Tuesday, March 1, 2011

Pantay-pantay Sa Paningin ng Diyos! (Miyerkules, sa Ika-8 Linggo Sa Karaniwang Panahon, Taon I)

Lumapit kay Jesus ang mga anak ni Zebedeo na sina Santiago at Juan. Sinabi nila, "Guro, may hihilingin po sana kami sa inyo." "Ano ang maipaglilingkod ko sa inyo?" tanong ni Jesus. Sumagot sila, "Sana po ay makaupo kaming katabi ninyo sa inyong kaharian, isa sa kanan at isa sa kaliwa." Ngunit sabi ni Jesus sa kanila, "Hindi ninyo nalalaman ang inyong hinihingi. Maiinuman ba ninyo ang kopa na aking iinuman? Makakaya ba ninyo ang bautismong ibabautismo sa akin?" "Opo," tugon nila. Sinabi ni Jesus, "Ang kopang aking iinuman ay iinuman nga ninyo, at babautismuhan nga kayo sa bautismong tatanggapin ko. Ngunit hindi ako ang magpapasya kung sino ang mauupo sa aking kanan at sa aking kaliwa. Ang mga karangalang iyan ay para sa mga pinaglaanan." Nang malaman ito ng sampung alagad, nagalit sila sa magkapatid. Kaya't pinalapit sila ni Jesus at sinabi, "Alam ninyo na ang mga itinuturing na pinuno ng mga Hentil ang siyang namumuno sa kanila, at ang mga dinadakila ang siyang nasusunod. Ngunit hindi ganyan ang dapat umiral sa inyo. Sa halip, ang sinuman sa inyo na nais maging dakila ay dapat maging lingkod ninyo, at ang sinumang nais maging pinuno ay dapat maging alipin ng lahat. Sapagkat ang Anak ng Tao ay naparito hindi upang paglingkuran kundi upang maglingkod at upang mag-alay ng kanyang buhay para sa ikatutubos ng marami."- Marcos 10:32:45 (ABMBB)

Kapag may gusto tayong hinging pabor sa isang tao, ay kukuha tayo ng padrino o tulay, upang mas lalo pa nating makuha ang pabor na ninanais nating makamit. Ito ay laganap at katangian ng lahat ng mga tao. Lalo na sa ating bansa. Ito'y kilala sa tawag na "Padrino System", na kung saan, ay lalapit tayo sa malakas ang kaugnayan sa maykapangyarihan upang makamit natin ang pabor na ating hinihingi. Kadalasan, ay nangyayari ito sa ating gobyerno, simbahan, at maging sa ating pang-araw-araw na buhay. Nakakalungkot nga lang, na ginagamit nila ang kanilang koneksyon sa maykapangyarihan, upang masolo nila ang pribilehiyong kanilang hinihigi at maaring makasama sa kanila. Kadalasan, dahil sa kasakiman, at pansariling kapakinabangan lang ang kanilang iniisip. Upang mas lalo pa nilang makamit ang kanilang kailangan, ay susuhulan pa nila o bibigyan ng kung anong regalo upang makuha ito. Kung kaya, dahil sa ganitong maling pamamaraan, ay tila mailap na ang pagkakaroon ng pagkakapantay-pantay ng lahat, kung kaya, marami na ang nawawalan ng gana sa mga taong nanunungkulan at inilalagay na lang ang batas sa kamay, dahil sa iilan lang ang nakikinabang sa batas na ito.

Matutunghayan natin sa Ebanghelyo sa araw na ito ang ina ni Santiago at Juan ay lumapit kay Jesus at hiniling na kapag naghari na siya, ay ang kanyang mga anak ay mauupo sa kanan at kaliwa. Hinamon ni Jesus ang magakapatid kung kaya nilang batahin ang paghihirap niya. Bagaman nasabi nila na kaya, ay sinagot sila ni jesus na tangi lang ang Diyos ang magpapasya kung sino ang mauupo sa kanyang kanan o kaliwa. Nang malaman ito ng mga alagad, ay nagalit sila sa dalawa. Ngunit, pinagsabihan sila ni Jesus na kung sinuman ang nagnanais na maging dakila, ay kinakailangang maglingkod siya. Kung paanong naparito si Jesus upang maglingkod, at hindi paglingkuran, ay nararapat lamang na maging katulad sila ng ating Panginoon. Ipinapakita niya sa atin, na hindi siya nagtatangi at walang higit sa kanilang lahat, lahat sila ay pantay-pantay sa kanyang paningin. At upang makuha nila ang pabor sa kanila ng Panginoon, ay nararapat lang na tularan siya, na hindi nagmataas o nagtampok sa kanyang sarili, sapagkat ang Diyos Ama lamang ang dakila sa lahat, at tayo ay kanyang mga anak niya, at magkakapatid sa kanyang paningin.

Nawa'y tularan natin ang Ating Panginoon na hindi nagtatangi sa iba, at nagpamalas ng pagkakapantay-pantay ng lahat, kagaya ng kanyang ipinakita sa atin ngayong araw na ito. Sapagkat tayong lahat ay narito, upang ipakilala ang Diyos na siyang dakila, at magpamalas ng pagkakapantay-pantay bilang magkakapatid at minamahal na ank ng Diyos.

No comments:

Post a Comment