Saturday, March 5, 2011

Nakikilala Sa Pakikinig At Pagsasabuhay (Linggo, Sa Ika-9 Na Linggo Sa Karaniwang Panahon, Taon A)

"Hindi lahat ng tumatawag sa akin, 'Panginoon, Panginoon,' ay papasok sa kaharian ng langit, kundi ang mga tao lamang na sumusunod sa kalooban ng aking Ama na nasa langit. Sa Araw ng Paghuhukom marami ang magsasabi sa akin, 'Panginoon, hindi po ba kami ay nagpahayag ng mensahe mula sa Diyos, nagpalayas ng mga demonyo at gumawa ng mga himala sa iyong pangalan?' Ngunit sasabihin ko sa kanila, 'Hindi ko kayo nakikilala. Lumayo kayo sa akin, kayong mga gumagawa ng kasamaan.'" "Kaya't ang bawat nakikinig at nagsasagawa ng mga salita kong ito ay maitutulad sa isang taong matalino na nagtayo ng kanyang bahay na ang pundasyon ay bato. Umulan nang malakas, bumaha, at binayo ng malakas na hangin ang bahay na iyon, ngunit hindi nagiba sapagkat nakatayo iyon sa bato. Ang bawat nakikinig ng aking salita ngunit hindi naman nagsasagawa ng mga aral na ito ay maitutulad naman sa isang taong hangal na nagtayo ng kanyang bahay sa may buhanginan. Umulan nang malakas, bumaha at binayo ng malakas na hangin ang bahay. Ito ay bumagsak at lubusang nawasak." - Mateo 7:21-27 (ABMBB)

Ang Diyos ay patuloy na  naghahayag sa atin ng kanyang kalooban. Sabi nga sa sulat sa mga Hebreo, "Noong Una, nagsalita ang Diyos sa ating mga magulang, sa mga propeta, at sa mga sugo niya. Ngayon, ay nagsasalita siya sa pamamagitan ng kanyang anak" (Hebreo 1:1-3). Maraming paraan ang  Diyos upang ipaabot ang kanyang mensahe sa atin. May mga pari, madre, relihiyoso, at layko na nagtataguyod ng kanyang salita upang makaabot ito sa atin. Nasa sa atin lamang ito kung paano natin tinatanggap ito. Nakakalungkot nga lang sa iba na maraming tao ang nakikinig sa salita ng Diyos, ngunit, hindi naman nila hinahayaang baguhin sila nito. Maraming nagsasabing kilala ko ang Panginoon! Subalit, ikinakaila nila ang panganngailangan ng kanilang kapwa. Marami ang nahihilig makinig, ngunit, hindi tumutimo sa kanilang buhay, hanggang sa dumating na ang panahon na magbunga ang kasalan at pagsuway na kanilang ginawa. Sa halip na maging daan ng pagbabagong buhay at paglago sa pananampalataya, ay nasa kadiliman pa rin sila. Sila ang inihalimbawa ni San Pablo sa pangalawang sulat niya kay Timoteo na may anyo ng kabanalan, ngunit hindi naman nakikita ito sa kanilang buhay (2 Timoteo 3:5).

