Monday, May 2, 2011

Isilang Muli (Lunes, Sa Ikalawang Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay, Taon I)

May isang iginagalang na pinuno ng mga Judio. Siya ay si Nicodemo. Kabilang din siya sa grupo ng mga Pariseo. Isang gabi, pumunta siya kay Jesus at sinabi, Guro, nalalaman po naming kayo'y isang tagapagturong mula sa Diyos, sapagkat walang makakagawa ng mga himalang ginagawa ninyo kung wala sa inyo ang Diyos. Sumagot si Jesus, Pakatandaan mo: malibang ipanganak na muli a ang isang tao, hindi niya makikita ang paghahari ng Diyos. Paanong maipapanganak pang muli ang isang taong matanda na? Makakapasok pa ba siya sa sinapupunan ng kanyang ina para muling isilang? tanong ni Nicodemo. Sagot naman ni Jesus, Pakatandaan mo: malibang ang isang tao ay ipanganak sa pamamagitan ng tubig at ng Espiritu, hindi ito makakapasok sa kaharian ng Diyos. Ang taong ipinanganak ayon sa laman ay laman, at ang ipinanganak ayon sa Espiritu ay espiritu. Huwag kang magtaka sa sinabi ko sa iyo, kayong lahat ay kailangang ipanganak na muli. Umiihip ang hangin kung saan nito nais at naririnig mo ang ugong nito, ngunit hindi mo alam kung saan ito nanggagaling at kung saan pupunta. Ganoon din ang bawat ipinanganak ayon sa Espiritu.-  Juan 3:1-8 (ABMBB)

Minsan, nang maanyayahan ako sa isang pagtititpon ng ng isang Charismatic Community ay lagi nilang bukambibig ang salitang "renewal." Lahat tayo ay kinakailangang nasa renewal para maunawaan natin ang tunay na kalooban ng Diyos at laging mabuhay sa diwa ng espiritu. Nakakatuwa ang kanilang kasiyahan at ang kanilang pagkakapatiran sa kanilang pagtitipon. Ngunit, nung minsan akong kausapin ng isa sa mga members nito, ay bigla na lang niyang ibinuhos sa akin ang kanyang sama ng loob sa ilang mga kasapi nito. Nakakalungkot na dahil sa ilang di pagkakaunawaan at siraan, ay bigla na lang silang humihiwalay at nanlalamig na sa paglilingkod sa Diyos dahil dito. Nalungkot ako sa pasya niyang humiwalay sa grupong ito at magsimba na lang siya twing linggo, at sapat njha ito sa kanya. Nakakalungkot na may ilan sa atin na ang pananaw ng pagiging renewed o bagong pagkatao, ay ang pagsali sa ilang grupo at kapag nagkakaroon na ng pagsubok o di pagkakaunawaan, ay madali nang bumigay at hindi nauunawaan ang tunay na pagiging renewed.

Ang ganitong paniniwala ang siyang itinuturo sa atin ni Jesus sa ating Ebanghelyo ngayon ang pagsilang muli o renewal. Nang marinig ito ni Nicodemo, ay nagtaka siya kung paano siyang ipapanganak muli, ito ba ay ipapanganak bang muli sa sinapupunan ng ina? Niliwanag sa atin ni Jesus na ang tunay na pagsilang muli ay ang pagpapanibagong buhay, panibagong buhay sa piling ng Diyos at lumalakad sa kanyang daan. Samakatuwid, isa itong buhay na sumusunod sa kanya, at tanging ang kalooban ng Diyos ang laging isinasagawa. Isa itong pagpapakilala rin kung anong klase ng buhay ang ating tinataglay at dito rin masusubok kung tunay na espiritu ng Diyos ang nananahan sa atin. 

Nawa'y palagi tayong mabuhay sa biyaya ng Diyos sa pamamagitan ng panibagong buhay na tinanggap natin sa kanya noong tayo'y binyagan. Upang sa gayon, ay patuloy na makita at makilala ang Diyos na nananahan sa atin sa pamamagitan ng ating pagsasabuhay ng mabuting balita araw-araw.

No comments:

Post a Comment