"Pagkaraan ng anim na araw, isinama ni Jesus si Pedro at ang magkapatid na Santiago at Juan, at sila'y umakyat sa isang mataas na bundok. Habang sila'y naroroon, nakita nilang nagbago ang anyo ni Jesus, nagliwanag na parang araw ang kanyang mukha at nagningning sa kaputian ang kanyang damit. Nakita na lamang ng tatlong alagad sina Moises at Elias na nakikipag-usap kay Jesus. Sinabi ni Pedro kay Jesus, "Panginoon, mabuti't naririto kami. Kung gusto ninyo, gagawa ako ng tatlong kubol, isa para sa inyo, isa para kay Moises at isa para kay Elias." Habang nagsasalita pa si Pedro, nililiman sila ng napakaliwanag na ulap. Mula rito'y may tinig na nagsabi, "Ito ang minamahal kong Anak na lubos kong kinalulugdan. Pakinggan ninyo siya!" Nang marinig ng mga alagad ang tinig, labis silang natakot at nagpatirapa. Ngunit nilapitan sila ni Jesus at hinawakan. "Tumayo kayo, huwag kayong matakot!" sabi niya. Nang tumingin sila, si Jesus na lamang ang kanilang nakita. Habang sila'y bumababa sa bundok, iniutos sa kanila ni Jesus, "Huwag ninyong sasabihin kaninuman ang inyong nasaksihan hangga't hindi muling nabubuhay ang Anak ng Tao." - Mateo 17:1-9 (ABMBB)
Ang buhay natin sa mundo ay maituturing na isang paglalakbay patungo sa lugar na nais nating puntahan. Sabi nga sa sulat sa mga Hebreo, "Sapagkat hindi rito sa lupa ang palagiang bayan natin, at ang hinahanap natin'y ang bayang masususmpungan sa panahong darating" (Hebreo 13:14 MBB). Kung kaya sa turo ng ating simbahan, tao ay bahagi sa Simbahang naglalakbay o Church Militant. Sapagkat habang inaasam nating marating ang kadakilaan at kaluwalhatiang naghihintay sa atin, ay may mga hamon at pagsubok na dumarating sa ating paglalakbay na ito, na siyang nagpapabigat sa ating paglalakbay. Kung minsan pa nga, ay tila baga mahirap at imposibleng marating ito, dahil na rin sa hindi natin mapigilan at maiwasan ang mga hamong ito. Subalit, sa pamamagitan ng mga hamong ito, ay naipapakita natin sa Diyos ang ating dedikasyon at tunay na hangaring marating at matamo ang buhay na walang hanggan na kanyang ninanais sa atin at atin rin namang inaasam.
Sa ating mga pagbasa ngayon, ay makikita natin ang ilang tagpo na nagpapakita ng kanilang matagumpay sa misyon ng Diyos sa kanila na maihahalintulad natin sa isang matagumpay na paglalakbay. Sa unang pagbasa, ay makikita natin si Abram na inutusan ng ating Panginoong Diyos na lisanin niya ang kanyang pamilya at bumuo ng isang sambahayan. Sapagkat sa kanya magmumula ang bagong bayan ng Diyos, ang bayang Israel. Bagaman hindi tiyak ni Abram kung saang lugar siya titira, dahil hindi sinabi ng Diyos ang tanging lugar kung saan niya itatayo ang bayang ito, at sa kanyang katandaan at walang kakayahan nang magkaroon ng anak sa paningin niya at ng marami, ay sumunod ng lubos siya. At kung babasahin natin ang kanyang kasaysayan, ay ipinakita ng Diyos ang kanyang katapatan sa kanyang pangako. Hindi niya pinabayaan si Abram sa lahat nitong pangangailangan. Bagaman hindi niya nakita't naabutan ang bayang ito, ay namamalagi ang kanyang pananampalataya sa pangako ng Diyos, at ito ay kanyang napatunayan nang isilang ng kanyang asawa na si Sarai ang kanilang anak na si Isaac. At dahil sa kanyang pananampalataya, ay