Sinabi pa niya sa kanila, "Ang Anak ng Tao'y dapat magdanas ng matinding hirap. Itatakwil siya ng mga pinuno ng bayan, ng mga punong pari at ng mga tagapagturo ng Kautusan. Siya ay ipapapatay nila ngunit sa ikatlong araw ay muli siyang bubuhayin ng Diyos." At sinabi niya sa kanilang lahat, "Ang sinumang nagnanais sumunod sa akin ay kinakailangang itakwil niya ang kanyang sarili, pasanin araw-araw ang kanyang krus, at sumunod sa akin. Ang naghahangad na magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito, ngunit ang mawalan ng kanyang buhay alang-alang sa akin ay magkakamit nito. Ano nga ang mapapala ng tao, makamtan man niya ang buong daigdig kung ang mapapahamak naman ay ang kanyang sarili. Kapag ako at ang aking mga salita ay ikakahiya ninuman, ikakahiya rin siya ng Anak ng Tao pagparito niya na taglay ang kanyang karangalan at ang karangalan ng Ama at ng mga banal na anghel. Sinasabi ko sa inyo ang totoo: may ilan sa inyo ritong hindi mamamatay hangga't hindi nila nakikitang naghahari ang Diyos." - Lucas 9:22-25 (ABMBB)
Gaano nga ba kamahal natin ang isang tao? Kadalasan, ang pagpapakita ng ating pagmamahal ay nasusukat sa kung paano natin tinutupad ang pangako o ang kundisyon na hinihingi nila. Ang isa sa halimbawa nito ay ang pagliligawan. Kapag nanliligaw ang isang lalaki sa isang babae, ay ibinibigay talaga nito ang lahat ng kaya niyang ibgay sa kanyang nililigawan. Katulad ng bulaklak, tsokolate, stuff toys, at kung anu-ano pa ang ireregalo niya, para lamang mapasagot ang kanyang nililigawan. Naalala ko tuloy ang ligawan ng ating mga lolo at lola, na bago nila maging kasintahan ang kanilang nililigawan, ay narito na ang manliligaw ay magsasalok ng tubig, magsisibak ng kahoy, maglilingkod sa pamilya ng babae, upang hindi lamang makita ang pagiging matiyaga niya sa panliligaw, kundi ay makita rin ng pamilya ng babae kung gaano kasipag karesponsable ang lalaki na nagpapakita ng kakayahan nitong itaguyod at buhayin ang pamilya na bubuuin niya. Sa pamamagitan nito, ay nasusukat kung gaano kalaki at kainit ang pagmamahal na dapat makita sa isang taong pagmamahal.
Sa ating Mabuting balita sa araw na ito, ay ipinapahayag ni Jesus sa kanyang mga alagad ang kanyang sasapiting pagpapakasakit at kamatayan. At sa kanyang pagpapakasakit, ay ipinahayag niya sa kanila na kung ano ang kanyang kasasapitan sa hinaharap, ay siyang dadanasin rin ng mga taong susunod sa kanya. At upang masukat ang pagsunod, ay tatlo ang hinihingi niya sa atin, ang paglimot sa sarili, sa paraang pagsunod natin sa kanyang kalooban at talikuran ang pansariling kalooban, na siyang maglalayo sa atin sa Diyos at kapwa. Pasanin ang Krus, ang krus ng mga pagsubok at pag-uusig habang sumusunod tayo sa kalooban ng Diyos. At ang pagsunod sa kanya, na manatili tayong nakatuon at laging nanatili sa kanyang piling habang sinusundan natin siya at binabata ang mga pagsubok at pag-uusig sa pagiging alagad niya. At sa ating pagsunod nito, ay may pangako siyang nakalaan dito. Ang sinumang hindisusunod, ay mapapahamak, bunga ng kasalanan na kanyang nagawa. Ang sumusunod naman ay may pangakong buhay na walang hanggan, dahil sa pananatili niya sa Diyos. Ipinapakita sa atin ng ating Panginoon ang sukatan ng pagiging alagad niya, sa pamamagitan ng tatlong kundisyon na dapat makita sa isang nagnanais sumunod sa kanya, upang makita ang larawan ng Diyos na inaasahan niya sa mga susunod sa kanya, at ang lalim ng ating pagmamahal sa kanya, kagaya ng kanyang ipinakita niya sa atin na humantong sa kanyang pagpapakasakit sa Krus.
Nawa'y makita sa atin ang pagiging tunay na alagad sa pamamagitan ng tatlong jundisyon ni jesus sa ating mabuting balita ngayon. Upang sa gayon, makita nila ang larawan ng Diyos na nagtiis sa atin at nagpamalas ng kanyang pagmamahal sa lahat, sa pamamagitan ng ating tuay na pagtataya ng ating sarili para sa Diyos at sa ating kapwa.
No comments:
Post a Comment