"Sinabi pa ni Jesus, 'Itinakda ang Araw ng Pamamahinga para sa kabutihan ng tao; hindi nilikha ang tao para sa Araw ng Pamamahinga. Kaya't maging ang Araw ng Pamamahinga ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng Anak ng Tao.' " - Marcos 2:27-28 (MBB)
Noong ako'y pauwi galing school noong nakaraang araw, ay di ko maiwasang mapakinggan ang usapan ng dalawang estudyante sa High School tungkol sa misa. Nakakalungkot mapakinggan sa itinugon niya sa tanong ng kasama niya kung siya ba ay nagsisimba. Itinugon niya na hindi siya nakakapagsimba dahil sa mga gimmicks, paggawa ng assignments at gawaing bahay. Bagaman minsan ay nakapagsisimba siya, ay ginagawa niya ito bilang isang obligasyon na dapat na tuparin o kapag pinagsasabihan siya ng kanyang magulang na magsimba. Nasabi ko sa aking sarili kung malalaman lang niya ang mga kahulugan at mabuting maidudulot ng misa sa ating mga katoliko, ay mapapahalagahan niya ito ng husto at hahanap-hanapin niya ito. Tulad ng isang pagkain o inumin na hindi ka mabubuhay kung wala ito. Sa ating Ebanghelyo ngayon, ay binatikos si Jesus at ang kanyang mga alagad nung kumain sila ng trigo sa Araw ng Pamamahinga o Sabbath. Bilang sagot ng ating Panginoon, ay inihalimbawa niya si Haring David at ang kanyang mga kasama sa pakikidigma na kumain ng tinapay na handog na tanging pari lamang ang pwedeng kumain nito. Ipinahayag niya na ang Sabbath ay para sa tao at di ang tao para sa Sabbath. Inilagay ng Diyos ito di lamang upang tumigil sa paggawa at magpahinga, kundi ay tumigil tayo sumandali at maglaan ng oras para sa kanya. Para pasalamatan siya sa lahat ng biyaya niya sa atin, para makapagpahinga sa kanyang presensya sa pamamagitan ng pagdulog natin ng ating hinaing at pangangailangan sa kanya, at makakuha ng lakas upang harapin natin ang mga hamong darating sa ating buhay. Sa ating panahon ngayon, ang misa lalo na twing araw ng linggo ay ang ating Sabbath o Araw ng Pamamahinga, na kung saan ay di ito isang simpleng obligasyon lamang, kundi ay paanyaya sa atin ng ating Panginoon na sumaglit, magpahinga sa kanyang presensya, at higit sa lahat ay mapaghugutan natin ng lakas at katatagan sa pamamagitan ng kanyang salita na nagpapalakas sa atin at ang Eukaristiya na siyang kahayagan ng kanyang presensya sa ating piling. Nawa'y maging aral ito sa atin sa twing tayo'y magsisimba, lalo na sa araw ng Linggo. Sapagkat twing tayo'y magsisimba, ay tinutulungan tayong maging malakas at lalong lumalim at yumabong sa ating pananampalataya, sa pamamagitan ng kanyang salita at ng kanyang Presensya sa Eukaristiya.
No comments:
Post a Comment