Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan, kaya't ibinigay niya ang kanyang kaisa-isang Anak, upang ang sinumang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan. Isinugo ng Diyos ang kanyang Anak, hindi upang hatulang maparusahan ang mga tao, kundi upang iligtas ang mga ito sa pamamagitan niya. Hindi hinahatulang maparusahan ang sumasampalataya sa Anak. Ngunit hinatulan na ang hindi sumasampalataya, sapagkat hindi siya sumampalataya sa kaisa-isang Anak ng Diyos. Ganito ang paghatol ng Diyos: naparito sa sanlibutan ang ilaw, ngunit inibig pa ng mga tao ang dilim kaysa liwanag, sapagkat ang kanilang mga gawain ay masasama. Kinasusuklaman ng mga gumagawa ng masama ang ilaw, ni hindi lumalapit dito upang hindi mahayag ang kanilang mga gawa. Ngunit ang namumuhay ayon sa katotohanan ay lumalapit sa ilaw, upang maihayag na ang mga ginagawa niya ay pagsunod sa Diyos. - Juan 3:16-21 (ABMBB)
"Walang sinumang magulang ang nagnanais na mapahamak ang kanyang anak." Ito ang tumatak sa isip ko noong ako ay umattend sa isang retreat sa isang simbahan noong ako ay nasa High School pa lang. Bagaman ang paksa ng aming retreat ay tungkol sa malalim na pag-ibig ng Diyos sa atin. Ibinigay sa aming halimbawa ay kapag ang anak mo na 6 na taong gulang ay naghihiram sa iyo ng gunting, pahihiramin mo ba? Nasabi sa amin, na kung lalaki, ay sa halip na gunting, ay laruang robot, o kung babae ay lutu-lutuan. Dahil alam ng magulang kung ano ang makakabuti at makakasama sa kanyang anak. Ganoon din ang Diyos, alam niya kung alin ang makakabuti at makakasama sa atin. Kung kaya naglagay siya ng mga kautusan, batas, alituntunin upang walang isa man sa kanyang nilikha ay mapariwara at mapahamak nang tuluyan.
Ito ang nilalayon ni Jesus sa ating Ebanghelyo ngayong araw na ito. Ang tunay na layunin ng Diyos para sa tao, at ang pagkakatawang tao ng kanyang bugtong na Anak ay nasa unang talata na kilalang-kilala at sikat na Juan 3:16: " Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan, kaya't ibinigay niya ang kanyang kaisa-isang Anak, upang ang sinumang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan." Hindi mapasubalian ang sukdulang pagmamahal niya sa ating lahat, kahit na humantong ito sa kamatayan ng kanyang Anak sa Krus. Sapagkat ninanais ng Diyos na makilala ng tao ang mabuti, ang malaman ng tao ang kabutihan ng Diyos na nais niyang iparamdam sa atin. Kung kaya ninanais ng Diyos na panigan natin at piliin ang katotohanan, at ang mabuti sa kanyang paningin. Sa twing tayo ay lalayo sa kanya sa pamamagitan ng paggawa ng kasalanan, ay tayo na mismo ang humahatol sa ating sarili, dahil ang paggawa ng kasalanan ay paglayo sa kanyang maka-amang pagmamahal sa atin. Samakatuwid, ay ang pag-ayaw nating iparamdam niya sa atin ang kanyang pagmamahal. Kumbaga, ay naroon ang malayang pagpili ng tao kung nais niyang tanggapin ang pag-ibig ng Diyos o hindi. Subalit, magpahanggang ngayon, ay nananatili ang katotohanang nais ng Diyos na piliin natin ang manatili sa kanyang pag-ibig sa pamamagitan ng pagtataglay ng pananampalataya sa kanyang anak.
Nawa'y palagi tayong manatili sa pag-ibig ng Diyos sa pamamagitan ng pagsasabuhay ng pananampalatayang tinanggap natin kay Cristo, at habang may panahon pa, ay sikapin nating magbalik-loob sa kanya. Sapagkat ang pananatili sa kanyang piling ay nagdadagdag ng kasiyahan sa kanya at magdudulot sa atin ng kapayapaan hanggang sa matamo natin ang kaligtasang nais niyang makamit natin.
No comments:
Post a Comment