"Ang hirap namang magbago!"Ito ang nasabi sa akin ng isang kaibigan kong mahilig uminom. Dahil sa kanyang pagiging sugapa sa alak, at hindi kumpleto ang araw niya nang hindi siya nakakainom ng alak, ay dumating sa punto na nasira na niya ang pag-aaral niya at maging ang kanyang relasyon sa kanyang pamilya. Alam niyang mali ang paglalasing, ngunit sa mga panahong niyayaya siya ng kanyang mga barkada sa inuman, ay hindi niya maiwasang tumaggi. Pabiro pa niyang nasabi sa akin na, "Sa twing ako'y nakakakita ng alak, ay parang tinatawag ako at inaakit na uminom, parang nagmamakaawa na uminom ako, kahit isang lagok lang." "Pabiro ko rin namang sinabi na, "Isa lang ang paraan niyan, huwag mong pakinggan at lapitan, at titigil yang pang-aakit niyan sa iyo. Kung makita mo, lingon agad, huwag mong tingnan." Natawa siya rito, pero nabatid niyang may laman ang birong nasabi ko. Para maiwasan natin ang kasalanan, ay dapat putulin muna natin ang ugat ng pagkaksala, upang magkarron ng tunay na pagbabago sa ating sarili at makalaya tayo sa kasalanang umaalipin sa atin.
Mababasa natin sa aing Mabuting balita sa araw na ito ang pagtuturo ni Jesus sa kanyangmga alagad tungkol sa mga sanhi ng pagkakasala at kung paano natin ito maiiwasan. Nasabi niya na mabuti pa sa isang tao na mamatay, kung siya ay nagiging sanhi ng pagkakasala. Hindi literal na pahayag ito ng ating Panginoon na talagang mamatay dapat ang taong naging sanhi ng pagkakasala, kundi mabuti pa sa taong ito na huwag gumawa ng anumang hakbang na ikatitisod ng kanyang kapwa. Dahil parang pinatay na rin niya ang kapwang nasadlak sa kasalanan dahil sa kapahamakang idudulot nito, hindi lang pagkatawan, kundi pati pangkaluluwa. Upang hindi magkasala ang sinuman, ay sinabi niya na kung ang iyong paa, kamay at mata ay dukitin, putulin at itapon. Hindi rin literal ito na dapat gawin, kundi alisin ang mga bagay na nagiging sanhi ng pagkakasala. Bakit ginamit niyang halimbawa ang kamay, paa at mata? Sapagkat ang kamay ay ginagamit upang gumawa ng anumang bagay na naisin natin, mabuti man ito at masama, ang paa, sapagkat ito ay ginagamit nating panlakad kung saan natin ibig pumunta, mabuti man o masama ang ating pupuntahan. Ang mata, ay ginagamit natin upang makita natin ang mga magagandang bagay sa ating paligid na siyang nagpapakit sa ating paningin. Binibigyang diin ni Jesus na alisin natin ang mga bagay na nagdudulot ng kasamaan sa ating kapwa. Sa halip na kabutihan ang idulot, ay kasalanan ang pinapairal, na siyang nagtutulak sa kapwa na maging masama at mapahamak. At tukuyin ang ugat nito na siyang nagtutulak sa atin at sa ating kapwa na gumawa ng mail.
Nawa'y mapagnilayan natin sa ating sarili ang mga bagay na nagiging ugat ng ating pagkakasala na siyang nagdudulot ng kapahamakan sa iba. Sapagkat ang paggawa ng masama at pagbubuyo nito sa ating kapwa ay inilalagay na natin ang ating sarili hindi lamang sa kapahamakan dito sa lipa, kundi sa mas lalo pang matinding kapahamakan, ang kapahamakan ng ating mga kaluluwa.
No comments:
Post a Comment