Tuesday, March 22, 2011

Lahat Mahalaga (Martes, Sa Ikalawang Linggo ng Kwaresma, Taon I)

Pagkatapos ay sinabi ni Jesus sa mga tao at sa kanyang mga alagad, "Ang mga tagapagturo ng Kautusan at ang mga Pariseo ang kinikilalang tagapagpaliwanag ng Kautusan ni Moises. Kaya't gawin ninyo ang itinuturo nila at sundin ang kanilang iniuutos, ngunit huwag ninyong tularan ang kanilang ginagawa sapagkat hindi nila tinutupad ang kanilang ipinapangaral. Pinagpapasan nila ng mabibigat na dalahin ang mga tao, ngunit ni daliri ay ayaw nilang igalaw upang tumulong sa pagdadala ng mga iyon. Pawang pakitang-tao ang kanilang mga gawa. Nilalaparan nila ang mga lalagyan ng talata sa kanilang noo at braso, at hinahabaan ang palawit sa laylayan ng kanilang mga damit.  Ang nais nila ay ang mga upuang pandangal sa mga handaan at ang mga tanging upuan sa sinagoga. Gustung-gusto nilang iginagalang sila sa mga palengke, at tawaging 'guro.'  Ngunit kayo, huwag kayong patawag na 'guro,' sapagkat iisa ang inyong Guro at kayong lahat ay magkakapatid.  Huwag ninyong tawaging ama ang sinumang tao sa lupa sapagkat iisa ang inyong Ama, ang Ama na nasa langit. Huwag kayong patawag na tagapagturo, sapagkat iisa ang inyong tagapagturo, ang Cristo.  Ang pinakadakila sa inyo ay magiging lingkod ninyo. Ang nagmamataas ay ibababa, at ang nagpapakumbaba ay itataas."- Mateo 23:1-12 (ABMBB)

Lahat tayo ay nagnanais na maging maganda ang ating katayuan sa buhay. Kung kaya marami sa atin ang nagsisikap upang maging maganda an ating reputasyon sa ating kapwa. Ito ay nagpapakita lamang na ginagamit natin ang kakayahang ibinibigay sa atin ng Diyos, upang maging maayos ang buhay natin at magdulot ito ng biyaya sa mga taong makakatangap nito. Nakakalungkot nga lang sa panahon natin ngayon ang mga taong nabulag na sa sobrang pagpapahalaga sa sarili, dahil na rin sa tagumpay na kanilang nakamit. Dahil na rin sa kanilang narating, ay hindi na nila nakikita ang kahalagahan ng iba, bagkus, ay minamaliit nila ito, at itinuturing na hindi naman sila ganoon kahalaga sa lipunan. Dahil sa mataas na ambisyon at labis na pagkilala sa sariling tagumpay, ay hindi na rin naiisip ng iba na bago nila narating ang kanilang kalagayan, ay nagsimula sila sa mababang kalagayan, at dahil sa pagsisikap at pagdamay ng mga taong tumulong sa kanila upang maging matagumpay. Nawawala na ang diwa ng tunay na pakikipagkapwa-tao at pagkakaisa, bagkus ay nagdudulot ito ng pagkakampi-kampi at pagkakakanya-kanya dahil sa pansariling interes na bunga ng pansailing kapakinabangan at kawalang ng kababaang loob sa kapwa.
  
Mababasa natin sa ating Ebanghelyo ngayon ang pagtuturo ni Jesus ng pagtataglay ng kababaang loob at pagkakapantay-pantay ng bawat isa. Dahil sa umiiral noong panahon ng ating Panginoon ang pagmamataas ng mga Pariseo't eskriba sa kanilang katayuan bilang mga tagapagturo ng batas at kalooban ng Diyos. Dahil sa kanilang katayuan sa lipunan, ay hindi na nila nakikita ang kahalagahan ng iba, at sa halip, ay niyuyurakan nila ito, dahil sa hindi sila nabibilang sa kanilang katayuan. Kung kaya, ay itinuturo sa atin ng ating Panginoon na maging mapagpakumbaba. Sapagkat lahat tayo ay mahalaga at pantay-pantay sa kanyang paningin, anuman ang ating katayuan. Ii sa lang ang mataas at ang nakakahigit sa lahat, ito ang ating Diyos na siyang lumikha ng lahat ng bagay.Kung tayo man ay tila nakakaangat sa iba, ito ay para sa para gamitin upang maging maayos ang lahat ng bagay na ipinagkatiwala sa atin ng Diyos, at hindi para yurakan ay maliitin ang mga maliliit sa ating lipunan. Ang pagtataglay ng kapakumbabaan ay ipinakita sa atin ng ating Panginoong Jesu-Cristo nung siya'y magpakasakit sa atin at naghandog ng kanyang buhay para sa ating kaligtasan at magkaroon ng buhay na walang hanggan. At hindi lamang para sa atin, kundi parasa lahat ng tao dito sa mundo (Fil 2:6-8; 1 Juan 2:2).
 
Nawa'y turuan tayo ng panahon ng Kwaresma na maging mapagpakumbaba at magpahalaga sa iba, tulad ng ipinakita sa atin ng ating Panginoon.Sapagkat anuman ang katayuan natin, lahat tayo ay pantay-pantay at mahalaga sa kanyang paningin, dahil iisa lamang ang Diyos na lumikha at nagliligtas sa ating lahat.


No comments:

Post a Comment