"Huwag ninyong isiping naparito ako upang magdala ng kapayapaan sa lupa; naparito ako upang magdala ng tabak, hindi kapayapaan. Naparito ako upang paglabanin ang anak na lalaki at ang kanyang ama, ang anak na babae at ang kanyang ina, at ang manugang na babae at ang kanyang biyenang babae. At ang magiging kaaway ng isang tao ay kanya na rin mismong mga kasambahay. "Ang umiibig sa kanyang ama o ina nang higit sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. Ang umiibig sa kanyang anak nang higit sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. Ang hindi pumapasan ng kanyang krus at hindi sumusunod sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. Ang nagsisikap na mapanatili ang kanyang buhay ang siyang mawawalan nito; ngunit ang mawalan ng kanyang buhay alang-alang sa akin ay magkakamit nito." "Ang tumatanggap sa inyo ay tumatanggap sa akin, at ang tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa nagsugo sa akin. Ang tumatanggap sa isang propeta dahil sa ito'y propeta ay tatanggap ng gantimpalang nauukol sa propeta; at ang tumatanggap sa isang taong matuwid dahil sa ito'y matuwid ay tatanggap ng gantimpalang nauukol sa taong matuwid. Tandaan ninyo: sinumang magbigay ng kahit isang basong malamig na tubig sa isa sa mga maliliit na ito dahil sa siya'y alagad ko, siya'y tiyak na tatanggap ng gantimpala." Pagkatapos ng mga tagubiling ito sa kanyang labindalawang alagad, umalis si Jesus upang magturo at mangaral naman sa mga bayang malapit doon. - Mateo 10:34:11:1 (ABMBB)
Ang isa sa mga kilalang pangalang ikinapit kay Jesus ay ang "Emmanuel" na hango sa hula ni Propeta Isaias na ang isang birhen ay maglilihi at manganganak ng isang lalaki, na tatawaging Emmanuel, na ang ibig sabihin, ay sumasaatin ang Diyos. Ang isa sa inaasahan ng bansang Israel ay ang pagpapalaya at pagliligtas ng Diyos sa kanila mula sa kanilang mga kaaway at magkakaloob sa kanila ng kapayapaan na kanilang pinakaaasam-asam, sa pamamagitan ng ipinangakong tagapagligtas na kanyang isusugo. At sa kanyang kapanahunan, ang bawat isa ay magiging malaya, mapayapa, at tahimik sa kanyang pamamahala. Wala nang kaaway na maaring gumambala sa kanila.
Ngunit, taliwas ito sa diwa na ipinakita ng ating Panginoon sa Mabuting Balita Ngayon. Sa halip na kapayapaan, ay pagkakabaha-bahagi ang magaganap. Magkakaroon ng mga alitan sa pagitan ng pamilya, kapag mas pinili ang pamilya, o ang mga tinatangkilik, ay hindi karapat-dapat sa kanya. Tila baga isang nakakatakot na pangungusap ito, at maaaring masabing hindi siya ang mesiyas. Subalit, ang tinutukoy ng ating Panginoon dito, ay ang pagsunod sa kanya. Hindi literal na gulo ang kanyang dulot. Tinutukoy nya rito ay ang mga bunga at kundisyon ng pagsunod sa kanya, katulad ng di-pagkakaunawaan ng isang pamilya at pamayanan, dahil sa pagsunod ng isang miyembro nito. Bunga ito ng isang salungat na prinsipyo ng isang mananampalataya laban sa prinsipyong nakagisnan na hindi magkatugma. Sa kundisyon, ay ang talikdan ang mga bagay na maglalayo sa ating paglilingkod sa kanya. Hindi masama ang yumaman, magtamo ng kapangyarihan, ang masama ay ang mabulag tayo nito, na magbubulid sa atin sa kasakiman at kasalanan, na siyang sisira sa relasyon natin sa ating pamilya, kaibigan, pamayanan, at higit sa lahat ay ang sa Diyos. Subalit, sa kabila ng mga pagsubok na ito, ay may nakalaang gantimpala sa mananatiling matatag at tapat sa kanya, kahit sa maliit na paraan ng pagsasabuhay ng mabuting balita, kagaya ng pagkakaloob ng isang basong tubig sa nangangaialangan, alang-alang sa pagsunod dito, ay di mawawalan ng gantimpala. Sa bawat hamong dumarating, kapag nanatiling tapat sa pananampalataya, ay may ilalaang pangakong kagantihan sa lahat ng ating ginawa.
No comments:
Post a Comment