"Walang alagad na nakakahigit sa kanyang guro at walang aliping nakakahigit sa kanyang panginoon. Sapat nang matulad ang alagad sa kanyang guro, at ang alipin sa kanyang panginoon. Kung ang ama ng sambahayan ay tinawag nilang Beelzebul, lalo nang lalaitin nila ang kanyang mga kasambahay. "Kaya huwag kayong matakot sa kanila. Walang natatago na di malalantad at walang nalilihim na di mabubunyag. Ang sinasabi ko sa inyo sa dilim ay ulitin ninyo sa liwanag; at ang ibinubulong sa inyo ay inyong ipagsigawan sa lansangan. Huwag ninyong katakutan ang pumapatay ng katawan ngunit hindi naman nakakapatay ng kaluluwa. Sa halip, ang katakutan ninyo ay ang Diyos na may kakayahang pumuksa ng katawan at kaluluwa sa impiyerno. Hindi ba't ipinagbibili sa halaga ng isang salaping tanso ang dalawang maya? Gayunman, kahit isa sa kanila'y hindi nahuhulog sa lupa kung hindi kalooban ng inyong Ama. At kayo, maging ang buhok ninyo'y bilang niyang lahat. Kaya, huwag kayong matakot; higit kayong mahalaga kaysa maraming maya. "Ang sinumang kumilala sa akin sa harapan ng mga tao ay kikilalanin ko rin naman sa harapan ng aking Amang nasa langit. Ngunit ang sinumang ikahiya ako sa harap ng mga tao ay ipapahiya ko rin sa harap ng aking Ama na nasa langit." - Mateo 10:24-33 (ABMBB)
Likas na sa isang tao ang pagiging nerbyoso. Lalo na kung mayroon tayong karanasan na mararanasan pa lang natin sa unang pagkakataon. Ang dahilan nito ay marami siyang mga bagay na pumapasok sa isipan nya, tulad ng baka hindi siya magustuhan, baka pumalpak, o baka mabigo siya sa bagay na kanyang gagawin. Naalala ko pa nung ako ay magtrabaho sa isang call center industry sa Laguna. Marami sa amin ang nag-apply. Bakas sa bawat isa sa amin ang kaba, dahil hindi namin alam kung ano ang itatanong sa amin, baka, may masabi kaming hindi magustuhan ng aming magiging employer, o baka pumalya kami sa aming examinations. Bagaman naroon pa rin ang kaba sa twing tinatawag kami, ay naging kalmado ang iba sa amin. Naalala ko nang mga sandaling iyon ang sinabi sa amin ng aming moderator sa kolehiyo na, "Ang sikreto para makapasa ka sa trabahong papasukan mo, dapat naroon ang tiwala sa sariling kakayahan, naniniwalang kayang gawin ang trabahong papasukan mo, at manalig sa Diyos na nagkakaloob sa atin ng lahat ng ating pangangailangan. Sa awa ng Diyos, ay nakapasa ako sa mga interviews at exam. Mula sa 37 na aplikante, ay pito kaming nakapasa. Dahil ito sa kakayahang nagawa ko sa dati kong pinasukan at pananalig sa kanyang magagawa kaya nakapasa ako.
Ito rin ang itinuturo sa atin ng ating Mabuting Balita ngayong araw na ito. Matapos nating mapakinggan ang ibinabala ni Jesus sa kanyang hinirang na 12 alagad na sila ay uusigin, dahil sa kanilang pangangaral tungkol kay Cristo. At dahil dito, ay pinalakas ng Panginoon ang loob nila, na sa kabila ng mga pag-uusig at kahirapang daranasin nila, ay naroon pa rin ang pangakong hindi sila pababayaan. Dahil sa kanilang pagmamahal sa Diyos, ay ipinapamalas ng Diyos sa kanila ang kanyang pag-aaruga, sa pamamagitan ng pagkakaloob sa kanila ng kanilang pangangailangan. Bukod dito, ay mas higit na pangako niya sa kanila, ito ay ang buhay na walang hanggan, isang tahanan na inilaan nya sa mga minamahal nya at tunay at buhos na nagmamahal nya.
Nawa'y maging matatag tayo at manalig sa kanya, sa kabila ng mga kahirapan at pag-uusig na ating hinaharap sa bawat araw. Sapagkat ang lahat ng ating ginagawa, mabuti man ito o masama, ay may kagantihang kakamtin natin, pagdating ng araw.
No comments:
Post a Comment