Sunday, March 27, 2011

Mapuno Sa Presensya ng Diyos (Linggo, Sa Ika-3 Linggo ng Kwaresma, Taon I)

Dumating siya sa isang bayan na tinatawag na Sicar. Malapit ito sa bukid na ibinigay ni Jacob sa kanyang anak na si Jose. Dito matatagpuan ang balon ni Jacob. Dahil siya'y napagod sa paglalakbay, umupo si Jesus sa tabi ng balon. Halos katanghalian na noon. May isang Samaritanang dumating upang umigib, at sinabi ni Jesus sa kanya, Maaari mo ba akong bigyan ng maiinom? Wala noon ang kanyang mga alagad dahil sila'y bumibili ng pagkain sa bayan. Sinabi sa kanya ng babae, Ikaw ay Judio at Samaritana naman ako! Bakit ka humihingi sa akin ng inumin? Sinabi niya iyon sapagkat hindi nakikihalubilo ang mga Judio sa mga Samaritano. Sumagot si Jesus, Kung alam mo lamang ang kaloob ng Diyos, at kung sino itong humihingi sa iyo ng inumin, ikaw ang hihingi sa kanya at bibigyan ka naman niya ng tubig na nagbibigay-buhay. Nagsalita ang babae, Ginoo, malalim ang balong ito at wala ka namang panalok. Saan ka kukuha ng tubig na nagbibigaybuhay? Ang balong ito ay pamana pa sa amin ng aming ninunong si Jacob. Dito siya uminom, gayundin ang kanyang mga anak at mga hayop. Higit ka pa ba sa kanya? Sumagot si Jesus, Ang bawat uminom ng tubig na ito'y muling mauuhaw, ngunit ang sinumang uminom ng tubig na ibibigay ko sa kanya ay hindi na muling mauuhaw kailanman. Ang tubig na ibibigay ko ay magiging batis sa loob niya, at patuloy na bubukal at magbibigay sa kanya ng buhay na walang hanggan. Sinabi ng babae, Ginoo, bigyan po ninyo ako ng tubig na ito upang hindi na ako mauhaw, ni pumarito pa upang sumalok muli. Umuwi ka at isama mo rito ang iyong asawa, wika ni Jesus.Wala akong asawa, sagot ng babae. Sinabi ni Jesus, Tama ang sinabi mong wala kang asawa sapagkat lima na ang iyong naging asawa, at ang kinakasama mo ngayon ay hindi mo asawa. Totoo nga ang sinabi mo. Sinabi ng babae, Ginoo, isa kang propeta, hindi nga ba? Dito sa bundok na ito sumamba sa Diyos ang aming mga ninuno, ngunit sinasabi ninyong mga Judio na sa Jerusalem lamang dapat sambahin ang Diyos. Sinabi naman ni Jesus, Maniwala ka sa akin, darating na ang panahon na sasambahin ninyo ang Ama hindi na sa bundok na ito o sa Jerusalem. Hindi ninyo kilala ang inyong sinasamba, ngunit kilala namin ang aming sinasamba, sapagkat ang kaligtasan ay nagmumula sa mga Judio. Subalit dumarating na ang panahon at ngayon na nga, na ang mga tunay na sumasamba sa Ama ay sasamba sa kanya sa espiritu at sa katotohanan. Sapagkat ganyan ang uri ng pagsambang kinalulugdan ng Ama. Ang Diyos ay Espiritu kaya dapat siyang sambahin sa espiritu at sa katotohanan. Sinabi ng babae, Nalalaman ko pong darating ang Mesiyas, ang tinatawag na Cristo. Pagdating niya, siya ang magpapahayag sa amin ng lahat ng bagay.  Ako na kausap mo ngayon ang iyong tinutukoy, sabi ni Jesus. Dumating ang kanyang mga alagad nang sandaling iyon, at nabigla sila nang makita nilang nakikipag-usap si Jesus sa isang Samaritana. Ngunit isa man sa kanila'y walang nagtanong sa babae, Ano ang kailangan ninyo? Wala ring nagtanong kay Jesus, Bakit ninyo siya kinakausap? Iniwanan ng babae ang kanyang banga, bumalik sa bayan at sinabi sa mga tagaroon, Halikayo! Tingnan ninyo ang taong nagsabi sa akin ng lahat ng ginawa ko. Siya na kaya ang Cristo? Kaya't lumabas ng bayan ang mga tao at nagpunta kay Jesus. Samantala, makailang ulit na sinabi ng mga alagad kay Jesus, Guro, kumain na kayo. Ngunit sumagot siya, Ako'y may pagkaing hindi ninyo nalalaman. Kaya't nagtanung-tanungan ang mga alagad, May nagdala kaya sa kanya ng pagkain? Sinabi sa kanila ni Jesus, Ang pagkain ko'y ang tuparin ang kalooban ng nagsugo sa akin at tapusin ang ipinapagawa niya sa akin. Hindi ba sinasabi ninyo, Apat na buwan pa at anihan na? Sinasabi ko naman sa inyo, masdan ninyo ang mga bukid, hinog na ang trigo at handa nang anihin. Ang umaani ay tumatanggap ng kabayaran at nagtitipon ng bunga para sa buhay na walang hanggan. Kaya't kapwa nagagalak ang nagtatanim at ang umaani. Totoo ang kasabihang, Iba ang nagtatanim at iba naman ang umaani. Isinugo ko kayo upang anihin ang hindi ninyo itinanim. Iba ang naghirap dito at kayo naman ang umani ng kanilang pinaghirapan. Maraming Samaritano sa bayang iyon ang nanalig kay Jesus dahil sa patotoo ng babae, Sinabi niya sa akin ang lahat ng aking ginawa. Kaya't pumunta sila kay Jesus at nakiusap na tumigil muna siya roon, at tumigil nga siya roon sa loob ng dalawang araw.  At marami pang sumampalataya nang mapakinggan siya. Pagkatapos, sinabi nila sa babae, Naniniwala kami ngayon, hindi na dahil sa sinabi mo kundi dahil sa narinig namin siya. Alam na naming siya nga ang Tagapagligtas ng sangkatauhan - Juan 4:5-42 (ABMBB)

