Dumating siya sa isang bayan na tinatawag na Sicar. Malapit ito sa bukid na ibinigay ni Jacob sa kanyang anak na si Jose. Dito matatagpuan ang balon ni Jacob. Dahil siya'y napagod sa paglalakbay, umupo si Jesus sa tabi ng balon. Halos katanghalian na noon. May isang Samaritanang dumating upang umigib, at sinabi ni Jesus sa kanya, Maaari mo ba akong bigyan ng maiinom? Wala noon ang kanyang mga alagad dahil sila'y bumibili ng pagkain sa bayan. Sinabi sa kanya ng babae, Ikaw ay Judio at Samaritana naman ako! Bakit ka humihingi sa akin ng inumin? Sinabi niya iyon sapagkat hindi nakikihalubilo ang mga Judio sa mga Samaritano. Sumagot si Jesus, Kung alam mo lamang ang kaloob ng Diyos, at kung sino itong humihingi sa iyo ng inumin, ikaw ang hihingi sa kanya at bibigyan ka naman niya ng tubig na nagbibigay-buhay. Nagsalita ang babae, Ginoo, malalim ang balong ito at wala ka namang panalok. Saan ka kukuha ng tubig na nagbibigaybuhay? Ang balong ito ay pamana pa sa amin ng aming ninunong si Jacob. Dito siya uminom, gayundin ang kanyang mga anak at mga hayop. Higit ka pa ba sa kanya? Sumagot si Jesus, Ang bawat uminom ng tubig na ito'y muling mauuhaw, ngunit ang sinumang uminom ng tubig na ibibigay ko sa kanya ay hindi na muling mauuhaw kailanman. Ang tubig na ibibigay ko ay magiging batis sa loob niya, at patuloy na bubukal at magbibigay sa kanya ng buhay na walang hanggan. Sinabi ng babae, Ginoo, bigyan po ninyo ako ng tubig na ito upang hindi na ako mauhaw, ni pumarito pa upang sumalok muli. Umuwi ka at isama mo rito ang iyong asawa, wika ni Jesus.Wala akong asawa, sagot ng babae. Sinabi ni Jesus, Tama ang sinabi mong wala kang asawa sapagkat lima na ang iyong naging asawa, at ang kinakasama mo ngayon ay hindi mo asawa. Totoo nga ang sinabi mo. Sinabi ng babae, Ginoo, isa kang propeta, hindi nga ba? Dito sa bundok na ito sumamba sa Diyos ang aming mga ninuno, ngunit sinasabi ninyong mga Judio na sa Jerusalem lamang dapat sambahin ang Diyos. Sinabi naman ni Jesus, Maniwala ka sa akin, darating na ang panahon na sasambahin ninyo ang Ama hindi na sa bundok na ito o sa Jerusalem. Hindi ninyo kilala ang inyong sinasamba, ngunit kilala namin ang aming sinasamba, sapagkat ang kaligtasan ay nagmumula sa mga Judio. Subalit dumarating na ang panahon at ngayon na nga, na ang mga tunay na sumasamba sa Ama ay sasamba sa kanya sa espiritu at sa katotohanan. Sapagkat ganyan ang uri ng pagsambang kinalulugdan ng Ama. Ang Diyos ay Espiritu kaya dapat siyang sambahin sa espiritu at sa katotohanan. Sinabi ng babae, Nalalaman ko pong darating ang Mesiyas, ang tinatawag na Cristo. Pagdating niya, siya ang magpapahayag sa amin ng lahat ng bagay. Ako na kausap mo ngayon ang iyong tinutukoy, sabi ni Jesus. Dumating ang kanyang mga alagad nang sandaling iyon, at nabigla sila nang makita nilang nakikipag-usap si Jesus sa isang Samaritana. Ngunit isa man sa kanila'y walang