Pumunta si Jesus sa Jerusalem at pumasok sa Templo. Pagkatapos niyang makita ang lahat ng bagay doon, lumabas siya at nagbalik sa Bethania na kasama ang Labindalawa, sapagkat gumagabi na noon. Kinabukasan, nang pabalik na sila mula sa Bethania, si Jesus ay nakaramdam ng gutom. Nakita niya sa di-kalayuan ang isang malagong puno ng igos. Nilapitan niya ito upang tingnan kung may bunga. Dahil hindi pa panahon ng igos noon, wala siyang nakita kundi mga dahon lamang. Kaya't sinabi niya sa puno ng igos, "Wala nang makakakain pa ng iyong bunga." Ang sinabi niyang iyon ay narinig ng kanyang mga alagad. Pagdating nila sa Jerusalem, si Jesus ay pumasok sa Templo. Ipinagtabuyan niya ang mga nagbebenta at namimili roon, at ipinagtataob niya ang mga mesa ng mga namamalit ng salapi at ang mga upuan ng mga nagtitinda ng kalapati. Pinagbawalan din niyang tumawid sa patyo ng Templo ang mga may dalang paninda at tinuruan niya ang mga tao nang ganito, "Hindi ba't nasusulat, 'Ang aking tahanan ay tatawaging bahay-dalanginan ng lahat ng bansa?' Ngunit ginawa ninyo itong lungga ng mga magnanakaw. Narinig ito ng mga punong pari at ng mga tagapagturo ng Kautusan. Buhat noo'y humanap na sila ng paraan upang maipapatay si Jesus. Subalit natatakot sila sa kanya dahil humahanga ang lahat sa kanyang mga turo. Pagsapit ng gabi, si Jesus at ang kanyang mga alagad ay muling lumabas ng lunsod. Kinaumagahan, pagdaan nila'y nakita nilang natuyo ang puno ng igos hanggang sa mga ugat nito. Naalala ni Pedro ang nangyari dito kaya't kanyang sinabi kay Jesus, "Guro, tingnan ninyo! Patay na ang puno ng igos na isinumpa ninyo." Sumagot si Jesus, "Manalig kayo sa Diyos. Tandaan ninyo ito: kung kayo'y nananampalataya sa Diyos at hindi kayo nag-aalinlangan, maaari ninyong sabihin sa bundok na ito, 'Umalis ka riyan at tumalon ka sa dagat,' at ito nga ay mangyayari. Kaya't sinasabi ko sa inyo, anuman ang hingin ninyo sa inyong panalangin, maniwala kayong natanggap na ninyo iyon, at matatanggap nga ninyo iyon. Kapag kayo'y tumayo upang manalangin, patawarin muna ninyo ang nagkasala sa inyo upang ang inyong mga kasalanan ay patawarin din ng inyong Ama na nasa langit." - Marcos 11:11-26 (ABMBB)
Ang isa sa pagkakakilanlan ng pagtataglay ng tunay na pananampalataya ay ang pananampalatayang may kalakip na gawa. Ito ay maihahalintulad sa pagpaparamdam ng pagmamahal sa isang kasintahan, asawa, magulang o anak, na hindi sapat ang sabihin mo ang salitang "I Love You" o "Mahal Kita". Sapagkat ang pagmamahal ay naipapakita sa ating pagsasalita lamang, kundi ito ay nadarama sa ating pagpapakita nito sa gawa, upang mas lalong maging konkreto ang pagmamahal natin sa kanila. Katulad ng ating pananampalataya, ito ay dapat na hindi lang sa ating paniniwala nakikita, kundi ito ay nakikita sa ating buhay, at nadarama ng mga taong nakakakita sa atin. Kagaya ng sinabi sa atin ni Apostol Santiago sa kanyang sulat na ang pananampalatayang walang kalakip na gawa, ay patay na pananampalataya ang tinataglay, (Santiago 2:17). Sapagkat ang pagkakaroon ng ganap na pananampalataya, ay nagbubunsod sa atin na maglingkod, magmahal at magpatawad sa kapwa, dahil sa ating pananalig sa kanyang kabutihan at pagmamahal na ipinadadama niya sa atin.
Katulad ng ipinamalas ng ating Panginoon sa Mabuting Balita sa araw na ito ang pagsumpa ni Jesus sa puno ng igos. Dahil sa wala siyang nakitang bunga, ay isinumpa niya rito na hindi na ito makapamumunga pa at kakain ng kanyang bunga. Matapos nito, ay nagtungo siya sa templo. nang nakarating siya roon, ay nakita niya ang mga namamalit ng pera at nangangalakal sa loob nito. Agad na ipinagtabuyan niya sila, hindi dahil sa bawal magtinda, kundi dahil sa kanilang mga maling patakaran at pamamalakad sa kanilang pagnenegosyo, ay nawawalan na ang kasagraduhan nito. Nagawa niya ito dahil sa kanyang malalim at maalab na pananampalataya sa Diyos. Kung kaya nang siya'y hinarap ng mga Pariseo, ay hindi sila nakaimik at naghanap ng ibang paraan upang mapatay siya, dahil sa hinangaan siya ng mga tao sa kaniyang mga turo. matapos nito, ay muling lumabas sila sa lunsod. nakita nila ang puno ng igos na natuyo ito. Napansin ito ni Pedro at sinabi sa ating Panginoon. Nais ipapansin ng ating Panginoon na makakaya ng isang may ganap na pananampalataya ang lahat ng bagay. Dahil sa kanyang malalim na paniniwala at pag-asa na makakamit niya ito sa tulong ng Diyos. Magiging ganap lamang ang pananampalataya kung ito ay nakikita sa gawa, ang pagsasabuhay ng ating tinanggap na pananampalataya at paniniwala, hindi lamang sa pagkilala natin sa Diyos, maging sa utos na kanyang ibinigay sa atin, na inaasahan niyang isasabuhay natin. Kagaya ng ipinakita ng ating Panginoon, na siyang pagkakakilanlan ng ating tunay na pagkilala at malalim na pakikipag-ugnayan sa kanya.
Nawa'y makita sa bawat isa sa atin ang ganap na pananampalataya na hindi lang nakikita sa salita, kundi maging sa ating pang-araw-araw na buhay. Sapagkat ang ganap na pananampalataya ang siyang mapaghuhugutan ng lakas natin upang maharap at makayanan ang bawat hamong darating at haharapin natin sa ating pang-araw-araw na buhay.
No comments:
Post a Comment