Dumating sina Jesus sa Jerico. Nang papaalis na siya sa Jerico kasama ang kanyang mga alagad at marami pang iba, may nadaanan silang isang bulag na nakaupo sa tabi ng daan at namamalimos. Siya'y si Bartimeo na anak ni Timeo. Nang marinig ng bulag na ang nagdaraan ay si Jesus na taga-Nazaret, sumigaw siya nang sumigaw, "Jesus, Anak ni David, mahabag po kayo sa akin! Pinagsabihan siya ng mga taong naroroon upang tumahimik, ngunit lalo pa siyang nagsisigaw, "Anak ni David, mahabag po kayo sa akin! Tumigil si Jesus at kanyang sinabi, "Dalhin ninyo siya rito." At tinawag nga nila ang bulag. "Lakasan mo ang iyong loob. Tumayo ka. Ipinapatawag ka ni Jesus," sabi nila Inihagis niya ang kanyang balabal, paluksong tumayo at lumapit kay Jesus. "Ano ang gusto mong gawin ko para sa iyo?" tanong sa kanya ni Jesus. Sumagot ang bulag, "Guro, gusto ko pong makakitang muli." Sinabi ni Jesus, "Kung gayon, magaling ka na dahil sa iyong pananampalataya." Noon di'y nakakita siyang muli, at sumunod kay Jesus.- Marcos 10:46-52 (ABMBB)
Kapag mayoon tayong isang pangarap na talagang gusto nating makamit, kahit ano at sino ang humadlang, ay gagawa siya ng paraan, makamit niya ito. Naalala ko tuloy ang ikinuwento ng lolo ko sa akin tungkol sa kanyang tiyuhing pari ntalagang gusto niyang maglingkod sa Diyos at sa simbahan. Ngunit tutol ang kanyang mga magulang dito, dahil ang gusto nila ay magkaroon sila ng apo sa kanya, at wala silang perang pantustos sa kanyang pag-aaral, dahil mahirap lang sila, walang kakilalang pwedeng sumuporta sa kanya, at walang makakatulong ang tatay niya sa pagsasaka. Ngunit, ito ay labag sa kanyang kalooban. Kung kaya, upang matupad niya ito, ay tumakas siya sa kanilang bahay, at nagtungo sa obispo upang makiusap na kung pwede siyang pumasok sa seminaryo upang magpari. Bagaman bata pa noon ang tiyuhin ng lolo ko, at dahil sa determinasyon at lakas ng loob na ipinakita niya sa obispo, ay sa wakas, natuloy din ang kanyang balak na pumasok sa seminaryo. At dahil sa walang pera ang pamilya niya, ang obispo ang sumagot ng kanyang gastusin. Walang ginastos na isang sentimo ang tiyuhin ng lolo ko, hanggang sa siya ay maging ganap na pari. Bilang pagtanaw niya ng utang na loob sa obispo, ay naging mabuting pari siya at matapat na alagad ng simbahan at mabuting huwaran sa kanyang parokya at kapwa pari hanggang sa kanyang kamatayan.
Matutunghayan natin sa ating Ebanghelyo sa araw na ito ang bulag na si Bartimeo, anak ni Timeo. Dahil sa paniniwala noon na ang may kapansanan noon o maysakit ay isang kasalanan na minana ng kanilang mga mga magulang, at sila ang nagbabayad. Dahil dito, ay itinatakwil sila ng ating lipunan. Nang mabalitaan niyang dadaaan ang ating Panginoon, ay sumigaw siya at nagmakaawa na kahabagan siya. Dahil sa siya ay bulag, ay pinagsabihan siya ng mga tao na tumahimik, ngunit, dahil sa kanyang pananalig at pagsusumikap na makalapit sa ating Panginoon, ay lalo pa siyang sumigaw, at hindi niya pinansin ang mga taong pumipigil sa kanya. Nang marinig siya at lapitan ni Jesus, ay tinanong siya kung ano ang nais niya. Itinugon nito na nais niyang makakita. Dahil sa kanyang pananalig, ay gumaling siya at nakakakita. Ipinapakita niya sa atin na sa pamamagitan ng ating matibay na pananalig sa kanya, at pagsususmikap na lumapit sa kanya, kahit hadlangan pa tayo ng kung sinuman, ay hindi niya tayo tatanggihan, bagkus, ay kahahabagan at ipagkakaloob niya sa atin ang ating hinihingi, dahil naniniawala tayong ibibigay niya ang mga bagay na makakabuti sa atin.
Nawa'y tularan natin si Bartimeo na nagpamalas ng kanyang matibay at masikap na makamit ang kabutihan ng
Diyos sa kanyang buhay. Sapagkat, sa pagpapakita ng ating matibay na pananalig sa kanyang magagawa, ay ipinapakita natin sa kanya na kaya niyang ibigay ang anumang inaasahan nating pangangailangan, dahil sa kanyang matindi at walang maliw na pagmamahal niya sa atin.
No comments:
Post a Comment