Nang panahong iyon, umakyat si Jesus sa isang bundok at magdamag siyang nanalangin sa Diyos. Kinaumagahan, tinawag niya ang kanyang mga alagad, pumili siya sa kanila ng labindalawa, at sila'y tinawag niyang mga apostol. Sila ay sina Simon, na pinangalanan niyang Pedro, si Andres na kapatid nito, sina Santiago, Juan, Felipe, Bartolome, Mateo, Tomas, Santiagong anak ni Alfeo, si Simon na Makabayan, si Judas na anak ni Santiago, at si Judas Iscariote na naging taksil. Pagbaba ni Jesus kasama ang mga apostol, nadatnan nila sa isang patag na lugar ang marami sa kanyang mga alagad, kasama ang napakaraming taong buhat sa Judea, Jerusalem, at mga bayan sa baybaying-dagat ng Tiro at Sidon. Pumaroon sila upang makinig, at mapagaling sa kanilang mga karamdaman. Pinagaling nga sila ni Jesus, pati na rin ang mga pinapahirapan ng masasamang espiritu. Sinisikap ng lahat ng maysakit na makahawak man lamang sa kanya, sapagkat may kapangyarihan siyang nagpapagaling ng lahat ng karamdaman. - Lucas 6:12-19 (ABMBB)
"Ang isang tao na hindi na marunong manalangin ay katulad siya ng isang cellphone na madaling malowbat, manghina hangang sa maubos ang lakas nito at di na magagamit pa." Ito ang isang halimbawang napakinggan ko sa isang pari sa kanyang misang dinaluhan ko sa isang parokya sa Maynila tungkol sa panalangin. Habang pinagninilay-nilayan ko ito, naisip ko na madalas ay abala tayo sa ating mga gawain sa buhay. Minsan pa nga ay masyado nating sinasagad ang ating mga katawan at oras, para lamang matapos ang ating mga gawain sa bawat araw. Sa sobrang pagiging abala natin sa buhay, madalas ay nakakaligtaan na natin ang manalangin. Dahil na rin sa madalas naiisip natin kung paano natin matatapos ang ating mga gawain sa araw-araw. Subalit, dahil na rin sa pagigigng abala natin sa buhay, ay dumarating ang pagkakataong tayo ay nauubusan ng lakas o ang madalas na tinatawag dito sa ingles ay "Burn-Out". Dahil na rin ito sa sobrang pagod, walang pahinga sa ating mga gawain. Madalas, kapag burn-out na tayo, ay nagiging mainitin ang ulo natin, hindi makapag-isip ng maayos dahil sa tensyon ng ating mga ginagawa at kapag nabibigo tayo sa ating mga gawain, ay madali tayong mawalan ng pag-asa. Kapag tayo ay nasadlak na sa kabiguan, ay doon lamang tayo nagiging madasalin, doon lang tayo nakakapagdasal. Dahil sa habag ng Diyos, ay nagiging maayos ang lahat, lahat ng problema ay nabibigyang kasagutan, at unti-unting gumagaan ang ating mga pasan. Doon lamang sa pagkakataong iyon napagtatanto natin na mahalaga ang manalangin upang mas lalo pang maging maayos ang bawat hakbang na isasagawa natin na hindi mapipinsala ang ating pakikitungo sa kapwa at sa sarili.
Makikita natin sa ating Mabuting Balita sa araw na ito si Jesus na umahon sa bundok upang manalangin. Naging kaugalian na ng ating Panginoon na manalangin sa isang ilang na pook, siya lamang mag-isa upang makipag-usap sa Diyos. Bagaman si Jesus ay anak ng Diyos, Diyos na nagkatawang tao, ay bakit pa niya kailangang manalangin? Bagama siya ay nagkatawang tao, ay ipinakita niya sa atin ang dalawang bagay: Una ay ang pagkakaroon ng ugnayan sa Diyos na ating ama, na siyang magbibigay lakas sa atin at gagabay sa atin upang maging maayos ang lahat ng ating gagawin sa bawat araw. Ito rin ay tanda ng ating pagtitiwala sa kanya na ang lahat ng ating gagawin ay magiging matagumpay at maayos, kahit anong pagsubok na kaharapin natin. Pangalawa, nais ipakita sa atin ni Jesus na ang panalangin ay isang paraan upang tumigil sumandali, makapagpahinga sa presensya ng Diyos. Sa pamamagitan ng panalangin, ay nailalabas natin sa kanya ang ating sama ng loob, alalahanin at hinaing sa kanya. Sa pagkakataon ring iyon, ay binibigyan tayo ng pagkakataong makapag-isip kung ang ating mga ginagawa ay may mabuting maidudulot sa atin at sa ating kapwa. Dahil sa panalanging ito, ay nakita natin na naging lakas ito ni Jesus upang maipagpatuloy nya ang kanyang misyon na ipinagkatiwala sa kanya ng Ama. Katulad ng kanyang pagpili sa kanyang 12 apostol na magpapatuloy ng kanyang misyon. Bagaman may mga kahinaan, ay pinili sila ni Jesus, dahil sa nalalaman niyang buhos ang kanilang pagmamahal sa kanya at sa Ama, sa kabila ng kanilang kahinaan. Matapos nito, ay nakapagpatuloy siya na gawin ang misyon sa kanyang ipangaral ang Mabuting Balita sa lahat, magpagaling ng mga maysakit at magpalayas ng mga demonyo.
Nawa'y sikapin nating palaging manalangin araw-araw sa ating Panginoon. Sapagkat sa pamamagitan ng panalangin, ay nakakakuha tayo ng lakas na harapin ang bawat hamon ng buhay at nakakatulong upang maitutumpak natin ang bawat gawain na nakaatang sa ating mga balikat.
No comments:
Post a Comment