"Nagpatuloy si Jesus sa paglalakad at nakita niya si Levi, na anak ni Alfeo, nakaupo sas paningilan ng buwis. Sinabi sa kanya ni Jesus, 'Sumunod ka sa akin.' Tumindig naman si Levi at sumunod." - Marcos 2:14 (MBB)
Sa aking pagiging kalihim o secretary ng Lectors and Commentator's Ministry, kapag nagbibigay ako ng commentator assignment sa mga bagong kasapi namin, ilan sa kanila ang nagre-react at sinasabing kinakabahan sila na baka sila magkamali, lalo na, pag masungit pa yung paring natapat sa kanila at kung anu-anong puna ang matanggap nila sa paring nagmisa. Ipinayo ko na, "Kaya nyo yan, di naman niya kayo pababayaan. Ipanalangin nyo na mabigyan nya kayo ng biyaya ng presence of mind at maging relax kayo sa pagtupad nyo ng tungkuling ito. Kung nagkamali kayo, ok lang, lahat naman tayo, kahit ako, nagkakamali. Walang perpektong lingkod." Pagkatapos ng ilang pagpapayo kasama ng ilang trainors at ibang servers, ay nakukumbinsi namin sila na magserve. At na-realize nila na kaya naman nila at lalo pang nagkaroon sila ng malaking kumpiyansa sa sarili. Sa ating Ebanghelyo ngayon, ay makikita natin si Jesus na tinawag niya si Levi, isang maniningil ng buwis na maging alagad niya. Mabilis agad siyang tumugon sa paanyaya ni Jesus at sumunod sa kanya. Sa kabila ng maraming batikos sa kanya at sa ating Panginoon, ay naroon pa rin na ipinagtanggol siya ni Jesus. Dahil ang nais ni Jesus ay magbalik-loob ang lahat ng makasalanan at makibahagi sa kanyang gawaing pagliligtas niya sa atin, na udyok ng kanyang pagmamahal. Nawa sa panahong tayo'y tinatawag ng Panginoon para maglingkod sa kanya, kahit anong paanyaya niya sa atin bilang maybahay, estudyante, empleyado, pari at iba pa, ay ailsin natin ang mga bagay na nagdudulot ng alinlangan sa ating misyon. Kundi, ay matuto tayong magtiwala sa kanya, gaya ng pagtitiwala niya sa atin. Sapagkat tinawag niya tayo upang tulad niya, maging tagahilom, taga-akay at daluyan ng kanyang biyaya at awa sa iba.
No comments:
Post a Comment