Huwag, tingnan natin kung ililigtas siya ni Elias.” Muling sumigaw si Jesus nang malakas at pinayaon ang espiritu. Sa sandaling iyon, napunit mula itaas hanggang baba ang kurtina ng Santuwaryo; nayanig din ang lupa at nabiyak ang mga bato. May mga libi­ngang nabuksan at may mga nabuhay sa mga banal na yumao. Lumabas nga sila sa kanilang mga libingan mata­pos ang pagkabuhay ni Jesus, at puma­sok sila sa Banal na Lunsod at napakita sa marami. Lubhang natakot ang kapitan at ang mga sundalong nagbabantay kay Jesus nang makita ang lindol at lahat ng nangyari, at sinabi nila: “Anak nga siya ng Diyos.” - Mateo 27:11-54 (BSP)

Matapos ng ating pagpupugay sa ating Panginoon sa kanyang matagumpay na pagpasok niya sa Jerusalem, ay matututunghayan natin ngayon ang kagimbal-gimbal na pagdurusa ni Jesus sa kamay ng kanyang mga kababayan. Ang dating nagbubunyi at nagagalak sa kanyang pagdating, ay nagsusumigaw na siya ay dapat mamatay, at tinutuya ng lahat. Ang haring kanilang pinagpupugayan at binibigyan ng parangal, kanila nang nilalait, hindi lang panlalait, kundi ay pasakit at matinding pang-aalipusta, na kahit sino ay hindi kayang batahin at walang nagnais na maganap ito sa kanilang buhay.

Subalit sa gitna ng kanyang mga pagdurusa, ay nanatili pa rin ang katahimikan at walang imik na ininda niya ang lahat ng ito. Bagaman masasabi natin na siya ay nagsalita rin sa harap ni Pilato, sa harap ng tao, ang katahimikang tinutukoy rito ay ang kanyang lubusang pagtanggap sa kanyang pagdurusa, na kanyang tinanggap bilang kalooban ng Ama na iligtas tayo sa ating mga kasalanan. Tinuturuan tayo ni Jesus na maging mapagpakumbaba sa gitna ng ating mga pagdurusa, at pagbabata ng Krus sa ating buhay. Ito rin ay kapareho rin ng pagpapakumbabang ipinakita niya noong siya ay pinagpupugayan sa kanyang matagumpay na pagpasok sa Jerusalem. Sapagkat ang lahat ng nagyayari sa ating buhay, mabuti man o masama, ay para sa ikadadakila ng Diyos at para makilala siya ng lahat sa pamamagitan ng ating lubusang pagtitiwala sa kanya.

Ang pagpapakumbabang ito ay inihula na noon pa ni Propeta Isaias sa Unang Pagbasa tungkol sa paglalaran sa lingkod ng panginoon na pinahirapan, inalipusta at niyurakan. Subalit sa sa gitna ng lahat ng pagdurusa ng lingkod na ito, ay nananatili pa rin ang kanyang pag-asa at matibay na pananalig sa Diyos na magliligtas sa kanya. Kung kaya, ay kanyang ininda ang lahat ng kanyang pagdurusa at paghamak, dahil batin niyang hindi mawawalan ng saysay ang lahat ng kanyang pagdurusa. Ang ganitong pag-iisip ng nagdurusang lingkod ay kasingdiwa rin ng ating Salmong Tugunan, na bagaman nagdusa at nahirapan, ay masigla niyang pararangalan ang Diyos na nagligtas sa kanya, dahil sa kanyang lubusang pananalig niya sa Diyos. Ang lingkod na ito ay natupad kay Cristo, na siyang inilalarawan ni san pablo sa mga taga-Filipos sa Ikalawang Pagbasa. Na bagaman Diyos si Jesus, ay hindi nagpumilit na maging kapantay ng Ama, sa halip, ay hinubad niya ito, at nagkatawang tao. Ipinakita niya ang kanyang pagiging masunurin hanggang kamatayan sa Krus. Dahil sa pagsunod na ito, siya ay itinampok ng Ama sa lahat at pararangalan ng lahat ng tao. 

Nawa'y matuto tayong tulad ni Jesus na maging masunurin at mapagpakumbaba sa gitna ng ating tagumpay at pagdurusa. Upang sa gayo'y matagpuan sa atin ang lakas at pag-asa na palaging nariyan ang Diyos na hindi lumilimot at nagpapabaya sa ating lahat na mga anak niya.