Ang bawat isa sa atin ay may kanya-kanyang mninimithi sa buhay. Isa lang itong katunayan na lahat tayo ay may kanya-kanyang pangangailangan sa buhay at ating pinagsisikapan at pinagpapaguran upang mapuno ang ating pang-araw-araw na pangangailangan. Sabi nga ni Abraham Maslow sa kanyang Hierarchy of Needs, ay ipinapakita niya rito ang limang aspeto ng pangangailangan ng tao na dapat niyang maabot upang makapamuhay siya ng maayos. Ito ay ang pangmateryal na pangangailangan, pagkakaroon ng seguridad sa pamilya at komunidad, panglipunang kinabibilangan, pagkakaroon ng kahalagahan sa sarili at ang pagkakaroon ng katuparan sa kanyang minimithi. Isang katotohanan pa rin ang nangingibabaw sa lahat ng ito: kahit na natamo na niya ang lahat ng ito, ay dumarating pa rin ang pagkakataong nakakaranas ang bawat isa ng pagkasawa at tila walang katapusan sa ating pangangailangan. Ngunit, sa bandang huli, kapag nasumpungan natin ang tunay na makakapuno ng ating pangangailangan, ay napapatid nito ang pagkauhaw sa ating pangangailangan at kahit na minsan ay nagkukulang tayo sa ating pangangailangan, ay inaasahan natin na makakamit natin ito sa tamang panahon, dahil tapat ang nangako sa atin.

Matutunghayan natin sa mga pagbasa ngayon ang ilang tagpo sa kasaysayan sa bayan ng Diyos na nagpapakilala ng kanyang presensya sa kanila upang lumalim ang kanilang pananampalataya sa Kanya na nagliligtas at nagkakaloob ng kanilang pangangailangan. Sa Unang Pagbasa, ay ipinapakita rito na ang mga Israelita, matapos lumabas sa bayan ng Egipto, at naglalakbay sa disyerto patungo sa lupang pangako, ay nakaramdam sila ng pagkauhaw. At dahil nasa ilang na lugar sila, ay nagreklamo sila kay Moises na bakit sila pinababayaan ng Diyos na maghirap sila, at nagsimulang mag-alinlangan sa pangangalaga ng Diyos sa kanila. Kung kaya dumalangin si Moises para sa kanila. Iniutos ng Diyos na paluin ng kanyang tungkod ang bato sa may bundok ng Horeb at may tubig na lalabas doon. Ginawa nga ito ni Moises at nakainom ang mga Israelita. Kung kaya sa ating Salmong Tugunan, ay nanawagan ang Salmista na magtiwala tayo, sumamba at magpasalamat sa Diyos na lumalang sa atin at nagpakita ng kabutihan. Nanawagan din siya na iwaksi ang pag-aalinlangan sa kanyang kapangyarihan tulad ng ginawa ng Bayang Israel. Sa ating Ebanghelyo, ay makikita natin ang Babaing Samaritana na kinausap ng ating Panginoon. Dahil sa nauuhaw ang ating Panginoon, ay nakiusap siya sa Samaritana na kung maari ay makiinom siya. Dahil sa may alitan at pagtatangi ang mga Judio at Samaritano (mga hindi purong Judio), ay nagtaka ang babae kung bakit na nakikipag-usap siya sa kanya. Ipinahayag rito ni Jesus ang kanyang katauhan na inihalintulad niya sa tubig na hindi na muling mauuhaw ang sinumang lumalapit sa kanya. Dahil sa literal na inunawa ito ng babae, ay nasabi niya ang kanilang kalagayan at ang kanilang kaibahan sa mga Judio sa paraan ng kanilang pagsamba't pagkilala sa Diyos. Ipinahayag ni Jesus dito na darating ang araw na mabubuwag na ang pagtatangi sa pagsamba't pagkilala sa Diyos, sa pamamagitan ng pagsamba sa Espiritu at katotohanan. Pagsamba sa Espiritu na sa paraang iisang diwa ang mga sumasamba, wala nang kaibahan at pagtatangi, at sa katotohanan tungkol sa pagliligtas at walang maliw na pagmamahal ng Diyos sa bawat isa. Naibahagi rin ng babae na darating ang Cristo, ang tagapagligtas ng lahat. Pinatunayan ito ni Jesus sa pamamagitan ng kanyang pakikipag-usap sa babae tungkol sa kalagayan nito. bagay na ikinamangha ng samaritana at naging katibayan upang madama niya at kanilang lipi ang kaligtasan ng Diyos ay hindi lamang para sa mga Judio, kundi para sa lahat. Ipinakita rito ni Jesus ang kanyang presensya na patuloy na nakakapuno ng malalim na pagnanais ng tao na mapalapit sa Diyos at ang hangarin ng Diyos na makilala siya ng lahat at magtamo ng kaligtasan. At ang ganitong paksa ay lalo pang nahayag sa ating Ikalawang Pagbasa sa sulat ni San Pablo sa mga taga Roma, na sa pamamagitan ng pagpapakasakit ni Cristo, ay lalong inihayag ang pag-ibig ng Diyos na tayo ay maligtas at mapawalang-sala sa ating mga kasalanan. Dahil dito, ay kanyang pinapayuhan tayo na magalak at magpasalamat sa Diyos sa kanyang pagpapakita ng pagmamahal, sa pamamagitan ng paghahadog ng buhay ni Cristo para sa ating lahat. Ipinapaalala sa atin ng bawat pagbasa na sa bawat pangangailangan natin, nariyan ng Diyos na patuloy na gagabay at magkakaloob sa atin ng ating minimithi. Dahil nais niyang makilala natin siya na ating Ama na patuloy na nagmamahal at kumakalinga sa atin, at sumampalataya na siya ay nakahandang kumilos upang mapunuan ang ating kakulangan.

Nawa'y maging daan ang panahon ng Kwaresma upang lalo pa nating mapalalim ang ating pananampalaya sa Diyos, na siyang nagliligtas at pumupuno ng ating kakulangan. Upang sa gayon, ay patuloy tayong maging tanda ng buhay na presensya ng Diyos sa ating kapwa, sa pamamagitan ng ating simpleng paghahandog ng kung anuman ang mayroon tayo, na siyang pakikibahagi natin sa paghahandog Ni Cristo ng kanyang buhay para sa ating lahat.

