Sunday, April 10, 2011

Sa Buhay Na Walang Hanggan! (Linggo Sa Ika-5 Linggo ng Kwaresma, Taon A)

Sa bayan ng Bethania ay may isang taong nagkasakit. Siya si Lazaro na kapatid nina Marta at Maria. Si Maria ang nagbuhos ng pabango sa paa ng Panginoon at pagkatapos ay pinunasan iyon ng kanyang buhok. Dahil may sakit si Lazaro, nagpasabi kay Jesus ang magkapatid, Panginoon, ang minamahal ninyong kaibigan ay may sakit. Nang marinig ito ni Jesus ay sinabi niya, Hindi niya ikamamatay ang sakit na ito. Nangyari iyon upang maparangalan ang Diyos at sa pamamagitan nito'y maparangalan ang Anak ng Diyos. Mahal ni Jesus ang magkakapatid na Marta, Maria at Lazaro. Gayunman, nagpalipas pa siya doon ng dalawang araw mula nang mabalitaang may sakit si Lazaro. Pagkatapos nito, sinabi niya sa kanyang mga alagad, Magbalik tayo sa Judea. Sumagot ang mga alagad, Guro, hindi po ba't kamakailan lamang ay pinagtangkaan kayong batuhin ng mga pinuno ng mga Judio? Bakit pupunta na naman kayo doon? Sinabi ni Jesus, Hindi ba't may labindalawang oras sa maghapon? Hindi matitisod ang lumalakad kung umaga sapagkat nakikita niya ang nagbibigay-liwanag sa daigdig na ito. Subalit natitisod ang lumalakad kung gabi sapagkat wala na siyang liwanag. Idinugtong pa ni Jesus, Natutulog ang kaibigan nating si Lazaro. Pupunta ako upang gisingin siya. Panginoon, kung natutulog lang po siya ay gagaling siya, sagot ng mga alagad. Ang ibig sabihin ni Jesus ay patay na si Lazaro, ngunit ang akala ng mga alagad ay talagang natutulog lamang ito. Dahil dito'y tuwirang sinabi ni Jesus, Patay na si Lazaro;  ngunit ako'y nagagalak dahil wala ako roon upang kayo'y sumampalataya sa akin. Tayo na, puntahan natin siya. Niyaya ni Tomas, na tinatawag na Kambal, ang kanyang mga kasama, Sumama tayo sa Guro, mamamatay tayong kasama niya. Pagdating ni Jesus, nalaman niyang apat na araw nang nakalibing si Lazaro. May tatlong kilometro lamang ang layo ng Jerusalem sa Bethania,  kaya't maraming taga-Jerusalem ang dumalaw kina Marta at Maria upang makiramay sa pagkamatay ng kanilang kapatid. Nang mabalitaan ni Marta na dumarating si Jesus, sinalubong niya ito, ngunit si Maria nama'y naiwan sa bahay. Sinabi ni Marta, Panginoon, kung kayo po ay narito, buháy pa sana ang kapatid ko. Subalit nalalaman kong kahit ngayo'y ipagkakaloob sa inyo ng Diyos ang anumang hingin ninyo sa kanya. Muling mabubuhay ang iyong kapatid, sabi ni Jesus. Sumagot si Marta, Nalalaman ko pong siya'y mabubuhay muli sa huling araw. Sinabi sa kanya ni Jesus, Ako ang nagbibigay-buhay at muling pagkabuhay. Ang sinumang sumasampalataya sa akin, kahit mamatay ay muling mabubuhay; at sinumang nabubuhay at sumasampalataya sa akin ay hindi mamamatay kailanman. Naniniwala ka ba sa sinabi ko? Sumagot siya, Opo, Panginoon! Sumasampalataya po ako sa inyo at naniniwalang kayo nga ang Cristo, ang Anak ng Diyos na paparito sa daigdig. Pagkasabi nito, umuwi si Marta. Tinawag niya si Maria at binulungan, Naririto na ang Guro at ipinapatawag ka. Pagkarinig nito'y nagmadaling tumayo si Maria upang salubungin si Jesus. Wala pa si Jesus sa nayon; naroon pa lamang siya sa lugar kung saan siya sinalubong ni Marta. Nang makitang si Maria'y nagmamadaling tumayo at lumabas, sinundan siya ng mga Judiong nakikiramay sa kanila. Akala nila'y pupunta siya sa libingan upang umiyak. Pagdating ni Maria sa kinaroroonan ni Jesus, nagpatirapa siya sa paanan nito at nagsabi, Panginoon, kung narito po lamang kayo, hindi sana namatay ang aking kapatid. Nahabag si Jesus at nabagbag ang kanyang kalooban nang makita niyang umiiyak si Maria, pati ang mga Judiong kasama nito. Saan ninyo siya inilibing? tanong ni Jesus. Sumagot sila, Panginoon, halikayo at tingnan ninyo. Tumangis si Jesus, kaya't sinabi ng mga Judio, Talagang mahal na mahal niya si Lazaro! Sinabi naman ng ilan, Napagaling niya ang bulag, bakit hindi niya nahadlangan ang pagkamatay ni Lazaro? Muling nabagbag ang kalooban ni Jesus pagdating sa libingan. Ang pinaglibingan kay Lazaro ay isang yungib na natatakpan ng malaking bato. Alisin ninyo ang bato, utos ni Jesus.Ngunit sumagot si Marta, Panginoon, nangangamoy na po siya ngayon; apat na araw na siyang patay. Sinabi ni Jesus, Hindi ba't sinabi ko sa iyo na kung sasampalataya ka sa akin ay makikita mo ang kaluwalhatian ng Diyos? Kaya't inalis nila ang bato. Tumingala si Jesus sa langit at sinabi, Ama, nagpapasalamat ako sa iyo sapagkat dinirinig mo ako, at alam kong lagi mo akong diringgin. Ngunit sinasabi ko ito dahil sa mga taong naririto, upang maniwala silang ikaw ang nagsugo sa akin. Pagkasabi nito ay sumigaw siya, Lazaro, lumabas ka! Lumabas nga si Lazaro na nababalot ng telang panlibing ang mga kamay at paa; may nakatakip ring tela sa mukha. Inutos ni Jesus sa kanila, Kalagan ninyo siya at nang makalaya. - Juan 11:1-45 (ABMBB)