 

Saturday, April 16, 2011

Pagtulad Sa Haring Mapagpakumbaba (Linggo ng Palaspas, Taon A (Matagumpay Na Pagpasok Sa Jerusalem))

Malapit na sila sa Jerusalem, at pagdating nila sa Betfage, sa Bundok ng mga Olibo, inutusan ni Jesus ang dalawang alagad: “Pu­munta kayo sa kabilang ibayo at may makikita kayo roong isang inahing asno na nakataling kasama ang isang bisiro. Kalagan sila at dalhin sa akin. Kung may magtatanong sa inyo, sabihin ninyong: Kailangan sila ng Pa­nginoon pero ibabalik din sila ka­agad.” Kaya natupad ang sinabi ng Propeta: “Sabihin sa Dalagang Sion: Parating na sa iyo ang iyong hari, simple, nakasakay sa asno, sa isang hayop na pantrabaho.” Umalis ang mga alagad at ginawa ang iniutos ni Jesus.  Dinala nila ang asno at ang bisiro, at isinapin dito ang kanilang mga balabal para upuan ni Jesus.  Marami naman ang naglatag ng ka­nilang mga balabal sa daan; pumutol naman ng mga sanga mula sa mga puno ang iba at inilagay rin ang mga ito sa daan. Sumi­sigaw ang mga taong na­ngunguna at sumu­sunod sa kanya. Sinabi nila: “Hosanna sa Anak ni David! Mapalad ang dumarating sa Ngalan ng Panginoon! Hosanna, luwalhati sa Kaitaasan!” Pagpasok ni Jesus sa Jerusalem, nagulo ang buong lunsod, at nagtanu­ngan sila: “Sino ito?” At sumagot naman ang mga tao: “Ito ang pro­petang si Jesus na taga-Nazaret ng Galilea.” - Mateo 21:1-11 (BSP)

Linggo ng Palaspas. Isa sa pinakamaringal na pagdiriwang na ginugunita nating mga Katoliko minsan sa isang taon. Sari-saring estilo, haba at disenyo ang mga palaspas na makikita natin sa mga lansangan. Kadalasan, ay bumbili tayo ng palaspas, upang ipakita natin ang pagbubunyi natin sa naging matagumpay na pagpasok ni Jesus sa Jerusalem, na ginawa ng mga Judio noong siya ay dumating. Nakakatuwa na marami ang nakikibahagi sa ganitong pagdiriwang, ngunit, may ilan din ang nagkakaroon din ng maling pagtingin sa mismong gamit ng palaspas. Naalala ko noon noong ako'y elementary, sinasabi ng ilang matatanda na pagkatapos mabasbasan ang mga palspas, ito ay dapat isabit sa bintana o pinto, upang pantaboy sa masasamang espiritu at hindi makapasok sa bahay. May nagsasabi rin na kapag isinabit rin ito sa bintana, upang hindi tamaan ng kidlat ang baya at maligtas sa panganib. Nakakalungkot na kaya sila nakikilahahok dito ay upang makamtan nila ang proteksyon na kanilang ninanais at hindi makita ang tunay na kahulugan nito na may kinalaman sa ating buhay.

Makikita natin ngayon sa  ating Ebanghelyo ngayon ang matagumpay na pagpasok ni Jesus sa Jerusalem. Ito ang simula ng kanyang dadanasing hipap pagkaraan lamang ng ilang araw. Dahil sa siya ay kilala at bantog sa kanyang mga pangangaral at mga himala, ay pinagpugayan siya ng tao. Isang masayang pagsalubong sa kanya, dahil sa nababatin nila na ang Diyos ay nasa kanilang piling sa pamamagitan ni Jesus. Sa halip na kabayo, na sinasakyan ng mga mandirigma at mga mayayamang tao, ay asno ang kanyang sinakyan. Ito ay pagpapakita ng kanyang pagpapakumbaba at pagpapakita ng isang kakaibang hari. Isang hari na pwedeng abutin ng kahit sinong tao, anuman ang kanilang kalagayan at katayuan sa lipunan. Bagaman siya ay pinagpupugayan ng tao, ay nanatili a rin ang pagpapakumbaba ni Jesus sa lahat. Dahil ang ninanais niya ay mabigyang luwalhati ang Diyos at iligtas ang lahat ng tao. 

