"Nagpatuloy si Jesus ng pagsasalita, 'Ang lumalabas mula sa tao ang nagpaparumi sa mata ng Diyos. Sapagkat sa loob - sa puso ng tao - nagmumula ang masasamang isipang nag-uudyok sa kanya na makiapid, magnakaw, pumatay, mangalunya, mag-imbot, at gumawa ng lahat ng kabuktutan, tulad ng pagdaraya, kahalayan, pagkainggit, paninirang puri, kapalaluan, at kahangalan. Ang lahat ng ito'y nanggagaling sa puso ng tao, at siyang nagpaparumi sa kanya. - Marcos 7:20-23 (MBB)
Ang puso ng tao ay isang salamin na kung saan ay ipinapakita nito ang ating katauhan. Ito ay pinatotohanan ni Haring Solomon na "Kung paanong sa tubig ang mukha ay sumasagot sa mukha, gayon din ang puso ng tao" (Kawikaan 27:19 Abriol) . Kung kaya, anuman ang ang nilalaman nito ay nakikita at nadarama sa kilos at pananalita natin at nagpapakilala sa atin at sa ating kapwa kung sino tayo. Ipinapayo rin niya na dapat nating pag-ingatan ang ating puso, sapagkat dito'y bumubugso ang bukal ng buhay (Kawikaan 4:23 Abriol). Hindi lamang ito dahil sa ating kinakain o sa ating uri ng pamumuhay na meron tayo. Kundi sa kung anuman ang ating ninanasa o ang itinitibok nito, ay maaring magdulot sa atin ng katiwasayan o kapahamakan. Sa bawat pagnanais natin na gawin ang isang bagay o gumawa ng aumang desisyon, ito ay magtuturo o magsasabi sa atin kung anong uri ng buhay ang ninanais natin, at ang maaring kasasapitan nito. Kung kaya pinapayuhan niya tayong pag-ingatan ang lahat ng ninanais ng ating puso, sapagkat ang lahat ng tibok nito, ay may bungang idudulot ito sa ating buhay na siyang nakakaapekto sa ating sarili at sa kapwa. mabuti man ito o masama.
Matutunghayan natin sa ating Ebanghelyo ngayong araw na ito na pinayuhan ni Jesus ang mga tao na na ang nagpaparumi sa kanila ay hindi ang panlabas na bagay, kundi ang mga masasamang nasa ng kanilang puso, na siyang nagdudulot ng kasalanan. Ito ay pagpapatuloy ng kanyang pagtuturo matapos niyang sagutin ang mga batikos sa kanya ng mga Pariseo't eskribadahil sa hindi niya pagsunod sa batas at tradisyon na sa tingin nila, ay nagpapakitang malinis at matuwid na sila sa paningin ng Diyos. Ngunit, sa kanilang kalooban ay puno ng dumi sa kanilang puso. Puno ito ng pagkainggit, pagmamataas at paninibugho sa iba na siyang nagpaparumi sa kanilang buhay at nagdudulot pa ng ibang kasalanan na hindi nila namamalayan. Pinaaalalahanan tayo ng Panginoon na hindi lang sa mga bagay na panlabas ang nagpaparumi sa ating pagkatao. Kundi ang ating masasamang nasa ng ating kalooban, na siyang nagpapasama sa ating kalooban, at patuloy na nakakasama sa ating kapwa at nagdudulot ng kapahamakan sa ating buhay.
Nawa'y palagi nating bantayan ang mga ninanais ng ating puso kung ito ba'y magdudulot ng mabuti o masama sa ating sarili at sa ating kapwa. Sapagkat ang bawat tibok nito'y nasasalamin sa atin at sa ating kapwa kung sino tayo at ano ang kahihinatnan ng ating mga ninanais.
No comments:
Post a Comment