Saturday, March 12, 2011

Matutong Manindigan Sa Kabutihan (Unang Linggo ng Kwaresma, Taon A)

Pagkatapos, si Jesus ay dinala ng Espiritu sa ilang upang tuksuhin ng diyablo. Siya'y nag-ayuno sa loob ng apatnapung araw at apatnapung gabi kaya't siya'y nagutom. Dumating ang diyablo at sinabi sa kanya, "Kung ikaw ang Anak ng Diyos, gawin mo ngang tinapay ang mga batong ito." Ngunit sumagot si Jesus, "Nasusulat, 'Ang tao'y hindi lamang sa tinapay nabubuhay, kundi sa bawat salitang nagmumula sa bibig ng Diyos.' " Pagkatapos, dinala siya ng diyablo sa Jerusalem, ang banal na lunsod, at pinatayo sa taluktok ng Templo. Sinabi nito sa kanya, "Kung ikaw ang Anak ng Diyos, magpatihulog ka, sapagkat nasusulat, 'Sa kanyang mga anghel, ika'y itatagubilin,at sa kanilang mga kamay, ika'y aalalayan, nang sa mga bato, paa mo'y hindi masasaktan.' " Ngunit sumagot si Jesus, "Nasusulat din naman, 'Huwag mong susubukin ang Panginoon mong Diyos.' " Pagkatapos, dinala naman siya ng diyablo sa isang napakataas na bundok at ipinakita sa kanya ang lahat ng kaharian sa daigdig at ang kapangyarihan ng mga ito. Sinabi ng diyablo sa kanya, "Ibibigay ko sa iyo ang lahat ng ito kung magpapatirapa ka at sasamba sa akin." Kaya't sumagot si Jesus, "Lumayas ka Satanas! Sapagkat nasusulat, 'Ang Panginoon mong Diyos ang dapat mong sasambahin. At siya lamang ang dapat mong paglilingkuran.'"  Pagkatapos, iniwan na siya ng diyablo. Dumating naman ang mga anghel at siya'y pinaglingkuran nila. - Mateo 4:1-11 ABMBB)


Likas na sa bawat tao na gawin niya ang bawat bagay na maibigan niya. Ito ang kalayaang ipinagkaloob ng Diyos sa atin, upang malaman natin ang kung ano ba ang mga bagay na tunay na magdudulot sa atin ng kaligayahan at katiwasayan. Subalit, nakakalungkot na sa twing hinanahanap natin ito, ay hindi na natin tinitimbang kung alin nga ba ang tama, maganda at mabuti sa ating paningin. Kung minsan, kung alin ang kaakit-akit sa ating paningin at nasasabi nating maganda ito, ay ito ang ating pinipili, at hindi na isinasaalang-alang ang magiging bunga nito sa ating buhay. Kahit na alam natin na ito ay makakasama sa atin, kahit pansamantalang kaligayan at pangmatagalang kasawian ang dulot nito sa atin, ay ayos lang. Nakakalungkot rin na minsan ay ipinagpapalit natin ang pansariling kaligayahan sa mga mabuting panuntunan na ating natutunan sa ating mga magulang, simbahan at sa paaralan, dahil na rin sa kalakaran ng mundong ito na ating kinahuhumalingan at mga bagay na nakakaakit sa ating paningin. Nawawal na ang ating paninindigan sa pagpili sa mabuti dahil dito.