Ang buhay ay isang biyayang ipinagkaloob ng Diyos sa lahat ng kanyang nilikha. Sa pamamagitan nito, ay nararamdaman ng isang indibidwal ang saya, lungkot, at hamon nito. Bagaman ito ay isang biyayang galing sa Diyos, iba't-iba ang pagtingin nila rito. May ilang nagsasabing maganda at masarap mabuhay. Dahil ito sa natatamo nilang tagumpay sa buhay, at ang pagkakaroon ng kanilang tinatangkilik. May ilan din namang nagsasabing malungkot at puno ng hapis at hirap ang buhay rito sa mundo. Bagay na dahil sa mga pagsubok na kanilang pinagdadaaanan, na anupat madali silang sumuko at mawalan ng pag-asa. Kung kaya dahil dito, ay hindi na nila maramdaman ang kasiyahan at hirap makita ang kagandahan ng buhay na dapat nila ring makita at maranasan. May ilan rin namang nagsasabing ang buhay ay tama lang. May tuwa, at lungkot, pero ang mahalaga, ay nakakaraos sa buong maghapon. Bagaman iba-iba ang pagtingin ng tao sa buhay, ay nanatili pa rin isang katotohanang hindi maitatanggi ng sinuman, na ang buhay ay ipinagkaloob sa atin, na dapat ipagpasalamat sa kanya. 

Kung nararapat nating ipagpasalamat sa Diyos ang buhay na tinataglay natin, ay mas lalo na dapat pasalamatan natin siya, dahil sa pangakong buhay na inilaan niya sa ating lahat, matapos ng pagpanaw sa buhay natin dito sa mundo. Bagaman  nawala sa atin ang pagkakaroon ng buhay na walang hanggan, dahil sa pagsuway ng ating unang magulang na sina Adan at Eba, ay nagbigay pa rin ang Diyos ng pagkakataon sa lahat na magtaglay ng buhay na walang hanggan, sa pamamagitan ng pagpapakasakit at muling pagkabuhay ni Cristo. 

