Monday, February 28, 2011

Galak, Hapis At Tagumpay! (Martes sa Ika-8 Linggo Sa Karaniwang Panahon, Taon I)

At nagsalita si Pedro, "Tingnan po ninyo, iniwan na namin ang lahat at kami'y sumunod sa inyo." Sumagot si Jesus, "Tandaan ninyo: ang sinumang nag-iwan ng kanyang tahanan, o mga kapatid, mga magulang, mga anak, mga lupain, dahil sa akin at sa Magandang Balita, ay tatanggap sa buhay na ito ng isandaang ulit pa ng mga iyon; mga bahay, mga kapatid, mga ina, mga anak, at mga lupain, ngunit may kalakip na pag-uusig. At sa panahong darating, magtatamo siya ng buhay na walang hanggan. Ngunit maraming nauuna na mahuhuli, at maraming nahuhuli ang mauuna." - Marcos 10:28-31 (ABMBB)


Noong dumalaw ang imahen ng Birhen ng La Naval de Manila sa Letran-Calamba, ay nasabi ng dati naming Rector na si Fr. Rolando dela Rosa, OP sa kanyang misa na ang rosaryo ay sumasalamin sa buhay ng bawat Kristiyano. Kung paano sa bawat butil ng Aba Ginoong Maria ay nasasalamin ang buhay na may tuwa at puno ng sorpresa, ay laging may krus na nakakabit dito, na sa buhay natin, ay hindi nain maiiwasang makaranas tayo ng pagsubok at kalungkutan, na siyang nagdudulot ng bagabag sa buhay natin. Ngunit, hindi lang sa krus nagtatapos ang lahat ng ito, kundi, mula sa krus, ay ipinakita ng ating Panginoon ang kanyang pagtatagumpay mula sa kamatayan. Ipinapakita niya sa atin na sa gitna ng unos na dumarating sa buhay natin, ay may bahaghari at araw na sisilay sa ating buhay. Kapag nalagpasan natin ang mga hamong ito, ay makakadama tayo ng kaligayahan at ibayong lakas, dahil sa tagumpay na ating natamo. At siyang nagiging liwanag din sa lahat upang magsilbing halimbawa tayo sa lahat ng tao. Habang pinagninilayan ko ito, ay napatingin ako sa aking rosaryo at naagnilayan ko ang mga sandaling ng tuwa, hapis at luwalhati sa buhay ko. Oo nga, tulad ng rosaryo, ay ganun din ang buhay ko. Minsan, may tuwa, minsan ay may kalungkutan, ngunit, dahil sa tulong at paggabay sa atin ng Diyos, ay nagiging magaan ang buhay natin, at nagiging matagumpay tayo sa lahat. At nagsisilbi tayong liwanag sa iba, dahil sa mabuting balita na ating isinasabuhay at nakikita ng lahat ng taong makakakita sa atin.
Ang Mabuting Balita natin sa araw na ito ay pagpapatuloy ng Mabuting Balita natin kahapon. Matapos umalis at magturo si Jesus, ay sinabi ni Pedro sa ating Panginoon na iniwan niya ang lahat at sumunod sa kanya. Iniwan niya ang kanyang pamilya, asawa, ari-arian at lahat ng kanyang tinatangkilik, masundan lamang niya si Jesus. Sinabi ng ating Panginoon sa kanya ang mga kundisyon ng pagiging alagad niya. Nasabi niya na kapag iniwan ng isang tao ang lahat ng kanyang pamilya, tinatangkilik, at kabuhayan para sa kanya, ay magtatamo siya ng gantimpala. Hindi nangangahulugang literal na iiwan ang lahat, at pababayaan mo ang iyong pamilya, trabaho o huwag ka nang magtrabaho at huwag ka nang mag-asam na maging maginhawa sa buhay. Kundi ang ninanais ng ating Panginoon ang laging maging una siya sa lahat ng ating gawain. Hindi rin nangangahulugang puro dasal at titigil na tayo sa ating gawain, kundi, ay laging isabuhay ang mabuting balita niya sa bawat araw ng ating buhay, siya ang laging sentro ng ating buhay. Ang pagsunod nating ito ay maghahatid sa atin ng tunay na kagalakan, dahil sa mga pangako niyang ibininigay sa atin.  Ngunit, ay ibinabala ng ating Panginoon, na habang sumusunod tayo sa kanya, ay maraming hamon at pagsubok na darating sa buhay natin. Ngunit sa kabila nito, ay may nakalaang pangako siya sa bawat susunod sa kanya. Ito ay ang buhay na walang hanggan. Nasabi rin niya na maraming nauuna na mahuhuli, at maraming nahuhuli ang mauuna. Ipinapakita niya sa atin na marami ang nagnanais na maging karapat-dapat sa kaharian ng Diyos, ngunit, hindi lahat ay makakarating, dahil sa ang tunay na karapat-dapat ayang mga taong tunay na sumusnod sa kanyang kalooban, ang hindi nagtatangi, namimili ng susunding utos, ang nagtitiis sa pagsubok, at laging tinatanaw ang pag-asa ilalaan sa bawat sumusunod sa kanya.

Nawa'y palagi tayong magalak, tiisin ang hapis, asamin ang pangako at tagumpay na ating natamo at makakamit sa hinaharap sa ating pagsunod sa kanya. Upang sa gayon, ay maging ilaw tayo sa buong sanlibutan, na maghahatid ng galak at pag-asa sa gitna ng hapis na kanilang pinagdadaanan.

No comments:

Post a Comment