Friday, February 25, 2011

Magpakita ng Pagiging Magiliw(Sabado, sa Ika-7 Linggo sa Karaniwang Panahon)

May mga taong nagdala ng mga bata kay Jesus upang hilinging ipatong niya sa mga ito ang kanyang kamay, ngunit pinagalitan sila ng mga alagad. Nagalit si Jesus nang makita ito at sinabi sa kanila, "Hayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata, at huwag ninyo silang pagbawalan, sapagkat ang mga katulad nila ang mapapabilang sa kaharian ng Diyos. Tandaan ninyo: ang sinumang hindi kumikilala sa paghahari ng Diyos, tulad sa pagkilala ng isang maliit na bata, ay hinding-hindi paghaharian ng Diyos."  Kinalong ni Jesus ang mga bata, ipinatong ang kanyang mga kamay sa kanila at binasbasan sila.- Marcos 10:13-16 (ABMBB)




Kadalasan, kapag may isang bata na makulit, ay hindi natin maiwasang maasar o mainis sa kanila. Hindi mo minsan mawari kung ano ang gusto at bakit siya mahilig mangulit. Minsan, ay may sakristan akong nakilala na sobrang kinaiinisan, hindi lamang ng kanyang mga kasama, kundi, maging ng aming mga pari at mga nakakatanda sa simbahan. Minsan, ay nasasabi nila sa akin na sobrang kulit niya, sa misa, ang ingay-ingay, sa mga kapwa sakristan, sobrang kulit, lahat, kinaasaran siya. Nung nagsimulang magturo ako sa kanila, ay napansin ko na lagi siyang sumasama sa akin, kahit saan man ako magpunta, ay hindi siya umaalis sa tabi ko. Kapag dumarating ako sa simbahan, ay siya ang unang sumasalubong sa akin, siya agad ang nakakakwentuhan ko. Marami siyang ikinukuwento sa akin. Minsan pa nga, ay ipinapakita niya sa akin ang kanyang mga matataas na marka sa kanyang mga projects at exams. Tuwang-tuwa siya nung masai ko na, "Wow! Ang galing naman! Talino mo pala at magaling mag-drawing! Galingan mo, balang araw, ay magiging magaling kang artist!" Pagkatapos kong masabi ito, ay napaiyak siya. Nagtaka ako kung bakit at itinanong ko sa kanya kung bakit siya umiyak. Nasabi niya na, "Salamat kuya! Kasi, sa wakas, may nakapansin sa talino at kakayahan ko. Kasi walang pumapansin sa akin,  hindi nila nakikita ang magandang katangian na meron ako. Yung kakulitan ko lang ang nakikita nila." Napaiyak ako sa kanyang ibinahagi. Nalulungkot ako sa katulad niya. Kung minsan, ay puro mga hindi maganda ang nakikita natin sa ating kapwa, sa halip na tingnan natin ang mabubuting bagay sa kanila. Kung kaya, ay hirap tayong makita ang mabuting bagay na pwede nating makita sa kanila.

Mababasa natin sa ating Mabuting Balita ngayong araw na ito na may mg taong nais lumapit kay Jesus upang ipatong ang kanyang kamay sa mga ito. Ngunit, pinagalitan sila ng kanyang mga alagad.  Palibhasa bata, ay makulit, at baka maabala pa nila ang Panginoon. Ngunit pinagsabihan sila ni Jesus na huwag nilang kagalitan sila, sapagkat ang mga bata ay kabilang din sa kaharian ng Diyos. Sapagkat noong panahon ni Jesus, ang mga babae at bata ay hindi ganoon kataas sa paningin ng lipunan. Ngunit, ipinakita ni Jesus ang kanyang pagiging magiliw sa kanila, sapagkat ang Diyos ay hindi lamang sa partikular na grupo lamang, kundi ay para siya sa lahat na patuloy na naghahanap sa kanya. At kung paanong ang lahat ay tinatanggap ng Diyos, nararapat lamang na matuto tayong tumanggap  sa lahat, at walang pagtatangi. Dahil, kung hindi tayo marunong tumanggap sa tulad nila, ay hindi rin tayo tatanggapin ng Diyos sa kanyang pilin. Dahil kung anuman ang ginawa mo sa iyong kapwa, ay siya rin ang gagawin sa iyo ng ating Panginoon.

Nawa'y matuto tayong maging magiliw sa lahat ng tao, hindi lamang sa iilan. Sapagkat ang pag-ibig at pagiging magiliw sa atin ng Diyos ay walang pagtatangi, ang lahat ay minamahal niya, anuman ang ating pinagdaanan at katayuan sa buhay.


No comments:

Post a Comment