Pumunta ang labing-isang alagad sa Galilea, sa bundok na sinabi sa kanila ni Jesus. Nang makita nila si Jesus, siya'y sinamba nila, subalit may ilan sa kanilang nag-alinlangan. Lumapit si Jesus at sinabi sa kanila, "Ibinigay na sa akin ang lahat ng kapangyarihan sa langit at sa lupa. Kaya't habang kayo'y humahayo, gawin ninyong alagad ko ang mga tao sa lahat ng bansa. Bautismuhan ninyo sila sa pangalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo. Turuan ninyo silang sumunod sa lahat ng iniutos ko sa inyo. Tandaan ninyo, ako'y laging kasama ninyo hanggang sa katapusan ng panahon." - Mateo 28:16-20 (ABMBB)
Lahat tayo ay nagnanais na makarinig ng good news sa bawat taong makakusap natin. Madalas, kapag pinapipili tayo kung ano ang pipiliin natin sa dalawa ang gusto at una nating marinig, mas inuuna natin ang good news kaysa bad news. Mas gusto natin ang mapakinggan ang mga bagay na magdudulot sa atin ng tuwa at galak, kaysa bad news na hindi natin alam kung paano tatanggapin ito, dahil na rin sa ayaw nating masaktan o masira ang araw natin. Kapag nakakarinig ng magandang balita ang ating mga kapamilya, kamag-anak, kaibigan, kakilala tungkol sa atin, sila rin ay napupuspos ng galak, dahil sa magandang pagpapalang natamo natin. Ang bawat pananalita natin, bilang isa sa paraan ng ating pakikipag-ugnayan sa kapwa, ay nagdudulot sa makakabatid nito ang mensaheng nais nating iparating sa kanila. Kahit ito ay mabuti at masama. Lalo na sa panahong ito na makabago na ang pamamaraan ng ating paghahatid ng balita o impormasyon sa kapwa, sa pamamgitan ng internet, telepono, cell phone, at iba pa, ay mabilis na natin itong napararating sa iba ang mensahe sa kanila. Kumbaga sa salitang Ingles, "Small World" na tayo dahil parang kaharap natin o katabi ang ating kausap. Dahil sa bilis ng pagdadala ng mensahe sa atin sa pamamagitan ng makabagong teknolohiya. Wala nang malayo, o kahit pulo at dagat ang pagitan ng magkausap, ay parang magkatabi o magkaharap sila sa kanilang pakikipag-ugnayan sa bawat isa.
Ngayong Linggong ito ay ipinagdiriwang natin ngayon ang Dakilang Kapistahan ng Pag-akyat ni Jesus sa langit. Sa tagpo ng ating Ebanghelyo ngayon at sa Unang Pagbasa, ay makikita natin na si Jesus na namamaalam na siya sa kanyang mga alagad. Sa kanyang pagbabalik sa Ama, ay hindi rito natatapos ang misyon ni Jesus na ipalaganap ang Mabuting Balita sa lahat. Sa kanyang pasg-alis, ay inihabilin niya sa kanyang mga alagad na ipaganap ang Mabuting Balita sa lahat, binyagan at turuang sumunod sa utos at halimbawang inwan niya sa lahat. Bagaman may kaakibat na panganib ito, ay pinangakuan sila ni Jesus na hindi niya sila iiwan. Ang Banal na Espiritu na kanyang isusugo ang siyang magpapalakas, magiging gabay nila at magpapaalala sa kanila tungkol sa kanya. Bagaman wala na siya sa kanilang piling, ay nanatili pa rin siya sa pamamagitan ng halimbawang isinabuhay ng mga alagad, na siyang ipinagpapatuloy hanggang sa ngayon ng mga taong tumanggap sa kanya ng may buong pananampalataya, pag-asa at pag-ibig sa kanyang presenya. Kung kaya sa ikalawang pagbasa, ay matutunghayan natin ang pagpapahayag ni San Pablo sa kanyang sulat sa mga Taga Efeso ay idinadalangin niya na makita nila ang kapangyarihan ni Cristo sa kanilang buhay pananampalataya mula nang matanggap nila ang aral na itinuro sa kanila ni Apostol San Pablo. Sapagkat sa muling pagkabuhay ni Cristo at sa kanyang pag-akyat, ay ipinakita ng apostol ang tagumpay ni Cristo, mula sa kamatayan at ang kanyang paghahari sa sanlibutan. Sa kanyang tagumpay, ay nakikibahagi rito ang mga Kristiyanong nanatiling tapat sa kanyang pananampalataya, kung kaya dalangin ni San Pablo na mabatid nila kung gaano sila kapalad kung makasama sila sa tagumpay na ito ni Cristo sa bawat sumampalataya sa kanya. At sa ating Salmong Tugunan, ay masayang niluluwalhati ng Salmista ang tagumpay ng Diyos mula sa kanilang mga kaaway, at ang kaluwalhatiang tinamo nila, ay kanilang ipinagdiriwang, kung kaya inaanyayahan tayo na magbunyi sa tagumpay na ibinibigay ng Diyos sa bawat isa sa atin.
Ngayon ay ipinagdiriwang rin natin ngayon ang Araw ng pandaigdigang Komunikasyon. Nanawagan ang simbahan sa lahat na nawa ang media, bilang isang mahalagang instrumento ng pagpapahayag ng mensahe sa bawat tao, ay maging daan upang maipahayag ang bawat balita at impormasyon sa lahat ng tao nang may katotohanan, at hindi pansariling interes ang pairalin. Nawa ang media rin ay maging isang daan upang maipahayag sa lahat ng tao ang Mabuting Balita sa lahat ng tao, at hindi maging daan sa kasiraang puri at pagsasamantala na nagiging sanhi ng kaguluhan, pagkakabaha-bahagi, at di pagkakasundo ng bawat isa, dahil sa maling impormasyong ibinabalita sa lahat.
Nawa'y palaging ang Mabuting Balita ni Cristo ang siyang makita at maranasan ng lahat ng makakakilala sa atin, hindi lang sa pananalita at kilos, kundi maging sa mga makabagong teknolohiya na ginagamit natin sa pakikipag-ugnayan sa iba. Nang sa gayon, ay madama ng bawat isa sa atin ang presensya ni Cristo na nakikita sa atin.
No comments:
Post a Comment