Ang pagpapakita ng muling pagkabuhay sa mga namatay ay isang pagpapakita ng pagnanais ng Diyos na magkaroon ng buhay na walang hanggan ang bawat isa at ang pagkakaroon ng pag-asa na may magandang buhay na nakalaan sa atin pagkatapos nating pumanaw sa mundong ito. Ito ang siyang pinakadiwa ng ating mga pagbasa ngayong Ikalimang Linggo ng Kwaresma. Matutunghayan natin sa Unang Pagbasa ang pangako ng Diyos sa pamamagitan ni Propeta Ezekiel na ang lahat ng namatay ay muling mabubuhay at magkakaroon ng buhay at makababalik sila sa kanilang bayan. Ang pangakong ito ay mula sa pangitain ng propeta na ipinakita sa kanya ang lambak na puno ng kalansay. Ipinakita sa kanya ng Panginoon kung paano niya bigyang laman, hininga at buhay ang mga kalansay. Ang tuyong kalansay na ito ay sumasagisag sa kawalang pag-asa ng Bayang Israel dahil sa kanilang pagkakabihag sa Babilonia. Kung kaya, ipinangako sa kanila ng Diyos na muli silang makababalik at magkakaroon ng magandang buhay matapos ng kanilang mapait na karanasan. Na kasingdiwa rin ito ng Salmong Tugunan natin, na umaasa sa tulong ng Diyos, at siya ay tinugon. Kung kaya sa bandang huli, ay nagbubunyi siya at ipinapahayag sa lahat na magtiwala sa Diyos, dahil hindi mabibigo ang sinumang mananalig sa kanya. Matutunghayan natin sa ating Mabuting Balita ngayon nang binuhay ng ating Panginoon si Lazaro. Nais ipakita niya sa atin na sa pamamagitan ng pananalig sa kanya, ay magkakaroon ng buhay ang sinumang nakahandang sumunod at kumapit sa kanya. Bagaman naroroon ang hapis ng magkapatid na sila Maria at Marta, ay, naroroon ang kanilang pananampalataya sa sinabi ng ating Panginoon. Kung kaya ay hindi sila nabigo, at muling nabuhay si Lazaro. Ipinapakita niya sa atin na sa muling pagkabuhay, ay hindi lang pagkabuhay na mag-uling pisikal, kundi ay ang matibay nating pag-asa na tayo'y may aasahang buhay, pagkatapos nating pumanaw, at isang buhay na ganap sa piling ng ating Panginoon. Kung kaya sa Ikalawang Pagbasa, itinuturo sa atin ni Apostol San Pablo na ang sinumang nananalig kay Cristo, bagaman namatay, ay makakaasa sa muling pagkabuhay. Dahil sa kung paanong binuhay ng Diyos si Cristo, ay siya rin ang magbibigay ng buhay sa sinumang mananalig sa kanya. Subalit, ibinababala niya na ang sinumang namumuhay ayon sa laman, ay hindi kinalulugdan ng Diyos, kung kaya pinapayuhan niya ang mga Kristiyanong nasa Roma, na dahil sa tinubos na sila ni Cristo, ay maging malinis sa kanilang pamumuhay, upang hindi mawala ang pangakong kaligtasan at buhay na walang hanggan. 

Pasalamatan natin ang Diyos sa kanyang kagandahang loob sa atin dahil sa kanyang pangakong muling pagkabuhay at pagtataglay ng buhay na walang hanggan. Sapagkat sa pamamagitan nito, ay nakikita natin ang magandang layunin niya sa atin, ang manatili sa kanyang piling at magkaroon ng buhay na ganap at kasiya-sya. Na doo'y wala nang hapis, sakit, hirap at kamatayan.  

No comments:

Post a Comment