nagtanong sa babae, Ano ang kailangan ninyo? Wala ring nagtanong kay Jesus, Bakit ninyo siya kinakausap? Iniwanan ng babae ang kanyang banga, bumalik sa bayan at sinabi sa mga tagaroon, Halikayo! Tingnan ninyo ang taong nagsabi sa akin ng lahat ng ginawa ko. Siya na kaya ang Cristo? Kaya't lumabas ng bayan ang mga tao at nagpunta kay Jesus. Samantala, makailang ulit na sinabi ng mga alagad kay Jesus, Guro, kumain na kayo. Ngunit sumagot siya, Ako'y may pagkaing hindi ninyo nalalaman. Kaya't nagtanung-tanungan ang mga alagad, May nagdala kaya sa kanya ng pagkain? Sinabi sa kanila ni Jesus, Ang pagkain ko'y ang tuparin ang kalooban ng nagsugo sa akin at tapusin ang ipinapagawa niya sa akin. Hindi ba sinasabi ninyo, Apat na buwan pa at anihan na? Sinasabi ko naman sa inyo, masdan ninyo ang mga bukid, hinog na ang trigo at handa nang anihin. Ang umaani ay tumatanggap ng kabayaran at nagtitipon ng bunga para sa buhay na walang hanggan. Kaya't kapwa nagagalak ang nagtatanim at ang umaani. Totoo ang kasabihang, Iba ang nagtatanim at iba naman ang umaani. Isinugo ko kayo upang anihin ang hindi ninyo itinanim. Iba ang naghirap dito at kayo naman ang umani ng kanilang pinaghirapan. Maraming Samaritano sa bayang iyon ang nanalig kay Jesus dahil sa patotoo ng babae, Sinabi niya sa akin ang lahat ng aking ginawa. Kaya't pumunta sila kay Jesus at nakiusap na tumigil muna siya roon, at tumigil nga siya roon sa loob ng dalawang araw. At marami pang sumampalataya nang mapakinggan siya. Pagkatapos, sinabi nila sa babae, Naniniwala kami ngayon, hindi na dahil sa sinabi mo kundi dahil sa narinig namin siya. Alam na naming siya nga ang Tagapagligtas ng sangkatauhan - Juan 4:5-42 (ABMBB)
Ang bawat isa sa atin ay may kanya-kanyang mninimithi sa buhay. Isa lang itong katunayan na lahat tayo ay may kanya-kanyang pangangailangan sa buhay at ating pinagsisikapan at pinagpapaguran upang mapuno ang ating pang-araw-araw na pangangailangan. Sabi nga ni Abraham Maslow sa kanyang Hierarchy of Needs, ay ipinapakita niya rito ang limang aspeto ng pangangailangan ng tao na dapat niyang maabot upang makapamuhay siya ng maayos. Ito ay ang pangmateryal na pangangailangan, pagkakaroon ng seguridad sa pamilya at komunidad, panglipunang kinabibilangan, pagkakaroon ng kahalagahan sa sarili at ang pagkakaroon ng katuparan sa kanyang minimithi. Isang katotohanan pa rin ang nangingibabaw sa lahat ng ito: kahit na natamo na niya ang lahat ng ito, ay dumarating pa rin ang pagkakataong nakakaranas ang bawat isa ng pagkasawa at tila walang katapusan sa ating pangangailangan. Ngunit, sa bandang huli, kapag nasumpungan natin ang tunay na makakapuno ng ating pangangailangan, ay napapatid nito ang pagkauhaw sa ating pangangailangan at kahit na minsan ay nagkukulang tayo sa ating pangangailangan, ay inaasahan natin na makakamit natin ito sa tamang panahon, dahil tapat ang nangako sa atin.
