"Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan, kaya't ibinigay niya ang kanyang kaisa-isang Anak, upang ang sinumang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan. 17 Isinugo ng Diyos ang kanyang Anak, hindi upang hatulang maparusahan ang mga tao, kundi upang iligtas ang mga ito sa pamamagitan niya. Hindi hinahatulang maparusahan ang sumasampalataya sa Anak. Ngunit hinatulan na ang hindi sumasampalataya, sapagkat hindi siya sumampalataya sa kaisa-isang Anak ng Diyos" - Juan 3:16-18 (ABMBB)
Sa isang grupo o organisasyon, ay mapapansin nating laging may layunin ang bawat grupo o organisasyong itinayo. Ito ay nagpapakilala kung anong klaseng damdamin, naisin ng bawat grupo. Upang maisakatuparan ang kanilang mithiin, ay kinakailangang magkakasing-diwa ang bawat miyembro o kaanib nito. Kapag ang isa o dalawang miyembro ay hindi nakiisa o iba ang layunin na taliwas sa layunin ng grupo, ang gawain o ang isang adikhain ay hindi maisasakatuparan. Manapa'y magdudulot ito ng pagkakasira, pagkakawatak-watak ng grupo, hanggang sa mawala at maghiwa-hiwalay na ang kasapi nito. Naalala ko tuloy ang palaging pangaral sa amin ng aming formator sa seminaryo noon. Kami ay naihahalintulad sa mga ting-ting sa walis, kapag nag-iisa, di nakakalinis. Ngunit kapag pinagsama-sama, kahit gaano man katindi ang kalat, kayang-kayang linisin. Dahil nagkakaisa ng layunin at hangarin. Kung tataglayin namin ang ganyang kaisipan, kahit anong pagsubok at hamon sa bawat isa sa amin, ay aming malalagpasan. Dahil sa nag-iisang layuning maglingkod sa kanya. Kung may isa sa amin na iba ang layunin ng pagpasok sa seminaryo, ay mag-sip-isip, dahil, ito ang maaring makasira ng bokasyon ng aming kasama, at nawawala ang diwang kusang loob na paglilingkod sa Diyos at sa kapwa.
Ang pagtataglay ng ganitong kaisipan ay ipinapakita sa atin ng Diyos sa atin ngayong ipinagdiriwang natin ang Dakilang Kapistahan ng Tatlong Persona sa Iisang Diyos ngayong Linggong ito. Bagaman maraming paliwanag ang ibinibigay ng mga teologo ukol dito, ay narito pa rin ang pagtanggap natin sa pananampalatayang ito. Dahil nalalaman natin ang kanilang persona, ay parehong mahalaga ang kanilang papel na ginampanan para sa ating kaligtasan. Ang Diyos Ama ang lumikha sa atin, at ng lahat ng bagay rito sa mundo. Siya ang mapagmahal at makatarungang Diyos na handang maggawad ng hatol sa bawat isa, mabuti man ito o masama. Dahil sa pagkakasala ng tao, ay ipinadala niya ang kanyang bugtong na anak, hindi lang upang iligtas ang sangkatauhan, kundi ipakita ang larawan ng pagmamahal ng Diyos na nakikita sa kanyang mga pananalita at kilos. At sa kanyang pagbabalik, sa Ama, ay ipinadala nya ang Banal na Espiritu, upang magpaalala sa kanila na ng lahat ng itinuro ni Jesus sa kanila, bilang mang-aaliw na kanilang masasandigan sa panahon ng kagipitan at kalakasan sa panahon ng pag-uusig.
Nagkakaisa ang Banal na Isangtatlo sa iisang hangarin nila at layunin: Ang Maligtas ang Lahat ng Tao at Makaalam ng Katotohanan (1 Timoteo 2:3 MBB). Katotohanang ang bawat isa sa atin ay nilalang ng Diyos, at ito ay dahil sa kanyang masidhing pagmamahal sa ating lahat. Lahat tayo ay minamahal ng Diyos. Anuman ang ating pinagdaanan, kultura at lahing kinabibilangan. Kahit ano pa man ang tingin sa atin ng iba, ay pantay-pantay ang pagtingin ng Diyos sa atin Pantay-pantay sa kanyang pagmamahal. Ito ang ipinapakita sa atin ng mga pagbasa ngayon. Sa Ating Unang Pagbasa, ay makikita natin si Moises na umakyat sa bundok ng Sinai upang makipagkita sa Diyos. Dito ipinahayag ng Diyos ang kanyang sarili na siya ay mapagmahal at maunawain. Bagaman siya ay nagagalit, nangingibabaw pa rin ang kanyang pagmamahal sa lahat. Kung kaya ay isinamo ni Moises na samahan niya ang bayang Israel kahit na sila ay makasalanan. Dahil nalalaman ni Moises na dahil sa habag at kalinga ng Diyos, ay nakakaligtas sila sa mga panganib, at nararamdaman nila ang pagdamay ng Diyos sa kanila, kahit sila ay makasalanan. Ang ganitong kagandahang loob ng Diyos ay ating makikita sa ating Ebanghelyo na ang pag-ibig ng Diyos ay nahayag sa lahat nang pagkaloob sa atin ang bugtong niyang anak upang maligtas ang lahat sa pamamagitan ng pagsampalataya sa kanya. Ang sinumang hindi tumanggap sa kanya, ay hindi tumatanggap sa buhay, at napapahamak. Sa pamamagitan ng pagtanggap sa kanya, ay tinatanggap na rin natin ang alok ng pag-ibig ng Diyos na siyang pinakananais nya. Kung kaya sa ating ikalawang pagbasa, ay pinapayuhang ni San Pablo na magkaisa ng damdamin ang lahat ng Kristiyano sa Corinto bilang tandas ng pananahan ng Diyos sa kanilang piling. Sapagkat ang pagtataglay ng pag-ibig sa bawat isa, ay kahayagan na ang Diyos ang naghahari sa kanila at nakikita sa bawat isa, sa pamamagitan ng pag-ibig. Sa Ating Salmong Tugunan, ay masaya niyang niluluwalhati at pinupuri ang Diyos na lumalang sa ating lahat. Ang pag-ibig na ito ang siyang larawan na ipinapakita ng Banal na Isangtatlo, na siyang kumikilos sa bawat isa at patuloy na nahahayag sa atin sa pamamagitan ng ating pagsasabuhay ng pananampalatayang tinanggap natin sa Diyos.
Nawa'y palaging makita sa atin ang larawan ng Banal Na Isangtatlong gumagabay at nagpapalakas sa atin. Ang larawan ng pagmamahal at pagkakaisa. Upang sa gayon, ay makita sa atin ang iisang hangarin ng Diyos na maligtas ang bawat isa at malaman ang walang hanggang pagmamahal nila sa sangkatauhan, ano pa man ang ating kaibahan at pinagdaanan sa buhay. Nawa taglayin natin sa ating mga puso ang pagpapala at pagmamahal ng Diyos Ama, Anak at Espiritu Santo, Amen.