kinilala ito ng lahat ng sumasampalataya sa Diyos, at ginamit siyang halimbawa ni San Pablo na halimbawa ng tunay na pananampalataya sa Diyos (Roma 4). Ang pagkakaroon ng ugaling katulad ni Abram ay mas lalong binigyang diin sa ating Salmong Tugunan. Binibigyang diin ng salmista ang katapatan ng Diyos sa lahat ng sumusunod at nagtitiwala sa kanya. Kung kaya, tayo ay inaanyayahan na maging tapat at patuloy tayong maging matatag sa ating pananampalataya, sapagkat and Diyos ang siyang magkakaloob ng ating pangangailangan at gantimpala sa ating pananatiling tapat sa kanya. Sa ating Ebanghelyo sa araw na ito, ay makikita natin ang pagbabagong-anyo ni Jesus sa bundok, kasama sila Pedro, Santiago, at Juan. Nasaksihan ng kanyang mga alagad ang pagbabagong anyong ito ng ating Panginoon, ang kanyang kadakilaan at kaluwalhatian. Nakita rin nila na kausap si Moises at Elias. Ang tagpong ito ay nagpapakita sa atin ng kadakilaan ng ating Panginoon, ang kanyang kaluwalhatian pagdating ng kanyang paghahari sa sanlibutan. Subalit, bago niya marating ito, ay magdaranas muna siyang paghihirap at pagpapakasakit. Ang bundok na kanyang tinungo, ay isang anyo o larawan ng kanyang pagpapakasakit, katulad ng kanyang paglalakbay mula sa Jerusalem, patungo sa Golgota, ang dako ng kanyang pag-aalay ng sarili para sa ating lahat. Ang dalawang dakilang tao na kausap ni Jesus na sil Moises at Elias ay kumakatawan sa batas at sa propeta, na siyang pinakamahalagang saligan ng pananampalataya ng mga Judio. Ipinapakita rito na si Jesus ang katuparan ng Batas sa Lumang Tipan, at siya ang hinulaan ng mga propeta na lingkod ng Diyos na magpapakasakit para mabigyang buhay ang lahat. At ang tinig ng Diyos na kanilang narinig ay isang pagpapakita ng kaluwalhatiang ibinigay ng Diyos sa kanyang anak na si Jesus, na siyang naglalarawan ng pagtatampok ng Diyos sa kanya sa huling araw, at pagpapakita ng kanyang kaluwalhatian at kadakilaang mamamalas natin pagdating ng takdang panahon. Ang kadakilaang ito ay inilalarawan sa ating ng ikalawang sulat ni San Pablo kay Timoteo sa ikalawang pagbasa ang tagumpay ni Jesus sa kanyang kamatayan, at ang pagkalupig sa lahat ng mga kaaway. Ang tagumpay na ito ay paghahayag ng kagandahang loob niya sa atin, kung kaya pinapayuhan niya si Timoteo na makibahagi sa pagliligtas ng Diyos sa lahat, sa pamamagitan ng pagsasabuhay ng mabuting balita yamang siya rin ay tinubos sng dugo ni Cristo. Ang mga pagbasang ito ay nagpapaalala sa atin ngayong kwaresma, na bagaman maraming pagsubok, ay nararapat tayong maging matatag at matapat, sapagkat sa ating pagiging matapat, ay nakikibahagi tayo sa paghihirap ni Cristo, at tulad niya, ay makikibahagi rin tayo sa kadakilaan na kanya rin tinamo, ang muling pagkabuhay at pagtataglay ng buhay na walang hanggan.
Nawa sa panahong ito ng Kwaresma, ay maging inspirasyon natin ang mga pagbasa sa araw na ito na maging matatag at huwag malawan ng pag-asa sa ating paglalakbay sa mundong ito. Sapagkat ang ating pagiging tapat sa pananampalataya ay maghahatid sa atin tungo sa kadakilaan na ating ninanais, at pagtitiwala sa katapatan ng Diyos na tunay nagkakaloob ng ganitmpala sa tunay na nanatiling tapat sa kanya.
No comments:
Post a Comment