Isang Araw ng Pamamahinga, ay nagdaraan sina Jesus sa isang triguhan. Ang kanyang mga alagad ay pumitas ng mga uhay ng trigo at kanila itong kinain matapos kuskusin sa kanilang mga kamay. "Bakit kayo gumagawa ng bawal sa Kautusan sa Araw ng Pamamahinga?" tanong ng ilang Pariseo. Sinagot sila ni Jesus, "Hindi ba ninyo nabasa ang ginawa ni David nang minsang magutom sila ng kanyang mga kasama? Di ba't pumasok siya sa bahay ng Diyos at kumain ng tinapay na handog, na tanging mga pari lamang ang may karapatang kumain? Binigyan pa niya ang kanyang mga kasama." At sinabi pa ni Jesus, "Ang Anak ng Tao ay siyang Panginoon ng Araw ng Pamamahinga." Lucas 6: 1-5 (ABMBB)
"Kapag kapakanan na ng isang tao ang nakataya, ang batas ay nababalewala." Ito ang isa sa di malilimutan kong pahayag ng isang pari sa amin minsang nagkakwentuhan kami nung matapos siyang magmisa at magcommentator ako sa isang misa sa aming chapel. Nabanggit nya roon ang isang sitwasyon sa isang parokyang pinanggalingan nya na nung nagkaroon ng girian sa grupo ng mga collectors ang usherrettes, at marami sa kanila ang di na naglingkod, dahil dito, ay pati ang ibang servers tulad ng ibang sakristan, mga lectors at lay ministers ang nangolekta sa mga tao, dahil sa pangyayaring iyon. Bagaman sa batas ng simbahan, ay hindi dapat gumanap ng sabay ng tungkuling tinanggap sa simbahan kung parehong schedule ng misa ito nagaganap. Subalit, dala na rin ng pangangailangan ng simbahan, ay napilitan na tumulong ang ilang kasapi upang mapunuan ang kakulangang ito.
Matutunghayan natin sa ating Ebanghelyo ngayong araw na ito ang isang tagpo na si Jesus at ang kanyang mga alagad ay kumain sa may triguhan ng Araw ng Pamamahinga o Sabbath. Dahil sa gumawa sila, ay pinuna sila ng mga Pariseo na mahigpit na tagasunod sa batas ni Moises. Dahil dito, sinagot sila ng Ating Panginoon sa pamamagitan ng isang pangyayari sa panahon ng kanyang ninuno na si Haring David na nung matapos siyang tumakas at magtago kay Haring Saul, kasama ng ilang kalalakihan, ay nakituloy sa isang saserdote at humingi ng tinapay para sa kanila. Bagaman ang tinapay na iyon at para lamang sa mga saserdote, dala ng malasakit, ay ibinigay ng saserdoteng si Abimelech kay David upang kanin (1 Samuel 21:1-6). Ang tagpong ito ay nagtuturo sa ating lahat na bagaman may mga batas na dapat sundin at pairalin upang maisagawa ang kaayusan at pagkakapantay-pantay ng lahat, ay dapat na isaalang-alang rin ng bawat isa ang kapakanan ng bawat tao, dahil kung ang batas ay paiiralin, ay para lamang tayong isang robot na sumusunod, pero di nababatid ang tunay na diwa nito. At ang malala, ito ay magiging daan ng pagmamataas at pagiging mapanghusga sa kapwa.
Nawa'y sa twing paiiralin natin ang mga prinsipyong dapat sundin, ay sabay na isaalang-alang natin ang kapakanan ng bawat isa. Upang sa gayo'y maisakatuparan ang tunay na pagkakapantay-pantay ng dangal ng bawat taong kalarawan rin ng Diyos.
No comments:
Post a Comment