Matutunghayan natin sa Unang Pagbasa at sa ating Mabuting Balita ngayong Unang Linggo ng Kwaresma ang dalawang senario ng pagtukso ng Diyablo sa atin. Sa Unang pagbasa, ay ipinapakita rito ang pagtukso ng Diyablo sa ating unang magulang na sina Adan at Eba. Palibhasa, ay mas ninais nila na maging marunong, at nagpaakit sa karuningang sa tingin nila ay makakabuti sa kanila, at hindi na isinaalang-alang ang kaluwalhatian na tinaglay nila, ay nagpaakit sa tukso, at lumabag sa utos ng Diyos. Ipinapakita nila rito ang kanilang pagnanais na maging kapantay ng iyos sa pamamagitan ng pagtatamo ng karunungan at kaalaman na wala sila, ay ninais nilang maging kapantay ng Diyos, na sa tingin nila ay makakabuti sa kanila. At dahil dito, ay inalis sa kanila ng Diyos ang kaluwalhatiang tinaglay nila, at namuhay sa kahirapan, bunga ng pagsuway. Sa ating Mabuting Balita ngayon, ay ipinapakita sa atin ang pagtukso ng diyablo kay Jesus. Dahil sa apatnapung araw ng pag-aayuno ng ating Panginoon, ay tinukso siya ng diyablo upang maibsan ang hirap na kanyang pinagdaraaanan. Inalok sa kanya una na gawing tinapay ang bato, upang maibsan ang gutom niya. Ang unang tukso ay ang pagkahumaling sa mga bagay na materyal na sa tingin natin, ito lamang ang kailangan natin upang mabuhay rito sa mundo. Itinugon ng ating Panginoon na hindi lamang sa tinapay nabubuhay ang tao, kundi sa salita ng Diyos. Ipinapakita niya rito na hindi sapat ang pagtataglay ng diwang materyalismo ang pamantayan ng buhay sa mundo, kundi ang Salita ng Diyos na umaaliw sa atin, nagpapalakas at nagtuturo sa atin ng tamang pamantayan upang maging maayos at makabuluhan ang ating buhay. Sa ikalawang tukso ay dinala siya ng diyablo sa tuktok ng templo, at hinamong magpatihulog, upang malaman kung talagang iniingatan siya nd Diyos. At upang maging matibay at nakakakumbinsi ang tuksong ito, ay ginamit niya ang talata sa Awit 91:11-12. Ang tuksong ito nagpapakita sa pag-aalinlangan sa kapangyarihan ng Diyos dahil na rin sa mga pagsubok at hirap na ating pinagdaanan. Subalit, dahil sa malalim na ugnayan ni Jesus at ng Diyos Ama, ay itinugon niya rito na huwag subukin ang Diyos. Ang sagot na ito ay malinaw na hindi dapat ilagay natin ang ating sarili sa pag-aalinlangan sa kapangyarihan ng Diyos sa atin, sapagkat ang bawat pagsubok ay isang hamon sa atin na magpapakita kung gaano kalalim ang pag-ibig natin sa Diyos, at hindi lamang natin siya minamahal sa panahong maginhawa ang ating buhay. At sa huli, ay inalok siya ng lahat ng luho, kapangyarihan, at yaman ng mundo, basta ay piliin ang demonyo at siya ang paglingkuran. Hindi tinutukoy rito na asama ang kayamanan sa mundong ito  ang pagiging mayaman, kundi ang pagiging sakim, na dahil sa paghahangad ng yaman ng mundo, ay nakahandang ipagpalit ang lahat, basta makamtan ang yaman at kapangyarihan na hinahangad. Dahil dito, ay pinalayas ni Jesus ang diyablo at itinugon na ang Diyos lamang ang sambahin at purihin, hindi ang kayamanan. Ipinapakita rito sa atin na hindi dapat ang yaman, kapangyarihan ang maging diyos natin. Diyos na magpapatakbo at magdidikta sa ating buhay, kundi ang Diyos na nagkaloob ng lahat ng ito ang dapat na maghari sa buhay natin. Sapagkat ang lahat ng ito ay pansamantala lamang at hindi maghahatid sa atin sa tunay na kaligayahan, hindi tulad ng Diyos na sa kanya lamang natin matatagpuan ang kaligayahang ating minimithi. Ipinapakita sa atin ng dalawang pagbasa ang pagharap sa tukso. Sa una ay ang karupukan ng tao, dahil sa maling batayan niya ng kaligayahan na ninanais at sa Ebanghelyo, na manindigan sa mabuti, sapagkat ang lahat ng bagay rito sa mundo ay hindi tunay na magdudulot sa atin ng tunay na kaligayahan, at anging sa Diyos natin ito matatagpuan.

Sa ating ikalawang pagbasa, ay ipinapahayag sa atin ang masaganang biyayang Diyos sa atin. Sa kabila ng ating mga pagkukulang at pagsuway, ay narito na binibigyan niya tayo ng pagkakataong maligtas, sa pamamagitan ng pagtubos ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Ipinapakita rito ang habag ng Diyos sa atin, na ninanais niya ayong maligtas at huwag mapahamak. Ito ang panawagan sa atin ngayong kwaresma. At sa ating salmong tugunan, ay pakumbabang nagsisisi ang salmista sa kasalanang nagawa niya, at kinikilala niya ang pag-ibig ng Diyos dahil sa pagkakataong ibinigay niya sa kanya.

Nawa'y matuto tayong manindigan sa pagpili sa kabutihan at hindi lamang sa kung ano ang tunay na makakapagpasaya sa atin. Sapagkat ang tunay na kaligayahan ay matatagupan lamang sa Diyos na nagdudulot sa atin ng lahat ng kabutihan, tulad ng isang mabuting ama sa kanyang anak, at nagnanais na huwag mapahamak, kundi ang mabuhay sa kabutihan at kasagaan.   

No comments:

Post a Comment