Noon ding araw na iyon, si Jesus ay lumabas ng bahay at naupo sa tabi ng lawa. Dahil sa dami ng taong lumalapit sa kanya, sumakay siya sa isang bangka at doon naupo. Tumayo naman sa dalampasigan ang mga tao at sila'y tinuruan niya ng maraming bagay sa pamamagitan ng mga talinhaga. Ganito ang sinabi niya: "May isang magsasakang lumabas upang maghasik. Sa kanyang paghahasik ay may mga binhing nalaglag sa tabi ng daan. Dumating ang mga ibon at tinuka ang mga iyon. May mga binhi namang nalaglag sa mabatong lupa. Dahil manipis lang ang lupa roon, sumibol agad ang mga binhi, ngunit natuyo agad ang mga ito nang mabilad sa matinding init ng araw, palibhasa'y mababaw ang ugat. May mga binhi namang nalaglag sa may matitinik na halaman. Lumago ang mga halamang ito at sinakal ang mga binhing tumubo doon. Ngunit ang mga binhing nahasik sa matabang lupa ay namunga; may tigsasandaan, may tig-aanimnapu, at may tigtatatlumpu. Makinig ang may pandinig!" Lumapit ang mga alagad at tinanong si Jesus, "Bakit po ninyo dinadaan sa talinhaga ang inyong pagtuturo sa kanila?" Sumagot siya, "Ipinagkaloob sa inyo ang karapatang maunawaan ang hiwaga tungkol sa kaharian ng langit, ngunit hindi ito ipinagkaloob sa kanila. Sapagkat ang mayroon ay bibigyan pa, at mananagana; ngunit ang wala, kahit ang kakaunting nasa kanya ay kukunin pa. Nagsasalita ako sa kanila sa pamamagitan ng talinhaga sapagkat tumitingin sila ngunit hindi nakakakita, at nakikinig ngunit hindi naman nakakarinig ni nakakaunawa man. Natutupad nga sa kanila ang propesiya ni Isaias na nagsasabi, 'Makinig man kayo nang makinig subalit hindi ninyo mauunawaan kailanman, at tumingin man kayo nang tumingin subalit hindi rin kayo makakakita kailanman. Sapagkat naging mapurol na ang isip ng mga taong ito; mahirap makarinig ang kanilang mga tainga, at ipinikit nila ang kanilang mga mata, kung hindi gayon, sana'y nakakita ang kanilang mga mata, nakarinig ang kanilang mga tainga, nakaunawa ang kanilang mga isip, at nagbalik-loob sila sa akin, at pinagaling ko sila.' "Subalit mapalad kayo sapagkat nakakakita ang inyong mga mata at nakakarinig ang inyong mga tainga! Tandaan ninyo: maraming propeta at matutuwid na tao ang naghangad na makita ang inyong nasasaksihan at marinig ang inyong napapakinggan subalit hindi nila ito nakita ni narinig." "Pakinggan ninyo ang kahulugan ng talinhaga tungkol sa manghahasik. Kapag ang isang tao ay dumirinig ng mensahe tungkol sa paghahari ng Diyos ngunit hindi naman niya iyon inuunawa, siya ay katulad ng binhing nalaglag sa daan. Dumarating ang Masama at agad inaalis sa kanyang isip ang mensaheng kanyang napakinggan. "Ang katulad naman ng binhing nalaglag sa mabatong lupa ay ang taong dumirinig ng mensahe. Kaagad at masaya niya itong tinanggap ngunit hindi tumimo ang mensahe sa kanyang puso. Sandali lamang itong nanatili, at pagdating ng mga kapighatian at pagsubok dahil sa mensahe, agad siyang tumatalikod sa kanyang pananampalataya. "Ang binhi namang nahulog sa may damuhang matinik na halaman ay naglalarawan ng mga taong dumirinig ng mensahe ngunit dahil sa pagkabalisa sa maraming mga bagay at pagkahumaling sa kayamanan, ang mensahe ay nawalan ng puwang sa kanilang puso at ito ay hindi nagkaroon ng bunga sa taong iyon. "At ang katulad naman ng binhing napahasik sa matabang lupa ay ang mga taong dumirinig at umuunawang mabuti sa mensahe, kaya't ito ay namumunga nang sagana, may tigsasandaan, may tig-aanimnapu, at may tigtatatlumpu." - Mateo 13:1-23 (ABMBB)
Ang isa sa kaligayahan ng magsasaka ay ang makita ang kanyang binhing ipinunla ay hindi lamang magbunga ito, kundi ay magbunga ng marami, magbunga ng maganda at walang kahit anong bahid ng pinsala dulot ng mga peste at sakit na maaring dumapo sa pananim. Sapagkat hindi ganun kadali ang magtanim ng binhi sa isang lupa. Kadalasan, ay tinitingnang maigi ng magsasaka kung anong klaseng lupa ang kanyang tatamnan, klima ng kinaroroonan ng bukiring tatamnan at ang uri ng binhi na kanyang itatanim. Matapos maitanim ng magsasaka ang buto sa bukirin, ay naroon na kanyang didiligan, babantayan, iingatan sa mga peste at mga sakit na maaring puminsala rito, at lalagyan palagi ng pataba upang masigurado na lalaking malusog ang punla at magbubunga ito ng masagana at magandang uri ng bunga. Ang pagkakaroon ng masagana at magangdang uri ng bunga ay isang kaaliwan ng magsasaka, sapagkat naging matagumpay at nagbunga rin ang pagpapagal at pagtitiyaga sa kanyang pag-aalaga sa pananim na kanyang itinanim.
