Friday, February 4, 2011

Ang Binhi (Sabado, sa ika-3 Linggo sa Karaniwang Panahon, Taon I)

"Samantala, si Jesus ay nakaunan at natutulog sa may hulihan, at siya ay ginising nila na ang wika, 'Guro, wala na bang ano man sa inyo na tayo'y mapahamak? Bumangon siya, at sinaway ang hangin at winika sa dagat, 'Huwag kang maingay! Tumahimik ka.' Biglang humupa ang hangin at naghari ang malaking katahimikan.' Pagkatapos ay sinabi niya sa kanila, 'Bakit kayo matatakutin? Wala ba kayong pananampalataya? ' " - Marcos 4:38-40 (Abriol)

May isang kapatid minsana na nagpost sa kanyang wall sa facebook na nakasaad doon ang isang kasabihan na lahat ng mabuti at magandang bagay ay galing sa Diyos. Ang lahat ng bagay na sanhi ng paghihirap at hapis ay hindi galing sa Kanya. may isang kaibigan niya ang nagtanong doon na kung bakit hinahayaan ng Diyos na makaranas tayo ng mga pagsubok at ipinagpalagay niya na galing ito sa Diyos, na siyang nakuha nito ang aking atiensyon. Naibahagi ko na gustung-gusto ng Diyos na lagi tayong maging masaya, maligaya at masagana sa buhay. Minsan, hinahayaan ng Diyos na mangyari sa atin ang bawat pagsubok na dumarating sa ating buhay, upang sa gayo'y maging matatag tayo at matapang na harapin ito, maging inspirasyon tayo sa iba na kung nakaya natin ito, ay kaya rin nilang mapagtagumpayan ang kanilang pagsubok, at higit sa lahat, ay matuto tayong kumapit sa kanya, na siyang tutulong at magpalakas sa atin upang mapagtagumpayan ito. Madalas, ay lagi tayong nagtatanong sa kanya kung bakit tayo at yung iba ay hinahayaang makaranas ng mabigat na pagsubok. Minsan, sa sobrang bigat, ay hindi natin sinasadyang tanungin siya kung gusto ba niyang makita tayong nahihirapan na tila baga wala siyang pakialam sa atin. Ganito ang tanong ng mga alagad sa ating Ebanghelyo ngayong araw na ito sa ating Panginoon sa gitna ng unos na kanilang naranasan. Dahil tila so gitna ng unos, ay nakuha niyang matulog pa at balewalain ang sitwasyon. nang siya'y ginising ng kanyang mga alagad, ay pinatigil niya ang unos at pumayapa ang dagat. Tinanong niya sila kung bakit sila natakot, gayong kasama nila Siya. Bagay na ipinakita ng ating Panginoon na lagi siyang nasa kanila at di dapat matakot sa bawat hamong dumarating sa kanilang buhay, dahil kaya niyang iligtas sila sa anumang pagsubok na kanilang haharapin. Nawa'y palagi tayong maging matatag sa bawat pagsubok na ating haharapin at huwag panghinaan ng loob. Dahil sa ating pagtitiis at pagharap nito, ay lalasap tayo ng galak dahil sa matagumpay nating hinarap ito at lalo pa tayong magiging matatag sa buhay, dahil nariyan Siya na hindi nagpapabaya sa atin araw-araw.

No comments:

Post a Comment