"Pagkatapos ng mga pangyayaring ito, ang Panginoon ay humirang ng pitumpu't dalawa pa, na kanyang pinauna sa kanya, nang dala-dalawa, sa lahat ng lunsod, at sa pook na kanyang paroroonan. At sinabi niya sa kanila, 'Ang aanihin ay marami, ngunit kakaunti ang mga manggagawa; kaya idalangin ninyo sa Panginoon ng ani na na magpadala ng mga manggagawa sa kanyang ani." - Lucas 10:1-2 (Abriol)
Ang bawat isa sa atin ay binigyan ng misyon ng ating Panginoon upang maipalaganap ang mabuting balita ng kaligtasan sa atin. Upang maisakatuparan ito, ay nararapat lamang na gampanan natin ang ating bahagi, batay sa kaloob niya sa atin, upang maging matagumpay nating maisakatuparan ito. Ang tunay na pakikibahagi sa misyon na ito ay ang sama-samang pagsasakatuparan nito, hindi ng iisa lang ang kumikilos dito. Ito ay maihahalimbawa natin sa walis tingting. Pag iisang pirasong tingting, madaling baliin, pero pag pinagsama-sama, ay mahirap baliin ito. Kahit ng pinakamalakas na tao ay mahihirapan dito. Sapagkat lahat tayo, anuman ang kaloob, antas, o kalagayan ay pag pinagsama-sama ang lahat ng ating kaloob at kakayahan, ay magbubunga ito ng pagpapala, di lamang sa magdadala nito, kundi pati na rin sa makakatanggap nito. Sa ating Ebanghelyo ngayon, ay makikita natin na isinugo niya ang pitumpu't dalawang alagad niya upang ipangaral ang mabuting balita at gumawa ng himala sa lunsod na kanilang pupuntahan. Mapapansin nating sila'y dala-dalawa o magkapareha silang isinugo, dahil ang misyon ay di lamang gawain ito ng iisang tao lang, kundi ay ang pakikibahagi natin sa bawat pagkakataong ibinibigay sa atin ng Diyos upang ipakilala siya. Ipinapakita sa atin ng dalawang santong ginugunita natin ngayon na sina San Timoteo at san Tito na Obispo ng Simbahan. Na kung saan ay pinayuhan sila ni San Pablo na laging gamitin ang kaloob sa kanila ng Diyos sa kanilang pagpapastol sa kawang kanilang pinangangasiwaan. Na kung saan, ito ay nagbunga na siyang tanda ng kanilang tagumpay sa kanilang misyon. Tulad ng pitumpu't dalawa at sina San Timoteo at Tito, ay patuloy nating maibahagi ang kaloob ng Diyos sa ating kapwa na siyang atas niya sa atin. Sapagkat ito'y magbubunga ng paglago ng pananampalataya sa bawat isa na siyang tanda ng tagumpay ng adhikain ng Diyos sa atin.
No comments:
Post a Comment