"Umalis si Jesus at ang kanyang mga alagad at nagpunta sa tabi ng lawa. Sinundan siya ng maraming tao buhat sa Galilea. Marami siyang pinagaling, kaya't pinagdumugan siya ng maysakit upang mahipo man lamang sila." - Marcos 3:7a; 10 (MBB)
Nagkaroon ako ng pagkakataong makapagsimba sa Simbahan sa Landayan, San Pedro Laguna na kung saan ay nakadambana ang mapaghimalang imahen ni Lolo Uweng (ang imahen ng patay na Cristo). Tuwing araw ng Biyernes, ay dagsa at laging puno ng tao ang simbahan. Dahil sa mga patotoo ng marami na sila'y gumaling at mabilis na nasasagot ang kanilang mga dasal, kahit maulan o matindi ang init ng sikat ng araw, ay matiyaga silang pumipila, mahipo man lamang ang kumot ni Lolo Uweng, kasama ng kanilang mga kahilingan, ay umaasang makakamtan nila ang kagalingan at kahilingan na kanilang minimithi. Minsan pa nga, nasabi ng isang pari sa kanyang misa, na mas mahaba ang pila sa imahen kaysa sa pila sa komunyon at halos iilan lang ang pumipila sa kumpisal na siyang tanda ng kanyang tunay na presensya na magdudulot ng kagalingan di lang sa pangangatawan, kundi pati pangkaluluwa. Ito ay isang tanda ng ating malim na pananalig at pag-asa na tayo'y kanyang pagagalingin at ibibigay ang ating mga inaasahan sa buhay. Matutunghayan natin sa ating Ebanghelyo ngayon ang mga taong lumalapit kay Jesus upang humingi ng kagalingan sa kanya. Dahil sa marami ang kanyang pinagaling ay lalo pa siyang dinumog ng mga tao. Sa kanyang pagiging maawain sa lahat, ay siya ang naging pag-asa ng mga taong nagnanais gumaling at lumaya sa masasamang espiritu na hindi kayang pagalingin ng mga mangagamot. Sa bawat pangangailangan, kagalingan at lakas na ating kailangan, wag tayong mag-atubiling lumapit sa ating Panginoon. Sapagkat siya ay maawain at handang magkaloob ng biyaya't kaginhawahang kinakailangan natin.
No comments:
Post a Comment