Matutunghayan natin sa unang pagbasa sa aklat ng Deuteronomio, na itinagubilin ng Diyos sa pamamagitan ni Moises na sunding maigi ang kautusang ibinigay niya. Ipulupot ito sa kanilang kamay, itali sa noo, isulat sa mga hamba ng inyong bahay. Ang pagtatali ng kautusan sa kamay at noo, ay tradisyon na ginagawa ng mga Judio mula noon hanggang ngayon. Ang mga taling ito, ay tinatawag na Phylactery. Niliteral ng mga Judio ang ganitong tagubilin. Ngunit, ang tunay na diwa nito ay ang pagsunod sa kalooban ng Diyos, na sa bawat paggawa, anuman ang ating gawain. Ang lahat ng ating gawain ay dapat laging naayon ito sa kalooban ng Diyos. Ang pagsusulat naman ng mga utos sa mga hamba ng pinto ay hindi rin literal na isulat talaga ito, kundi, ang salita ng Diyos ay dapat umiral sa ating tahanan, ito ay dapat na maging batas sa bawat tahanan, at ituturo ito sa mga bata, upang makagisnan nila ang pagtalima ng buo rito. At sa pagtalimang ito, ay kaakibat ang kanyang pangako na pagpapala, at pagtatamo ng magandang kapalaran, at kung susuway rito, ay sumpa at kasawian ang sasapitin ng tao. Sa ikalawang pagbasa sa Sulat ni San Pablo sa mga taga Roma, na dahil sa maling pagkaunawa sa kautusan ng Diyos, ay inihayag niya ang kaligtasang inilaan niya sa sa atin, sa pamamagitan ng ating pananalig kay Cristo at hindi na sa pagtupad sa kautusan ni Moises. Dahil kung ang magiging batayan ay ang pagsunod sa kautusan, ay walang maliligtas, dahil walang sumunod ng ganap dito. Kung kaya, sa pamamagitan ng pananalig kay Cristo, sa kanyang salita at gawa, ay naliligtas ang tao, kung susundin at tatalimahin ang tagubiling inwan ni Cristo sa atin.


Subalit. may babala ang ating Panginoon sa ating Mabuting Balita ngayon na hindi lahat ng nagsisisampalataya sa kanya ay maliligtas. Ang tunay na sumusunod, hindi lang sa pakikinig nito, kundi ay sa pagtupad nito ng lubusan, ang pagsasabuhay ay tanging makakapasok sa kaharian ng Diyos. Ito y isang babala sa atin na kung hindi natin tatalimahin ang utos ni Cristo, at magpapatuloy sa gawa ng laman, ay masasayang lang ang ating paglilingkod. Paano natin makikilala kung anong klaseng tagasunod tayo? Ipinakita niya sa atin ang dalawang uri ng nagtayo ng bahay, ang isa ay sa bato, at ang isa ay sa buhangin. Ang taong nakikinig at sumusunod ng lubos ay  katulad ng taong nagtayo ng bahay sa bato. Palibhasa, ay isinalig niya ang kanyang sarili sa kalooban ng Diyos, anumang unos o hangin ang dumating, ay hindi siya magigiba, dahil nagtiwala siya sa Kanya na magliligtas sa kanya, at maghahatid sa kanya sa tamang landas, na siyang panawagan ng ating Salmong Tugunan. Ang isang tao na nakinig, ngunit, hindi sumunod ng lubos, ay tulad sa isang taong nagtayo ng bahay sa buhangin. Palibhasa ay marupok, at madaling magiba, hindi matibay ang saligan, nang dumating ang unos at hangin ng buhay, ay madaling magiba at matumba. Dahil sa hindi ang Salita ng Diyos ang kanilang saligan, kundi ay ang pansariling kaligayahan lamang, na sa panahon ng pagsubok, bumubigay na agad, sapagkat hindi permanente ang lahat dito sa mundo, na sa tingin ng marami, ay magdudulot sa kanila ng kaligayahan.  Ipinapaalala niya sa atin ang magkaroon ng malalim na pananampalataya sa kanya, yamang inihayag niya ito sa atin para sa ating kaligtasan. Sapagkat kung ating susundin ito, ay maghahatid sa ain sa kapanatagan at katiwasayan, at kung susuway tayo nito, ay kapahamakan, hindi lang sa pangkatawan, kundi pangkaluluwa.

Nawa ay maging hamon sa atin ang mga pagbasa sa araw na ito tungkol sa ating pananampalataya na maghahatid sa atin sa kaligtasan. Sapagkat ang Salita ng Diyos ay buhay, at ang tumalima nito ay pumipili sa buhay, at ito rin nawa ang siyang patuloy na kumilos sa ating buhay, anuman ang ating ginagawa, at saanman tayo mapunta.   

No comments:

Post a Comment