Tuesday, March 22, 2011

Lahat Mahalaga (Martes, Sa Ikalawang Linggo ng Kwaresma, Taon I)

Pagkatapos ay sinabi ni Jesus sa mga tao at sa kanyang mga alagad, "Ang mga tagapagturo ng Kautusan at ang mga Pariseo ang kinikilalang tagapagpaliwanag ng Kautusan ni Moises. Kaya't gawin ninyo ang itinuturo nila at sundin ang kanilang iniuutos, ngunit huwag ninyong tularan ang kanilang ginagawa sapagkat hindi nila tinutupad ang kanilang ipinapangaral. Pinagpapasan nila ng mabibigat na dalahin ang mga tao, ngunit ni daliri ay ayaw nilang igalaw upang tumulong sa pagdadala ng mga iyon. Pawang pakitang-tao ang kanilang mga gawa. Nilalaparan nila ang mga lalagyan ng talata sa kanilang noo at braso, at hinahabaan ang palawit sa laylayan ng kanilang mga damit.  Ang nais nila ay ang mga upuang pandangal sa mga handaan at ang mga tanging upuan sa sinagoga. Gustung-gusto nilang iginagalang sila sa mga palengke, at tawaging 'guro.'  Ngunit kayo, huwag kayong patawag na 'guro,' sapagkat iisa ang inyong Guro at kayong lahat ay magkakapatid.  Huwag ninyong tawaging ama ang sinumang tao sa lupa sapagkat iisa ang inyong Ama, ang Ama na nasa langit. Huwag kayong patawag na tagapagturo, sapagkat iisa ang inyong tagapagturo, ang Cristo.  Ang pinakadakila sa inyo ay magiging lingkod ninyo. Ang nagmamataas ay ibababa, at ang nagpapakumbaba ay itataas."- Mateo 23:1-12 (ABMBB)

Lahat tayo ay nagnanais na maging maganda ang ating katayuan sa buhay. Kung kaya marami sa atin ang nagsisikap upang maging maganda an ating reputasyon sa ating kapwa. Ito ay nagpapakita lamang na ginagamit natin ang kakayahang ibinibigay sa atin ng Diyos, upang maging maayos ang buhay natin at magdulot ito ng biyaya sa mga taong makakatangap nito. Nakakalungkot nga lang sa panahon natin ngayon ang mga taong nabulag na sa sobrang pagpapahalaga sa sarili, dahil na rin sa tagumpay na kanilang nakamit. Dahil na rin sa kanilang narating, ay hindi na nila nakikita ang kahalagahan ng iba, bagkus, ay minamaliit nila ito, at itinuturing na hindi naman sila ganoon kahalaga sa lipunan. Dahil sa mataas na ambisyon at labis na pagkilala sa sariling tagumpay, ay hindi na rin naiisip ng iba na bago nila narating ang kanilang kalagayan, ay nagsimula sila sa mababang kalagayan, at dahil sa pagsisikap at pagdamay ng mga taong tumulong sa kanila upang maging matagumpay. Nawawala na ang diwa ng tunay na pakikipagkapwa-tao at pagkakaisa, bagkus ay nagdudulot ito ng pagkakampi-kampi at pagkakakanya-kanya dahil sa pansariling interes na bunga ng pansailing kapakinabangan at kawalang ng kababaang loob sa kapwa.
  
Mababasa natin sa ating Ebanghelyo ngayon ang pagtuturo ni Jesus ng pagtataglay ng kababaang loob at pagkakapantay-pantay ng bawat isa. Dahil sa umiiral noong panahon ng ating Panginoon ang pagmamataas ng mga Pariseo't eskriba sa kanilang katayuan bilang mga tagapagturo ng batas at kalooban ng Diyos. Dahil sa kanilang katayuan sa lipunan, ay hindi na nila nakikita ang kahalagahan ng iba, at sa halip, ay niyuyurakan nila ito, dahil sa hindi sila nabibilang sa kanilang katayuan. Kung kaya, ay itinuturo sa atin ng ating Panginoon na maging mapagpakumbaba. Sapagkat lahat tayo ay mahalaga at pantay-pantay sa kanyang paningin, anuman ang ating katayuan. Ii sa lang ang mataas at ang nakakahigit sa lahat, ito ang ating Diyos na siyang lumikha ng lahat ng bagay.Kung tayo man ay tila nakakaangat sa iba, ito ay para sa para gamitin upang maging maayos ang lahat ng bagay na ipinagkatiwala sa atin ng Diyos, at hindi para yurakan ay maliitin ang mga maliliit sa ating lipunan. Ang pagtataglay ng kapakumbabaan ay ipinakita sa atin ng ating Panginoong Jesu-Cristo nung siya'y magpakasakit sa atin at naghandog ng kanyang buhay para sa ating kaligtasan at magkaroon ng buhay na walang hanggan. At hindi lamang para sa atin, kundi parasa lahat ng tao dito sa mundo (Fil 2:6-8; 1 Juan 2:2).
 
Nawa'y turuan tayo ng panahon ng Kwaresma na maging mapagpakumbaba at magpahalaga sa iba, tulad ng ipinakita sa atin ng ating Panginoon.Sapagkat anuman ang katayuan natin, lahat tayo ay pantay-pantay at mahalaga sa kanyang paningin, dahil iisa lamang ang Diyos na lumikha at nagliligtas sa ating lahat.


Saturday, March 19, 2011

Tungo Sa Kadakilaan (Linggo sa Ikalawang Linggo ng Kwaresma, Taon A)

"Pagkaraan ng anim na araw, isinama ni Jesus si Pedro at ang magkapatid na Santiago at Juan, at sila'y umakyat sa isang mataas na bundok. Habang sila'y naroroon, nakita nilang nagbago ang anyo ni Jesus, nagliwanag na parang araw ang kanyang mukha at nagningning sa kaputian ang kanyang damit. Nakita na lamang ng tatlong alagad sina Moises at Elias na nakikipag-usap kay Jesus. Sinabi ni Pedro kay Jesus, "Panginoon, mabuti't naririto kami. Kung gusto ninyo, gagawa ako ng tatlong kubol, isa para sa inyo, isa para kay Moises at isa para kay Elias." Habang nagsasalita pa si Pedro, nililiman sila ng napakaliwanag na ulap. Mula rito'y may tinig na nagsabi, "Ito ang minamahal kong Anak na lubos kong kinalulugdan. Pakinggan ninyo siya!" Nang marinig ng mga alagad ang tinig, labis silang natakot at nagpatirapa. Ngunit nilapitan sila ni Jesus at hinawakan. "Tumayo kayo, huwag kayong matakot!" sabi niya. Nang tumingin sila, si Jesus na lamang ang kanilang nakita. Habang sila'y bumababa sa bundok, iniutos sa kanila ni Jesus, "Huwag ninyong sasabihin kaninuman ang inyong nasaksihan hangga't hindi muling nabubuhay ang Anak ng Tao." - Mateo 17:1-9 (ABMBB)