Kung paanong ang palaspas na ating iwinawasiwas sa oras na mabasbasan ng pari, ay maging isang magandang paalala sa atin ang mga palaspas na ito. Kung paanong ito ay sariwa nang mabasbasan ito, di magtatagal, ay matutuyo, malalana, hanggang sa ito ay sunugin at gamitin sa pagpapahid ng abo sa Miyerkules ang Abo. Isang napakagandang paalala na ang buhay natin sa mundo ay pansamantala lamang, kung kaya tinuturuan tayong maging mapagpakumbaba sa harap ng Diyos. Sapagkat ang lahat ng tinataglay natin, bagaman ito ay nagpapatingkad sa ating katayuan dito sa mundo, ay darating ang panahong iiwan natin ang lahat ng ito, lilipas ang lahat ng mga bagay, at babalik tayo sa Diyos na nagkaloob sa atin ng ating buhay at sa kanya rin natin ipagsusulit ang lahat ng ito.  Katulad ni Jesus, tayo nawa'y maging mapagpakumbaba sa harap ng Diyos, lalo na sa panahong tayo ay nakakriwasa o nagiging maganda ang estado natin sa buhay. Sapagkat ang lahat ng mayroon tayo, ay hindi para sa sarili nating kapakinabangan, kundi para sa ikaluluwalhati ng Diyos na nagkaloob sa atin ng lahat ng ito, at ipagsusulit sa panahong tayo ay babalik na sa kanyang tahanan sa langit. 

Sunday, April 10, 2011

Sa Buhay Na Walang Hanggan! (Linggo Sa Ika-5 Linggo ng Kwaresma, Taon A)