Ganito rin ang isa sa mga inaasahan ng Diyos sa atin na siyang matutunghayan sa Mabuting Balita ngayong araw na ito. Ipinahayag ni Jesus sa atin ang talinghaga ng Manghahasik. Isang kilalang talinghaga tungkol sa isang manghahasik ng binhi na naghahagis ng buto sa lupa. Ang binhi na kumakatawan sa Salita ng Diyos ay napunta sa apat na uri ng lupa. Ang isa ay sa daanan, na kung saan ay inihahalintulad nito sa taong matapos makapakinig ng Salita ng Diyos, ngunit, madaling matukso, kung kaya, hindi nabubuhay ang binhing ipinunla. Ang isa ay sa batuhan, na kumakatawan naman sa taong nakapakinig ng salita at masayang tinanggap, ngunit, dahil sa mga pagsubok, pag-uusig, dahil sa mababaw ang lupa at walang kakapitan ang ugat, ay namatay ang binhi. Ang isa naman ay sa dawagan, na kumakatawan naman sa nakapakinig ng salita, masayang tinangap ito, ngunit, dahil sa mga alalahanin sa mundong ito, katulad ng kayamanan, kapangyarihan, at katanyagan, ay kapag ito ang naghari sa taong nakapakinig noon, ay unti-unting papatayin ng tinik ang binhing natanim. Samantalang ang binhi na natanim sa mabuting lupa, na matapos matanim, ay nagbunga ng marami. Iti naman ay kumakatawan sa nakapakinig ng salita, masayang tinanggap ito, isinabuhay ang salitang napakinggan, at nagbunga. Nagbunga ng pagpapala at kapayapaan dahil sa pagsunod nito ng lubos sa salitang napakinggan.
Ang Ebanghelyo natin ngayon ay sumasalamin sa bawat isa sa atin kung paano ba natin tanggapin ang Salita ng Diyos. Bagaman ang Salita ng Diyos ay matatagpuan natin sa Biblia o Banal na Kasulatan, ay hindi doon tinatapos ng Diyos ang kanyang pangungusap sa atin. Siya ay nangungusap sa atin sa pamamaitan ng aral ng Simbahan na siyang isa sa mga gabay natin at nagpapaunawa sa Salita ng Diyos na kanilang ipinapaliwanag, katulad ng misa, Bible Studies, at Katesismo. Siya rin ay nangungusap sa ating kapwa na nagpapaalala sa atin, nagtutuwid sa atin, nagpapayo sa atin, upang makita natin ang tama at matuwid ang ating pamumuhay. Siya rin ay nangungusap sa ating mga puso, sa pamamagitan ng ating konsensya, na nagpapaalala sa atin tungkol sa bawat hakbang, kilos at pananalita na ating isasagawa. Ninanais ng Diyos na buong puso nating tanggapin ito, lumago at magbunga sa ating buhay pananampalaaya bilang Kristiyano. Ito ang kanyang layunin sa Unang Pagbasa sa aklat ni Propeta Isaias na ang kanyang salita ay inhalintulad sa isang binhi, na nadidiligan at lumago, ay nagbubunga at nagiging pagkain sa lahat. Ang bunga ng Salita ng Diyos ay siyang nagdudulot ng pagkain sa lahat, sa pamamagitan ng paglago at pamumunga nito na siyang pinakananais ng Diyos. Ang diwang ito ay tinataglay ng ating Salmong Tugunan na ang binhing ito na itinanim, lumago at namunga nang masagana ay nagdudulot ng sigla at lakas sa lahat ng nilikhang kakain nito. At sa ating Ikalawang Pagbasa ay ipinapakita sa atin sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga Cristiyanong nasa Roma, na magtiis sa mga pagsubok at kahirapan, sapagkat darating ang panahon na ang bawat isa na naging tapat at lumago sa Salitang natanim sa puso ng bawat tao, ay hindi mabibigo sa pag-asang kanilang tinataglay, kundi matatamo ang buhay na walang hanggan na siyang pinakananais ng bawat nananampalataya sa Diyos.
Nawa'y buong puso at at galak nating tanggapin at matanim ang Salita ng Diyos na nagbibigay buhay sa ating lahat. Upang sa gayon, ang binhing natanim sa atin, ay matanim rin sa iba, magbunga ng marami, at magdulot ng pagkaing nagbibigay buhay at lakas sa sinumang naghahangad na mapuno ng biyaya at pagkalinga ng Diyos sa bawat isa sa atin.