Ang buhay natin sa mundo ay maituturing na isang paglalakbay patungo sa lugar na nais nating puntahan. Sabi nga sa sulat sa mga Hebreo, "Sapagkat hindi rito sa lupa ang palagiang bayan natin, at ang hinahanap natin'y ang bayang masususmpungan sa panahong darating" (Hebreo 13:14 MBB). Kung kaya sa turo ng ating simbahan, tao ay bahagi sa Simbahang naglalakbay o Church Militant. Sapagkat habang inaasam nating marating ang kadakilaan at kaluwalhatiang naghihintay sa atin, ay may mga hamon at pagsubok na dumarating sa ating paglalakbay na ito, na siyang nagpapabigat sa ating paglalakbay. Kung minsan pa nga, ay tila baga mahirap at imposibleng marating ito, dahil na rin sa hindi natin mapigilan at maiwasan ang mga hamong ito. Subalit, sa pamamagitan ng mga hamong ito, ay naipapakita natin sa Diyos ang ating dedikasyon at tunay na hangaring marating at matamo ang buhay na walang hanggan na kanyang ninanais sa atin at atin rin namang inaasam. 

Sa ating mga pagbasa ngayon, ay makikita natin ang ilang tagpo na nagpapakita ng kanilang matagumpay sa misyon ng Diyos sa kanila na maihahalintulad natin sa isang matagumpay na paglalakbay. Sa unang pagbasa, ay makikita natin si Abram na inutusan ng ating Panginoong Diyos na lisanin niya ang kanyang pamilya at bumuo ng isang sambahayan. Sapagkat sa kanya magmumula ang bagong bayan ng Diyos, ang bayang Israel. Bagaman hindi tiyak ni Abram kung saang lugar siya titira, dahil hindi sinabi ng Diyos ang tanging lugar kung saan niya itatayo ang bayang ito, at sa kanyang katandaan at walang kakayahan nang magkaroon ng anak sa paningin niya at ng marami, ay sumunod ng lubos siya. At kung babasahin natin ang kanyang kasaysayan, ay ipinakita ng Diyos ang kanyang katapatan sa kanyang pangako. Hindi niya pinabayaan si Abram sa lahat nitong pangangailangan. Bagaman hindi niya nakita't naabutan ang bayang ito, ay namamalagi ang kanyang pananampalataya sa pangako ng Diyos, at ito ay kanyang napatunayan nang isilang ng kanyang asawa na si Sarai ang kanilang anak na si Isaac. At dahil sa kanyang pananampalataya, ay kinilala ito ng lahat ng sumasampalataya sa Diyos, at ginamit siyang halimbawa ni San Pablo na halimbawa ng tunay na pananampalataya sa Diyos (Roma 4). Ang pagkakaroon ng ugaling katulad ni Abram ay mas lalong binigyang diin sa ating Salmong Tugunan. Binibigyang diin ng salmista ang katapatan ng Diyos sa lahat ng sumusunod at nagtitiwala sa kanya. Kung kaya, tayo ay inaanyayahan na maging tapat at patuloy tayong maging matatag sa ating pananampalataya, sapagkat and Diyos ang siyang magkakaloob ng ating pangangailangan at gantimpala sa ating pananatiling tapat sa kanya. Sa ating Ebanghelyo sa araw na ito, ay makikita natin ang pagbabagong-anyo ni Jesus sa bundok, kasama sila Pedro, Santiago, at Juan. Nasaksihan ng kanyang mga alagad ang pagbabagong anyong ito ng ating Panginoon, ang kanyang kadakilaan at kaluwalhatian. Nakita rin nila na kausap si Moises at Elias. Ang tagpong ito ay nagpapakita sa atin ng kadakilaan ng ating Panginoon, ang kanyang kaluwalhatian pagdating ng kanyang paghahari sa sanlibutan. Subalit, bago niya marating ito, ay magdaranas muna siyang paghihirap at pagpapakasakit. Ang bundok na kanyang tinungo, ay isang anyo o larawan ng kanyang pagpapakasakit, katulad ng kanyang paglalakbay mula sa Jerusalem, patungo sa Golgota, ang dako ng kanyang pag-aalay ng sarili para sa ating lahat. Ang dalawang dakilang tao na kausap ni Jesus na sil Moises at Elias ay kumakatawan sa batas at sa propeta, na siyang pinakamahalagang saligan ng pananampalataya ng mga Judio. Ipinapakita rito na si Jesus ang katuparan ng Batas sa Lumang Tipan, at siya ang hinulaan ng mga propeta na lingkod ng Diyos na magpapakasakit para mabigyang buhay ang lahat. At ang tinig ng Diyos na kanilang narinig ay isang pagpapakita ng kaluwalhatiang ibinigay ng Diyos sa kanyang anak na si Jesus, na siyang naglalarawan ng pagtatampok ng Diyos sa kanya sa huling araw, at pagpapakita ng kanyang kaluwalhatian at kadakilaang mamamalas natin pagdating ng takdang panahon. Ang kadakilaang ito ay inilalarawan sa ating ng ikalawang sulat ni San Pablo kay Timoteo sa ikalawang pagbasa ang tagumpay ni Jesus sa kanyang kamatayan, at ang pagkalupig sa lahat ng mga kaaway. Ang tagumpay na ito ay paghahayag ng kagandahang loob niya sa atin, kung kaya pinapayuhan niya si Timoteo na makibahagi sa pagliligtas ng Diyos sa lahat, sa pamamagitan ng pagsasabuhay ng mabuting balita yamang siya rin ay tinubos sng dugo ni Cristo. Ang mga pagbasang ito ay nagpapaalala sa atin ngayong kwaresma, na bagaman maraming pagsubok, ay nararapat tayong maging matatag at matapat, sapagkat sa ating pagiging matapat, ay nakikibahagi tayo sa paghihirap ni Cristo, at tulad niya, ay makikibahagi rin tayo sa kadakilaan na kanya rin tinamo, ang muling pagkabuhay at pagtataglay ng buhay na walang hanggan.

Nawa sa panahong ito ng Kwaresma, ay maging inspirasyon natin ang mga pagbasa sa araw na ito na maging matatag at huwag malawan ng pag-asa sa ating paglalakbay sa mundong ito. Sapagkat ang ating pagiging tapat sa pananampalataya ay maghahatid sa atin tungo sa kadakilaan na ating ninanais, at pagtitiwala sa katapatan ng Diyos na tunay nagkakaloob ng ganitmpala sa tunay na nanatiling tapat sa kanya.      

