Friday, March 11, 2011

Pagpapakatotoo Sa Bawat Sakripisyo (Biyernes, Pagkatapos ng Miyerkules ng Abo)

"Lumapit kay Jesus ang mga alagad ni Juan na Tagapagbautismo, at siya'y tinanong, "Kami po ay madalas na mag-ayuno, gayundin ang mga Pariseo, ngunit bakit hindi po nag-aayuno ang inyong mga alagad?" Sumagot siya, "Dapat bang malungkot ang mga panauhin sa kasalan habang kasama pa nila ang lalaking ikinasal? Kapag wala na ito, saka pa lamang sila mag-aayuno." - Mateo 9:14-15 (ABMBB) 


Ang pag-aayuno ay isa sa mga pinakakilalang pagsasakripisyo ng lahat ng relihiyon dito sa mundo. Sapagkat ang pag-aayuno o fasting ay ang isang paraan ng pagpipigil sa sarili nating kagustuhan na nagbibigay kaluguran sa ating katawan. Ang pag-aayuno ay laging nakaugnay sa ating pagkain. Sa panahon ng pag-aayuno, ay laging kaunti o nagaan lang ang ating kinakain, bilang isang pagsasakripisyo natin sa Diyos. Nakakalungkot nga lang na marami sa atin ang hindi nauunawaan ang tunay na pag-aayuno. May ilan na nag-aayuno, pero malungkot naman ang mukha. may ilan naman sa kanila ang nag-aayuno, ngunit, hindi naman nagpipigil sa sa sobra sa kanilang buhay. Hindi ang sa pagkain, kundi sa kanilang luho sa katawan, maling pakikitungo sa kapwa, ay hindi nila mapigilan. Samakatuwid, ay hindi umaayon sa kanilang buhay ang tunay na diwa ng pagsasakripisyo na kanilang ipinatutungkol sa Diyos. Ipinapakita lang nila na ginagawa nila ito para hangaan lang sila ng mga tao at masabing sila ay banal at tumutupad sa kalooban ng Diyos.

Ipinapakita sa atin ng mga pagbasa ngayon, lalo na sa ating unang pagbasa ngayon na hango sa aklat ni Propeta Isaias, na kung saan, ay ipinapahayag ng propeta ang maling ginagawang pag-aayuno ng bayang Israel. Sapagkat nag-aayuno sila, ngunit, hindi naman nila isinasabuhay ang tunay na diwa nito. Bagaman sila ay nag-aayno o nagsasakripisyo para sa Diyos, ay patuloy pa rin silang gumagawa ng masama sa kapwa at nilalabag ang tunay na utos ng Diyos: Ang Mahalin ang Ating Kapwa. Kung kaya, ipinakilala ng ating Panginoon ang tunay na pag-aayuno: ang pagmamalasakit sa kapwa, pagtulong sa mga ulila't balo, ang huwag mang-api ng kapwa at maging maibigin sa lahat. At sa papagitan nito, ay nagiging tanglaw sila sa lahat, nagdudulot ng biyaya at pag-asa sa mga taong tunay na nangangailangan ng habag na siyang ninanais ng aing panginoon. Ipinapakita niya rito na ang tunay na pagsasakripisyo ay ang pag-aalay ng ating sarili sa kapwa, ang pagbabawas ng ating luho at personal na kapakinabangan upang ang lahat ay makinabang sa biyayang natatanggap natin sa kanya. Matutunghayan natin sa ating Ebanghelyo sa araw na ito na lumapit ang alagad ni Juan kay Jesus at itinanong kung bakit hinhi siya nag-aayuno at ang kanyang mga alagad, di tulad ng ginagawa niya. Sinagot ito ni Jesus sa pamamagitan ng paghahalimbawa ng isang lalaking ikakasal. Hangga't nandiyan pa yung lalaking ikakasal, ay dapat magsaya, ngunit kapag umalis na ang lalaki, ay saka sila mag-ayuno. Inilalarawan ni jesus ang kanyang sarili sa lalaking ikakasal. Dapat sa na magsaya, sapagkat nasa piling nila si Jesus-ang anak ng Diyos. Ipinapakita niya rito sa atin na dapat ay isaalang-alang natin ang tunay na kahulugan ng pag-aayuno at ang ating pagsasakripisyo sa Diyos, sa pamamagitan ng tunay na pagsasabuhay ng diwa nito, hindi lamang sa pagsasagwa ng gawaing ito na hindi naman nakikita ang tunay na kabuluhan nito, ang tunay na kahulugan at layunin ng ating sakripisyo.

Nawa sa panahong ito ng Kwaresma, ay maging aral sa atin ang kahulugan ng ting mga sakripisyo sa Diyos, sa pamamagitan ng pgsasabuhay ng diwa nito. Sapagkat kung paanong sa pamamagitan ng pag-aalay ni Cristo ng kanyang sarili sa atin, ay nagkaroon tayo ng buhay na walang hanggan, ang ating sakripisyo rin, ay magbigay buhay din sa iba, sa pamamagitan ng pagkakaloob ng maari nating ibigay sa kanila nang kusa at walang kundisyon. Upang magdulot ito sa kanila ng buhay na puno ng pag-asa at pagmamahal na kanilang kinakailangan.

No comments:

Post a Comment