"Nang sumakay na si Jesus sa bangka, nakiusap ang inalihan ng mga demonyo na isama siya, ngunit hindi pumayag si Jesus. Sa halip ay sinabi niya, 'Umuwi ka at sabihin mo sa iyong mga kasambahay ang lahat ng ginawa sa iyo ng Panginoon, at kung paanong nahabag siya sa iyo.' Umalis ang taong iyon at ipinamalita sa Decapolis ang ginawa sa kanya ni Jesus." (Marcos 5:18-20a (MBB)
Kadalasan, ang isa sa dahilan kung bakit tayo naakit sumunod sa ating Panginoon ay dahil sa mga naranasan nating biyaya na ipinagkaloob niya sa atin. Pinupuri natin siya at pinasasalamatan dahil sa kanyang pagkakaloob sa atin ng ating mga kahilingan na siyang tanda ng kanyang pag-ibig at habag sa atin. Dahil sa ating lubos na pagtanaw ng utang na loob sa kanya, lahat ay gagawin natin upang sumunod sa kanyang kalooban. Narito na sasali tayo sa mga organisasyon sa Simbahan, magbibigay ng malaking halaga para mapunuan ang pangangailangan ng parokya o komunidad na kinabibilangan. at paglahok sa lahat ng proyektong nais gawin ng simbahan. Maganda at mainam ito, ngunit ang higit na mas mainan na paraan upang ipakita ang ating pagtanaw ng utang na loob sa kanya ay ang pagpapatotoo sa lahat ng mabuting bagay na idinulot niya sa atin, kahit sa simpleng paraan lang. Kagay ng lalaking matapos lumaya sa masamang espiritu sa ating Mabuting Balita ngayong araw na ito. Nang siya'y makalaya sa, dahil sa pagkabighani at pagtanaw ng utang na loob sa ating Panginoon, ay ninais nitong sumunod sa kanya at maging alagad niya. Ngunit hindi pumayag ang ating Panginoon, at ipinahayag niya na ibahagi sa iba ang kanyang karanasan kung paano niya naramdaman ang habag at pag-ibig ng Diyos sa kanya. Ipinapakita niya sa atin, na sa pamamagitan ng ating patotoo, kahit sa simpleng paraan lang, ay naipapakita natin ang pagsunod sa kanyang halimbawa, ang maging buhay na patotoo sa lahat tungkol sa dakilang habag at pag-ibig ng Diyos, katulad ng kanyang ipinakita. Nawa'y makita palagi sa atin ang pag-ibig at habag ng Diyos sa ating mga pananalita at kilos araw-araw, na siyang nating patotoo sa lahat. Nang sa gayo'y maranasan din nila ito at maging buhay ding patotoo sa iba ng dakilang gawa ng ating butihing Diyos.
No comments:
Post a Comment