Saturday, March 12, 2011

Matutong Manindigan Sa Kabutihan (Unang Linggo ng Kwaresma, Taon A)

Pagkatapos, si Jesus ay dinala ng Espiritu sa ilang upang tuksuhin ng diyablo. Siya'y nag-ayuno sa loob ng apatnapung araw at apatnapung gabi kaya't siya'y nagutom. Dumating ang diyablo at sinabi sa kanya, "Kung ikaw ang Anak ng Diyos, gawin mo ngang tinapay ang mga batong ito." Ngunit sumagot si Jesus, "Nasusulat, 'Ang tao'y hindi lamang sa tinapay nabubuhay, kundi sa bawat salitang nagmumula sa bibig ng Diyos.' " Pagkatapos, dinala siya ng diyablo sa Jerusalem, ang banal na lunsod, at pinatayo sa taluktok ng Templo. Sinabi nito sa kanya, "Kung ikaw ang Anak ng Diyos, magpatihulog ka, sapagkat nasusulat, 'Sa kanyang mga anghel, ika'y itatagubilin,at sa kanilang mga kamay, ika'y aalalayan, nang sa mga bato, paa mo'y hindi masasaktan.' " Ngunit sumagot si Jesus, "Nasusulat din naman, 'Huwag mong susubukin ang Panginoon mong Diyos.' " Pagkatapos, dinala naman siya ng diyablo sa isang napakataas na bundok at ipinakita sa kanya ang lahat ng kaharian sa daigdig at ang kapangyarihan ng mga ito. Sinabi ng diyablo sa kanya, "Ibibigay ko sa iyo ang lahat ng ito kung magpapatirapa ka at sasamba sa akin." Kaya't sumagot si Jesus, "Lumayas ka Satanas! Sapagkat nasusulat, 'Ang Panginoon mong Diyos ang dapat mong sasambahin. At siya lamang ang dapat mong paglilingkuran.'"  Pagkatapos, iniwan na siya ng diyablo. Dumating naman ang mga anghel at siya'y pinaglingkuran nila. - Mateo 4:1-11 ABMBB)


Likas na sa bawat tao na gawin niya ang bawat bagay na maibigan niya. Ito ang kalayaang ipinagkaloob ng Diyos sa atin, upang malaman natin ang kung ano ba ang mga bagay na tunay na magdudulot sa atin ng kaligayahan at katiwasayan. Subalit, nakakalungkot na sa twing hinanahanap natin ito, ay hindi na natin tinitimbang kung alin nga ba ang tama, maganda at mabuti sa ating paningin. Kung minsan, kung alin ang kaakit-akit sa ating paningin at nasasabi nating maganda ito, ay ito ang ating pinipili, at hindi na isinasaalang-alang ang magiging bunga nito sa ating buhay. Kahit na alam natin na ito ay makakasama sa atin, kahit pansamantalang kaligayan at pangmatagalang kasawian ang dulot nito sa atin, ay ayos lang. Nakakalungkot rin na minsan ay ipinagpapalit natin ang pansariling kaligayahan sa mga mabuting panuntunan na ating natutunan sa ating mga magulang, simbahan at sa paaralan, dahil na rin sa kalakaran ng mundong ito na ating kinahuhumalingan at mga bagay na nakakaakit sa ating paningin. Nawawal na ang ating paninindigan sa pagpili sa mabuti dahil dito.

Matutunghayan natin sa Unang Pagbasa at sa ating Mabuting Balita ngayong Unang Linggo ng Kwaresma ang dalawang senario ng pagtukso ng Diyablo sa atin. Sa Unang pagbasa, ay ipinapakita rito ang pagtukso ng Diyablo sa ating unang magulang na sina Adan at Eba. Palibhasa, ay mas ninais nila na maging marunong, at nagpaakit sa karuningang sa tingin nila ay makakabuti sa kanila, at hindi na isinaalang-alang ang kaluwalhatian na tinaglay nila, ay nagpaakit sa tukso, at lumabag sa utos ng Diyos. Ipinapakita nila rito ang kanilang pagnanais na maging kapantay ng iyos sa pamamagitan ng pagtatamo ng karunungan at kaalaman na wala sila, ay ninais nilang maging kapantay ng Diyos, na sa tingin nila ay makakabuti sa kanila. At dahil dito, ay inalis sa kanila ng Diyos ang kaluwalhatiang tinaglay nila, at namuhay sa kahirapan, bunga ng pagsuway. Sa ating Mabuting Balita ngayon, ay ipinapakita sa atin ang pagtukso ng diyablo kay Jesus. Dahil sa apatnapung araw ng pag-aayuno ng ating Panginoon, ay tinukso siya ng diyablo upang maibsan ang hirap na kanyang pinagdaraaanan. Inalok sa kanya una na gawing tinapay ang bato, upang maibsan ang gutom niya. Ang unang tukso ay ang pagkahumaling sa mga bagay na materyal na sa tingin natin, ito lamang ang kailangan natin upang mabuhay rito sa mundo. Itinugon ng ating Panginoon na hindi lamang sa tinapay nabubuhay ang tao, kundi sa salita ng Diyos. Ipinapakita niya rito na hindi sapat ang pagtataglay ng diwang materyalismo ang pamantayan ng buhay sa mundo, kundi ang Salita ng Diyos na umaaliw sa atin, nagpapalakas at nagtuturo sa atin ng tamang pamantayan upang maging maayos at makabuluhan ang ating buhay. Sa ikalawang tukso ay dinala siya ng diyablo sa tuktok ng templo, at hinamong magpatihulog, upang malaman kung talagang iniingatan siya nd Diyos. At upang maging matibay at nakakakumbinsi ang tuksong ito, ay ginamit niya ang talata sa Awit 91:11-12. Ang tuksong ito nagpapakita sa pag-aalinlangan sa kapangyarihan ng Diyos dahil na rin sa mga pagsubok at hirap na ating pinagdaanan. Subalit, dahil sa malalim na ugnayan ni Jesus at ng Diyos Ama, ay itinugon niya rito na huwag subukin ang Diyos. Ang sagot na ito ay malinaw na hindi dapat ilagay natin ang ating sarili sa pag-aalinlangan sa kapangyarihan ng Diyos sa atin, sapagkat ang bawat pagsubok ay isang hamon sa atin na magpapakita kung gaano kalalim ang pag-ibig natin sa Diyos, at hindi lamang natin siya minamahal sa panahong maginhawa ang ating buhay. At sa huli, ay inalok siya ng lahat ng luho, kapangyarihan, at yaman ng mundo, basta ay piliin ang demonyo at siya ang paglingkuran. Hindi tinutukoy rito na asama ang kayamanan sa mundong ito  ang pagiging mayaman, kundi ang pagiging sakim, na dahil sa paghahangad ng yaman ng mundo, ay nakahandang ipagpalit ang lahat, basta makamtan ang yaman at kapangyarihan na hinahangad. Dahil dito, ay pinalayas ni Jesus ang diyablo at itinugon na ang Diyos lamang ang sambahin at purihin, hindi ang kayamanan. Ipinapakita rito sa atin na hindi dapat ang yaman, kapangyarihan ang maging diyos natin. Diyos na magpapatakbo at magdidikta sa ating buhay, kundi ang Diyos na nagkaloob ng lahat ng ito ang dapat na maghari sa buhay natin. Sapagkat ang lahat ng ito ay pansamantala lamang at hindi maghahatid sa atin sa tunay na kaligayahan, hindi tulad ng Diyos na sa kanya lamang natin matatagpuan ang kaligayahang ating minimithi. Ipinapakita sa atin ng dalawang pagbasa ang pagharap sa tukso. Sa una ay ang karupukan ng tao, dahil sa maling batayan niya ng kaligayahan na ninanais at sa Ebanghelyo, na manindigan sa mabuti, sapagkat ang lahat ng bagay rito sa mundo ay hindi tunay na magdudulot sa atin ng tunay na kaligayahan, at anging sa Diyos natin ito matatagpuan.

