"Pagkaalis ni Jesus, ay nagtungo siya sa mga hangganan ng Tiro at ng Sidon. Tumuloy siya sa sa isang bahay at ayaw niyang ipaalam na naroon siya, ngunit hindi niya ito nailihim. Ang pagdating niya ay nabalitaan ng isang babaeng may anak na inaalihan ng demonyo. Ito ay lumapit sa kanya at nagpatirapa sa kanyang paanan. Ang babae ay isang Hentil na taga-Sirofenicia. Ipinakiusap nito na palayasin ang demonyo sa kanyang anak na babae. Sinabi sa kanya ni Jesus, 'Hayaan mo munang mabusog ang anak ng sambahayan, sapagkat hindi dapat kunin ang pagkain ng ng mga anak upang itapon sa aso.' Ngunit sumagot ang babae, 'Tunay, Panginoon, ang maliit na aso sa ilalim ng hapag ay kumakain din ng mumong galing sa mga anak.' Winika ni Jesus sa kanya, 'Dahil sa sinabi mong ito, umuwi ka na, umalis na ang demonyo sa iyong anak.' Nang dumating sa bahay ay natagpuan niyang nakahiga ang bata at iniwan na ng demonyo." - Marcos 7:24-30 (Abriol)
Ang isa sa mga ugali na dapat taglayin ng isang tao upang makamit niya ang kanyang inaasam ay ang pagiging matatag sa anumang pagsubok o hamon na kaakibat nito at pagiging panatag sa ating sarili na makukuha natin ang ating ninanais dahil sa talino at galing na mayroon tayo at ipagkakaloob ng Diyos sa atin ito, sapagkat nauunawaan niya ang ating pangangailangan. Kadalasan, ay hindi natin maiiwasan na mabigo tayo sa ating mga inaasahan, tulad ng ating pag-aapply ng trabaho, magkaroon ng magandang kinabukasan ang ating pamilya, at maging maayos ang ating pangkabuhayan. Ang pagiging matatag ay pagpapakita ng ating determinasyon, pagkakaroon ng focus kung paano natin matatamo ito at ang hindi natin pagsuko rito na makuha natin ito. Lahat ng diskarte at pamamaraan ay pag-aaralan, basta makuha lang ito, ay gagawin natin. "Never say die!" Sabi nga nila. At ang kapanatagan, ito ay pagpapakita ng pagiging positibo sa buhay. Sa kabila ng ating kabiguan, ay tinutulungan tayo nitong bumangon muli, at inilalayo tayo sa pagiging negatibo o pagkakroon ng kawalang pag-asa. Dahil alam nating kayang-kaya nating makuha ito at hindi tayo pababayaan ng Diyos na nagkakaloob ng lahat ng ating pangangailangan.
Matutunghayan natin sa ating Ebanghelyo ngayong araw na ito ang isang babaeng Hentil na lumapit sa ating Panginoon upang matulungan siyang palayasin ang demonyong sumasapi sa kanyang anak na babae. Mapapansin nating waring tinatanggihan siya ng ating Panginoon, na siyang taliwas sa kanyang misyon na abutin ang lahat ng tao sa pamamagitan ng paghahatid at pagpapadama ng paghahari ng Diyos sa kanilang buhay. Dahil sa ayaw ng mga Judio na makisalo o may lumalapit sa kanilang Hentil. Dahil para sa kanila, sila'y makasalanan, at hindi kabilang sa bayan ng Diyos. Isinagot ng ating Panginoon na hindi nararapat na ibigay sa mga aso ang pagkain para sa mga tao. Ipinapahiwatig niyang dapat ay mga Judio muna ang makinabang sa mga pagpapala ng Diyos, dahil sila ang kanyang bayan. Ngunit, nakakagulat na isinagot ng babae na kahit ang aso ay kumakain ng mumo ng pagkain na nanggagaling sa tao. Ipinapakita niya rito na kahit sila ay Hentil, ay may karapatan sila rin sa biyaya ng Diyos, dahil sila rin ay anak ng Diyos. Ang kanyang pagiging matatag sa pagharap sa ating Panginoon at ang kanyang kapanatagan na makukuha niya ang kanyang inaasahan, ay napabilib niya ang ating Panginoon, kung kaya natamo niya ang kagalingan ng kanyang anak na babae. Ang katangiang ito ang siyang nararapat taglayin ng bawat isa sa atin, upang patuloy tayong maging matagumpay sa ating mga mithiin sa buhay, at makita natin ang lahat ng pagkakataong dumarating sa atin na isang biyaya galing sa kanya at kinakailangan natin itong pagtalagahan.
Nawa'y makita sa bawat isa sa atin ang katatagan at kapanatagan sa bawat hamon at pagkakataong dumarating sa ating buhay, kagaya ng ipinakita sa atin ng babaeng Hentil. Upang sa gayo'y lalo pa tayong maging matatag at matagumpay sa lahat ng pagkakatong ibinibigay sa atin ng Diyos na siyang magdadala sa atin ng tunay na kasaganaan at tagumpay.
No comments:
Post a Comment