Sa bayan ng Bethania ay may isang taong nagkasakit. Siya si Lazaro na kapatid nina Marta at Maria. Si Maria ang nagbuhos ng pabango sa paa ng Panginoon at pagkatapos ay pinunasan iyon ng kanyang buhok. Dahil may sakit si Lazaro, nagpasabi kay Jesus ang magkapatid, Panginoon, ang minamahal ninyong kaibigan ay may sakit. Nang marinig ito ni Jesus ay sinabi niya, Hindi niya ikamamatay ang sakit na ito. Nangyari iyon upang maparangalan ang Diyos at sa pamamagitan nito'y maparangalan ang Anak ng Diyos. Mahal ni Jesus ang magkakapatid na Marta, Maria at Lazaro. Gayunman, nagpalipas pa siya doon ng dalawang araw mula nang mabalitaang may sakit si Lazaro. Pagkatapos nito, sinabi niya sa kanyang mga alagad, Magbalik tayo sa Judea. Sumagot ang mga alagad, Guro, hindi po ba't kamakailan lamang ay pinagtangkaan kayong batuhin ng mga pinuno ng mga Judio? Bakit pupunta na naman kayo doon? Sinabi ni Jesus, Hindi ba't may labindalawang oras sa maghapon? Hindi matitisod ang lumalakad kung umaga sapagkat nakikita niya ang nagbibigay-liwanag sa daigdig na ito. Subalit natitisod ang lumalakad kung gabi sapagkat wala na siyang liwanag. Idinugtong pa ni Jesus, Natutulog ang kaibigan nating si Lazaro. Pupunta ako upang gisingin siya. Panginoon, kung natutulog lang po siya ay gagaling siya, sagot ng mga alagad. Ang ibig sabihin ni Jesus ay patay na si Lazaro, ngunit ang akala ng mga alagad ay talagang natutulog lamang ito. Dahil dito'y tuwirang sinabi ni Jesus, Patay na si Lazaro;  ngunit ako'y nagagalak dahil wala ako roon upang kayo'y sumampalataya sa akin. Tayo na, puntahan natin siya. Niyaya ni Tomas, na tinatawag na Kambal, ang kanyang mga kasama, Sumama tayo sa Guro, mamamatay tayong kasama niya. Pagdating ni Jesus, nalaman niyang apat na araw nang nakalibing si Lazaro. May tatlong kilometro lamang ang layo ng Jerusalem sa Bethania,  kaya't maraming taga-Jerusalem ang dumalaw kina Marta at Maria upang makiramay sa pagkamatay ng kanilang kapatid. Nang mabalitaan ni Marta na dumarating si Jesus, sinalubong niya ito, ngunit si Maria nama'y naiwan sa bahay. Sinabi ni Marta, Panginoon, kung kayo po ay narito, buháy pa sana ang kapatid ko. Subalit nalalaman kong kahit ngayo'y ipagkakaloob sa inyo ng Diyos ang anumang hingin ninyo sa kanya. Muling mabubuhay ang iyong kapatid, sabi ni Jesus. Sumagot si Marta, Nalalaman ko pong siya'y mabubuhay muli sa huling araw. Sinabi sa kanya ni Jesus, Ako ang nagbibigay-buhay at muling pagkabuhay. Ang sinumang sumasampalataya sa akin, kahit mamatay ay muling mabubuhay; at sinumang nabubuhay at sumasampalataya sa akin ay hindi mamamatay kailanman. Naniniwala ka ba sa sinabi ko? Sumagot siya, Opo, Panginoon! Sumasampalataya po ako sa inyo at naniniwalang kayo nga ang Cristo, ang Anak ng Diyos na paparito sa daigdig. Pagkasabi nito, umuwi si Marta. Tinawag niya si Maria at binulungan, Naririto na ang Guro at ipinapatawag ka. Pagkarinig nito'y nagmadaling tumayo si Maria upang salubungin si Jesus. Wala pa si Jesus sa nayon; naroon pa lamang siya sa lugar kung saan siya sinalubong ni Marta. Nang makitang si Maria'y nagmamadaling tumayo at lumabas, sinundan siya ng mga Judiong nakikiramay sa kanila. Akala nila'y pupunta siya sa libingan upang umiyak. Pagdating ni Maria sa kinaroroonan ni Jesus, nagpatirapa siya sa paanan nito at nagsabi, Panginoon, kung narito po lamang kayo, hindi sana namatay ang aking kapatid. Nahabag si Jesus at nabagbag ang kanyang kalooban nang makita niyang umiiyak si Maria, pati ang mga Judiong kasama nito. Saan ninyo siya inilibing? tanong ni Jesus. Sumagot sila, Panginoon, halikayo at tingnan ninyo. Tumangis si Jesus, kaya't sinabi ng mga Judio, Talagang mahal na mahal niya si Lazaro! Sinabi naman ng ilan, Napagaling niya ang bulag, bakit hindi niya nahadlangan ang pagkamatay ni Lazaro? Muling nabagbag ang kalooban ni Jesus pagdating sa libingan. Ang pinaglibingan kay Lazaro ay isang yungib na natatakpan ng malaking bato. Alisin ninyo ang bato, utos ni Jesus.Ngunit sumagot si Marta, Panginoon, nangangamoy na po siya ngayon; apat na araw na siyang patay. Sinabi ni Jesus, Hindi ba't sinabi ko sa iyo na kung sasampalataya ka sa akin ay makikita mo ang kaluwalhatian ng Diyos? Kaya't inalis nila ang bato. Tumingala si Jesus sa langit at sinabi, Ama, nagpapasalamat ako sa iyo sapagkat dinirinig mo ako, at alam kong lagi mo akong diringgin. Ngunit sinasabi ko ito dahil sa mga taong naririto, upang maniwala silang ikaw ang nagsugo sa akin. Pagkasabi nito ay sumigaw siya, Lazaro, lumabas ka! Lumabas nga si Lazaro na nababalot ng telang panlibing ang mga kamay at paa; may nakatakip ring tela sa mukha. Inutos ni Jesus sa kanila, Kalagan ninyo siya at nang makalaya. - Juan 11:1-45 (ABMBB)

Ang buhay ay isang biyayang ipinagkaloob ng Diyos sa lahat ng kanyang nilikha. Sa pamamagitan nito, ay nararamdaman ng isang indibidwal ang saya, lungkot, at hamon nito. Bagaman ito ay isang biyayang galing sa Diyos, iba't-iba ang pagtingin nila rito. May ilang nagsasabing maganda at masarap mabuhay. Dahil ito sa natatamo nilang tagumpay sa buhay, at ang pagkakaroon ng kanilang tinatangkilik. May ilan din namang nagsasabing malungkot at puno ng hapis at hirap ang buhay rito sa mundo. Bagay na dahil sa mga pagsubok na kanilang pinagdadaaanan, na anupat madali silang sumuko at mawalan ng pag-asa. Kung kaya dahil dito, ay hindi na nila maramdaman ang kasiyahan at hirap makita ang kagandahan ng buhay na dapat nila ring makita at maranasan. May ilan rin namang nagsasabing ang buhay ay tama lang. May tuwa, at lungkot, pero ang mahalaga, ay nakakaraos sa buong maghapon. Bagaman iba-iba ang pagtingin ng tao sa buhay, ay nanatili pa rin isang katotohanang hindi maitatanggi ng sinuman, na ang buhay ay ipinagkaloob sa atin, na dapat ipagpasalamat sa kanya. 