Sa ating ikalawang pagbasa, ay ipinapahayag sa atin ang masaganang biyayang Diyos sa atin. Sa kabila ng ating mga pagkukulang at pagsuway, ay narito na binibigyan niya tayo ng pagkakataong maligtas, sa pamamagitan ng pagtubos ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Ipinapakita rito ang habag ng Diyos sa atin, na ninanais niya ayong maligtas at huwag mapahamak. Ito ang panawagan sa atin ngayong kwaresma. At sa ating salmong tugunan, ay pakumbabang nagsisisi ang salmista sa kasalanang nagawa niya, at kinikilala niya ang pag-ibig ng Diyos dahil sa pagkakataong ibinigay niya sa kanya.

Nawa'y matuto tayong manindigan sa pagpili sa kabutihan at hindi lamang sa kung ano ang tunay na makakapagpasaya sa atin. Sapagkat ang tunay na kaligayahan ay matatagupan lamang sa Diyos na nagdudulot sa atin ng lahat ng kabutihan, tulad ng isang mabuting ama sa kanyang anak, at nagnanais na huwag mapahamak, kundi ang mabuhay sa kabutihan at kasagaan.   

Friday, March 11, 2011

Pagpapakatotoo Sa Bawat Sakripisyo (Biyernes, Pagkatapos ng Miyerkules ng Abo)

"Lumapit kay Jesus ang mga alagad ni Juan na Tagapagbautismo, at siya'y tinanong, "Kami po ay madalas na mag-ayuno, gayundin ang mga Pariseo, ngunit bakit hindi po nag-aayuno ang inyong mga alagad?" Sumagot siya, "Dapat bang malungkot ang mga panauhin sa kasalan habang kasama pa nila ang lalaking ikinasal? Kapag wala na ito, saka pa lamang sila mag-aayuno." - Mateo 9:14-15 (ABMBB) 


Ang pag-aayuno ay isa sa mga pinakakilalang pagsasakripisyo ng lahat ng relihiyon dito sa mundo. Sapagkat ang pag-aayuno o fasting ay ang isang paraan ng pagpipigil sa sarili nating kagustuhan na nagbibigay kaluguran sa ating katawan. Ang pag-aayuno ay laging nakaugnay sa ating pagkain. Sa panahon ng pag-aayuno, ay laging kaunti o nagaan lang ang ating kinakain, bilang isang pagsasakripisyo natin sa Diyos. Nakakalungkot nga lang na marami sa atin ang hindi nauunawaan ang tunay na pag-aayuno. May ilan na nag-aayuno, pero malungkot naman ang mukha. may ilan naman sa kanila ang nag-aayuno, ngunit, hindi naman nagpipigil sa sa sobra sa kanilang buhay. Hindi ang sa pagkain, kundi sa kanilang luho sa katawan, maling pakikitungo sa kapwa, ay hindi nila mapigilan. Samakatuwid, ay hindi umaayon sa kanilang buhay ang tunay na diwa ng pagsasakripisyo na kanilang ipinatutungkol sa Diyos. Ipinapakita lang nila na ginagawa nila ito para hangaan lang sila ng mga tao at masabing sila ay banal at tumutupad sa kalooban ng Diyos.

Ipinapakita sa atin ng mga pagbasa ngayon, lalo na sa ating unang pagbasa ngayon na hango sa aklat ni Propeta Isaias, na kung saan, ay ipinapahayag ng propeta ang maling ginagawang pag-aayuno ng bayang Israel. Sapagkat nag-aayuno sila, ngunit, hindi naman nila isinasabuhay ang tunay na diwa nito. Bagaman sila ay nag-aayno o nagsasakripisyo para sa Diyos, ay patuloy pa rin silang gumagawa ng masama sa kapwa at nilalabag ang tunay na utos ng Diyos: Ang Mahalin ang Ating Kapwa. Kung kaya, ipinakilala ng ating Panginoon ang tunay na pag-aayuno: ang pagmamalasakit sa kapwa, pagtulong sa mga ulila't balo, ang huwag mang-api ng kapwa at maging maibigin sa lahat. At sa papagitan nito, ay nagiging tanglaw sila sa lahat, nagdudulot ng biyaya at pag-asa sa mga taong tunay na nangangailangan ng habag na siyang ninanais ng aing panginoon. Ipinapakita niya rito na ang tunay na pagsasakripisyo ay ang pag-aalay ng ating sarili sa kapwa, ang pagbabawas ng ating luho at personal na kapakinabangan upang ang lahat ay makinabang sa biyayang natatanggap natin sa kanya. Matutunghayan natin sa ating Ebanghelyo sa araw na ito na lumapit ang alagad ni Juan kay Jesus at itinanong kung bakit hinhi siya nag-aayuno at ang kanyang mga alagad, di tulad ng ginagawa niya. Sinagot ito ni Jesus sa pamamagitan ng paghahalimbawa ng isang lalaking ikakasal. Hangga't nandiyan pa yung lalaking ikakasal, ay dapat magsaya, ngunit kapag umalis na ang lalaki, ay saka sila mag-ayuno. Inilalarawan ni jesus ang kanyang sarili sa lalaking ikakasal. Dapat sa na magsaya, sapagkat nasa piling nila si Jesus-ang anak ng Diyos. Ipinapakita niya rito sa atin na dapat ay isaalang-alang natin ang tunay na kahulugan ng pag-aayuno at ang ating pagsasakripisyo sa Diyos, sa pamamagitan ng tunay na pagsasabuhay ng diwa nito, hindi lamang sa pagsasagwa ng gawaing ito na hindi naman nakikita ang tunay na kabuluhan nito, ang tunay na kahulugan at layunin ng ating sakripisyo.

