Tuesday, February 8, 2011

Magbahagi Ka (Sabado, Sa Ika-5 Linggo Sa Karaniwang Panahon, Taon I)

"Makaraan ang ilang araw, muling nagkatipon ang napakaraming tao. Naubos na nila ang kanilang pagkain, Kaya't tinawag ni Jesus ang kanyang mga alagad, at sinabi sa kanila, 'Nahahabag ako sa mga taong ito, sapagkat tatlong araw na ngayong kasama ko sila at wala na silang makain. Kung pauuwiin ko na ng gutom, mahihilo sila sa daan-galing pa naman sa malayong lugar ang ilan sa kanila.' 'Saan tayo kukuha ng tinapay dito sa ilang para magkasya sa ganitong karaming tao?' tugon ng mga alagad. 'Ilan ang tinapay ninyo riyan?' tanong ni Jesus. 'Pito po,' sagot nila. Ang mga tao'y pinaupo ni Jesus sa lupa. Kinuha niya ang pitong tinapay, at nagpasalamat sa Diyos. Pinagpira-piraso niya ang mga iyon at ibinigay sa mga alagad. Mayroon din silang ilang maliliit na isda. Muli siyang nagpasalamat sa Diyos, at iniutos niyang ibigay iyon sa mga tao. Kumain ang lahat at nabusog; at nang tipunin nila ang mga pira-pirasong tinapay na lumabis, nakapuno sila ng pitong bakol na malalaki. At may 4,000 ang kumain. Pinayaon ni Jesus ang mga tao, saka siya sumakay sa bangka, kasama ng kanyang mga alagad, at nagtungo sila sa lupain ng Dalmanuta." - Marcos 8:1-10 (MBB)   

Ang lahat ng ating ibinibigay sa ating kapwa, malaki man ito at maliit, kapag pinagsama-sama, ay malaki ang maitutulong nito sa kanila, at magbubunsod sa kanila na magbahagi rin ng kung anong meron sila, maging ito man ay materyal o kakayahan na meron sila. Sabi nga ni San gregorio ng Nazianzen, isang kilalang teologo at at Obispo ng Simbahan, "Give something, however small, to the one in need. For it is not small to one who has nothing. Neither is it small to God, if we have given what we could." Dahil, kahit gaano pa man ito hamak sa iba, dahil sa kaliitan ng kakyan nating magbigay, ay mahalaga sa paningin ito ng Diyos, dahil hindi lamang sa ating kusang loob na pagkakaloob sa iba, kundi ay kaya ng Diyos na punuan ang kakulangan nito na siyang sasapat para sa lahat. Maihahalintulad natin ito sa isang butil ng harina o ng kanin, bagaman maliit, sa paningin, ngunit, kapag pinagsama-sama, ay makakaya nitong magbigay lakas at sustanya sa ating katawan. 

 Ang isa sa halimbawa nito ay ang proyektong inilunsad ng kanyang kabunian, Gaudencio Cardinal Rosales, D.D. ang Pondo ng Pinoy. na kung saan, ay hinihimok ng Cardinal na mag-impok ng Bente Singko Sentimo ang lahat ng mga Pilipinong Katoliko, at ang malilikom nito, ay gagamitin ng Simbahan para makatulong sa mga pangangailangan. Bagaman sa paningin ng iba, ang Bente Singko sentimo, ay hamak at walang halaga isa iba, ngunit, nang sinimulang makilahok at nagbahagi ang ating mga kapatid na katoliko, ay nagbunga ito ng tagumpay sa lahat ng nangangailangan, tulad ng pagkakaroon ng feeding program sa mahihirap na bata, hindi lamang sa Maynila, maging sa iba't ibang Diyosesis sa ating bansa.

  
Matutunghayan natin sa ating Ebanghelyo ngayong araw na ito ng Sabado ang pagpapakain ni Jesus sa apat na libong tao. Matapos magturo ni Jesus, ay nahabag siya sa mga taong sumusunod sa kanila, dahil sa kanilang kakasunod sa kanila, ay naubos na ang kanilang pagkain. Kung kaya't nianis niyang mabigyan sila ng makakain. Bagaman piton pirasong tinapay at iilang pirasong isda ang dala nila, ay pinarami niya ito at ibinahagi sa lahat. Bagaman kakaunti at simpleng pagkain ang kanilang dala, at ipinamahagi sa mga tao. At tunay na nabusog ang lahat at may ilang lumabis pa. Ipinapakita Niya sa atin, na bagaman simple  lamang ang ating ipinagkaloob, at naroon ang ating tunay na hangaring magbigay, walang maliit sa paningin ng ating Panginoon, at siya ang magpupuno sa kakulangan nito.

Nawa'y patuloy tayong magbigay ng kung anong meron tayo, kahit maliit lamang ito sa paningin ng iba. Sapagkat, kahit maliit, kapag pinagsama-sama, ay magbubunga ito ng tunay na biyaya at pagpapala sa mga nangangailangan nito.

No comments:

Post a Comment