Monday, February 21, 2011

Walang Pagtatangi (Miyerkules, Sa Ika-7 Linggo Sa karaniwang Panahon)

Sinabi sa kanya ni Juan, "Guro, nakakita po kami ng isang taong nagpapalayas ng mga demonyo sa pamamagitan ng inyong pangalan. Pinagbawalan namin siya dahil hindi natin siya kasamahan." Ngunit sinabi ni Jesus, "Huwag ninyo siyang pagbawalan sapagkat ang taong gumagawa ng himala sa pamamagitan ng pangalan ko ay hindi agad magsasalita ng masama laban sa akin. Sapagkat ang sinumang hindi laban sa atin ay panig sa atin. Tandaan ninyo: ang sinumang magbigay sa inyo ng isang basong tubig dahil sa kayo'y tagasunod ko ay tiyak na tatanggap ng gantimpala." - Marcos 9:38-40 (ABMBB)


Sino ba ang mas mataas ang antas sa paglilingkod? Ang Lay Ministers or ang Lectors? Ito ang naging tanong sa akin ng isa sa mga kakilala ko sa isang parokya na kanyang pinaglilingkuran. kaya nya naitanong ito ay dahil sa may mga naging pagtatalo sa kanilang parokya dahil sa ginagampanan nilang tungkulin at sa kanilang paghuhubog na kanilang natatanggap upang mas lalo pa nilang mapataaas ang kalidad ng kanilang ginagampanang tungkulin. Nasabi ko ang naging isang sharing ng aming parochial vicar na lahat ay pantay-pantay lang ang mga naglilingkod, walang mataas, walang mababa. lahat ay mahalaga. Hindi magiging maayos ang palakad ng simbahan kung walang katuwang sa kaayusan nito. Dahil ang lahat ng ito ay para sa ikaluluwalhati ng Diyos at para makita ang Diyos sa ating mga pagllingkod sa loob at labas ng simbahan. Kung minsan, dahil sa ating pagkatagal-tagal nang paglilingkod, ay mas nabibigyan natin ang ating sariling kapakanan, at hindi na natin nabibigyang halaga ang mga taong naglilingkod din, at mas masakit pa, ay minamata pa at minamalit ang mga gampanin ng iba. Ito ay pagpapakita ng pagtatangi sa ating sarili at paglalagay ng pader na maghihiwalay sa atin at sa iba.

Mababasa natin sa ating Ebanghelyo ngayon ang mga alagad na ikinuwento kay Jesus na may isang di kasama nila na nagpapalayas ng demonyo sa kanyang pangalan, pinagbawalan nila ang taong iyon. Ngunit, sa halip na sumang-ayon si Jesus, ay pinagsabihan niya sila na hindi dapat nila pinagbawalan ang taong iyon, dahil sa hindi naman ginagamit ng taong iyon ang pangalan niya sa kung ano pa man, kundi ay ang hangaring mapalayas ang demonyong sumasapi sa tao. Ipinapakita rito ni Jesus na kung hindi naman sinasalungat ang tanging layunin niya na mabigyang luwalhati ang Diyos at hindi para sa pansariling kalooban, ay handi ito nakakasama, kundi, ito ay tanda ng ating pakikibahagi sa kanyang misyon at ang pagmimithing maging mabuti sa lahat ng taong nangangailangan nito. Ipinapakita rin niya sa kanyang mga alagad na hindi dapat mamayani sa kanilang buhay ang pagtatangi sa ginagawang kabutihan ng iba, dahil iisa lang ang layinin nito at hindi iba sa layunin na kanyang itinataguyod. Kung kaya, sa twing tayo'y gagawa ng anumang mabuti sa ating kapwa, ay may pangakong gantimpalang ilalaan sa atin, dahil sa atas ng paglilingkod sa lahat ng tao, na walang pagtatangi sa taong nangangailangan nito at sa mga taong nais makibahagi sa misyong ibinigay sa atin ng ating Panginoon. 

Nawa'y iwaksi natin sa ating puso ang pagmamataas at pagtatangi sa kapwa nating nakikiiisa sa minsyon ng ating Panginoon, kahit magkakaiba man ang uri at kalagayan na taing kinabibilangan. Dahil ang lahat ng ito ay para sa kanyang kapurihan at kaluwalhatian. 

No comments:

Post a Comment