Nawa sa panahong ito ng Kwaresma, ay maging aral sa atin ang kahulugan ng ting mga sakripisyo sa Diyos, sa pamamagitan ng pgsasabuhay ng diwa nito. Sapagkat kung paanong sa pamamagitan ng pag-aalay ni Cristo ng kanyang sarili sa atin, ay nagkaroon tayo ng buhay na walang hanggan, ang ating sakripisyo rin, ay magbigay buhay din sa iba, sa pamamagitan ng pagkakaloob ng maari nating ibigay sa kanila nang kusa at walang kundisyon. Upang magdulot ito sa kanila ng buhay na puno ng pag-asa at pagmamahal na kanilang kinakailangan.

Thursday, March 10, 2011

Nasusukat Ang Pagmamahal Sa Pagsunod (Huwebes, Pagkatapos ng Miyerkules ng Abo)

Sinabi pa niya sa kanila, "Ang Anak ng Tao'y dapat magdanas ng matinding hirap. Itatakwil siya ng mga pinuno ng bayan, ng mga punong pari at ng mga tagapagturo ng Kautusan. Siya ay ipapapatay nila ngunit sa ikatlong araw ay muli siyang bubuhayin ng Diyos." At sinabi niya sa kanilang lahat, "Ang sinumang nagnanais sumunod sa akin ay kinakailangang itakwil niya ang kanyang sarili, pasanin araw-araw ang kanyang krus, at sumunod sa akin. Ang naghahangad na magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito, ngunit ang mawalan ng kanyang buhay alang-alang sa akin ay magkakamit nito. Ano nga ang mapapala ng tao, makamtan man niya ang buong daigdig kung ang mapapahamak naman ay ang kanyang sarili. Kapag ako at ang aking mga salita ay ikakahiya ninuman, ikakahiya rin siya ng Anak ng Tao pagparito niya na taglay ang kanyang karangalan at ang karangalan ng Ama at ng mga banal na anghel. Sinasabi ko sa inyo ang totoo: may ilan sa inyo ritong hindi mamamatay hangga't hindi nila nakikitang naghahari ang Diyos." - Lucas 9:22-25 (ABMBB)

 Gaano nga ba kamahal natin ang isang tao? Kadalasan, ang pagpapakita ng ating pagmamahal ay nasusukat sa kung paano natin tinutupad ang pangako o ang kundisyon na hinihingi nila. Ang isa sa halimbawa nito ay ang pagliligawan. Kapag nanliligaw ang isang lalaki sa isang babae, ay ibinibigay talaga nito ang lahat ng kaya niyang ibgay sa kanyang nililigawan. Katulad ng bulaklak, tsokolate, stuff toys, at kung anu-ano pa ang ireregalo niya, para lamang mapasagot ang kanyang nililigawan. Naalala ko tuloy ang ligawan ng ating mga lolo at lola, na bago nila maging kasintahan ang kanilang nililigawan, ay narito na ang manliligaw ay magsasalok ng tubig, magsisibak ng kahoy, maglilingkod sa pamilya ng babae, upang hindi lamang makita ang pagiging matiyaga niya sa panliligaw, kundi ay makita rin ng pamilya ng babae kung gaano kasipag  karesponsable ang lalaki na nagpapakita ng kakayahan nitong itaguyod at buhayin ang pamilya na bubuuin niya. Sa pamamagitan nito, ay nasusukat kung gaano kalaki at kainit ang pagmamahal na dapat makita sa isang taong pagmamahal.

Sa ating Mabuting balita sa araw na ito, ay ipinapahayag ni Jesus sa kanyang mga alagad ang kanyang sasapiting pagpapakasakit at kamatayan. At sa kanyang pagpapakasakit, ay ipinahayag niya sa kanila na kung ano ang kanyang kasasapitan sa hinaharap, ay siyang dadanasin rin ng mga taong susunod sa kanya. At upang masukat ang pagsunod, ay tatlo ang hinihingi niya sa atin, ang paglimot sa sarili, sa paraang pagsunod natin sa kanyang kalooban at talikuran ang pansariling kalooban, na siyang maglalayo sa atin sa Diyos at kapwa. Pasanin ang Krus, ang krus ng mga pagsubok at pag-uusig habang sumusunod tayo sa kalooban ng Diyos. At ang pagsunod sa kanya, na manatili tayong nakatuon at laging nanatili sa kanyang piling habang sinusundan natin siya at binabata ang mga pagsubok at pag-uusig sa pagiging alagad niya. At sa ating pagsunod nito, ay may pangako siyang nakalaan dito. Ang sinumang hindisusunod, ay mapapahamak, bunga ng kasalanan na kanyang nagawa. Ang sumusunod naman ay may pangakong buhay na walang hanggan, dahil sa pananatili niya sa Diyos. Ipinapakita sa atin ng ating Panginoon ang sukatan ng pagiging alagad niya, sa pamamagitan ng tatlong kundisyon na dapat makita sa isang nagnanais sumunod sa kanya, upang makita ang larawan ng Diyos na inaasahan niya sa mga susunod sa kanya, at ang lalim ng ating pagmamahal sa kanya, kagaya ng kanyang ipinakita niya sa atin na humantong sa kanyang pagpapakasakit sa Krus.

Nawa'y makita sa atin ang pagiging tunay na alagad sa pamamagitan ng tatlong jundisyon ni jesus sa ating mabuting balita ngayon. Upang sa gayon, makita nila ang larawan ng Diyos na nagtiis sa atin at nagpamalas ng kanyang pagmamahal sa lahat, sa pamamagitan ng ating tuay na pagtataya ng ating sarili para sa Diyos at sa ating kapwa.

