Sunday, April 17, 2011

Katahimikan Sa Gitna ng Pagdurusa! (Linggo ng Palaspas, (Misa ng Pagpapakasakit), Taon A)

 Tumayo si Jesus sa harap ng gobernador at tinanong siya nito: “Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?” Sumagot si Jesus: “Ikaw ang nagsasabi.” Pinaratangan naman siya ng mga punong-pari at Matatanda pero hindi siya sumagot. Kaya sinabi sa kanya ni Pilato: “Naririnig mo ba ang marami nilang sakdal laban sa iyo?” Ngunit hindi siya umimik ni isa mang salita kaya nagtaka ang gobernador. May kaugalian sa Piyesta na pinalalaya ng gobernador ang sinumang bilanggong gustu­hin ng bayan. At may tanyag na bilanggo roon na nag­nga­ngalang Barabbas.  Sa kanilang pagtiti­pon, nagtanong si Pilato: “Sino ang gusto ninyong paka­walan ko: si Barabbas o si Jesus na tinatawag na Kristo?”  Alam nga niya na ipi­nadala nila sa kanya si Jesus dahil sa inggit. Habang nakaupo sa hukuman si Pilato, nagpasabi ang kanyang asawa: “Huwag kang makialam sa matuwid na taong iyan. Labis akong pinahirapan ng panaginip ko kagabi da­hil sa kanya.

Ikaw ba ang Hari ng mga Judio? 
Sinulsulan naman ng mga punong-pari at Matatanda ang mga tao para hingin si Barabbas at ipaligpit si Jesus. Kaya nang tanungin uli sila ng gobernador: “Sino sa kanila ang gusto ninyong palayain ko?”, sumagot sila: “Si Barab­bas.” Tinanong sila ni Pilato: “At ano ang gagawin ko kay Jesus na tinatawag na Kristo?” At nag­sisagot ang lahat: “Ipako siya sa krus!”  Ipinilit ni Pilato: “Ano ang kan­yang kasa­la­nan?” Ngunit lalo nilang nila­kasan ang sigaw: “Ipako iyan sa krus!” Nakita ni Pilato na wala siyang magagawa at baka magkagulo pa ang mga tao. Kaya humingi siya ng tubig at naghugas ng kanyang kamay sa harap ng mga tao habang sinasabi: “Wala akong pananagutan sa kanyang dugo. Kayo ang mananagot.” At sumagot ang lahat: “Mabuhos nawa sa amin at sa aming mga anak ang kanyang dugo.” Kaya pina­laya ni Pilato si Barabbas ngunit ipinahagupit naman si Jesus at ibinigay para ipako sa krus.

At pumilipit sila ng koronang tinik, ipinutong sa kanyang ulo
At ipinasok si Jesus ng mga sun­dalo ng gobernador sa Pretorio o bulwagan, at tinawag ang buong hukbo sa paligid niya. Hinubaran nila siya at dinamitan ng kulay-pulang balabal.  At pumilipit sila ng isang koronang tinik, ipi­nutong ito sa kanyang ulo at inilagay ang isang patpat sa kanyang kanang kamay. At saka sila lumuhod sa harap ni Jesus at nilibak siya sa pagsasabing: “Mabuhay ang Hari ng mga Judio!” Dinuraan nila siya, kinuha ang patpat sa kan­yang kamay at inihampas ito sa kanyang ulo. Matapos nila siyang libakin, inalis nila ang pulang balabal, isinuot sa kanya ang sariling damit at inilabas para ipako sa krus. Paglabas nila, may nasalubong sila na isang lalaking taga-Cirene na nag­nga­­ngalang Simon, at pinilit nila siyang pasanin ang krus ni Jesus. Pagka­rating nila sa lugar na tinatawag na Gol­gota (o Kalbaryo) pina­inom nila siya ng alak na hinaluan ng apdo. Tinikman ito ni Jesus ngunit hindi niya ito ininom. Doon nila siya ipinako sa krus at pinaghati-hatian sa sugal ang kanyang mga damit.  At saka sila naupo para bantayan siya. Ipinaskel naman nila sa ulunan niya ang nakasulat na sakdal laban sa kanya: “Ito si Jesus, ang Hari ng mga Judio.” Ipinako rin nilang kasama niya ang dalawang kriminal, isa sa kanyang kanan at isa sa kanyang kaliwa.

