Monday, February 14, 2011

Maging Malinis (Martes sa Ika-6 Na Linggo Sa Karaniwang Panahon)

"Nalimutan ng mga alagad na magdala ng tinapay, at iisa lang ang kanilang tinapay sa bangka. 'Kaiingat kayo! Ilagan ninyo ang lebadura ng mga Pariseo at ang Lebadura ni Herodes," babala ni Jesus sa kanila Nag-usap-usap ang mga alagad, 'Wala kasi tayong dalang tinapay kaya sinabi niya iyon.' Aam ito ni Jesus, kaya't tinanong niya sila, 'Bakit ninyo pinag-uusapan na kayo'y walang dalang tinapay? Hindi pa ba kayo nakababatid o nakauunawa? Hindi pa ba ito abot ng inyong isip? Wala ba kayong mata? Wala ba kayong tainga? Nakalimutan na ba ninyo nang pagpira-pirasuhin ko ang limang tinapay para sa 5,000? Ilang bakol ang napuno ninyo sa lumabis na tinapay?' 'Labindalawa po,' tugon nila. 'At nang pagpira-pirasuhin ko ang pitong tinapay para sa 4,000, ilang bakol na malalaki ang napuno ninyo?' tanong niya. 'Pitong Bakol po,' tugon nila. 'At hindi pa rin ninyo nauunawaan? wika niya." - Marcos 8:14-21 (MBB)


 Napakahirap magpakabuti sa mundo ngayon. Sa twing tayo'y gumagawa ng mabuti, hindi natin maiwasan na may mga taong patuloy na nag-iimpluwensya sa atin na sumabay sa takbo ng mundo, kahit na ito'y magbubunga ng masama o magdudulot sa atin ng kapahamakan o kapighatian, dahil ito'y naging kalakaran na ng ating mundo. Naalala ko tuloy nung nag-aaral ako ng aking unang kurso sa kolehiyo. Lahat ng aking mga kabarkadang kaklase ay naninigarilyo, at ako lamang sa grupo ang hindi naninigarilyo. Upang mahikayat nila akong manigarilyo, ay ipinakita sa akin na nakakatulong ito para mabawasan ang tensyon na kanilang nararanasan. Dahil mabilis akong makaramdam ng nerbyos. Narito na nagkwento pa sila isang kakatawang kwento, na kung yung isang kasama namin ay nakidnap, at ang tanging paraan upang matubos siya, ay mangarilyo ako. Nasabi ko na kaya nandudukot ang isang tao, ay may kapalit ito na mahalagang bagay na kanilang kailangan, at ang paninigarilyo ay hindi katulad ng salapi o mahalagang bagay na mapapala ng isang nandudukot. Nasabi ko sa huli na, kung talagang itinuturing ninyo akong kaibigan, ay matuto kayong gumalang sa pasya ng iba. Kung talagang kaibigan ninyo ako, ay nararapat lamang na maging mabuting impluwensya kayo sa iba, sapagkat, anuman ang idulot ninyo sa kanila, mabuti man o masama, ay  tayo ang may kagagawan nito, at itinutulak natin sila na maging mabuti o masama. At mula noon, ay hindi na nila ako napilit na gumawa ng bagay na labag sa prinsipyo ko. 

Madalas ay naiimpluwensyahan tayo ng ating mga naririnig sa ating mga kaibigan, sa media at sa kung ano ang ipinapakilala ng ating lipunan. Kahit na iyo'y labag sa kaloban ng Diyos, ay pikit mata nating tinatanggap ito. At upang maging "in" at hindi tayo palaging maging "out" sa ating grupo, ay tinatanggap na lang natin ito, kahit labag na ito sa ating mga natutunan. At sa bandang huli, ay tayo rin ang nahihirapan dito, dahil sa mga maling paniniwala na natutunan at tinaggap natin sa iba. 

Matutunghayan natin sa ating Mabuting Balita sa araw na ito ang pagtuturo ni Jesus sa kanyang mga alagad tungkol sa lebadura ng mga Pariseo at ni Herodes. Dahil sa iisa lang ang dala nilang tinapay, ay inakala nila na kaya ito nasabi ng ating Panginon ay dail sa kulang pa ito sa kanila at hindi bumili ng pagkaing sasapat sa kanila. Ngunit, pinabulaanan ito ng ating Panginoon. Itinuro niya na maging maingat sila sa mga taong nakapaligid sa kanila na maaring mag-impluwensya sa kanila na maging masama at magtulak sa kanila sa kapalaluan at kapahamakan. Pinapag-ingat niya sila sa mga Pariseo, sapagkat dahil sa kanilang pagiging mapagpaimbabaw, na sa halip na makita ang pag-ibig ng Diyos dahil sa kanilang nalalaman sa mga batas ni Moises, ay nagiging daan ito upang maging angat sila sa iba, na nagtutulak sa kanila upang maging makasarili at magtangi sa iba, tulad ng mga aba. Pinapag-ingat niya sila kay Herodes, na dahil sa pagiging makasarili, at pagiging mapaghangad, ay nagtulak sa kanya sa matinding kahihiyan sa paningin ng lahat ng tao. Ayaw ni Jesus na mangyari ito sa kanila, sapagkat ninanais niya na magdulot sila ng mabuting impluwensya sa lahat ng tao, upang ang sila ay maging daan ng kaligtasan at kapanatagan sa lahat, sa pamamagitan ng  kanilang mga paniniwalang kanilang ibinabahagi. Kung paanong ang tinapay na may lebadura ay nagpapalsa sa tinapay, ay ninanais ni Jesus na piliin natin ang mga mabuting bagay na dapat nating gawin, at iwasan ang mga bagay na magdudulot sa atin ng kapahamakan at ng ating kapwa. Upang sa huli, ay madatnan niya tayong malinis at walang dungis sa pagdating ng panahong ipagsusulit natin ang lahat ng ating mga ginawa sa kanya. 

Nawa'y palagi nating piliin ang mga bagay na magdudulot sa atin ng kabutihan, at layuan ang mga bagay na magdudulot sa atin ng kapahamakan. Upang sa gayo'y hindi lamang nadudulutan natin ang ating sarili ng kaigtasan, kundi maging ang mga taong nakapaligid sa atin na siyang binabahaginan natin ng ating paniniwala.  

No comments:

Post a Comment