Wednesday, March 9, 2011

Pagpapakumbaba Tungo sa Pagbabago (Miyerkules ng Abo)

"Pag-ingatan ninyong hindi pakitang-tao lamang ang paggawa ninyo ng mabuti. Kapag ganyan ang ginawa ninyo, wala kayong matatamong gantimpala buhat sa inyong Ama na nasa langit.  "Kaya nga, kapag naglilimos ka, huwag mo nang ipag-ingay pa gaya ng ginagawa ng mga mapagkunwari. Naglilimos sila sa mga sinagoga at sa mga lansangan upang sila'y mapuri ng mga tao. Tandaan ninyo: tinanggap na nila ang kanilang gantimpala. Sa halip, kapag naglilimos ka, huwag mo nang ipaalam ito sa pinakamatalik mong kaibigan. Gawin mong lihim ang iyong paglilimos at ang iyong Ama na nakakakita ng kabutihang ginagawa mo nang lihim ang siyang magbibigay ng gantimpala sa iyo."  "Kapag nananalangin kayo, huwag kayong tumulad sa mga mapagkunwari. Mahilig silang manalanging nakatayo sa mga sinagoga at sa mga kanto upang makita ng mga tao. Tandaan ninyo: tinanggap na nila ang kanilang gantimpala. Ngunit kapag mananalangin ka, pumasok ka sa iyong silid at isara mo ang pinto. Saka ka manalangin sa iyong Ama na hindi mo nakikita, at ang iyong Ama na nakakakita ng ginagawa mo sa lihim ang siyang magbibigay sa iyo ng gantimpala.  "Kapag kayo'y nag-aayuno, huwag kayong magmukhang malungkot tulad ng mga mapagkunwari. Hindi sila nag-aayos ng sarili upang mapansin ng mga tao na sila'y nag- aayuno. Tandaan ninyo: tinanggap na nila ang kanilang gantimpala. Sa halip, kapag nag-aayuno ka, maghilamos ka, lagyan mo ng langis at ayusin mo ang iyong buhok upang huwag mapansin ng mga tao na ikaw ay nag-aayuno. Ang iyong Ama na hindi mo nakikita ang tanging makakaalam nito. Siya, na nakakakita ng ginagawa mo nang lihim, ang siyang magbibigay ng gantimpala sa iyo." - Mateo 6:1-6;16-18 (ABMBB)

Ngayong araw na ito ay pumapasok na ang ating inang simbahan sa panahon ng Kwaresma. Sa panahong ito ay pinagninilayan natin ang ating sarili kung kamusta na ang ating pakikipagrelasyon natin sa Diyos. Sa panahon ring ito ay pinagninilayan rin natin ang pagmamahal ng Diyos sa atin at kung gaano kalaki ang pagmamahal ng Diyos sa atin, na humantong sa pag-aalay ng buhay ng sariling anak niya upang maibalik sa atin ang pag-asa sa buhay na walang hanggan at mabalik uli ang nasirang realsyon natin sa Diyos na matagal nang nawala mula pa sa pagsuway ng ating unang magulang sa halamanan ng Eden. At dahil sa pag-aalay ni Jesus ng kanyang buhay sa atin, ay binabalikan at ipinapaalala sa atin ng panahong ito ang kanyang pagliligtas sa atin at pakumbabang hingin natin ang kapatawaran sa panahong sinasayang natin ang pagkakataon ng kaligtasang iniaalok niya sa atin dahil sa ating mga pansariling kalooban na naghahatid sa atin sa pagkakasala at pagkasira ng ating mga buhay.


Ngayon ay sinisumulan natin ang kwaresma sa pamamagitan ng pagpapahid ng abo sa noo. Ang abo ay nagpapaalala sa atin na kung paano tayo nilalang ng Diyos sa pamamagitan ng alabok, ay magbabalik tayo sa alabok. Ang buhay natin ay parang isang bula o usok, maya-maya ay nariyan, ngunit, hindi magtatagal, ay kaagad mawawala. Sa abong ipapahid sa atin, ay ipinapaalala sa atin ang ikli ng ating buhay, at kung paano ito naging makabuluhan sa Diyos, sa kapwa at sa ating sarili.

Kung kaya nanawagan sa atin ng mga pagbasa ngayon ang panawagan sa atin ang magsisi at pakumbabang magbalik loob tayo sa kanya. Sa unang pagbasa, ay nanawagan ang Diyos sa pamamagitan ni Propeta Joel na magsisi at manumbalik sa Diyos nang taos at pakumbabang isagawa ito. Sapagkat dahil sa pagkakasala nila, ay ninanais ng Diyos na magsisi ang lahat, dahil ayaw ng Diyos na mapahamak ang bawat isa dahil sa kasalanan, at mamuhay ng maayos sang-ayon sa kanyang kalooban na maging mabuti at payapa ang bawat sa. Kung kaya sa salmong tugunan, ay may kababaang loob na dumadaing ang salmista na patawarin siya sa kanyang kasalanan, dahil sa kanyang pagkakamailng nagawa. Sa ikalawang pagbasa, ay pakumbabang nanawagan si San Pablo na huwag sayangin ang bawat pagkakataon na ibinibihgay ng Diyos para makipagkasundo ang lahat sa kanya. Ipinapakita niya rito ang pagbabalik-loob ay ayusin muli ang asirang relasyon natin sa kanya at manumbalik, habang may panahon pa. Sa ating Mabuting Balita sa araw na ito, ay mariing sinasabi ni Jesus na maging mapagpakumbaba ang bawat isa, at huwag magmataas o magyabang kapag gumagawa ng gawang kabutihan katulad ng paglilimos, pananalangin, at pag-aayuno. Sapagkat ang pagpapakabuti ay pagpapakita ng ating pagmamahal sa Diyos at kapwa, at hindi pagmamataas. Sa ating pagpapakumbaba, ay inaaamin natin at ipinapakita ang ating kababaang loob, at ang ating pagnanais na manumbalik at makipagkasundo sa kanya, at ang tahasang pag-amin natin sa ating mga pagkukulang sa kanya at ninanais nating ibalik muli ang nawalay at narira nating pakikipag-ugnayan sa Diyos at sa kapwa.

Nawa'y samantalahin natin ang bawat pagkakataong manumbalik sa kanya, buong kababaang loob na hingin ang kapatawaran at muling isaayos ang ating buhay bunga ng ating nagawang kasalanan habang may panahon pa. Dahil ang buhay natin ay pansamanala lamang, at hindi natin pagsisihan ang mga bagay na mabuti na sana ay ating naisagawa at ang mga masamang bagay na dapat nating naiwasan bunga ng kasalanan.