"Sa ano natin ihahambing ang paghahari ng Diyos? Sabi pa ni Jesus. Tulad ito ng Binhi ng mustasa na siyang pinakamaliit sa lahat ng binhi. Kapag natanim na at lumago, ito'y nagiging pinakamalaki sa lahat ng puno ng gulay; nagkakasanga ito nang malalabay, anupat ang mga ibon ay nakakapamugad sa mga sanga." - Marcos 4:30a; 31-32 (MBB)
Ang bawat karanasan, pagninilay at mga natutunan natin sa buhay, ito man ay sa pamamagitan ng ating mga natutunan sa Salita ng Diyos, sa ibinabahagi ng ating kapwa, at sa ating mga sariling kamalayan, ay tulad ito ng isang binhi na natatanim sa ating mga puso, na siyang lumalago sa ating mga buhay, at nakikita at nalalasap ang bunga nito sa lahat ng mga makakakita o makaririnig sa atin. Sa bawat binhing natatanggap natin, upang lumago ito, ay kinakailangan itong pangalagaan at ingatan laban sa mga bagay at sitwasyong hahadlang upang lumago ito. Katulad ng isang magsasaka, upang maging malusog at maganda ang bunga ng kanyang inani, ay sinusunod at ginagawa niya ang wastong hakbang upang maging matagumpay ang kanyang ninanais na magkaroon ng magandang bunga nito. Sa ating Mabuting Balita sa araw na ito, ay matutunghayan natin na inilalarawan sa atin ng ating Panginoon ang paghahari ng Diyos sa isang binhi na lumago at nagbunga ng ibayo. Ang isa sa halimbawa nito ay ang binhi ng mustasa na bagaman maliit ang binhi nito sa lahat ng binhi, pag lumago, ito ang pinakamalaki sa lahat ng puno ng gulay na maaring pamahayan ng ibon. Ang paghahari ng Diyos ay ang Mabuting Balita ng kanyang paghahari, paghahari na kung saan ay ipinakikilala niya ang kanyang presensya na maari nating kanlungan sa panahon ng kagipitan at muog na siyang nagliligtas sa atin, kagalakan sa gitna ng paghihinagpis, ay inaasahan sa bawat isa sa atin na lumago ito at magbunga, hindi lamang sa ating sarili, kundi maging sa iba upang mabatid ng lahat ang pagmamahal ng Diyos sa bawat isa sa atin. Upang matagumpay na lumago ito, nararapat lamang na patuloy nating maingatan ang pananampalatayang ating natanggap, upang sa gayo'y manatili ang layunin ng Diyos na lahat tayo ay lumago sa kanyang pag-ibig. Nawa'y sa bawat binhi na ating natatanggap, ay maitanim natin, pangalagaan, at lumago ito sa ating puso at patuloy itong maging daan sa paglago din ng iba. Upang sa gayon, ay mabatid ng lahat ang tunay na paghahari ng Diyos sa atin, paghahari na puno ng pag-ibig sa kanyang presensya.
No comments:
Post a Comment