Kung nararapat nating ipagpasalamat sa Diyos ang buhay na tinataglay natin, ay mas lalo na dapat pasalamatan natin siya, dahil sa pangakong buhay na inilaan niya sa ating lahat, matapos ng pagpanaw sa buhay natin dito sa mundo. Bagaman  nawala sa atin ang pagkakaroon ng buhay na walang hanggan, dahil sa pagsuway ng ating unang magulang na sina Adan at Eba, ay nagbigay pa rin ang Diyos ng pagkakataon sa lahat na magtaglay ng buhay na walang hanggan, sa pamamagitan ng pagpapakasakit at muling pagkabuhay ni Cristo. 

Ang pagpapakita ng muling pagkabuhay sa mga namatay ay isang pagpapakita ng pagnanais ng Diyos na magkaroon ng buhay na walang hanggan ang bawat isa at ang pagkakaroon ng pag-asa na may magandang buhay na nakalaan sa atin pagkatapos nating pumanaw sa mundong ito. Ito ang siyang pinakadiwa ng ating mga pagbasa ngayong Ikalimang Linggo ng Kwaresma. Matutunghayan natin sa Unang Pagbasa ang pangako ng Diyos sa pamamagitan ni Propeta Ezekiel na ang lahat ng namatay ay muling mabubuhay at magkakaroon ng buhay at makababalik sila sa kanilang bayan. Ang pangakong ito ay mula sa pangitain ng propeta na ipinakita sa kanya ang lambak na puno ng kalansay. Ipinakita sa kanya ng Panginoon kung paano niya bigyang laman, hininga at buhay ang mga kalansay. Ang tuyong kalansay na ito ay sumasagisag sa kawalang pag-asa ng Bayang Israel dahil sa kanilang pagkakabihag sa Babilonia. Kung kaya, ipinangako sa kanila ng Diyos na muli silang makababalik at magkakaroon ng magandang buhay matapos ng kanilang mapait na karanasan. Na kasingdiwa rin ito ng Salmong Tugunan natin, na umaasa sa tulong ng Diyos, at siya ay tinugon. Kung kaya sa bandang huli, ay nagbubunyi siya at ipinapahayag sa lahat na magtiwala sa Diyos, dahil hindi mabibigo ang sinumang mananalig sa kanya. Matutunghayan natin sa ating Mabuting Balita ngayon nang binuhay ng ating Panginoon si Lazaro. Nais ipakita niya sa atin na sa pamamagitan ng pananalig sa kanya, ay magkakaroon ng buhay ang sinumang nakahandang sumunod at kumapit sa kanya. Bagaman naroroon ang hapis ng magkapatid na sila Maria at Marta, ay, naroroon ang kanilang pananampalataya sa sinabi ng ating Panginoon. Kung kaya ay hindi sila nabigo, at muling nabuhay si Lazaro. Ipinapakita niya sa atin na sa muling pagkabuhay, ay hindi lang pagkabuhay na mag-uling pisikal, kundi ay ang matibay nating pag-asa na tayo'y may aasahang buhay, pagkatapos nating pumanaw, at isang buhay na ganap sa piling ng ating Panginoon. Kung kaya sa Ikalawang Pagbasa, itinuturo sa atin ni Apostol San Pablo na ang sinumang nananalig kay Cristo, bagaman namatay, ay makakaasa sa muling pagkabuhay. Dahil sa kung paanong binuhay ng Diyos si Cristo, ay siya rin ang magbibigay ng buhay sa sinumang mananalig sa kanya. Subalit, ibinababala niya na ang sinumang namumuhay ayon sa laman, ay hindi kinalulugdan ng Diyos, kung kaya pinapayuhan niya ang mga Kristiyanong nasa Roma, na dahil sa tinubos na sila ni Cristo, ay maging malinis sa kanilang pamumuhay, upang hindi mawala ang pangakong kaligtasan at buhay na walang hanggan. 

Pasalamatan natin ang Diyos sa kanyang kagandahang loob sa atin dahil sa kanyang pangakong muling pagkabuhay at pagtataglay ng buhay na walang hanggan. Sapagkat sa pamamagitan nito, ay nakikita natin ang magandang layunin niya sa atin, ang manatili sa kanyang piling at magkaroon ng buhay na ganap at kasiya-sya. Na doo'y wala nang hapis, sakit, hirap at kamatayan.