Doon nila siya ipinako sa Krus 
Umiiling ang mga nagdaraan at iniinsulto siya: “Aha! gigibain mo pala ang Templo at itatayong muli sa loob ng tatlong araw. Kaya iligtas mo ngayon ang iyong sarili at bumaba ka sa krus kung ikaw nga ang Anak ng Diyos!” Pinagtawanan din siya ng mga punong-pari, mga Matatanda at mga guro ng Batas. Sinabi nila: “Nailigtas niya ang iba, at sarili niya’y di mai­ligtas! Bumaba ngayon ang Hari ng Israel mula sa krus at maniniwala kami sa kan­ya. Nagtiwala siya sa Diyos kaya iligtas siya nito kung mahal siya ng Diyos. Sinabi nga ni­yang: Ako ang Anak ng Diyos.”At ininsulto rin siya ng mga kriminal na kasama niyang ipinako. Mula tanghaling-tapat hanggang hapon, nagdilim ang buong lupain. Nang ikatlo ng hapon, sumigaw si Jesus nang malakas: “Eloi, Eloi, lamma sabactani?” na ang kahuluga’y “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pina­ba­ya­an?” Nang marinig ito ng ilan sa mga naroon, sinabi nila: “Tina­tawag niya si Elias.” Tumak­bo ang isa sa kanila, kumuha ng espong­ha, isinawsaw ito sa suka, inilagay sa patpat at pina­inom siya. Sinabi naman ng iba: “Huwag, tingnan natin kung ililigtas siya ni Elias.” Muling sumigaw si Jesus nang malakas at pinayaon ang espiritu. Sa sandaling iyon, napunit mula itaas hanggang baba ang kurtina ng Santuwaryo; nayanig din ang lupa at nabiyak ang mga bato. May mga libi­ngang nabuksan at may mga nabuhay sa mga banal na yumao. Lumabas nga sila sa kanilang mga libingan mata­pos ang pagkabuhay ni Jesus, at puma­sok sila sa Banal na Lunsod at napakita sa marami. Lubhang natakot ang kapitan at ang mga sundalong nagbabantay kay Jesus nang makita ang lindol at lahat ng nangyari, at sinabi nila: “Anak nga siya ng Diyos.” - Mateo 27:11-54 (BSP)

Matapos ng ating pagpupugay sa ating Panginoon sa kanyang matagumpay na pagpasok niya sa Jerusalem, ay matututunghayan natin ngayon ang kagimbal-gimbal na pagdurusa ni Jesus sa kamay ng kanyang mga kababayan. Ang dating nagbubunyi at nagagalak sa kanyang pagdating, ay nagsusumigaw na siya ay dapat mamatay, at tinutuya ng lahat. Ang haring kanilang pinagpupugayan at binibigyan ng parangal, kanila nang nilalait, hindi lang panlalait, kundi ay pasakit at matinding pang-aalipusta, na kahit sino ay hindi kayang batahin at walang nagnais na maganap ito sa kanilang buhay.

Subalit sa gitna ng kanyang mga pagdurusa, ay nanatili pa rin ang katahimikan at walang imik na ininda niya ang lahat ng ito. Bagaman masasabi natin na siya ay nagsalita rin sa harap ni Pilato, sa harap ng tao, ang katahimikang tinutukoy rito ay ang kanyang lubusang pagtanggap sa kanyang pagdurusa, na kanyang tinanggap bilang kalooban ng Ama na iligtas tayo sa ating mga kasalanan. Tinuturuan tayo ni Jesus na maging mapagpakumbaba sa gitna ng ating mga pagdurusa, at pagbabata ng Krus sa ating buhay. Ito rin ay kapareho rin ng pagpapakumbabang ipinakita niya noong siya ay pinagpupugayan sa kanyang matagumpay na pagpasok sa Jerusalem. Sapagkat ang lahat ng nagyayari sa ating buhay, mabuti man o masama, ay para sa ikadadakila ng Diyos at para makilala siya ng lahat sa pamamagitan ng ating lubusang pagtitiwala sa kanya.

Ang pagpapakumbabang ito ay inihula na noon pa ni Propeta Isaias sa Unang Pagbasa tungkol sa paglalaran sa lingkod ng panginoon na pinahirapan, inalipusta at niyurakan. Subalit sa sa gitna ng lahat ng pagdurusa ng lingkod na ito, ay nananatili pa rin ang kanyang pag-asa at matibay na pananalig sa Diyos na magliligtas sa kanya. Kung kaya, ay kanyang ininda ang lahat ng kanyang pagdurusa at paghamak, dahil batin niyang hindi mawawalan ng saysay ang lahat ng kanyang pagdurusa. Ang ganitong pag-iisip ng nagdurusang lingkod ay kasingdiwa rin ng ating Salmong Tugunan, na bagaman nagdusa at nahirapan, ay masigla niyang pararangalan ang Diyos na nagligtas sa kanya, dahil sa kanyang lubusang pananalig niya sa Diyos. Ang lingkod na ito ay natupad kay Cristo, na siyang inilalarawan ni san pablo sa mga taga-Filipos sa Ikalawang Pagbasa. Na bagaman Diyos si Jesus, ay hindi nagpumilit na maging kapantay ng Ama, sa halip, ay hinubad niya ito, at nagkatawang tao. Ipinakita niya ang kanyang pagiging masunurin hanggang kamatayan sa Krus. Dahil sa pagsunod na ito, siya ay itinampok ng Ama sa lahat at pararangalan ng lahat ng tao. 

Nawa'y matuto tayong tulad ni Jesus na maging masunurin at mapagpakumbaba sa gitna ng ating tagumpay at pagdurusa. Upang sa gayo'y matagpuan sa atin ang lakas at pag-asa na palaging nariyan ang Diyos na hindi lumilimot at nagpapabaya sa ating lahat na mga anak niya.


 

No comments:

Post a Comment