Muli silang pumasok sa Jerusalem. Habang si Jesus ay naglalakad sa patyo ng Templo, nilapitan siya ng mga punong pari, ng mga tagapagturo ng Kautusan at ng mga pinuno ng bayan. Siya'y tinanong nila, "Ano ang karapatan mong gumawa ng mga bagay na ito? Sino ang nagbigay sa iyo ng ganyang karapatan?" Sumagot si Jesus, "Tatanungin ko kayo. Sagutin ninyo ito at sasabihin ko sa inyo kung kanino galing ang karapatan kong gumawa ng mga bagay na ito. Sabihin ninyo sa akin; kanino nagmula ang karapatan ni Juan na magbautismo, sa Diyos ba o sa mga tao?" At sila'y nag-usap-usap, "Kung sasabihin nating mula sa Diyos, itatanong naman niya sa atin kung bakit hindi natin pinaniwalaan si Juan. Ngunit kung sasabihin naman nating mula sa tao, baka kung ano naman ang gawin sa atin ng mga tao." Nangangamba sila sapagkat naniniwala ang marami na si Juan ay isang tunay na propeta. Kaya't ganito ang kanilang isinagot: "Hindi namin alam!" Sinabi naman ni Jesus sa kanila, "Kung gayon, hindi ko rin sasabihin sa inyo kung kanino galing ang karapatan kong gawin ang mga ito." - Marcos 11:27-33 (ABMBB)
Ang paglago ng isang tao dahil sa kanyang karanasan sa buhay o kaaalaman na kanyang natutunan ang tumutulong sa kanya kung paano maging maabilidad at kapaki-pakinabang, na siyang magiging daan upang maging ganap ang kanyang pagkatao. Nakakalungkot nga lang, dahil sa kanilang kaalaman, ay sa halip na magbahagi, ay nagiging sanhi pa ito ng pataasan at payabangan, dahil sa kanilang nakamit na tagumpay, at lawak ng karanasan nila sa kanilang buhay. Naalaala ko dati nung nasa seminaryo ako, ay ibinoto ako bilang isang bell ringer, o kapag bago magdasal, magmisa, paggising, kumain o meryenda, ay patutunuggin ko ang kampana, sa madaling salita, ako ang time keeper ng seminary. Para magkaroon ka ng assignment, ay dapat maboto ka ng iyong mga kasama. Ibinoto ka dahil isa ka sa mga responsable at mapagkakatiwalaang seminarista. May isa kaming naging brother na hindi nagkaroon ng assignment sa community namin. Dahil dito, ay naging mapagpuna siya sa amin, lalo na sa aking kredibilidad bilang isang bell ringer. Dahil sa kanyang pagiging arogante at pangangalandakan ng kanyang mga naging responsibilidad at mga nakamit niyang parangal, ay lalong nilayuan siya ng buong community. Dahil sa napansin niya ito, ay humingi siya ng tawad sa aming lahat at nagpakumbaba.
Sa ating Mabuting Balita sa araw na ito, ay dahil sa galing ni Jesus na magturo, ay tinanong siya ng mga Pariseo't eskriba kung kaninong kapangyarihan niya ginawa ito. Itinanong ng ating Panginoon sa kanila yung gawain ni Juan ay galing ba sa tao o sa Diyos ang kapangyarihan meron siya. Dito naipit ang mga Pariseo, kung sa Diyos, ay bakit hindi sila naniwala, at kung sa tao, sila naman ang babalingan ng mga Judio, dahil alam nila na propeta si Juan. Ipinapakita nila rito ni jesus ang kanilang pagiging mataas, dahil sa mas marami pa siyang naakit sumunod sa kanya kaysa sa kanila. At dahil sa kanilang pagigigng kampante, ay hindi nila naiisip na ang kanilang kaloob ay para makilala ang Diyos, hindi ang kanilang sarili. Itinuturo niya sa atin ang pagkakaroon ng pagpapakumbaba sa bawat isa, sapagkat ang lahat ng ating natamo ay galing sa kanya at para sa kanya.
Nawa'y matuto tayong magpakumbaba sa ating mga natutunan at karanasang naghubog sa atin upang lumago tayo. Sapagkat ang lahat ng ito ay para sa kanyang kaluwalhatian, kadakilaan, at pakikibahagi sa patuloy na pagsasakatuparan ng kanyang misyon na abutin tayong lahat.
No comments:
Post a Comment