Matutunghayan natin sa mga pagbasa ngayon ang ilang tagpo sa kasaysayan sa bayan ng Diyos na nagpapakilala ng kanyang presensya sa kanila upang lumalim ang kanilang pananampalataya sa Kanya na nagliligtas at nagkakaloob ng kanilang pangangailangan. Sa Unang Pagbasa, ay ipinapakita rito na ang mga Israelita, matapos lumabas sa bayan ng Egipto, at naglalakbay sa disyerto patungo sa lupang pangako, ay nakaramdam sila ng pagkauhaw. At dahil nasa ilang na lugar sila, ay nagreklamo sila kay Moises na bakit sila pinababayaan ng Diyos na maghirap sila, at nagsimulang mag-alinlangan sa pangangalaga ng Diyos sa kanila. Kung kaya dumalangin si Moises para sa kanila. Iniutos ng Diyos na paluin ng kanyang tungkod ang bato sa may bundok ng Horeb at may tubig na lalabas doon. Ginawa nga ito ni Moises at nakainom ang mga Israelita. Kung kaya sa ating Salmong Tugunan, ay nanawagan ang Salmista na magtiwala tayo, sumamba at magpasalamat sa Diyos na lumalang sa atin at nagpakita ng kabutihan. Nanawagan din siya na iwaksi ang pag-aalinlangan sa kanyang kapangyarihan tulad ng ginawa ng Bayang Israel. Sa ating Ebanghelyo, ay makikita natin ang Babaing Samaritana na kinausap ng ating Panginoon. Dahil sa nauuhaw ang ating Panginoon, ay nakiusap siya sa Samaritana na kung maari ay makiinom siya. Dahil sa may alitan at pagtatangi ang mga Judio at Samaritano (mga hindi purong Judio), ay nagtaka ang babae kung bakit na nakikipag-usap siya sa kanya. Ipinahayag rito ni Jesus ang kanyang katauhan na inihalintulad niya sa tubig na hindi na muling mauuhaw ang sinumang lumalapit sa kanya. Dahil sa literal na inunawa ito ng babae, ay nasabi niya ang kanilang kalagayan at ang kanilang kaibahan sa mga Judio sa paraan ng kanilang pagsamba't pagkilala sa Diyos. Ipinahayag ni Jesus dito na darating ang araw na mabubuwag na ang pagtatangi sa pagsamba't pagkilala sa Diyos, sa pamamagitan ng pagsamba sa Espiritu at katotohanan. Pagsamba sa Espiritu na sa paraang iisang diwa ang mga sumasamba, wala nang kaibahan at pagtatangi, at sa katotohanan tungkol sa pagliligtas at walang maliw na pagmamahal ng Diyos sa bawat isa. Naibahagi rin ng babae na darating ang Cristo, ang tagapagligtas ng lahat. Pinatunayan ito ni Jesus sa pamamagitan ng kanyang pakikipag-usap sa babae tungkol sa kalagayan nito. bagay na ikinamangha ng samaritana at naging katibayan upang madama niya at kanilang lipi ang kaligtasan ng Diyos ay hindi lamang para sa mga Judio, kundi para sa lahat. Ipinakita rito ni Jesus ang kanyang presensya na patuloy na nakakapuno ng malalim na pagnanais ng tao na mapalapit sa Diyos at ang hangarin ng Diyos na makilala siya ng lahat at magtamo ng kaligtasan. At ang ganitong paksa ay lalo pang nahayag sa ating Ikalawang Pagbasa sa sulat ni San Pablo sa mga taga Roma, na sa pamamagitan ng pagpapakasakit ni Cristo, ay lalong inihayag ang pag-ibig ng Diyos na tayo ay maligtas at mapawalang-sala sa ating mga kasalanan. Dahil dito, ay kanyang pinapayuhan tayo na magalak at magpasalamat sa Diyos sa kanyang pagpapakita ng pagmamahal, sa pamamagitan ng paghahadog ng buhay ni Cristo para sa ating lahat. Ipinapaalala sa atin ng bawat pagbasa na sa bawat pangangailangan natin, nariyan ng Diyos na patuloy na gagabay at magkakaloob sa atin ng ating minimithi. Dahil nais niyang makilala natin siya na ating Ama na patuloy na nagmamahal at kumakalinga sa atin, at sumampalataya na siya ay nakahandang kumilos upang mapunuan ang ating kakulangan.
Nawa'y maging daan ang panahon ng Kwaresma upang lalo pa nating mapalalim ang ating pananampalaya sa Diyos, na siyang nagliligtas at pumupuno ng ating kakulangan. Upang sa gayon, ay patuloy tayong maging tanda ng buhay na presensya ng Diyos sa ating kapwa, sa pamamagitan ng ating simpleng paghahandog ng kung anuman ang mayroon tayo, na siyang pakikibahagi natin sa paghahandog Ni Cristo ng kanyang buhay para sa ating lahat.